Fiji
From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang Fiji (bigkas: /fi·ji/),[a] opisyal na tinutukoy bilang Republika ng Fiji, (internasyunal: Republic of Fiji,[b] baybay Tagalog: Republika ng Piyi) ay isang bansang pulo sa Melanesya, bahagi ng Oseaniya sa Timog Karagatang Pasipiko. Matatagpuan ito mga 1,100 milyang pandagat (2,000 km; 1,300 mi) hilaga-hilagang-silangan ng Bagong Selanda. Binubuo ang Fiji ng isang kapuluan na may mahigit 330 puo—kung saan permanenteng tinitirhan ang mga 110—at higit sa 500 maliliit na pulo, na may kabuuang sukat ng lupa na humigit-kumulang 18,300 kilometro kuwadrado (7,100 sq mi). Ono-i-Lau ang pinaka-malalayong pangkat ng pulo. Naninirahan sa dalawang pangunahing pulo, ang Viti Levu at Vanua Levu, ang mga 87% ng kabuuang populasyon. Nakatira ang tatlong-kapat ng mga Fiyiano sa mga baybayin ng Viti Levu, alinman sa kabiserang lungsod ng Suva, o sa mga mas maliit na sentrong urbano gaya ng Nadi (kung saan ang turismo ang pangunahing lokal na industriya) o Lautoka (kung saan nangingibabaw ang industriya ng tubo). Kakaunti ang naninirahan sa loob ng Viti Levu dahil sa kalupaan nito.[13]
Ang karamihan sa mga isla ng Fiji ay nabuo dahil sa aktibidad ng bulkan na nagsimula mga 150 milyong taon na ang nakararaan. May ilan pang aktibidad na heotermal na nagaganap ngayon sa mga pulo ng Vanua Levu at Taveuni.[14] Ang mga sistemang heotermal sa Viti Levu ay hindi dulot ng bulkan at may mababang temperaturang umaabot sa pagitan ng humigit-kumulang 35 hanggang 60 digring Celsius (95 hanggang 140 °F).
Ang mga tao ay naninirahan na sa Fiji mula pa noong ikalawang milenyo BK—una ang mga Austronesyo at pagkatapos ay mga Melanesyo, na may ilang impluwensya ng mga Polinesyo. Unang bumisita ang mga Europeo sa Fiji noong ika-17 dantaon.[15] Noong 1874, matapos ang maikling panahon bilang isang malayang kaharian, itinatag ng mga Briton ang Kolonya ng Fiji. Naging kolonya ito ng Korona hanggang 1970, nang makamit nito ang kasarinlan at naging kilala bilang Dominyo ng Fiji. Noong 1987, kasunod ng serye ng mga kudeta, idineklara isang republika ng militar ang pamahalaan na ito. Sa kudeta ng 2006, kinubkob ni Komodor Frank Bainimarama ang kapangyarihan. Noong 2009, ipinahayag ng Mataas na Hukuman ng Fiji na labag sa batas ang pamumuno ng militar. Sa puntong iyon, pormal na binawi ni Pangulong Ratu Josefa Iloilo—na pinanatili ng militar bilang pormal na pinuno ng estado—ang Konstitusyon ng 1997 at muling hinirang si Bainimarama bilang pansamantalang punong ministro. Sa huli ng taong iyon, pinalitan ni Ratu Epeli Nailatikau si Iloilo bilang pangulo.[16] Noong 17 Setyembre 2014, matapos ang mga taong pagkaantala, naganap ang isang demokratikong halalan. Nanalo ang partidong FijiFirst ni Bainimarama ng 59.2% ng boto, at kinilala ng mga internasyonal na tagamasid na kapani-paniwala ang halalan.[17]
Isa ang Fiji sa mga pinaka-maunlad na ekonomiya sa Pasipiko[18] dahil sa saganang kagubatan, mineral, at yamang-dagat nito. Dolyar ng Fiji ang pananalapi, at pangunahing pinagkukunan ng palitang panlabas ang industriyang panturismo, mga padalang salapi (remittance) mula sa mga Piyianong nagtatrabaho sa ibang bansa, pagluluwas ng inuming tubig sa bote, at tubo.[6] Binabantayan ng Ministry of Local Government and Urban Development (Ministeryo ng Pamahalaang Lokal at Kaunlaran ng Lungsod) ang mga lokal na pamahalaan ng Fiji, na binubuo ng mga konseho ng lungsod at bayan.[19]
Remove ads
Heograpiya

Matatagpuan ang Fiji sa humigit-kumulang 5,100 kilometro (3,200 milya) timog-kanluran ng Hawaii at mga 3,150 kilometro (1,960 milya) mula sa Sydney, Australya. Ang Fiji ang sentro ng Timog-Kanlurang Pasipiko, na nasa pagitan ng Vanuatu at Tonga. Ang kapuluan ay matatagpuan sa pagitan ng 176° 53′ silangan at 178° 12′ kanluran. Ang kabuuang sukat ng kapuluan ay tinatayang 498,000 milyang parisukat (1,290,000 km²), at mas mababa sa 2 porsyento nito ang tuyong lupa. Dumaraan ang meridyanong 180° sa Taveuni, subalit iniusog ang Pandaigdigang Guhit ng Petsa upang maging pantay ang oras (UTC+12) sa buong grupo ng Fiji. Maliban sa Rotuma, ang grupo ng Fiji ay nasa pagitan ng 15° 42′ at 20° 02′ timog. Matatagpuan ang Rotuma sa 220 milyang pandagat (410 km; 250 mi) hilaga ng grupo, 360 milyang pandagat (670 km; 410 mi) mula sa Suva, at 12° 30′ timog ng ekwador.
Sinasakop ng Fiji ang kabuuang lawak na humigit-kumulang 194,000 kilometro kuwadrado (75,000 milya kuwadrado), kung saan mga 10% lamang ang lupa. Binubuo ang Fiji ng 332 pulo[20] (kung saan 106 ang tinitirhan) at 522 mas maliliit na mga pulo. Ang dalawang pinakamahalagang pulo ay ang Viti Levu at Vanua Levu, na bumubuo ng halos tatlong-kapat ng kabuuang lupaing bahagi ng bansa. Maburol ang mga pulo, na may mga taluktok na umaabot sa 1,324 metro (4,341 talampakan), at nababalutan ng makakapal na kagubatang tropikal.
Remove ads
Mga pambansang sagisag
Sagisag ng Fiji
Ang sagisag ng Fiji ay ang heraldisikong simbolo na binubuo ng isang kalasag na hinati sa apat ng Krus ni San Jorge at may gintong leon sa itaas, sinusuportahan ng dalawang mandirigmang Fiyiano—isa sa bawat panig—at tinatampukan ng isang bangka bilang korona (crest). Ipinatibay ito noong 1908 sa pamamagitan ng isang Royal Warrant (Kautusang Maharlika), at nanatili bilang sagisag ng Fiji mula noon, kahit matapos ang kasarinlan noong 1970. Ang kalasag mula sa sagisag ay makikita sa watawat ng Fiji.[21]
Watawat ng Fiji
Ang pambansang watawat ng Fiji ay ipinagtibay noong Oktubre 10, 1970. Bahagyang binago ang pambansang sagisag subalit nanatili ang watawat na katulad noong panahong kolonyal ng Fiji. Isa itong asul-berde na bersyon ng "Blue Ensign" (Bughaw na Bandila ng Hukbo) na may dagdag na elemento (ang aktwal na bersyon ng Blue Ensign ay ginagamit bilang watawat ng pamahalaan), na may kalasag mula sa pambansang sagisag. Nanatili itong hindi nababago mula nang ideklara ang Fiji bilang isang republika noong 1987, sa kabila ng mga panawagan mula sa ilang pulitiko na palitan ito.
Isang plano para baguhin ang watawat, na inihayag ni Punong Ministro Frank Bainimarama noong 2013, ay inabandona noong Agosto 2016.
Pambansang awit ng Fiji
Ang pambansang awit ng Fiji ay “God Bless Fiji” (Pagpalain ng Diyos ang Fiji). Tinatawag itong “Meda Dau Doka” (Piyiano: [me.ⁿda ⁿdɔu̯ ⁿdo.ka]) sa wikang Fiyiano at “Bhagavaan Fiji ko Aasheervaad Den” (भगवान फिजी को आशीर्वाद दें) sa Fiji Hindi. Isinulat ang titik ni Michael Francis Alexander Prescott (1928–2006) batay sa himno na “Dwelling in Beulah Land” (Paninirahan sa Lupain ng Beulah) na nilikha ni Charles Austin Miles noong 1911.[22][23] Inangkop ang musika ni Viliame Bale, Superintendente at Direktor ng Musika ng Royal Fiji Police Band (Maharlikang Banda ng Pulis ng Fiji).[23][24] Ginamit ang awit bilang opisyal na pambansang awit nang makamit ng Fiji ang kalayaan mula sa Reyno Unido noong 1970.[23]
Remove ads
Mga pananda
Mga sanggunian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads