pagkaing Hapones na gawa sa pinritong baboy From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang tonkatsu (豚カツ, とんかつ or トンカツ, binibigkas na [toŋkatsɯ]; "tsuleta ng baboy") ay isang pagkaing Hapones na binubuo ng binread, pinritong tsuletang baboy. Kalakip dito ang pagbabalot ng mga hiwa ng baboy sa panko (migaha), at pagpiprito ng mga ito sa mantika. Lomo at tagiliran ang dalawang pangunahing hiwa na ginagamit nito. Saligan din ang tonkatsu ng mga ibang ulam katulad ng katsukarē at katsudon.
Lugar | Hapon |
---|---|
Rehiyon o bansa | Silangang Asya |
Pangunahing Sangkap | Tsuleta (lomo o tagiliran ng baboy), panko, mantika |
|
Kombinasyon ang salitang tonkatsu ng salitang Sino-Hapones na ton (豚) na nangangahulugang "baboy", at katsu (カツ), isang pinaikling anyo ng katsuretsu (カツレツ), isang lumang transliterasyon ng salitang cutlet (tsuleta) sa wikang Ingles.[1]
Nagmula ang Tonkatsu sa Hapon noong Panahong Meiji noong dakong huli ng ika-19 na siglo, isang ulam na hango sa mga tsuletang karne ng mga Europeo. Karaniwang gawa sa baka ang Europeong katsuretsu (salitang hiram/gairaigo para sa tsuleta); nilikha ang bersiyong baboy noong 1899 sa isang restawran na naghahain ng mga istilong Europeo na pagkain, na pinangalanang Rengatei sa Tokyo, Hapon.[2][3][4] Isa itong uri ng yōshoku — mga bersiyong Hapones ng lutuing Europeo na nilikha noong dakong huli ng ika-19 na siglo at maagang bahagi ng ika-20 siglo — at tinawag itong katsuretsu o katsu lamang.[5]
Alinman sa lomo (ヒレ hire) or tagiliran (ロース rōsu) ang maaaring gamitin; kadalasan ang karne ay inaasnan, pinapaminta, binabalot sa kaunting harina, sinasawsaw sa binating itlog, at pinapahiran ng panko (migaha) bago iprito.[6]
Pagkatapos, hinihiwa-hiwa ang tonkatsu at inihahain, karaniwan na may kasamang repolyo na ginutay-gutay.[6][7] Kadalasan, nilalagyan din ito ng makapal na kayumangging sarsa na tinatawag na sarsang tonkatsu[6] o kaya sōsu (sarsa), karashi (mustasa), at marahil isang hiwa ng limon. Karaniwang sinasabayan ito ng kanin, sinabawang miso at tsukemono at kinakain gamit ang tsapstiks. Maaari rin itong ihain kasama ng ponzu at ginadgad na daikon sa halip ng sarsang tonkatsu.[8]
Sa Nagoya at mga nakapaligid na lugar, isang espesyalidad ang miso katsu, tonkatsu na sinasabayan ng sarsang hatchō miso.[9]
Maaaring gumawa ng mga baryasyon ng tonkatsu sa pagpapalaman nito ng keso, dahon ng shiso, o iba pang sangkap, at pagkatapos ibalot sa migaha at iprito. Sa mga umiiwas sa kaloriya, pinapalaman minsan ang karne ng konnyaku.[kailangan ng sanggunian]
May mga ilang baryasyon ng tonkatsu na gumagamit ng panghalili sa baboy:
Sa pangkalahatan, furai ang tawag sa mga pagkaing binread at pinrito. Katsu (tsuleta) ang tawag sa mga furai na gawa sa karne ng mga mamal at ibon, kagaya ng baboy, baka, o manok. Kapag ibang sangkap ang ginamit, furai mismo ang tawag nito,[10] katulad ng aji-furai (pinritong horse mackerel) at ebi-furai (pinritong sugpo).
Ang tonkatsu at mga ibang furai ay hindi kailanman tinatawag na tempura. Hindi binebread ang tempura,[11] at hindi iyon itinuturing na klase ng furai.
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Every time you click a link to Wikipedia, Wiktionary or Wikiquote in your browser's search results, it will show the modern Wikiwand interface.
Wikiwand extension is a five stars, simple, with minimum permission required to keep your browsing private, safe and transparent.