Juan Bosco
From Wikipedia, the free encyclopedia
Si San Juan Bosco (Italyano: Giovanni Melchiorre Bosco; 16 Agosto 1815[2] – 31 Enero 1888[3][4]), tanyag sa pangalang Don Bosco, ay isang Italyanong paring Katoliko, edukador at manunulat noong ika-19 na dantaon. Habang nagtatrabaho sa Turin sa Italya, kung saan marami ang nagdurusa sa epekto ng industriyalisasyon at urbanisasyon, pinag-ukulan niya ng pansin ang pagbibigay ng edukasyon at mapabuti ang kalagayan ng mga batang kalye, kabataang naliligaw ng landas at iba pang kabataang nasasadlak sa kahirapan. Nagtaguyod siya ng ibat ibang pamamaraan ng pagtuturo na batay sa pagmamahal sa halip na pagpaparusa, isang pamamaraang nakilala bilang Salesian Preventive System.[5] Bilang tagasunod ng espirituwalidad at pilosopiya ni San Francisco de Sales, inilaan ni Don Bosco sa kaniya ang kaniyang mga gawain nang itatag niya ang Salesians of Don Bosco na nakabase sa Turin.[6] Kasama ni Maria Domenica Mazzarello, itinatag niya ang Institute of the Daughters of Mary Help of Christians, isang relihiyosong kongregasyon ng mga madreng may dedikasyon sa pagkalinga at pagtuturo ng mahihirap na kabataang babae.
San Juan Bosco | |
---|---|
Kumpesor, Tagapagtaguyod, "Ama at Guro ng Kabataan" | |
Ipinanganak | 16 Agosto 1815(1815-08-16) Castelnuovo d'Asti, Piedmont, Kaharian ng Sardinia |
Namatay | 31 Enero 1888(1888-01-31) (edad 72) Turin, Kaharian ng Italya |
Benerasyon sa | Simbahang Katolika Romana Komunyong Anglicano |
Beatipikasyon | 2 Hunyo 1929[1], Roma ni Pio XI |
Kanonisasyon | 1 Abril 1934, Roma ni Pio XI |
Pangunahing dambana | Basilica of Our Lady Help of Christians, Turin, Italya |
Kapistahan | Enero 31 |
Patron | baguhang Kristiyano, patnugot, tagapaglathala, batang mag-aarál, kabataan, salamangkero, kabataang naliligaw ng landas |
Sa utos sa kanya ng Mahal na Ina at suporta ng mga nananalig at deboto ni Santa Maria, natapos maipagawa ni San Juan Bosco ang Basilika ni Maria Mapag-ampon ng mga Kristiyano sa Turin taong 1868. Makalipas ang isang taon, kanyang itinatag ang Association of Mary Help of Christians (ADMA) noong 18 Abril 1869. Ang ADMA ay isang Samahang Layko ng mga Sumasampalataya na may pangunahing layunin na ipalaganap ang debosyon kay Hesus sa Santissimo Sakramento at debosyon sa Mahal na Ina sa kanyang titulong, Tulong ng mga Kristiyano.
Noong 1876, itinatag ni Don Bosco ang isang kilusan ng mga laiko, ang Association of Salesian Cooperators, na may katulad na misyong pang-edukasyon para sa mahirap.[7] Noong 1875, nagsimula siyang maglathala ng Salesian Bulletin.[8][9] Nagpapatuloy ang paglathala ng Bulletin hanggang sa ngayon, at inilalathala sa 50 iba't ibang edisyon sa 30 wika.[8]
Nagtatag din si Don Bosco ng ugnayan ng mga organisasyon at mga sentrong magpapatuloy ng kaniyang mga gawain. Kasunod ng kaniyang beatipikasyon noong 1929, kinanonisa siyang santo sa Simbahang Katolika Romana ni Papa Pio XI noong 1934.