![cover image](https://wikiwandv2-19431.kxcdn.com/_next/image?url=https://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/thumb/b/b3/J.M._Elizalde%252C_Sergio_Osmena%252C_John_W._Hausermann_%2528cropped_to_Pres._Osme%25C3%25B1a%2529.jpg/640px-J.M._Elizalde%252C_Sergio_Osmena%252C_John_W._Hausermann_%2528cropped_to_Pres._Osme%25C3%25B1a%2529.jpg&w=640&q=50)
Sergio Osmeña
Ika-4 Pangulo ng Pilipinas / From Wikipedia, the free encyclopedia
Si Sergio Osmeña Sr. (Setyembre 9, 1878 – Oktubre 19, 1961) ay Pilipinong abogado at politiko na itinatagurian bilang ikaapat na pangulo ng Pilipinas mula 1944 hanggang 1946 at kauna-unahang pangalawang pangulo ng Pilipinas sa pagitan ng 1935 at 1944.
Sergio Osmeña | |
---|---|
![]() | |
![]() ![]() Ika-4 na Pangulo ng Pilipinas | |
Nasa puwesto 1 Agosto 1944 – 28 Mayo 1946 | |
Nakaraang sinundan | Jose P. Laurel |
Sinundan ni | Manuel Roxas |
Ika-1 Pangalawang Pangulo ng Pilipinas | |
Nasa puwesto 15 Nobyembre 1935 – 1 Agosto 1944 | |
Pangulo | Manuel L. Quezon |
Sinundan ni | Elpidio Quirino |
Pansariling detalye | |
Ipinanganak | 9 Setyembre 1878 Lungsod ng Cebu, Cebu |
Namatay | 19 Oktobre 1961(1961-10-19) (edad 83) Lungsod Quezon, Pilipinas |
Partidong pampolitika | Nacionalista |
Asawa | Esperanza Limjap |
Pirma | ![]() |
Isinilang si Osmeña noong 1878 sa Lungsod ng Cebu. Si Osmeña ay nanguna sa mga nagtapos ng primarya sa kanyang paaralan. Nag-aral ng sekundarya sa Seminario ng San Carlos sa Cebu. Nagtungo siya sa Maynila at nag-aral sa San Juan de Letran, kung saan nakilala niya si Manuel L. Quezon. Nang sumiklab ang Himagsikang Pilipino noong 1896, bumalik si Osmeña sa Cebu at ipinadala sa lokal na liderato nito upang maibalita kay Emilio Aguinaldo ang sitwasyon sa probinsya. Noong 1900, naging tagapag-lathala at patnugot siya ng pahayagang El Nuevo Dia. Nagbalik siya sa Maynila para mag-aral ng abogasya sa Unibersidad ng Sto. Tomas. Noong 1903, siya at ang kanyang mga kamag-aral ay pinahintulutan ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas na kumuha ng eksamen sa bar kahit tatlong taon pa lamang ang kanilang natapos. Si Osmeña ay pumangalawa sa naturang eksamen sa bar.
Dalawampu't limang taong gulang siya nang maatasang pansamantalang gobernador at pagkapiskal ng lalawigan ng Cebu. Pagkaraan ng dalawang taon, naging gobernador siya ng lalawigan. Nagbitiw siya sa kanyang katungkulan bilang gobernador nang maitatag ang Asemblea Filipina noong 1907. Tumakbo siya at nanalong kinatawan ng ikalawang distrito ng Cebu. Nahalal siyang ispiker ng asemblea, isang posisyong hinawakan niya ng sumunod na 15 taon. Naging senador siya mula 1923 hanggang 1935. Tinanghal siyang "Senate President Protempore" noong 1923-1933. Naging kasapi rin siya ng Misyong OsRox (Osmeña-Roxas), isa sa mga misyong ipinadala sa Estados Unidos para ikampanya ang Kasarinlan ng Pilipinas. Nahalal siyang pangalawang pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas noong 1935.
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasama niya si Pangulong Manuel L. Quezon na tumungo sa Estados Unidos at doon itinatag ang Pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas kung siya nagsilbing pangalawang pangulo ni Quezon. Namatay si Quezon sa sakit na tuberkulosis noong 1 Agosto 1944 at si Osmeña ang humalili sa kanyang Pangulo. Kasama niya si Heneral Douglas MacArthur at mga puwersang Amerikano gayundin ng Pilipinong Heneral na si Basilio J. Valdes at si heneral Carlos P. Romulo na dumating sa Leyte noong 20 Oktubre 1944. Pagkatapos mapalaya ng mga Amerikano ang Pilipinas mula sa mga Hapones, nagsilbi siya bilang pangulo ng bansa hanggang sa magkaroon ng halalan noong 23 Abril 1946. Kumandidato siya bilang pangulo, ngunit natalo kay Manuel Roxas. Nang matalo kay Roxas, namahinga si Osmeña sa kanyang tahanan sa Cebu. Si Sergio Osmeña ay namatay noong 19 Oktubre 1961.
Makikita siya sa limampung pisong papel na isyu ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Siya ang ama ni dating Senador Sergio Osmeña Jr. at lolo nina Senador Sergio Osmeña III, John Osmeña, dating Gobernador Lito Osmeña ng Cebu at Mayor Tomas Osmeña.