Dimsum

mga maliliit na putaheng Tsino na inihahain tuwing almutang From Wikipedia, the free encyclopedia

Remove ads

Tumutukoy ang dimsum (Tsinong tradisyonal: 點心; Tsinong pinapayak: 点心; pinyin: diǎn xīn; Jyutping: dim2 sam1) sa mga maliliit na putaheng Tsino na tradisyonal na kinakain sa mga restoran tuwing almutang.[1][2] Karaniwang nauugnay sa lutuing Kantones ang karamihan sa mga modernong dimsum, bagaman mayroon ding dimsum sa mga ibang lutuing Tsino. Noong ikasampung siglo, nang nagsimulang dumami ang bumabiyahe sa lungsod ng Kanton (Guangzhou) para sa dahilang komersiyal,[3] maraming nagbisita ng mga tsaahan para sa mga maliliit na pagkain na ipinapares sa tsaa na tinatawag na "yum cha" (almutang).[4][3][5] Sa "yum cha", may dalawang magkaugnay na konsepto.[6] Una ang "jat zung loeng gin" (Tsino: 一盅兩件), na literal na isinasalin bilang "isang tasa, dalawang piraso". Tumutukoy ito sa kaugalian ng paghahain sa mga kostumer ng tsaahan ng dalawang piraso ng pinong pagkain, malinamnam o matamis, upang umakma sa kanilang tsaa. Dim sum ang pangalawa, na literal na isinasalin bilang "aligin ang puso", ang terminong pantukoy sa mga maliliit na pagkain na ipinapares sa tsaa.

 

Agarang impormasyon

Unti-unting nagdagdag ang mga may-ari ng tsaahan ng samu't saring meryenda, , na tinawag na dimsum, sa kanilang mga inaalok. Ang pagpapares ng tsaa sa dimsum ay nag-ebolb hanggang na maging ang modernong "yum cha".[3] Mabilis na yumabong ang kulturang dimsum ng mga Kantones sa huling bahagi ng ikalabinsiyam na siglo sa Guangzhou.[7] Noong una, nakabatay ang dimsum sa mga lokal na pagkain ng mga Kantones.[7] Habang patuloy na umuunlad ang dimsum, nagpakilala ang mga kusinero ng mga impluwensiya at tradisyon mula sa mga ibang rehiyon ng Tsina.[7] Napakasari-sari ang mga lasa, tekstura, paraan ng pagluluto, at sangkap ng Kantones na dimsum.[7] Maaaring uriin itong mga dimsum sa mga karaniwang hain, pana-panahong hain, lingguhang espesyal, pambangkete, pampista, katangi-tangi sa tsaahan, at pambiyahe, pati na rin pang-alumsal o pananghalian at panggabihan.[7]

Ayon sa ilang pagtatantiya, hindi bababa sa dalawang libong uri ng dimsum sa buong Tsina, at halos apatnapu hanggang limampung uri ang karaniwang ibinebenta sa labas ng Tsina.[8][9] Mayroong higit sa isang libong putaheng dimsum na nagmula sa Guangdong lamang, at walang bahagi sa Tsina na makakapantay sa bilang na ito. Sa totoo lang, madalas pinagsasama-sama ng mga aklat panluto ng karamihan ng mga kulturang pagkain sa Tsina ng kani-kanilang baryasyon ng dimsum sa mga lokal na meryenda. Subalit hindi ganoon sa Kantones na dimsum, na nagbuo ng sariling sangay ng lutuin.[10][7]

Tipikal na samu't sari ang mga inihahaing putahe sa mga dimsuman, kadalasang umaabot ng dose-dosena.[11][12] Napakahalaga ang tsaa, kasinghalaga ng pagkain mismo.[13][14] Sing-aga ng alas singko ng umaga, naghahain ang maraming restorang Kantones ng dimsum,[15][16] habang karaniwang naghahain ang mga mas tradisyonal na restoran ng dimsum hanggang bandang hapon.[15][17][18] May natatanging paraan ng paghahain ang mga dimsuman kung saan nag-aalok ang mga serbidor ng mga putahe sa mga kostumer mula sa mga karitong iniinit ng singaw.[10][19][20] Karaniwan na ngayon para sa mga restoran na maghain ng dimsum tuwing hapunan at nagbebenta sila ng dimsum na à la carte o panteykawt.[21] Maliban sa tradisyonal na dimsum, gumagawa at naghahanda rin ang ilang kusinero ng mga bagong uri ng dimsum na may elemento ng pusyon.[22][23][24][25] Mayroon ding mga baryasyon na idinisenyo para magandang tingnan sa hatirang pangmadla, tulad ng mg dumpling at bun na ginawang kahawig ng mga hayop.[26][27]

Remove ads

Mga sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads