Miami, Florida

From Wikipedia, the free encyclopedia

Miami, Floridamap
Remove ads

Ang Miami ay isang lungsod sa baybayin ng estado ng Florida sa Estados Unidos. Ito ang pangalawang lungsod na may pinakamalaking populasyon sa Florida, na may 442,241 katao ayon sa senso noong 2020.[1] Ang kalakhang pook ng Miami sa Timog Florida ay tinatayang may 6.46 milyong naninirahan, na pumapangalawa sa pinakamalaking kalakhang pook sa timog-silangan at pang-anim na pinakamalaki sa buong Estados Unidos.[2] Ang Miami ang may pangatlong pinakamalaking tanawing-gusali o skyline sa bansa na may higit sa 300 gusaling matataas,[3] 70 sa mga ito ay lampas sa 491 talampakan (150 metro).[4] Ito rin ang kabisera ng Kondadong Miami-Dade.

Agarang impormasyon Bansa, Lokasyon ...

Ang Miami ay isang pangunahing sentro at pinuno sa larangan ng pananalapi, kalakalan, kultura, sining, at pandaigdigang pakikipagkalakalan.[5][6] Ang kalakhang pook ng Miami ang may pinakamalaking ekonomiyang urbano sa Florida, na may kabuuang domestikong produkto na $344.9 bilyon noong 2017.[7] Sa isang pag-aaral ng UBS noong 2018 sa 77 lungsod sa buong mundo, ang Miami ang ikatlong pinakamayamang lungsod sa Estados Unidos at ikatlong pinakamayaman din sa daigdig batay sa kapangyarihang bumili.[8] Ang Miami ay isang lungsod na mayorya ang mga minorya, kung saan 70.2 porsiyento ng populasyon noong 2020 ay kinilala ang sarili bilang Hispaniko at Latino.[9]

Ang Health District (o Distritong Pangkalusugan) ay tahanan ng ilang pangunahing ospital at pasilidad na kaanib sa Universidad ng Miami, kabilang ang Ospital Memoryal ng Jackson, ang pinakamalaking ospital sa bansa na may 1,547 kama,[10] at ang Paaralan ng Medisina ng Miller, ang akademikong sentrong medikal at ospital sa pagtuturo ng Unibersidad ng Miami, pati na rin ang iba pang mga institusyong nakatuon sa pangangalagang pangkalusugan at pananaliksik. Ang PortMiami, ang daungan ng lungsod, ay ang pinakaabalang puerto sa barkong-panturista (cruise port) sa buong mundo, batay sa dami ng pasahero at linya ng barkong-panturista.[11]

Ang kalakhang pook ng Miami ay ang pangalawang pinakabinibisitang lungsod o lugar ng pang-estadistikang kalakhan sa Estados Unidos kasunod ng Lungsod ng New York, na may higit sa apat na milyong bisita noong 2022.[12] Dahil sa matatag na ugnayang pangkalakalan at pangkultura nito sa Latinong Amerika at sa mayoryang populasyong Hispaniko (70%), tinagurian ang Miami bilang "Gateway to Latin America" (Pintuan sa Latinong Amerika) o maging "Capital of Latin America" (Kabisera ng Latinong Amerika).[13][14][15]

Remove ads

Toponimiya

Ang pangalang Miami ay nagmula sa Ilog Miami, na hinango sa Mayaimi, ang makasaysayang pangalan ng Lawa Okeechobee at ng mga katutubong Amerikanong nanirahan sa paligid nito.[16] Minsan ding tinutukoy nang di-pormal ang Miami bilang The 305, Magic City, Gateway to the Americas, Gateway to Latin America, Capital of Latin America,[17] at Vice City.

Heograpiya

Ang Miami at mga kalapit nitong lugar ay matatagpuan sa isang malawak na kapatagan sa pagitan ng Everglades sa kanluran at Look ng Biscayne sa silangan, na umaabot mula sa Lawa ng Okeechobee hanggang sa timog sa Look ng Florida. Ang taas ng lugar ay karaniwang nasa humigit-kumulang 6 talampakan (1.8 metro)[18] sa ibabaw ng dagat sa karamihan ng mga pamayanan, lalo na malapit sa baybayin. Ang pinakamataas na punto ay matatagpuan sa kahabaan ng Tangway ng Bato ng Miami, na nasa ilalim ng karamihan ng silangang bahagi ng kalakhang pook ng Miami. Ang pangunahing bahagi ng Miami ay nasa pampang ng Look ng Biscayne, na may daan-daang likas at artipisyal na mga pulong pangharang, kung saan ang pinakamalaki ay kinabibilangan ng Dalampasigan ng Miami at Dalampasigan ng South. Ang Agos ng Golpo, isang mainit na agos ng karagatan, ay dumadaloy pa-hilaga sa layong 15 milya (24 km) mula sa baybayin, na nagiging dahilan upang manatiling mainit at banayad ang klima ng Miami sa buong taon.

Remove ads

Demograpiya

Ang Miami ang pinakamalaking lungsod sa Timog Florida, pangalawa sa pinakamalaki sa Florida, at sentro ng pinakamalaking kalakhang pook sa estado: ang kalakhang pook ng Miami, na may higit sa 6 milyong naninirahan. Bagama’t ang Miami mismo ay tahanan ng mas kaunti sa isa sa labing-apat (1/14) ng populasyon ng kalakhang pook, ito ay namumukod-tangi kumpara sa mga karatig lungsod, halos doble ang laki kumpara sa kasunod na pinakamalaking lungsod sa kalakhan, ang Hialeah. May humigit-kumulang ang Miami ng isang ikaanim ng populasyon ng sariling kondado, ang Kondado ng Miami-Dade, na pinakamalaki sa estado.

Nagkaroon ng mabilis na paglago ang Miami sa unang kalahati ng ika-dalawampung dantaon. Lumaki ang populasyon nito mula 1,681 noong senso ng 1900 hanggang 249,276 noong senso ng 1950. Dahil dito, naging pinakamalaking lungsod ng Florida ang Miami, na hinawakan ang titulong ito hanggang sa Jacksonville Consolidation, kung saan sinakop ng lungsod ng Jacksonville ang karamihan ng Kondado ng Duval, halos triple ang populasyon nito. Mula noon, nanatili ang Miami bilang pangalawang pinakamalaking lungsod sa Florida.

Sa pangalawang kalahati ng ika-dalawampung dantaon, naranasan ng Miami ang kaunting paghina sa paglago ng populasyon, kung saan bumagal ang pagpapalawak noong dekada 1950 at dekada 1960 bago halos huminto sa susunod na tatlong dekada kasabay ng suburbanisasyon. Lumaki ang Miami ng 34.3% noong dekada 1950 at dekada 1960, na umabot sa 334,859 noong senso ng 1970. Sa susunod na tatlong dekada, tumaas lamang ito ng 8.2%. Noong senso ng 2000, ang populasyon ng Miami ay 362,470.

Noong dekada 2000 at dekada 2010, dahil sa mabilis na konstruksyon ng mga matataas na gusali sa Downtown Miami, Edgewater, at Brickell, muling nagsimulang lumago ang populasyon ng Miami.[19] Tinatayang tinatayang ng American Community Survey (Pampamayang Amerikanong Pagsisiyasat) na ang populasyon sa downtown o sentro ng lungsod, mula sa Brickell hanggang Midtown Miami, ay lumaki ng halos 40% sa pagitan ng 2010 at 2018.[20] Mula 2000 hanggang 2010, lumago ang populasyon ng Miami ng 10.2% at umabot sa 399,457 noong 2010. Sa unang bahagi ng dekads 2010, naabot ng populasyon ng Miami ang 400,000 katao. Noong senso ng 2020, lumaki ito ng karagdagang 10.7%, hanggang 442,241.

Ayon sa National Immigration Forum o Pulong sa Pambansang Imigrasyon, ang nangungunang bansa ng pinagmulan ng mga imigrante sa Miami ay Latinong Amerika (86%): Cuba (741,666), Haiti (213,000), Kolumbya (166,338), Jamaica (144,445); Europa (6.1%): Reyno Unido (23,334), Alemanya (15,611), Italya (14,240); at Asya (5.2%): Indya (23,602), Tsina (21,580) at Pilipinas (15,078).[21]

Remove ads

Mga sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads