Efren "Bata" Reyes

From Wikipedia, the free encyclopedia

Efren "Bata" Reyes
Remove ads

Si Efren Manalang Reyes (ipinanganak noong Agosto 26, 1954) ay isang propesyonal na manlalaro ng bilyar mula sa Pilipinas. Sa mahigit 100 internasyonal na titulo na kanyang napanalunan, si Reyes ang kauna-unahang manlalaro na nagwagi ng mga pandaigdigang kampeonato sa dalawang magkaibang disiplina ng bilyar. Kabilang sa kanyang mga tagumpay ay ang apat na beses na pagiging kampeon sa World Eight-ball (Pandaigdigang Kampeonato ng Bolang-walo), pagkapanalo sa WPA World Nine-ball Championship (Pandaigdigang Kampeonato sa Bolang-siyam ng WPA) noong 1999, tatlong beses na kampeon sa U.S. Open (Bukas na Paligsahan sa Estados Unidos), dalawang beses na kampeon sa World Pool League (Pandaigdigang Liga ng Bilyar), apat na beses na kampeon sa All Japan Championship (Pambansang Kampeonato ng Hapon), pitong beses na kampeon sa Asian Nine-ball Tour (Serye ng Paligsahan sa Bolang-siyam sa Asya), at labintatlong beses na kampeon sa Derby City Classic.

Agarang impormasyon Kapanganakan ...

Kinatawan din ni Reyes ang Pilipinas sa World Cup of Pool (Kopang Pangdaigdigan ng Bilyar), kung saan siya at si Francisco Bustamante ay nagkampeon noong 2006 at 2009. Noong 1997, tinalo ni Reyes si Earl Strickland ng Amerika sa unang edisyon ng The Color of Money, at nanalo ng pinakamalaking premyo sa kasaysayan ng isang laban sa bilyar na nagkakahalaga ng US$100,000. Maraming eksperto, tagahanga, at kapwa manlalaro ang itinuturing si Reyes bilang pinakadakilang manlalaro ng bilyar sa lahat ng panahon.

May palayaw siyang "The Magician" dahil sa kanyang kahanga-hangang husay sa mesa ng bilyar, at "Bata", upang siya’y maiba sa isang nakatatandang manlalaro na kapangalan niya. Bukod sa pool, lumahok din si Reyes sa internasyonal na bilyar tulad ng one-cushion (isang-tumbok) at three-cushion (tatlong-tumbok).

Remove ads

Talambuhay

Unang bahagi ng buhay

Ipinanganak si Reyes sa Pampanga, Pilipinas noong Agosto 26, 1954.[1] Lumipat siya sa Maynila sa edad na lima upang manirahan sa kanyang tiyo na may-ari ng isang bulwagan ng bilyar.[2] Nililinis niya ang lugar at doon din siya natutulog sa ibabaw ng mga mesa. Dahil hindi pa siya abot sa mesa ng bilyar, naglalaro siya habang nakatuntong sa mga kahon ng Coca-Cola na kanyang inililipat-lipat.[3]

Mahilig na siyang magsugal mula pagkabata; sa edad na siyam ay nanalo siya sa kanyang unang laban na may pustahan. Noong dekada 1960 at 1970,[4] patuloy siyang lumahok sa mga kumpetisyon ng three-cushion billiards (bilyar na tatlong-tumbok). Nang makilala na siya bilang isang mahusay na manlalaro, napansin siya ng mga promoter at nabigyan ng pagkakataong sumali sa mas malalaking paligsahan.[5]

Karera

Noong 1983, nakalaban ni Reyes si Pepito Dacer sa pinal ng Philippine Rotation Championship (Kampeonatong Rotasyon sa Pilipinas), na isang laban na race-to-39 na ginaganap kada linggo sa loob ng 11 racks. Sa ikapitong linggo, tinalo ni Reyes si Dacer sa iskor na 39–32. Noong dekada 1980, kahit na kilala na siya sa Pilipinas, hindi pa siya kilala sa buong mundo kaya pumunta siya sa Estados Unidos upang mang-hustle. Ayon kay Reyes, kumita siya ng USD$80,000 sa loob lamang ng isang linggo, kaya’t naging alamat siya sa Pilipinas.

Mula noon, nagsimulang manalo si Reyes ng mga paligsahan sa Estados Unidos, Europa, at iba’t ibang bahagi ng Asya. Sa simula ng kanyang internasyonal na karera, gumamit siya ng mga alyas tulad ng “Cesar Morales” upang maitago ang kanyang pagkakakilanlan at makapasok sa mga torneo. Nakilala siya sa buong mundo matapos siyang manalo sa U.S. Open 9-Ball Championship (Bukas na Paligsahan sa Estados Unidos na Bolang-siyam) noong 1994, kung saan tinalo niya si Nick Varner at naging unang hindi Amerikano na nanalo sa naturang torneo.

Remove ads

Mga sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads