Biyolohikal na kasarian
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang biyolohikal na kasarian o seks (Ingles: sex) ay ang katangian na tumutukoy kung ang isang organismong nagpaparami nang sekswal ay gumagawa ng mga gametong lalaki o babae.[1][2] Ang mga organismong lalaki ay gumagawa ng maliliit na gametong nakagagalaw (spermatozoa, tamod o sperm, bulo o pollen), habang ang mga babaeng organismo ay gumagawa ng mga gametong mas malaki at hindi nakagagalaw (ova, madalas tinatawag na itlog o egg cell sa Ingles).[3] Ang mga organismong gumagawa ng parehong uri ng gameto ay tinatawag na mga hermaphrodite.[2][4] Sa pagpaparaming sekswal, ang mga gametong lalaki at babae ay nagsasama upang bumuo ng mga sigoto o zygote, na nagiging mga supling na nagmamana ng mga katangian mula sa bawat magulang.
Ang mga lalaki at babae ng isang species ay maaaring may mga pisikal na pagkakatulad (monomorpismong sekswal o sexual monomorphism) o mga pagkakaiba (dimorpismong sekswal o sexual dimorphism) na sumasalamin sa iba't ibang puwersang pamparami sa kani-kanilang kasarian. Ang pagpili ng katalik at pagpiling sekswal o sexual selection ay maaaring mapabilis ng ebolusyon ng mga pagkakaibang pisikal sa pagitan ng mga kasarian.
Ang mga terminong lalaki at babae ay karaniwang hindi nalalapat sa mga species na walang pagkakaibang sekswal kung saan ang mga indibidwal ay isomorpiko o isomorphic (magkapareho ng itsura o magkamukha) at ang mga gametes ay isogamo o isogamous (hindi matukoy sa laki at hugis), tulad ng berdeng alga na Ulva lactuca. Ang ilang mga uri ng pagkakaiba sa paggamit o functional differences sa pagitan ng mga gameto, tulad ng sa fungi,[5] ay maaaring tukuyin bilang mga uri ng pagtatalik o mating types.[6]
Ang kasarian ng isang buhay na organismo ay tinutukoy ng mga gene nito. Karamihan sa mga mamalya ay may sistemang pampasiya-kasariang XY o XY sex-determination system, kung saan ang mga mamalyang lalaki ay kadalasang nagdadala ng mga kulaylawas o chromosome na X at Y (XY), at ang mga mamalyang babae ay karaniwang nagdadala ng dalawang kromosomang X (XX). Kabilang sa iba pang mga sistemang pampasiya-kasariang kromosomal sa mga hayop ang sistemang ZW sa mga ibon, at ang sistemang X0 sa mga insekto. Kasama sa iba't ibang sistemang pangkapaligiran ang pagpasiya ng kasarian batay sa temperatura sa mga reptilya at mga krustaseo o crustacean.[7]