Papa Francisco
Ika-266 na Papa ng Simbahang Katoliko (2013-2025) From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Si Papa Francisco na lalong kilala bilang Lolo Kiko (ipinanganak bilang Jorge Mario Bergoglio; 17 Disyembre 1936 – 21 Abril 2025) ay ang pinuno ng Simbahang Katolika at pinuno ng bansang Lungsod ng Vaticano mula 13 Marso 2013 hanggang 21 Abril 2025.[1]
Taál ng Buenos Aires, Arhentina, itinalaga siya bilang paring Katoliko noong 1969. Iniluklok siya bilang Arsobispo ng Buenos Aires noong 1998, at inabituhan bilang kardinal ni Papa Juan Pablo II noong 2001. Nahalál siya bilang Papa noong 13 Marso 2013, matapos magbitíw si Papa Benedicto XVI noong 28 Pebrero ng kaparehong taon. Pinili ni Bergoglio ang ngalang pampapang Francisco, ang kauna-unahang papang gumamit ng naturang pangalan, bilang pagpupugay kay San Francisco ng Asisi. Siya ang kauna-unahang Papa mula sa labas ng Europa simula noong ika-8 dantaon, unang nagmula sa kontinente ng Timog Amerika (at mangyaring sa Timog Hating-globo), at unang papa na hindi taga-Europa matapos ang panahon ni Papa Gregorio III noong taong 741.[2] Siya rin ang unang kardinal na Heswita na naluklok bilang Pontifex Maximus.
Sa kabuuan ng kaniyang buhay bilang isang indibidwal at isang pinunong relihiyoso, nakilala ng madla si Papa Francisco sa kaniyang kababaang-loob, sa kaniyang pagmamalasakit sa mga mahihirap, at sa kaniyang pagnanais na bumuo ng mga pag-uusap bilang paraan upang magkaugnayan ang lahat ng tao mula sa iba't-ibang lahi, paniniwala, at pananampalataya.[3][4][5] Nakilala rin siya sa pagiging payak at di-gaanong maanyo na pamamahala bilang Santo Papa, lalo na noong pinili niyang manirahan sa bahay-pampanauhin ng Domus Sanctae Marthae kaysa sa silid sa Palasyong Apostoliko na siyang ginamit ng mga naunang papa. Bukod pa rito, dahil sa pagiging Heswita at tagasunod ni San Ignacio ng Loyola, kilala rin siya sa pagiging payak sa pananamit, gaya ng pagtanggi niya sa pagsuot ng kinagisnan na kapa ng papa na mozzetta noong siya ay maluklok, pagpili niya ng pilak sa halip na ginto para sa kaniyang singsing, at paggamit niya ng kaniyang krus na ginagamit na niya mula pa noong siya ay kardinal pa lamang.[6][7]
Nanatili ang posisyon ng papa sa doktrinang Katoliko hinggil sa pagpapalaglag, hindi likas na kontrasepsiyon, at homoseksuwalidad. Bagama't nananatili ang posisyon ng katuruan ng Simbahan hinggil sa mga gawaing homoseksuwal, sinabi niyang hindi dapat maliitin ang mga napapabilang sa ikatlong kasarian.[8] Bilang kardinal, tinutulan niya ang pag-iisang-dibdib ng magkatulad na kasarian sa Arhentina.[9] Bukod pa rito, pinananatili niya na siya ay "anak ng Simbahan" hinggil sa pagiging tapat sa mga alituntunin ng Simbahan, kung saan tinukoy niya ang pagpapalaglag bilang "kasuklam-suklam,"[10] at iminungkahing ang mga babae ay pinahahalagahan sa halip na pinapangasiwaan.[11] Kung ibubuod, binigyang-diin ni Francisco na "Kabalintunaang sabihing sinusunod mo si Hesukristo subalit tinatanggihan mo ang Simbahan."[12]
Kaya naman, hinimok niya si Obispo Charles J. Scicluna ng Malta na magsalita laban sa pag-ampon ng mga nagbubuklod na magkatulad ang kasarian (same-sex couples),[13][14] pinanatiling ang mga Katolikong mula sa diborsiyo at muling nagpakasal ay maaring hindi tumanggap ng Eukaristiya, at nagtiwalag[a] ng isang dating paring Katoliko dahil sa mga pananaw nitong lumalapastangan sa Simbahan.[15] Binigyan-diin niyang ang tungkulin ng mga Kristiyano ay ang tulungan ang mga mahihirap at mga nangangailangan, at itinataguyod niya ang mapayapang usapan at mga usapang kabilang ang mga nasa sari-saring pananampalataya o interfaith dialogue.[5][16][17][18][19] Ipinahayag din niyang walang puwang sa Simbahan ang pagpapahintulot sa pang-aabusong seksuwal (sex abuse) sa Simbahan, na nagsabing ang pang-aabusong seksuwal ay "kasingsamá ng pagsasagawa ng Itim na Misa (satanic mass)."[20][21][22]
Pumanaw si Papa Francisco noong 21 Abril 2025 sa edad na 88.[23]
Remove ads
Pagkabata
Si Jorge Mario Bergoglio[24] ay isinilang sa Buenos Aires, isa sa limang anak ng Italyanong emigranteng[25][26] sina Mario José Bergoglio, isang orbrero sa daangbakal, at ng kaniyang asawang si María Sívori, isang maybahay. Noong siya ay binatilyo, si Bergoglio ay tinapyasan ng isang bahagi ng kaniyang baga dulot ng pagsakop.[27] Siya ay nag-aral at nakatanggap ng Antás Masterál sa kímika sa Pamantasan ng Buenos Aires bago niya napágpasyaháng pumasok sa pagkapari.[28] Ayon din sa ibang mga sanggunian, siya ay nakapagtapos mula sa isang páaraláng teknikal bilang mekanikong pangkemikal at sa edad ng 21 ay nagpasyang maging pari.[29]
Remove ads
Pagkapari
Heswita
Pumasok si Bergoglio sa Kapisanan ni Hesus noong 11 Marso 1958 at nag-aral sa pagkapari sa isang seminaryong Heswita sa Villa Devoto. Noong 1960, nakuha niya ang lisensiya sa pilosopiya mula sa Colegio Máximo San José sa San Miguel. Noong 1964 at 1965 nagturo siya ng literatura at sikolohiya sa Colegio de la Imaculada, isang mataas na paaralan sa lalawigan ng Santa Fe, Arhentina. Noong 1966, nagturo siya ng kaparehong kurso sa Colegio del Salvador sa Buenos Aires.[30]
Noong 1967, natapos ni Bergoglio ang kaniyang pag-aaral ng teolohiya at naordena sa pagkapari noong 13 Disyembre 1969 ni Arsobispo Ramón José Castellano. Namasukan siya sa Pakultad ng Pilosopiya at Teolohiya ng San Miguel[31], isang semninaryo sa San Miguel, Buenos Aires. Naabot ni Bergoglio doon ang katayuang novice master at naging propesor ng teolohiya.
Itinaas ng Kapisanan ni Hesus si Bergoglio at siya ay nanungkulan bilang probinsiyal ng Arhentina mula 1973 hanggang 1979.[32] Nilipat siya sa isang doctoral dissertation sa Sankt Georgen sa Alemanya at bumalik sa Arhentina upang manungkulan bilang kumpesor at direktor pang-espiritwal sa Cordoba.[30]
Obispo
Itinalaga si Bergoglio bilang Pangalawang Obispo ng Buenos Aires noong 1992 at inordena noong 27 Hunyo 1992 bilang Titular Bishop ng Auca [33] kasama si Antonio Kardinal Quarracino, Arsobispo ng Buenos Aires, bilang principal consecrator.
Si Bergoglio ang humalili kay Kardinal Quarracino bilang Arsobispo ng Buenos Aires noong 28 Pebrero 1998 at ipinangalang ordinaryo para sa Silangang Katoliko sa Arhentina, na walang sariling prelado.
Kardinal

Sa konsistori noong 21 Pebrero 2001, ginawang kardinal si Arsobispo Bergoglio ni Papa Juan Pablo II, na may titulo bilang kardinal-pari ng San Roberto Bellarmino. Bilang kardinal, itinalaga si Bergoglio sa limang administratibong posisyon sa Kuryang Romano.
Nakilala si Kardinal Bergoglio dahil sa kaniyang pagiging magpakumbaba, pagka-konserbatibo sa doktrina at sa kaniyang prinsipyo sa katarungang panlipunan.[34] Mas pinili niya ang pagkakaroon ng payak na pamumuhay: mas pinili niyang manirahan sa isang maliit na apartment sa halip ng magarang tirahan para sa obispo, at mas pinili niyang sumakay sa mga pampublikong transportasyon kaysa sa isang limousine.[35]
Noong pumanaw si Papa Juan Pablo II noong 2005, isa sa mga napipisil na papabile si Bergoglio.[36] Lumahok siya bilang isang kardinal-tagahalál (cardinal elector) sa kongklabe noong 2005 na siyang nagluklók kay Papa Benedicto XVI. Ayon sa pahayagang La Stampa, gitgitan sila ni Ratzinger sa halalan, hanggang sa humingî siya ng isang madamdaming pakiusap sa mga kardinal na huwag siyang ihalal.[37] Bago nagsimula ang kongklabe ay nakilahok din siya sa libing ni Papa Juan Pablo II at gumanap bilang rehente kasama ang Kolehiyo ng mga Kardinal, at namuno sa Simbahang Romana Katolika noong panahon ng sede vacante.
Bilang isang kardinal, nakilala si Bergoglio bilang isang konserbatibong Katoliko.[38]
Hatî ang opinyon ng mga Arhentino patungkol sa kaniya. Habang ang ilan ay malakas ang suporta kay Bergoglio dahil sa kaniyang payak na pamumuhay, ang iba naman ay masidhi ang pagtutol sa kaniya dahil sa mga isyu patungkol sa kasalang homosekswál at sa kanilang pagkabagabag ukol sa kaniyang kaugnayan sa mapanupil na rehiméng militar noong dekada 1970s.[39]
Remove ads
Kapapahan (2013-2025)
Si Francisco ang unang Papang Heswita. Naging makabuluhan ang kaniyang pagluklok bilang papa dahil sa kung minsan ay maigting ang relasyon ng Kapisanan ni Hesus at ng Banal na Luklukan. Si Francisco rin ang kauna-unahang Papa mula sa Kaamerikahan, maging sa Timog Hating-globo.[42][43] Siya ang ika-11 Papa na hindi nagmula sa Europa, pagkatapos ni Gregorio III na nagmula sa Siria at pumanaw noong 741. Bagamat hindi ipinanganak sa Europa, siya ay may lahing Europeo dahil ang kaniyang ama at mga lolo't lola sa ina ay mula sa hilagang Italya.[44]
Bilang papa, hindi gaanong maanyo ang ugali ni Francisco kaysa sa mga nauna sa kaniya, isang istilo na inilalarawan ng balita na "walang pagarbo." Sa gabi ng kaniyang pagkahalal bilang papa, siya ay sumakay sa isang bus papunta sa kaniyang hotel kasama ang ibang mga kardinal imbis na gamitin ang papal car.[45] Kinabukasan, binista niya si Kardinal Jorge María Mejía sa ospital at nagkipag-usap sa mga maysakit at tauhan.[46]
Bilang karagdagan sa kaniyang pagkataal na Espanyol, nagsasalita siya ng matatas na Italyano (ang opisyal na wika ng Lungsdo ng Vaticano at ang pang-araw-araw na wika ng Banal na Luklukan) at Aleman. Marunong din siya sa Latin (ang opisyal na wika ng Banal na Luklukan),[47] Pranses, Portugues, at Ingles;[48][49][50] nauunawaan din niya ang Piedmontese at ilang Genoese Ligurian.[51]
Si Francisco ang unang papa mula kay Papa Pio X na tumira sa labas ng silid ng papa.[52] Pinili niya na hindi tumira sa opisyal na tirahan ng papa sa Palasyong Apostoliko, kundi sa halip ay nananatili sa Domus Sanctae Marthae sa isang suite kung saan maaari siyang tumanggap ng mga panauhin at magdaos ng mga pagpupulong. Lumilitaw pa rin si Francisco sa bintana ng Palasyong Apostoliko para sa Orasyon tuwing Linggo.
Bilang isang papang Heswita, nilinaw ni Francisco na ang pangunahing gawain ng mga mananampalataya ay hindi ang pagsunod sa mga tuntunin kundi ang pag-unawa kung ano ang tinatawag ng Diyos na gawin nila. Binago niya ang gawi ng klero, umiwas sa tinawag niyang "klerikalismo" (na naninirahan sa katayuan at awtoridad ng pagkasaserdote) at patungo sa isang etika ng paglilingkod (sinabi ni Francisco na dapat magkaroon ng "amoy ng tupa" ang mga pastol ng simbahan, palaging nananatiling malapit sa Bayan ng Diyos).[53]
Paghalal

Nahalal na si Bergoglio bilang papa noong 13 Marso 2013,[54][55] ang ikalawang araw ng kongklabe noong 2013, pagkatapos ay kinuha niya ang ngalang pampapang na Francisco. Nahalal si Francisco sa ikalimang balota. Ang paghayag ng Habemus papam ay inihatid ng cardinal protodeacon na si Jean-Louis Tauran.[56] Kalaunan ay sinabi ni Cardinal Christoph Schönborn na nahalal si Bergoglio kasunod ng dalawang higlikas na palatandaan, isa sa kongklabe—at samakatuwid ay lihim—at isa mula sa mag-asawang Latinong-Amerikano, mga kaibigan ni Schönborn sa Lungsod ng Vaticano, na bumulong sa pangalan ni Bergoglio sa tainga ng elektor; Inilahad ni Schönborn na "kung sinasabi ng mga taong ito na Bergoglio, palatandaan iyon ng Banal na Espiritu".[57]
Sa halip na tanggapin ang pagbati ng kaniyang mga kardinal habang nakaupo sa trono ng papa, tinanggap sila ni Francisco nang nakatayo, na iniulat na isang agarang tanda ng pagbabago ng estilo sa mga pormalidad sa Vaticano.[58] Sa kaniyang unang paglabas bilang pontipise sa balkonahe ng Basilika ni San Pedro, nakasuot siya ng puting sutana, hindi ang pulang mozzetta na may gantsilyo ng ermino na sinuot ng mga nagdaang papa.[58][59][60] Sinuot din niya ang parehong pandibdib na bakal na krus na isinuot niya bilang arsobispo ng Buenos Aires, sa halip na gintong isinuot ng mga nauna sa kaniya.[59]
Remove ads
Pagpanaw
Huling nagpakita sa madla si Francisco noong 20 Abril 2025, Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, sa Plaza ni San Pedro kung saan ibinigay niya ang kaniyang huling talumpati para sa Pasko ng Pagkabuhay.[61] Pumanaw si Francisco sa gulang na 88 noong 21 Abril 2025, Lunes ng Pasko ng Pagkabuhay, sa ganap na 07:35 CEST (UTC+02:00) sa kaniyang tirahan sa Domus Sanctae Marthae.[62] Inihayag ni Kardinal Kevin Farrell ang kaniyang pagpanaw sa isang pagsasahimpapawid ng Vatican Media at sa isang video statement noong 9:47, dalawang oras matapos ang kaniyang pagpanaw.[63][64] Ang sanhi ng kaniyang pagpanaw ay cerebral stroke, na sinundan ng pagbigay ng kaniyang sistemang pandaluyan.[65]
Remove ads
Mga sanggunian
Mga pananda
Mga kawing na panlabas
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads