Yunit 731
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Yunit 731, na pinaigsing pantukoy sa Detatsment Manchu 731 at kilala rin bilang Detatsment Kamo at Yunit Ishii ay isang palihim na organisasyon ng Hukbong Imperyal ng Hapon na nagsagawa ng pananaliksik sa mga sandatang biolohikal at kemikal, ng mga nakamamatay na eksperimentasyon sa tao, at nagbuo ng mga sandatang biolohikal noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at Ikalawang Digmaang Tsino-Hapones. Tinatayang 200,000 hanggang 300,000 katao ang pinatay ng yunit. Nakahimpil ito sa Pingfang, distrito ng Harbin, ang noo'y pinakamalaking lungsod sa estadong papet ng mga Hapon na Manchukuo (ngayo'y bahagi na ng hilagang-silangang Tsina). Mayroon din itong ilang sangay na aktibong umiiral sa Tsina at Timog-Silangang Asya.
Yunit 731 | |
---|---|
Lokasyon | Pingfang, Harbin, Heilongjiang, Manchukuo (ngayon ay Tsina) |
Coordinates | 45°36′30″N 126°37′55″E |
Petsa | 1936–1945 |
Uri ng paglusob |
|
Sandata |
|
Namatay | Tinatayang 200,000[1] hanggang 300,000[2]
|
Salarin |
|
May pananagutan ang Yunit 731 sa pinaka-nakaririmarim na mga krimeng pandigma na ginawa ng hukbong sandatahang Hapones. Paulit-ulit itong nagsagawa ng mga eksperimento sa mga tao na inalisan ng pagkatao at tinuring na "troso."[3][4] Ilan sa mga sinagawang eksperimento ay pagturok ng mga mikrobyo, pagsubok ng mga sandatang biolohikal, paghiwa nang buhay (live vivisection), pagkuha ng mga bahagi ng katawan, pagputol ng mga bahagi ng katawan, kontroladong pagpapauhaw, at pagsubok sa mga kombensyonal na sandata.[3][4][5][6] Kasama sa mga biktima ay mga kababaihan, buntis, bata[7], at mga sanggol na isinilang mula sa mga panggagahasang sinagawa ng mga tauhan nito mula sa loob ng nakabakod na ahensya. Mayorya sa mga biktima ay mga Tsino bagaman may signipikanteng minorya ng mga Ruso. Dagdag pa rito, nagmanupaktura ang yunit ng mga sandatang biolohikal na ginamit sa mga lugar sa Tsina na hindi nasakop ng mga pwersang Hapones, tulad ng mga lungsod, bayan, pinagkukunan ng tubig, at sakahan. Sa huling mga sandali ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lahat ng mga nakakulong ay pinatay upang itago ang ebidensya. Walang mga nakaligtas sa mga biktima.
Noong 1932, itinalaga bilang kumander ng Laboratoryo sa Pananaliksik para sa Pagpigil ng Epidemya ng Hukbo si Shirō Ishii (石井四郎, Ishii Shirō), isang siruhano-heneral at hepe-medikal. Nag-organisa si Ishii ng isang lihim na grupo ng mga mananaliksik, ang yunit "Tōgō", para sa eksperimentasyong kemikal at biolohikal sa Manchuria.
Habang dinakip at nilitis sa Khabarovsk ng mga pwersang Sobyet ang mga mananaliksik at tauhan mula sa Yunit 731, ang mga nahuli ng mga Amerikano ay palihim na binigyan ng proteksyon sa pag-uusig kapalit ng mga datos na kanilang nakuha sa kanilang pag-eeksperimento sa mga tao.[8] Pinagtakpan ng Estados Unidos ang mga eksperimentong ito at pinasahod pa ang mga salarin.[9] Noong 28 Agosto 2002, kinalala ng isang korte sa Tokyo na nagsagawa ng pakikidigmang biolohikal ang Hapon sa Tsina at pumatay sa napakaraming tao.[10][11]