Magic Knight Rayearth

From Wikipedia, the free encyclopedia

Remove ads

Ang Magic Knight Rayearth (魔法騎士マジックナイトレイアース, Majikku Naito Reiāsu) ay isang serye ng manga mula sa Hapon na nilikha ng CLAMP. Unang lumabas ito bilang serye sa magasin ng manga na Nakayoshi mula isyu ng Nobyembre 1993 hanggang isyu ng Pebrero 1995, at ang mga kabanata ng Magic Knight Rayearth ay tinipon ng Kodansha sa tatlong nakataling tomo. Nailathala ang mga ito mula Hulyo 1994 hanggang Marso 1995. Ang kasunod na serye ay inilathala rin sa parehong magasin mula isyu ng Marso 1995 hanggang isyu ng Abril 1996, at inilabas ng Kodansha sa tatlong nakataling tomo mula Hulyo 1995 hanggang Abril 1996.

Agarang impormasyon 魔法騎士(マジックナイト)レイアース, Dyanra ...

Ang serye ay sinunsundan ang kuwento sa tatlong mag-aaral na babae sa ikawalong baitang na biglang napunta mula sa makabagong Hapon patungo sa isang mahiwagang mundo, kung saan sila ay inatasang sagipin ang isang prinsesa. Pinagsasama ng Rayearth ang mga elemento ng magical girl at mecha na anime sa pantasyang may paralelo na daigdig. Inangkop ang manga bilang dalawang serye ng anime noong 1994 at isang original video animation (OVA) noong 1997. Isang bagong proyekto ng anime ang inanunsiyo.[4]

Remove ads

Pagpapaunlad

Sa pagdiriwang ng paglilimbag ng mga nobelang Soryuden, na iginuhit ng CLAMP, hiningi ng patnugot na si Hideki Yamaguchi ng Nakayoshi—isang magasin ng shōjo (manga na nakatuon sa mga batang babae), ang grupo na gumawa ng serye para sa magasin. Nais ng punong-patnugot na magkaroon ng kuwentong makakaakit sa mga mambabasang nasa elementarya at mas matanda pa, habang nais naman ng CLAMP na makahikayat ng mas batang tagahanga. Nang walang ibinigay na tiyak na direksiyon mula sa mga patnugot, nagpasiya ang grupo na gumawa ng seryeng pinagsasama ang mga robot, dahil mahilig sila sa mga anime tungkol sa robot; mga role-playing game (RPG), na sumikat noon sa Hapon; at pantasya, upang mabalanse ang tema ng mga robot na inisip nilang maaaring hindi kagiliwan ng kanilang inaasahang mambabasa.[5] Ayon kay Ohkawa, ang tagumpay ng magasin sa magical girl na manga na Sailor Moon (1991–97) ang nagbigay-daan upang maiprisinta nila ang isang serye tungkol sa mga robot sa mga patnugot.[6]

Isang kaibigan ng CLAMP, ang ilustrador na si Takeshi Okazaki, ang lumikha ng bahaging “Rayearth” ng pamagat, samantalang si Ohkawa ang nakaisip ng natitirang bahagi.[5] Sa puntong iyon, natapos na ng CLAMP ang “batayang” ideya ng banghay.[5] Para sa mga pangalan ng mga tauhan, humugot sila mula sa mga pangalan ng kotse, dahil inisip nilang magiging kawili-wili at madaling matandaan ng mga bata, na maaaring mahirapang alalahanin ang mga pangalang nakasulat sa katakana.[5] Nagdulot ng hamon ang pagsama ng dambuhalang mga robot, sapagkat dahil sa laki ng mga ito ay hindi na mailarawan ang mga tauhan at mga robot sa iisang eksena.[5] Sinasadya ring hindi nila inilagay ang kabina ng mga robot upang maipakita ang kanilang mga mukha.[5] Sabik sa magiging wakas ng unang bahagi ng serye, inilarawan ng CLAMP ang mga unang pakikipagsapalaran ng mga pangunahing tauhan sa Cephiro bilang "napakadaling" likhain.[5] Binanggit ni Ohkawa na kung mas matanda o lalaki ang kanilang inaasahang mambabasa, maaaring tinapos na nila ang serye sa konklusyon ng unang bahagi.[5] Gayunman, naging mahirap para sa grupo ang ikalawang bahagi dahil pakiramdam nila ay “naikulong na nila ang sarili sa isang sulok.”[5]

Tulad ng maraming likha ng CLAMP, tinatalakay ng Magic Knight Rayearth ang “tadhana, madilim na kapalaran, at sakripisyo.”[6] Ayon kay Ohkawa, na naniniwalang pinipili ng tao ang sariling kapalaran, ang kapalaran ng sangkatauhan ay bunga ng sariling mga kilos; ang Cephiro ay pinalaking anyo lamang ng Daigdig.[6]

Remove ads

Pagtanggap

Maganda ang naging pagtanggap ng mga mambabasang gumagamit ng Ingles sa Magic Knight Rayearth. Ayon sa Dark Horse Comics, halos 200,000 kopya ng serye ang naibenta sa Estados Unidos.[7] Ang unang tomo ng muling paglilimbag ng Magic Knight Rayearth II ng Tokyopop ay pumuwesto sa ika-44 na ranggo sa talaan ng nangungunang 100 pinakamabentang nobelang grapiko noong Pebrero 2004, na may tinatayang 1,446 kopyang naibenta.[8] Ang unang tomo ng edisyong omnibus ng Dark Horse ay lumabas sa ika-83 puwesto sa talaan ng nangungunang 300 pinakamabentang nobelang grapiko noong Hulyo 2011, na may tinatayang 1,069 kopyang naibenta.[9] Ang ikalawang tomo ay nasa ika-109 na puwesto noong Abril 2012, na may tinatayang 942 kopyang naibenta.[10]

Remove ads

Mga sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads