Kape
inuming gawa sa sinangag na butil ng kape From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang kape ay isang inumin na hinahanda mula sa mga nilutong at giniling na mga butil ng halamang kape. Kulay-dilim, mapait, at medyo maasido, may nakapagpapasiglang epekto ito sa tao, pangunahin dahil sa taglay nitong kapeyna. Subalit mayroon ding dekapeynadong kape na mabibili rin sa merkado. Mayroon ding iba't ibang alternatibo sa kape. Karaniwang inihahain ito nang mainit, at ito ang pinakamalaking benta sa pandaigdigang merkado ng mga maiinit na inumin.[4]

Nagsisimula ang produksiyon ng kape kapag hinihiwa ang mga seresa (ang bunga ng halamang kape) at inaalis ang mga butil nito upang makuha ang hilaw at berdeng butil ng kape. Sinasangag ang mga butil, at ginigiling nang pino. Tinitimpla ang kape mula sa giniling na sinangag na butil, na karaniwang ibinababad muna sa mainit na tubig bago salain. Karaniwang inihahain ito nang mainit, ngunit uso rin ang malamig o kape sa yelo. Maaaring ihain at ipresenta ang kape sa samu't saring paraan (hal. espresso, kapeterang Pranses, caffè latte, o nilagang kape sa lata). Kadalasang dinaragdagan ito ng asukal, pampalit sa asukal, gatas, at krema upang mapawi ang pait o pagandahin ang lasa.
Bagaman isa na ngayong pandaigdigang kalakal ang kape, may mahabang kasaysayan ito na malapit na kaugnay ng mga tradisyon sa pagkain sa paligid ng Dagat Pula. Ang pinakaunang mapagkakatiwalaang ebidensya ng pag-inom ng kape sa makabagong anyo ay lumitaw sa Yemen sa timog Arabia noong kalagitnaan ng ika-15 siglo, sa mga dambanang Sufi, kung saan unang sinangag at nilaga ang mga butil ng kape sa paraang kahalintulad ng sa ngayon.[5] Nakukuha ng mga Yemeni ang mga butil mula sa Kabundukang Etiyopiyano sa pamamagitan ng mga Somali sa baybayin, at itinatanim ito sa Yemen. Pagsapit ng ika-16 na siglo, kumalat ang inumin sa iba pang bahagi ng Gitnang Silangan at Hilagang Aprika, bago tuluyang lumaganap sa Europa.
Ang dalawang pinakakaraniwang itinatanim na uri ng halamang kape ay ang C. arabica at C. robusta.[6] Nililinang ang mga halamang kape sa mahigit 70 bansa, partikular sa mga rehiyong malapit sa ekwador gaya ng Kaamerikahan, Timog-silangang Asya, subkontinenteng Indiyo, at Aprika. Kinakalakal ang berdeng, di-pa-sinangag na kape bilang produktong agrikultural. Umabot sa $495.50 bilyon ang halaga ng pandaigdigang industriya ng kape noong 2023.[7] Sa parehong taon, Brasil ang nanguna sa produksiyon ng kape, na bumuo ng 31% kabuuang ani ng mundo, sinundan ng Biyetnam at Kolombiya. Bagaman umaabot sa bilyun-bilyong dolyar ang benta ng kape taon-taon sa buong mundo, nananatiling naghihikahos ang karamihan sa mga nagtatanim ng kape. Binatikos din ng mga kritiko ang negatibong epekto ng industriya sa kalikasan, kabilang ang pagkalbo ng kagubatan at labis na paggamit ng tubig para sa mga taniman ng kape.
Remove ads
Etimolohiya
Hango ang salitang kape sa café ng wikang Kastila,[8] na nagmula sa caffe ng wikang Italyano, na mula sa kahve (قهوه) ng wikang Turko, na hango naman sa qahwah (قَهْوَة) ng wikang Arabe.[9] Ayon sa mga leksikograpong Arabe noong Gitnang Panahon, ang qahwah ay orihinal na tumutukoy sa "alak" o "bino", dahil sa madilim nitong kulay, at iniuugnay sa pandiwang qahiya (قَهِيَ), na nangangahulugang "mawalan ng gana".[10] Pinaniniwalaang ang ibig sabihin ng qahwah ay "ang maitim," na tumutukoy mismo sa mismong inumin o sa pinagmulan nitong butil; hindi qahwah ang tawag sa butil ng kape sa Arabe, kundi bunn, habang būn naman sa mga wikang Kusyita. Matatagpuan din sa mga wikang Semitiko ang ugat na qhh, na nangangahulugang "madilim na kulay", kaya't naging likas na katawagan ito para sa inumin. Kabilang sa mga kognado nito ang Ebreong qehe(h) ("mapurol") at Arameong qahey ("'magdulot ng mapaklang lasa").[10] Bagaman inuugnay ito ng mga etimolohista sa salitang nangangahulugang "alak", pinaniniwalaan din ng ilan na maaaring nagmula ito sa rehiyon ng Kaffa sa Etiyopiya.[11]
Remove ads
Kasaysayan
Mga maalamat na salaysay
Maraming mga anekdotal na kuwento tungkol sa pinagmulan ng kape na walang ebidensya. Sa isang karaniwang alamat na ikinekuwento palagi, unang naobserbahan ni Kaldi, isang Etiyopiyanong pastol ng kambing noong ika-9 na siglo, ang halamang kape matapos makita ang kanyang kawan na pinasigla sa pangunguya sa halaman.[5] Hindi lumitaw itong alamat bago ang 1671, unang ikinuwento ni Antoine Faustus Nairon, isang Maronitang propesor ng mga wikang Oryental at awtor ng isa sa mga unang nalimbag na tratado na nakalaan sa kape, De Saluberrima potione Cahue seu Cafe nuncupata Discurscus (Roma, 1671), na nagpapahiwatig sa malamang na isang apokripa ang kuwento.[12][13][5] Inuukol naman ng isa pang alamat ang pagtuklas ng kape kay isang Sheikh Omar. Nagugutom matapos ipinatapon mula sa Mokha, nakahanap si Omar ng mga beri. Pagkatapos niyang subukan na nguyain at ibusa, pinakuluan ang mga ito ni Omar, na nagbunga ng likido na nagpasigla at nagpasustento sa kanya.[14]
Pagkalat sa kasaysayan
Lumitaw ang pinakaunang kapani-paniwalang ebidensya ng pag-iinom ng kape o kaalaman tungkol sa punong kape noong kalagitnaan ng ika-15 siglo sa mga salaysay ni Ahmed al-Ghaffar sa Yemen,[5] kung saan unang ibinusa at ibinru ang mga butil ng kape sa paraang magkahawig sa paraan kung paano ito inihahanda ngayon. Ipinanggising ang kape ng mga Sufi para manatiling gising sa mga kanilang ritwal sa relihiyon.[15] Nag-iiba ang mga salaysay sa pinagmulan ng halamang kape bago ito lumitaw sa Yemen. Mula Etiyopiya, maaaring ipinakilala ang kape sa Yemen sa pagkakalakal nito sa may Dagat Pula.[16] Inukol ng isang salaysay si Muhammad Ibn Sa'd sa paghahatid ng inumin sa Aden mula sa mga baybayin ng Aprika,[17] sinasabi naman ng mga ibang paunang salaysay ni si Ali ben Omar ng ordeng Shadhili ng mga Sufi ang unang nagpakilala ng kape sa Arabya.[17][18]
Itinala ni Ibn Hajar al-Haytami, isang iskolar ng Islam noong ika-16 na siglo, sa kanyang mga sulat na may nabuong inumin na tinawag na qahwa na inihanda mula sa isang puno sa rehiyong Zeila sa Sungay ng Aprika.[15] Iniluwas ang kape mula Etiyopiya pa-Yemen ng mga Somaling mangangalakal mula sa Berbera at Zeila sa Somaliland ng modernong panahon, na nakuha mula sa Harar at mula sa interyor ng Abisinya. Ayon kay Kapitan Haines, na naging kolonyal na administrador ng Aden (1839–1854), nag-angkat dati ang Mokha ng hanggang dalawang katlo ng kanilang kape mula sa mga mangangalakal mula sa Berbera bago ang kalakalan ng kape ng Mokha ay sinakop ng Aden na kontrolado ng mga Britano noong ika-19 na siglo. Pagkatapos noon, iniluwas karamihan ng kapeng Etiyopiyano patungo sa Aden sa pamamagitan ng Berbera.[19]

Pagsapit ng ika-16 na siglo, dumating ang kape sa mga iba pang bahagi ng Gitnang Silangan at Hilagang Aprika.[20] Ipinuslit ang mga unang butil ng kape palabas ng Gitnang Silangan ni Sufi Baba Budan mula Yemen patungo sa Indiya sa panahong iyon. Bago noon, pinakuluan o kung hindi man ay istinerilisa ang lahat ng iniluwas na kape. Inilalarawan si Baba Budan sa mga litrato bilang nagpuslit ng pitong butil ng kape sa pagbigkis ng mga ito sa kanyang dibdib. Unang itinanim ang mga halaman mula sa mga ipinuslit na binhi na ito sa Mysore.
Noong 1583, inilarawan ni Leonhard Rauwolf, isang Alemanong mediko, nang ganito ang kape pagkatapos bumalik mula sa sampung-taong paglalakbay sa Malapit na Silangan:
Isang inuming kasing-itim ng tinta, kapaki-pakinabang laban sa maraming sakit, lalo sa mga sakit sa tiyan. Iniinom ito ng mga konsumidor sa umaga, tapatan, sa isang tasang porselana na ipinapasa-pasa at pinag-iinuman ng bawat isa ng tasang puno. Binubuo ito ng tubig at ng prutas mula sa isang palumpong na tinatawag na bunnu.
— Léonard Rauwolf, Reise in die Morgenländer (sa Aleman)
Dahil sa lumalagong kalakalan ng Venecia, Hilagang Aprika, at Gitnang Silangan (Imperyong Otomano noon), maraming kalakal ang nadala, kabilang dito ang kape, sa daungan ng Venecia. Mula sa Venecia, ipinakilala ito sa iba pang bahagi ng Europa. Mas tinanggap ang kape matapos itong ituring na inuming Kristiyano ni Papa Clemente VIII noong 1600, sa kabila ng mga apela na pagbawalan ang "inuming Muslim". Binuksan ang unang kapihan sa Europa sa Venecia noong 1647.[21]
Bilang angkat-kolonyal
Pamadya noong pahuli ng ika-19 na siglo para sa esensiya ng kape
Pamadya noong 1919 para sa G Washington's Coffee. Inimbento ang unang agarang kape ni imbentor George Washington noong 1909.
Kompanyang Olandes ng Silangang Indiya ang unang nag-angkat ng kape nang malawakan.[22] Kalaunan, nagpatanim ang mga Olandes sa Java at Ceylon.[23] Naganap noong 1711 ang unang luwas ng kapeng Indones mula sa Java patungo sa Olandes.[24]
Sa pagsisikap ng Kompanya sa Silangang Indiya, sumikat din ang kape sa Inglatera. Sa entrada sa talaarawan noong Mayo 1637, itinala ni John Evelyn ang pagtitikim sa inumin sa Oxford, Inglatera, kung saan ito idinala ng isang mag-aaral ng Kolehiyong Balliol mula sa Creta na ipinangalang Nathaniel Conopios ng Kreta.[25][26] Umiiral pa rin ngayon ang Queen's Lane Coffee House ng Oxford, na itinatag noong 1654. Ipinakilala ang kape sa Pransiya noong 1657 at sa Austriya at Polonya pagkatapos ng Digmaan ng Viena ng 1683, kung kailan nakumpiska ang kape mula sa suplay ng mga natalong Turko.[27]
Noong dumating ang kape sa Hilagang Amerika noong panahong Kolonyal, hindi ito pumatok masyado sa una kumpara sa Europa, dahil nanatiling mas sikat ang mga inuming nakakalasing. Noong Digmaang Mapanghimagsik, tumaas nang labis ang demand para sa kape na itinago ng mga negosyante ang kanilang napakakulang na suplay at itinaas nila nang todo ang mga presyo; naging sanhi rin ito ng nabawasang suplay ng tsaa mula sa mga negosyanteng Briton,[28] at naging resolusyon ng maraming Amerika ang pag-iiwas sa pag-iinom ng tsaa kasunod ng Piyesta ng Tsaa sa Boston ng 1773.[29] Pagkatapos ng Digmaan ng 1812, kung kailan pinutol nang pansamantala ang akses sa mga angkat na tsaa, naging mas mahilig sa kape ang mga Amerikano.
Noong ika-18 siglo, humina ang pagkonsumo ng kape sa Britanya, napalitan ng pag-iinom ng tsaa. Mas madaling ihanda ang tsaa at naging mas mura dahil sa pananakop ng mga Briton sa Indiya at ang industriya ng tsaa roon.[30] Noong Panahon ng Layag, ang mandaragat na nakasakay sa mga barko ng Marino Real ng Britanya ay gumawa ng halinhan ng kape sa pagtutunaw ng sunog na tinapay sa mainit na tubig.[31]
Nagdala si Gabriel de Clieu, isang Pranses, ng halamang kape sa teritoryang Pranses na Martinika sa Karibe noong d. 1720,[32] kung saan nagmula ang karamihan sa nililinang na kapeng arabica sa mundo. Lumago ang kape sa klima at ipinarating sa Kaamerikahan.[33] Nilinang ang kape sa Saint-Domingue (Haiti na ngayon) mula 1734, at pagsapit ng 1788 nagsuplay ito ng kalahati ng kape ng mundo.[34] Naging salik ang mga kondisyon ng pagtatrabaho ng mga alipin sa mga plantasyon ng kape sa malapit nang sumunod na Rebolusyon ng Haiti. Hindi kailanman nakabangon nang lubusan ang industirya ng kape roon.[35] Muling nabuhay ito nang saglit noong 1949 noong naging ikatlong pinakamalaking tagaluwas ng kape sa mundo ang Haiti, ngunit mabilis itong humina pagkatapos noon.
Maramihang paggawa

Samantala, ipinakilala ang kape sa Brasil noong 1727, ngunit hindi sumigla ang kultibasyon nito hanggang sa kanilang kalayaan noong 1822.[36] Pagkatapos ng panahong ito, mararami ang kinalbong kagubatan para sa mga taniman ng kape, una sa may Rio de Janeiro at kalaunan sa may São Paulo.[37] Mula sa halos walang luwas ng kape noong 1800, ang Brasil ay naging importanteng prodyuser sa rehiyon noong 1830, at naging pinakamalaking prodyuser sa mundo pagsapit ng 1852. Noong 1910–1920, iniluwas ng Brasil ang halos 70% ng kape sa mundo, 15% ang iniluwas ng Kolombya, Guwatemala, at Benesuwela, at mas mababa pa sa 5% ang iniluwas ng Lumang Mundo.[38]
Nag-umpisang magtanim ng kape ang maraming bansa sa Gitnang Amerika sa huling kalahati ng ika-19 na siglo, at halos kasangkot lahat sa malawakang pagpapaalis at pagsasamantala ng mga katutubong tao.[kailangan ng sanggunian] Humantong ang malupit na kalagayan sa maraming paghihimagsik, kudeta, at madugong panunupil sa mga magsasaka.[39] Kosta Rika ang kapansin-pansing eksepsiyon, kung saan humadlang ang kakulangan sa manggagawa sa pagbubuo ng mga malalaking sakahan. Nabawasan ang kaguluhan noong ika-19 at ika-20 siglo dahil sa mas maliliit na sakahan at mas makapantay na kondisyon.[40]
Natumbasan ang mabilis na pagtaas ng produksiyon ng kape sa Timog Amerika noong ikalawang kalahati ng ika-19 na siglo ng pagtaas sa pagkonsumo sa mga bansang maunlad, lalo na sa Estados Unidos, kung saan hindi lang mataas ang antas ng paglaki ng populasyon, dumoble rin ang konsumpsiyon kada tao mula 1860 hanggang 1920. Kahit hindi Estados Unidos ang pinakamalakas na bansa sa pag-iinom ng kape noong panahong iyon (halos katumbas o mas malakas pa ang pagkonsumo kada tao ng Belhika, Olanda at mga bansang Nordiko noon), dahil sa sobrang laki nito, ito ang naging pinakamalaking konsyumer ng kape sa mundo pagsapit ng 1860, at, pagsapit ng 1920, halos kalahati ng kape na naprodyus sa buong mundo ay nainom sa Amerika.[38]
Naging mabiling pananim ang kape para sa maraming bansang umuunlad. Mahigit isang daang milyong tao sa mga bansang umuunlad ang umaasa sa kape bilang kanilang pangunahing pinagkukunan ng kita. Naging pangunahing luwas at pundasyo ng ekonomiya ng mga bansang Aprikano tulad ng Uganda, Burundi, Rwanda, at Etiyopiya,[41] pati na rin ang maraming bansa sa Gitnang Amerika.
Remove ads
Biolohiya
Ilang espesye ng palumpong sa genus Coffea ang nagmumunga ng mga beri na pinagkukunan ng kape. Coffea canephora (lalo na ang baryasyon na kilala bilang 'robusta') at C. arabica ang dalawang pangunahing espesye na nililinang para maibenta.[42] Katutubo ang C. arabica, ang pinakapinahahalagahang esepsye, sa timog-kanlurang paltok ng Etiyopiya at ang Talampas Boma sa timog-silangang Sudan at Bundok Marsabit sa Hilagang Kenya.[43] Katutubo ang C. canephora sa kanluran at gitnang Subsaharyanang Aprika, mula Guinea hanggang Uganda at timog Sudan.[44] Kabilang sa mga di-gaanong sikat na espesye ang C. liberica, C. stenophylla, C. mauritiana, at C. racemosa.
Nakauri ang lahat ng mga halamang kape sa pamilyang Rubiaceae. Lagi-lunting palumpong o puno ang mga ito na maaaring lumaki sa hanggang 5 m (15 tal) kapag hindi pinutulan. Matingkad na berde at makintab ang mga dahon, kadalasang may haba na 10–15 cm (4–6 pul) at lapad na 6 cm (2.4 pul), simple, buo, at magkasalungat. Nagsasama ang mga dahuntangkay ng magkasalungat na dahon sa pundasyon upang makabuo ng mga dahundahunang interpesyolar, isang katangian ng Rubiaceae. Biklatan ang mga bulaklak, at sabay-sabay namumukadkad ang mga kumpol ng mabagong puting bulaklak. Binubuo ng mababang obaryo ang hineseo, isa pang katangian ng Rubiaceae. Sinusundan ang mga bulaklak ng mga obalong beri na halos 1.5 cm (0.6 pul).[45] Kapag hilaw pa, kulay-berde ang mga ito, tapos dumidilaw kapag humihinog, tapos kumikrimson bago umitim kapag natuyo. Karaniwan, may dalawang binhi sa bawat beri, ngunit sa 5–10% ng mga beri[46] isa lang ang binhi; karakol o peaberry ang tawag sa mga ito.[47] Nahihinog ang mga bering Arabica pagkatapos ng anim hanggang walong buwan, habang siyam hanggang labing-isang buwan naman para sa robusta.[48]
Kadalasang nambubulo ng sarili ang Coffea arabica, kaya karaniwang pare-pareho ang mga punla at kaunti lamang ang pagkakaiba sa mga halamang magulang. Samantala, hindi ito kayang gawin ng Coffea canephora at C. liberica, at kailangan ng mambulo sa ibang halaman. Ibig sabihin nito na kailangang palaganapin sa behetatibong paraan ang mga anyo at hibrid na mapapakinabangan [49] Pagpuputol, paghuhugpong, at pag-uusbong ang mga karaniwang paraan ng behetatibong pagpaparami.[50] Sa kabilang dako, may malaking saklaw para mag-eksperimento sa paghahanap ng mga bagong lahi.[49]
- Larawan ng halamang Coffea arabica at mga binhi nito
- Mga bulaklak ng Coffea robusta
- Puno ng Coffea arabica na namumulaklak
- Mga beri ng Coffea arabica sa palumpong
Remove ads
Pagtatanim at produksiyon

a Coffea arabica
Sa tradisyonal na paraan ng pagtatanim ng kape, inilalagay ang 20 buto sa bawat butas sa simula ng tag-ulan. Sa pamamaraang ito, nasasayang ang 50% ng potensiyal ng mga binhi, dahil halos kalahati ang hindi sumisibol. May mas epektibong proseso ng pagtatanim ng kape, mula sa Brasil, kung saan ipinapalaki ang mga punla sa mga alagaan at itinatanim sa labas pagkatapos ng anim hanggang labindalawang buwan. Kadalasan, iniinterkrop ang kape sa mga ibang pananim na pagkain, tulad ng mais, bins, o palay sa mga unang taon ng pagtatanim habang nagiging pamilyar ang mga magsasaka sa mga kinakailangan nito.[45] Tumutubo ang mga halamang kape sa tiyak na lugar sa gitna ng mga tropiko ng Kanser at Kaprikorn.[51]
Pagsapit ng 2021, wala pang sintetikong kape na mabibili sa publiko ngunit naiulat na nakaprodyus ang ilang kompanyang pambiyoekonimya ng mga unang talaksan na lubos na magkatulad sa antas molekular at malapit nang gawing komersiyal.[52][53][54]
Mga baryasyon ng espesye
Sa dalawang espesye na pangunahing itinatanim, mas mataas ang tingin sa kapeng arabika (mula sa C. arabica) kaysa sa kapeng robusta (mula sa C. canephora). Waring mapait at mas kaunti ang lasa ng kapeng robusta ngunit mas buo ang lasa kumpara sa arabika. Iyan ang mga dahilan kung bakit nagbubuo ang C. arabica ng halos tatlong-kapat ng itinatanim na kape sa buong mundo.[42] Mas mataas nang halos 40–50% ang nilalamang kapeina ng mga uring robusta kumpara sa arabika.[55] Dahil dito, ginagamit itong espesye bilang murang kapalit para sa arabika sa maraming komersiyal na timpla ng kape. Ginagamit ang de-kalidad na butong robusta sa mga tradisyonal na timpla ng Italyanong espresso para magkaroon ng buo-buong lasa at mas magandang bula sa ibabaw (kilala bilang crema).
Remove ads
Mga paraan ng paghahanda ng kape
Maraming paraan ng paghahanda ng kape, at hindi lahat ay dumaraan sa proseso ng brewing na siyang karaniwang ginagawa. Halimbawa ang kapeng Turko na tanyag sa mga bansa sa Gitnang Silangan. Ang pagkulo ng pinulbos na kape sa ibrik, isang natatanging lalagyan, ang paraan ng paggawa ng kapeng ito.
Ang pag-brew ng kape ay iba-iba rin, depende sa tradisyon ng isang bansa. Tanyag sa ngayon ang awtomatikong pagpatak na pag-brew, gamit ang mga panggawa ng kape (coffee maker). Kapuna-puna ang amoy kuryenteng lasa ng kape lalo na sa mga mumurahing awtomatikong panggawa ng kape.
Para sa mga mahihilig sa kape, mainam ang manu-manong paghanda ng kape. Nariyan ang paraang manwal na pagpatak, kung saan pinakukuluan muna ang tubig bago ibuhos ng dahan-dahan sa carafe. Mas mainam ito dahil kontrolado ng gumagawa ang kanyang kape. Sikat din ang French press o Coffee Plunger. Mas matapang at mas malasa ang nagagawa nitong kape dahil nasasama sa inumin ang langis at bango mula sa mga katas ng beans. Iyon nga lamang, hindi ganoon kalinaw at kalinis ang nagagawang kape gamit ang paraan na ito.
Sikat rin ang mga 'percolator at makinang pang-espresso na mas nakakagawa ng matapang na kape. Gumagamit ng kaparaanang vacuum ang espresso at makinang lalagyan ng mocha. Ang pinakasimpleng paggawa ng kape ay ibuhos ang mainit na tubig sa giniling na kape at hayaang lumubog ang mga ground.
Nariyan din ang madaliang kape (instant coffee), na maaaring pulbo o likido. Pero ang lasa nito, bagamat pwedeng dagdagan ang tapang, ay kulang sa aroma di tulad sa kapeng brewed.
Alternatibong kape
Maaari ring gumawa ng inuming "kape" mula sa tinustang mga butil ng bigas (kapeng bigas).
Remove ads
Tingnan din
Mga sanggunian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads