Panitikan sa Pilipinas
Panitikan / From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Panitikan ng Pilipinas ay pangunahing tumutukoy sa umiiral, umuunlad, at namamayaning uri at anyo ng katutubòng panitikan. Subalit nakakasáma rin dito ang mga panitikang nilikha at ginawa ng mga Pilipinong nása labas ng sariling bansa, sapagkat inakdaan ang mga ito ng mga Pilipino, o ng may-lahing Pilipino sa malawak na nasasakupan ng paksa. Dahil dito, tinatawag ding Panitikang Pilipino[1] ang Panitikan ng Pilipinas.[2] Sa kasalukuyan, tinatawag din itong Panitikang Filipino[3], sapagkat kinabibilangan ng mga likhang pampanitikang nagmula sa at kinabibilangan ng iba’t ibang wika sa Pilipinas.
Mayaman ang Pilipinas sa sari-saring anyo at hubog ng panitikan na naglalarawan sa kalinangan ng mga Pilipino. Kabilang sa mga ito ang kuwentong-bayan, maikling kuwento o maikling katha, sanaysay, tula, dula, nobela, drama, balagtasan, parabula, bugtong, salawikain, kasabihan, pabula, alamat, tanaga, bulong, awiting-bayan, epiko, pelikula, at mga iskrip na pangradyo, pantelebisyon at pampelikula[3][4][5]
Sa bisà ng Proklamasyon Blg. 968, s. 2015., ang "Buwan ng Panitikan ng Pilipinas" ay ipinagdiriwang tuwing buwan ng Abril. Ang Buwan ng Panitikan ng Pilipinas sa taong 2022 ang ikapitong taon ng Pagdiriwang ng Buwan ng Panitikan na may temang “Muling Pagtuklas sa Karunungang-bayan.”