Coffea canephora

espesye ng halamang kape From Wikipedia, the free encyclopedia

Coffea canephora
Remove ads

Ang Coffea canephora (lalo na ang C. canephora var. robusta, na mas laganap sa pagtatanim kaya't kadalasang tinatawag lamang na Coffea robusta, o karaniwang kapeng robusta) ay isang uri ng halamang kape na nagmula sa gitna at kanlurang bahagi ng sub-Saharyanang Aprika. Isa itong espesye ng halamang namumulaklak sa pamilyang Rubiaceae. Bagama't malawak na kilala bilang Coffea robusta, ang halaman ay siyentipikong kinikilala bilang Coffea canephora, na may dalawang pangunahing uri: robusta at nganda.[2]

Agarang impormasyon Kapeng robusta, Katayuan ng pagpapanatili ...

Kumakatawan ang Coffea robusta ng 40% hanggang 45% ng pandaigdigang produksiyon ng kape, at Coffea arabica ang bumubuo sa karamihan ng natitirang bahagi.[3][4] May ilang pagkakaiba sa komposisyon ng mga butil ng kape mula sa C. arabica at C. robusta.[5][6] Ang mga butil mula sa C. robusta ay may mas mababang asididad, mas matinding kapaitan, at mas makahoy at di-gaanong prutas na lasa kumpara sa mga butil ng C. arabica. Ginagamit ang karamihan nito para sa agarang kape.

Remove ads

Paglalarawan

Thumb
Kumpol-kumpol ng mga bulaklak ng kapeng Robusta

Ang robusta ay isang espesye ng halamang namumulaklak sa pamilyang Rubiaceae. Bagama't malawak na kilala sa katawagang Coffea robusta, ang halaman ay kasalukuyang kinikilala sa agham bilang Coffea canephora, na may dalawang pangunahing uri: C. c. robusta at C. c. nganda.[2] May mababaw na sistema ng ugat ang halaman at tumutubo ito bilang isang matibay na puno o palumpong na umaabot sa mga 10 metro (33 ft) ang taas. Hindi regular ang pamumulaklak nito, at tumatagal ng humigit-kumulang 10-11 buwan bago mahinog ang mga beri, na namumunga ng mga butil na hugis-itlog.

Mas mataas ang ani ng halamang robusta kaysa sa arabika, naglalaman ito ng mas maraming kapeina (2.7% kumpara sa 1.5% ng arabika), [7] at mas kaunti namang asukal (3-7% kumpara sa 6-9% ng arabika).[8] Dahil hindi ito gaanong tinatablan ng mga peste at sakit kumpara sa arabika,[9] mas kaunti ang kinakailangang herbisidyo at pestisidyo.

Remove ads

Katutubong distribusyon

Katutubong tumutubo ang C. canephora sa Kanluran at Gitnang Aprika mula Liberya hanggang Tansanya, at patimog sa Angola. Hindi ito kinilala bilang isang espesye ng Coffea hanggang noong 1897,[10] mahigit isang daang taon matapos makilala ang Coffea arabica.[11][7] Naturalisado rin umano ito sa Borneo, Polinesyang Pranses, Kosta Rika, Nikaragwa, Hamayka at sa mga Antilas Menores.[12] Noong 1927, may natuklasang hibrido ng robusta at arabika sa Timor. Kalaunan, ginamit ang lahing ito sa pagpaparami ng mga halaman na lumalaban sa kalawang ng kape.[13]

Remove ads

Paglinang at paggamit

Ang robusta ay may pinagmulan sa gitna at kanlurang bahagi ng sub-Saharyanong Aprika.[2] Madali itong alagaan, mas mataas ang ani, halos doble ang taglay nitong kapeina at mas marami rin itong antioksidante,[14] at hindi gaanong madaling kapitan ng sakit kumpara sa arabika. Kumakatawan ito sa 43% ng pandaigdigang produksiyon ng kape, kung saan bumubuo ang arabika sa natitira, maliban sa 1.5% na kinakatawan ng Coffea liberica.[15]

Kadalasang itinatanim ito sa Biyetnam, kung saan ipinakilala ito ng mga kolonistang Pranses noong huling bahagi ng ika-19 na siglo. Gayunman, itinatanim din ito sa Indiya, Aprika, at sa Brasil, kung saan malawak na nililinang ang uring conilon.[16] Ang Biyetnam, na pangunahing nagtatanim ng robusta, ay naging pinakamalaking tagaluwas ng kapeng robusta sa buong mundo, na bumubuo sa higit sa 40% ng kabuuang produksiyon.[15] Nahigitan nito ang Brasil (25% ng pandaigdigang produksiyon), Indonesya (13%), Indiya (5%), at Uganda (5%).[15] Pinakamalaking prodyuser pa rin ng kape sa buong mundo ang Brasil, na gumagawa ng halos isang-katlo ng pandaigdigang produksiyon ng kape, ngunit 69% nito ay C. arabica.[15]

Dahil mas madaling alagaan ang robusta at mas marami ang ani kumpara sa C. arabica, mas mura itong iprodyus.[17] Ang binusang butil ng robusta ay gumagawa ng matapang at buong-katawang kape na may natatanging malupang lasa, ngunit karaniwang mas mapait kaysa sa arabika dahil sa nilalaman nitong pirasina.[18][19]

Galeriya

Tingnan din

Mga sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads