Kamatis

espesye ng halaman, Solanum lycopersicum From Wikipedia, the free encyclopedia

Kamatis
Remove ads

Ang kamatis (Solanum lycopersicum) ay ang tawag sa isang uri ng halaman o bunga nito na kulay lunti kung hilaw, subalit nagiging dilaw hanggang pula kung hinog na.[1] Ang bunga nito ay isang nakakaing beri na karaniwang kinakain bilang gulay. Isang miyembro ang kamatis ng pamilyang Solanaceae kasama ng tabako, patatas, at sili. Nagmula ito at nadomestika sa kanlurang Timog Amerika. Ipinakilala ito sa Lumang Mundo ng mga Kastila sa palitang Kolumbiyano noong ika-16 na siglo.

Agarang impormasyon Pag-uuring siyentipiko, Pangalang dalawahan ...
Remove ads

Kasaysayan

Thumb
Solanum lycopersicum var. lycopersicum: ang pinakamatandang natitirang prutas at dahon ng kamatis. Pahina mula sa En Tibi Herbarium, 1558. Naturalis Leiden.

Ang malamang na ligaw na ninuno ng kamatis, ang pulang-bungang Solanum pimpinellifolium, ay katutubo sa kanlurang Timog Amerika, kung saan ito marahil unang nadomestika. Marahil, ang nagresultang domestikadong halaman, na ninuno ng mga modernong baryedad ng kamatis na may malalaking bunga, ay ang kamatis seresa, S. lycopersicum var. cerasiforme.[2][3] Subalit, iminumungkahi ng pagsusuring henomiko na maaaring mas masalimuot pa ang proseso ng domestikasyon. Maaaring umiral na ang S. lycopersicum var. cerasiforme bago ito nadomestika, habang ang mga katangiang inaakalang tipikal ng domestication ay maaaring nabawasan sa baryedad na iyon at pagkatapos ay muling napili (sa isang kaso ng ebolusyong komberhente) sa nilinang na kamatis. Hinuhulaan ng pagsusuri na lumitaw ang var. cerasiforme mga 78,000 na ang nakalilipas, habang lumitaw naman ang nilinang na kamatis mga 7,000 taon ang nakalilipas (5,000 BCE). Dahil may malaking kawalan ng katiyakan, hindi tiyak kung paano maaaring nakilahok ang mga tao sa proseso.[4]

Mesoamerika

Hindi tiyak ang eksaktong petsa ng domestikasyon; pagsapit ng 500 BK, itinatanim na ito sa timog Mehiko at marahil sa iba pang mga lugar.[5]:13 Pinaniniwalaan ng mga Puweblo na ang mga buto ng kamatis ay maaaring magbigay ng kapangyarihan ng panghuhula. Ang malaking, bukul-bukol na baryedad ng kamatis, isang mutasyon mula sa isang mas makinis at mas maliit na prutas, ay nagmula sa Mesoamerika, at maaaring direktang ninuno ng ilang modernong nilinang na kamatis.[5]:15

Nagpalaki ang mga Asteka ng iba't ibang uri ng kamatis; xitomatl ang tawag nila sa mga pulang kamatis, at tomatl naman ang tawag nila sa mga berdeng kamatis (tomatilyo).[6] Iniulat ni Bernardino de Sahagún na nakakita siya ng napakaraming uri ng mga kamatis sa palengke ng mga Asteka sa Tenochtitlán (Lungsod ng Mehiko): "malalaking kamatis, maliliit na kamatis, mga dahon ng kamatis, matatamis na kamatis, malalaking kamatis na mala-ahas, mga kamatis na hugis-utong", at mga kamatis sa lahat ng kulay, mula sa pinakamatingkad na pula hanggang sa pinakamalalim na dilaw.[7] Binanggit ni Sahagún na nagluto ang mga Asteka ng iba't ibang sarsa, ang ilan ay may kamatis na may iba't ibang laki, at inihain ang mga ito sa mga palengke ng lungsod: "mga sarsang pampagkain, maiinit na sarsa; ... na may kamatis, ... sarsa ng malalaking kamatis, sarsa ng mga karaniwang kamatis, ..."[8]

Pamamahagi ng mga Kastila

Thumb
Di-nagtagal pagkatapos ng pananakop ni Hernán Cortés ng mga Asteka, idinala ang kamatis mula Mehiko (nakalarawan ang kanyang pagdating) patungo sa Europa sa palitang Kolumbiyano.[9]

Ang pananakop ng Kastilang konkistador na si Hernán Cortés sa Tenochtitlán noong 1521 ay nagpasimula ng malawakang palitan ng kultura at biyolohiya na tinatawag na palitang Kolumbiyano; tiyak na itinatanim na ang kamatis sa Europa ilang taon matapos ang kaganapang iyon.[9] Lumitaw ang pinakaunang pagtatalakay ng kamatis sa panitikang Europeo sa aklat-erbal ni Pietro Andrea Mattioli noong 1544. Iminungkahi niya na may bagong uri ng talong na dinala sa Italya. Sinabi niya na ang kulay nito ay pula ng dugo o ginto kapag hinog, at maaaring hatiin at kainin tulad ng talong—iyon ay, niluluto at tinitimplahan ng asin, paminta, at mantika. Pagkalipas ng sampung taon, tinawag ni Mattioli sa limbag ang mga prutas na pomi d'oro, o "gintong mansanas" sa limbag.[5]:13

Matapos sakupin ng mga Kastila ang Amerika, ipinamahagi nila ang kamatis sa kanilang mga kolonya sa Karibe. Dinala nila ito sa Pilipinas, kung saan kumalat ito sa Timog-silangang Asya at kalaunan, sa buong Asya.[10] Dinala ng mga Kastila ang kamatis sa Europa, kung saan madali itong tumubo sa klimang Mediteraneo; nagsimula ang paglilinang nito noong d. 1540. Malamang na kinain ito hindi nagtagal matapos itong ipakilala, at tiyak na ginamit bilang pagkain noong unang bahagi ng ika-17 siglo sa Espanya, gaya ng naidokumento sa dulang La octava maravilla ni Lope de Vega noong 1618: "mas maganda kaysa sa ... isang kamatis na nasa kapanahunan".[9]

Remove ads

Botanika

Paglalarawan

Baging ang halamang kamatis, na nagiging dekumbente o may mga sangay na bahagyang gumagapang. Maaari itong lumaki ng hanggang 3 m (9.8 tal), subalit ang mga palumpong na baryedad ay karaniwang hindi lumalampas sa 100 cm (3 tal 3 in). Malalambot na pangmatagalang halaman ang mga ito, ngunit kadalasang itinatanim bilang taunang halaman.[11][12]

Dikot ang halamang kamatis. Tumutubo ito bilang isang serye ng mga sumasangang tangkay, na may usbong sa dulo na siyang patuloy na lumalaki. Kapag huminto na sa pagtubo ang dulo, dahil man sa pagtatabas o pamumulaklak, ang mga pagilid na usbong ang sumasalo at tumutubo bilang mga bago at ganap na gumaganang baging.[13] Karaniwang pubesente ang baging ng kamatis, ibig sabihin ay natatakpan ng maiikling, pinong buhok. Tinutulungan ng mga buhok ang proseso ng pagbabaging, nagiging mga ugat kung saan man ang halaman ay nakakadikit sa lupa at kahalumigmigan, lalo na kung ang koneksyon ng baging sa orihinal nitong ugat ay nasira o naputol.[14][15] Ang mga dahon ay may habang 10–25 cm (4–10 in), may gansal na pinada, na may lima hanggang siyam na maliliit na dahon sa mga pesiyolo, kung saan ang bawat maliit na dahon ay may habang hanggang 8 cm (3 in), na may mga naglalagang gilid; kapwa ang tangkay at dahon ay may makapal na glandular na buhok.[16]

Pilohenya

Tulad ng patatas, ang mga kamatis ay kabilang sa saring Solanum, isang miyembro ng pamilyang Solanaceae. Isa itong sari-saring pamilya ng mga halamang namumulaklak, na madalas ay may lason, at kinabibilangan ng mandragora (Mandragora), belyadona (Atropa), at tabako (Nicotiana), tulad ng ipinapakita sa balangkas ng punong pilohenetiko (hindi ipinapakita ang ibang mga sangay).[17]

Solanaceae

maraming mga bulaklak sa hardin at iba pang mga espesye

Nicotiana (tabako)

Atropa (belyadona)

Mandragora (mandragora)

Capsicum

 (halamang sili)

Solanum

S. lycopersicum (kamatis)

S. tuberosum (patatas)


Remove ads

Mga sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads