Tsaa
mainit na inumin na gawa sa tubig at dahon ng tsaa / From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang tsaa ay isang masamyong inumin na inihahanda sa pagbuhos ng mainit o kumukulong tubig sa preserbado o sariwang dahon ng Camellia sinensis, isang laging-lunting palumpong na katutubo sa Silangang Asya na marahil nagmula sa may hanggahan ng timog-kanlurang Tsina at hilagang Myanmar.[3][4][5] Nagagawa rin ang tsaa, ngunit bihira, mula sa mga dahon ng Camellia taliensis.[6][7][8] Kasunod ng purong tubig, ang tsaa ay ang pinakainiinom sa buong mundo.[9] Maraming mga uri ng tsaa; nakakaginhawa, medyo mapait, at matapang ang lasa ng ilan,[10] habang matamis, malanuwes, mabulaklak, o maladamo ang lasa ng iba. Nakakapagpasigla ang tsaa sa mga tao dahil sa nilalaman nitong kapeina.[11]
Uri | Mainit o malamig na inumin |
---|---|
Bansang pinagmulan | Tsina[1] |
Ipinakilala | Unang naitala sa Tsina noong 59 BK, pero marahil umiral ito nang mas maaga[2] |
Pinetsahan ang isang maagang kapani-paniwalang talaan ng pag-inom ng tsaa sa ikatalong siglo PK, sa tekstong medikal na isinulat ni Hua Tuo, isang Tsinong mediko.[12] Pinasikat ito bilang inumin sa libangan noong dinastiyang Tang sa Tsina, at mula noon, kumalat ang pag-iinom ng tsaa sa mga ibang bansa sa Silangang Asya. Ipinakilala ito ng mga pari at mangangalakal na Portuges sa Europa noong ika-16 na siglo.[13] Noong ika-17 siglo, umuso ang pag-iinom ng tsaa sa mga Ingles, na nagsimulang magtanim ng tsaa nang malawakan sa Indiyang Britaniko.