Pagkontrol ng baha

mga pamamaraan para mabawasan ang mga masasamang epekto ng tubig-baha From Wikipedia, the free encyclopedia

Pagkontrol ng baha
Remove ads

Ang pagkontrol ng baha o pamamahala sa pagbaha ay mga paraan na ginagamit upang mabawasan o maiwasan ang mga masasamang epekto ng pagbaha. Ang pagbaha ay maaaring sanhi ng pinaghalong natural na proseso, tulad ng matinding kondisyon ng panahon sa itaas-agos, at mga pagbabago ng tao sa mga anyong tubig at daloy ng tubig. Ang mga pamamaraan sa pagkontrol ng baha ay maaaring uriin bilang estruktural (tulad ng kontrol sa baha) o di-estruktural. Ang mga pamamaraang estruktural ay tuwirang humahadlang sa daloy ng tubig-baha, samantalang ang mga pamamaraang di-estruktural ay hindi. Ang pagtatayo ng matibay na impraestruktura upang maiwasan ang pagbaha, gaya ng mga pader laban sa baha, ay mabisang paraan ng pamamahala sa pagbaha. Gayunpaman, pinakamainam na gawi sa inhinyeriyang pangtanawin ang higit na umasa sa malambot na imprastruktura at mga likas na sistema, gaya ng mga latian at kapatagan ng baha, sa pagtugon sa pagtaas ng tubig.

Thumb
Isang weir ang itinayo sa Ilog Humber (Ontario) upang maiwasan ang pag-ulit ng malagim na pagbaha.

Maaaring kabilang sa pamamahala sa baha ang pamamahala sa panganib ng pagbaha, na nakatuon sa mga hakbang para mabawasan ang panganib, bulnerabilidad, at pagkakalantad sa mga kalamidad na dulot ng baha, gayundin ang pagbibigay ng pagsusuri sa pamamagitan ng, halimbawa, pagtatasa ng panganib ng pagbaha.[1] Ang pagbawas sa baha ay isang kaugnay ngunit hiwalay na konsepto na naglalarawan ng mas malawak na hanay ng mga diskarte na ipinatutupad upang mabawasan ang panganib ng pagbaha at maaaring maging epekto nito, habang pinapalakas ang katatagan sa harap ng mga kaganapan ng pagbaha.

Dahil ang pagbabago ng klima ay nagbunga ng mas mataas na panganib at mas matinding pagbaha, ang pagkontrol ng baha ay isang mahalagang bahagi ng adaptasyon sa pagbabago ng klima at ng katatagan laban dito.[2][3] Halimbawa, upang maiwasan o mapamahalaan ang pagbaha sa baybayin, kailangang pangasiwaan ng mga kasanayan sa pamamahala sa baybayin ang mga natural na proseso tulad ng pagtaas-baba ng tubig, gayundin ang pagtaas ng lebel ng dagat bunsod ng pagbabago ng klima. Ang pag-iwas at pagbawas sa pagbaha ay maaaring pag-aralan sa tatlong antas: sa antas ng indibidwal na ari-arian, maliliit na komunidad, at buong bayan o lungsod.

Remove ads

Terminolohiya

Ang pamamahala sa baha ay isang malawak na katawagan na tumutukoy sa mga hakbang upang kontrolin o pagaanin ang tubig-baha, kabilang ang mga gawain upang maiwasan ang paglitaw ng pagbaha o upang mabawasan ang mga epekto nito kapag ito ay naganap.[4][5]

Ang mga paraan ng pamamahala sa baha ay maaaring estruktural o di-estruktural:

  • Ang estruktural na pamamahala sa baha (hal., pagkontrol ng baha) ay tumutukoy sa pagbawas ng mga epekto ng pagbaha sa pamamagitan ng mga pisikal na solusyon, gaya ng mga imbakang-tubig, pilapil, pagdadraga, at dibersiyon.
  • Kabilang sa di-estruktural na pamamahala sa baha ang pagpaplano ng paggamit ng lupa, mga sistemang maagang nagbababala, at seguro laban sa pagbaha. Kabilang pa sa mga halimbawa ang: mga ordinansa at kodigo sa sonipikasyon, pagtataya ng pagbaha, pagpapatibay laban sa pagbaha, paglikas at paglilinis ng mga kanal, mga aktibidad sa paglaban sa baha, at paggamot o pamamahala sa mga lupaing nasa itaas-agos upang makontrol ang pinsala nang hindi pisikal na pinipigilan ang daloy ng tubig-baha.[6]
Remove ads

Mga estruktural na pamamaraan

May ilang paraan ng pagkontrol ng baha na isinagawa na mula pa noong unang panahon.[7] Kasama sa mga pamamaraang ito ang pagtatanim ng mga halaman upang sumipsip ng labis na tubig, paglalagay ng terasa sa mga gilid ng burol upang pabagalin ang agos pababa, at pagtatayo ng mga daluyan ng baha (mga artipisyal na tsanel upang ilihis ang tubig-baha).[7] Kasama sa iba pang mga pamamaraan ang pagtatayo ng mga pilapil, lawa, dam, imbakan ng tubig,[7] at mga tubigang panretensiyon upang mag-ipon ng sobrang tubig kapag bumabaha.

Mga dam

Thumb
Pagpapakawala ng tubig-baha sa Dam sa Ilog Xin’an sa panahon ng pagbaha sa Tsina noong 2020

Maraming dam at ang kanilang kaugnay na imbakang-tubig ay idinisenyo, ganap man o bahagya, upang tumulong sa proteksiyon at pagkontrol laban sa baha. Maraming malalaking dam ang may nakalaang kapasidad para sa pagkontrol ng baha, kung saan ang antas ng imbakang-tubig ay dapat panatilihin sa ibaba ng isang tiyak na kataasan bago magsimula ang tag-ulan o panahon ng pagtunaw ng niyebe sa tag-init, upang magbigay ng espasyo para punuin ng tubig-baha. Kabilang sa iba pang kapaki-pakinabang na paggamit ng mga imbakang-tubig na nilikha ng mga dam ang paglikha ng enerhiyang hidroelektriko, konserbasyon ng tubig, at paglilibang.

Remove ads

Mga di-estruktural na pamamaraan

Pagtatasa ng panganib ng baha

May ilang paraang di-estruktural ng pamamahala sa baha na kabilang sa mga estratehiya sa pamamahala ng panganib ng pagbaha. Maaaring kabilang dito ang mga patakarang naglilimita sa pagtatayo ng mga estrukturang urbano sa mga kapatagang binabaha o sa mga lugar na madaling bahain sa pamamagitan ng mga regulasyon sa sonipikasyon ng lupa.[8][9] Nakakatulong ito upang mabawasan ang lawak ng mga hakbang na kinakailangan upang maprotektahan ang mga tao at gusali laban sa mga pagbaha. Gayundin, mahalaga ang mga sistema ng babala sa baha para sa pagbawas ng panganib.[8] Pagkatapos ng mga pagbaha, ang iba pang hakbang gaya ng mga plano sa muling pagtatayo at seguro ay maaaring isama sa mga plano para sa pamamahala ng panganib ng pagbaha.[8] Kinakailangan ang pagkakaiba-iba ng mga estratehiya sa pamamahala ng panganib ng pagbaha upang matiyak na natutugunan ang iba’t ibang sitwasyon at nasusunod ang pinakamahuhusay na kagawian.[10]

Mga sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads