Sarajevo
From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang Sarajevo ( /ˌsærəˈjeɪvoʊ/ SARR-ə-YAY-voh)[a] ay ang kabisera[1] at pinakamalaking lungsod ng Bosnia at Herzegovina, na may populasyong 275,524 sa loob ng mga hangganang administratibo nito.[2][3] Ang Sarajevo Canton, na kinabibilangan ng lungsod ng Sarajevo at mga kalapit na munisipalidad, ay may kabuuang populasyong 413,593.[3] Matatagpuan ito sa mas malawak na lambak ng Sarajevo sa Bosnia, napaliligiran ng kabundukang Alpes Dinariko, at nakahimlay sa kahabaan ng Ilog Miljacka sa puso ng mga Balkan, isang rehiyon sa Timog-silangang Europa.
Ang Sarajevo ang sentrong pampolitika, pampinansyal, panlipunan, at pangkultura ng Bosnia at Herzegovina, at isa ring kilalang sentro ng kultura sa mga Balkan. Malaki ang impluwensiya nito sa larangan ng aliwan, midya, moda, at sining sa rehiyon.[4][5] Dahil sa mahabang kasaysayan nito ng relihiyoso at kultural na pagkakaiba-iba, tinatawag minsan ang Sarajevo na "Jerusalem ng Europa"[6] o "Jerusalem ng mga Balkan".[7] Isa ito sa iilang pangunahing lungsod sa Europa na may moske, simbahan ng Katoliko, simbahan ng Silangang Ortodokso, at sinagoga sa iisang kalapit na pook.[8] Dito rin matatagpuan ang unang institusyong tersiyarya ng dating Yugoslavia, isang Islamikong politekniko na ngayon ay bahagi ng Unibersidad ng Sarajevo.[9][10]
Bagaman may ebidensiya ng paninirahan ng tao sa lugar mula pa noong panahong prehistoriko, ang makabagong lungsod ay umusbong noong ika-15 dantaon bilang isang muog ng mga Otomano nang palawakin ng Imperyong Otomano ang kanilang sakop sa Europa.[11] Nakilala ang Sarajevo sa buong daigdig nang ilang ulit sa kasaysayan. Noong 1914, dito naganap ang pagpaslang kay Arkiduke Franz Ferdinand ng isang lokal na kasapi ng Young Bosnia (o Batang Bosnia) na si Gavrilo Princip, isang pangyayaring nagpasiklab sa Unang Digmaang Pandaigdig. Dahil dito, nagtapos ang pamumuno ng Austro-Unggriya sa Bosnia at nabuo ang multikultural na Kaharian ng Yugoslavia sa rehiyon ng mga Balkan. Pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging kabisera ito ng Komunistang Sosyalistang Republika ng Bosnia at Herzegovina sa loob ng Sosyalistang Pederatibong Republika ng Yugoslavia, na nagbunga ng mabilis na paglago ng populasyon at negosyo, at ng mga pamumuhunan sa imprastruktura at kaunlarang pang-ekonomiya.
Noong 1984, idinaos sa Sarajevo ang Palarong Olimpiko sa Taglamig ng 1984, na nagmarka ng panahon ng kasaganaan para sa lungsod. Subalit, pagsiklab ng mga Digmaang Yugoslav, dumanas ito ng pinakamahabang paglusob sa isang kabisera sa makabagong kasaysayanna tumagal ng 1,425 araw mula Abril 1992 hanggang Pebrero 1996 sa panahon ng Digmaang Bosniyano. Sa kabila ng pinsala, patuloy ang muling pagtatayo matapos ang digmaan, at ngayon ay ang Sarajevo ang pinakamabilis lumago sa Bosnia at Herzegovina.[12] Ayon sa Lonely Planet, itinanghal ang Sarajevo bilang ika-43 pinakamahusay na lungsod sa mundo,[13] at noong Disyembre 2009, inirekomenda itong isa sa sampung pinakamahusay na lungsod na bisitahin sa 2010.[14]
Noong 2011, nominado ang Sarajevo bilang European Capital of Culture (Kabisera ng Kalinangan sa Europa) para sa 2014. Napili rin ito, kasama ang Istočno Sarajevo, upang magdaos ng 2019 European Youth Olympic Winter Festival (Pistang Kabataang Olimpiko sa Taglamig ng Europa).[15][16] Dagdag pa rito, noong Oktubre 2019, itinalaga ng UNESCO ang Sarajevo bilang isang Creative City (Lungsod na Malikhain dahil sa pagtatampok nito sa kultura bilang sentro ng mga estratehiya sa pag-unlad.[17][18] Kabilang din ito sa labingwalong Cities of Film (Mga Lungsod ng pelikula sa buong mundo.[19]
Remove ads
Mga pananda
Mga sangguian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads