uri ng buhay na humahagip ng liwanag para sa lakas nito
Ang mga halaman ay isang malaking pangkat ng mga nilikhang bagay na may buhay. Binubuo ito ng iba't ibang kasapi tulad ng mga puno, baging, damo at lumot. Ang mga luntiang halaman, na tinatawag din na mga metaphyte, ay humahagip ng lakas galing sa liwanag sa pamamagitan ng takbo ng photosynthesis. Ang halaman ay gumagamit ng lakas mula sa liwanag upang bumubuo ng asukal galing sa tubig, at karbono dioksido, na siyang pagkain nito.
Ang mga halamang namumulaklak, na tinatawag ding Angilperma, Angiospermae o Magnoliophyta ay ang nangingibabaw na mga halamang panlupa sa kasalukuyan. Kasama ng mga gymnosperm, binubuo nila ang mga halamang may buto. Kaiba sila mula sa mga gymnosperm dahil ang mga angiosperma ay nagkakaroon ng mga bulaklak, at may nakalakip o nakasarang mga obyul. Ang mga gymnosperm ay nagkakaroon ng hubad na mga buto sa ibabaw ng mga alimusod (balisungsong) o sa mga kayariang bukas.
Ang funggus o halamang-singaw na binabaybay ding halamang singaw, ay isang uri ng organismong nabubuhay na hindi halaman o hayop; hindi rin ito protista, hindi eubakterya, at hindi rin arkebakterya. Dating iniisip ng mga tao na halaman ang mga ito kaya't pinangalanan itong halamang singaw. Tinutunaw ng mga halamang-singaw ang mga patay na materya sa paligid nito para magsilbing pagkain nila. Hindi lunti ang kulay ng mga ito. Hindi sila namumulaklak at wala ring mga dahon. Kabilang dito ang mga kabuti. Sa larangan ng panggagamot, isa itong malaking pangkat ng mga "halaman" na walang materya o bagay na pangkulay ng lunti na kinabibilangan ng mga kabuti, tagulamin, at amag. Sa isang karamdamang dulot ng halamang-singaw, kinakailangang gamitan ng mikroskopyo ang pagsusuri ng halamang-singaw sapagkat napakaliit ng mga ito upang makita ng mga mata.