Kondisyon ng tao

lahat ng mga karanasan ng pagiging tao From Wikipedia, the free encyclopedia

Kondisyon ng tao
Remove ads

Ang kondisyon ng tao ay ang lahat ng mga katangian at mahahalagang pangyayari na bumubuo sa pangangailangan ng pagkatao, kabilang na ang panganganak, paglaki, emosyon, pangarap, pag-aaway, at mortalidad. Malawak ang saklaw ng paksang ito, at tuloy-tuloy itong pinag-iisipan at sinusuri mula sa iba't ibang perspektibo at pananaw, kabilang na sa larangan ng antropolohiya, biolohiya, kasaysayan, panitikan, pilosopiya, rehiliyon, sikolohiya, at sining.

Thumb
Memento mori — "mamamatay ka rin balang-araw" — madalas magamit sa sining upang ipakita ang hindi matatakasang kamatayan.

Sa panitikan, tumutukoy ang "kondisyon ng tao" sa konteksto ng mga di-tukoy na paksa, tulad ng kahulugan ng buhay o mga problemang moral.[1]

Remove ads

Mga pananaw

Rehiliyon

Ang bawat pangunahing rehiliyon sa mundo ay may mga sari-sariling pananaw tungkol sa kondisyon ng tao. Halimbawa, itinuturo sa Budismo na ang buhay ay isang walang-hanggang siklo ng paghihirap, kamatayan, at muling pagsilang kung saan maaaring makatakas ang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa Walong Marangal na Daan.[2][3] Samantala, naniniwala naman ang maraming Kristiyano na ipinanganak na may kasalanan ang mga tao at masusunog sila sa impiyerno maliban lang kung iligtas sila ni Hesukristo.[4][5]

Pilosopiya

Isinulat ni Plato ang isang maimpluwensyang sinaunang pananaw tungkol sa paksa sa kanyang librong Republika. Dito, ginalugad niya ang tanong na "ano ang katarungan?" at naghinuha na hindi ito usaping pang-indibidwal kundi isa itong usaping panlipunan, na naging dahilan upang mag-isip siya ng isang utopia. Sinabi rin niya na ang bawat kaluluwa ng tao ay may tatlong bahagi: dahilan, espiritu, at gana.[6] Samantala, idineklara naman ni Rene Descartes ang sikat na ngayon na cogito, ergo sum ("nag-iisip ako, kaya ako ako") sa kanyang librong Diskurso sa Paraan noong 1637, dahil naniniwala siya na ang isip ng tao, lalo na ang pagdadahilan, ay ang pangunahing taga-determina ng katotohanan;[7] dahil dito, madalas siya ngayong ituring bilang ang ama ng modernong pilosopiya.[8] May layunin naman ang eksistensyalismo, sa pamumuno ni Jean Paul Sartre, na malaman kung bakit may tao. Inilahad ni Sartre ang kanyang paniniwala sa tratadong pampilosopiya na Pagiging at Kawalan (1943). Ayon sa kanya, walang diyos, kaya walang nakatadhana sa mga tao,[9] na isang aksidente at nagkataon lang na nagkaroon ng mga tao, at walang gamit ang buhay maliban lang sa kung anong binibigay ng kalayaan.[10]

Mga agham

Ang hiyarkiya ng pangangailangan ni Abraham Maslow[11] at ang krisis ng pagkakakilanlan ang ilan sa mga teorya sa sikolohiya na tungkol sa paksang ito. May mga paraan din ito: ang logoterapiya na dinebelop ni Viktor Frankl para madiskubre at makumpirma ng indibidwal ang kabuluhan sa buhay,[12] at ang terapiyang pang-ugaling kognitibo, na unti-unting nagiging isang sikat na panlunas sa depresyon.[13][14]

Samantala, naging isang mahalagang teorya ang biolohikal na teorya ng ebolusyon ni Charles Darwin nang inilathala niya ang kanyang librong Ukol sa Pinagmulan ng mga Espesye noong 1859. Ingat na ingat siya sa pagbanggit sa 'tao' sa librong ito, ngunit binanggit niya ito sa huling kabanata:[15]

Sa malayong hinaharap, nakikita ko ang mga bukas na larangan para sa mga mas mahahalagang pananaliksik. Ibabase ang sikolohiya sa isang bagong pundasyon, yung may kinakailangang pagtamo sa bawat lakas ng kaisipan at kapasidad sa pagtatapos. Ibabato ang liwanag sa pinagmulan ng tao at ang kanyang kasaysayan.[i]

Ito ang nagbigay-daan upang umusbong ang mga paniniwalang tulad ng Darwinismong panlipunan[16] at ebolusyong makadiyos.[17]

Remove ads

Paggamit

Ginamit ni Hannah Arendt ang salita para sa pamagat ng kanyang librong tungkol sa pilosopiyang pampulitika noong 1958.[18] Ito rin ang pamagat ng apat na ipininta ni René Magritte noong dekada 1930s at 1940s,[19] at sa nobela ni André Malraux noong 1933.[20] Samantala, ang salita rin ang nagsilbing pangalan para sa tatlong pelikula ni Masaki Kobayashi noong dekada 1960s, na ibinase naman sa nobela ng kaparehong pangalan ni Junpei Gomikawa noong 1958.[21]

Remove ads

Talababa

  1. Orihinal: In the distant future I see open fields for far more important researches. Psychology will be based on a new foundation, that of the necessary acquirement of each mental power and capacity by graduation. Light will be thrown on the origin of man and his history.

Tingnan din

Sanggunian

Basahin din

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads