Wikang Ingles
kanlurang wikang Hermaniko From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Inglés,[a] binabaybay ding Ingglés, ang kanlurang wikang Hermaniko na nagmula sa Inglatera at ang pandaigdigang lingua franca sa kasalukuyan. Nagmula ang pangalan ng wika mula sa mga Anglo, isa sa mga sinaunang grupong Hermaniko na lumipat sa Britanya sa pagtatapos ng panahong Romano sa naturang lugar. Ingles ang pinakaginagamit na wika sa mundo, dahil na rin sa matinding impluwensiya ng Imperyong Britaniko noon (na pinalitan ng Komonwelt ng mga Bansa sa kasalukuyan) gayundin ng Estados Unidos sa kasalukuyan. Ito rin ang may pinakamaraming gumagamit bilang pangalawang wika, mas marami pa kesa sa mga katutubong mananalita nito. Gayunpaman, ikatlo lamang ang Ingles sa may pinakamaraming katutubong mananalita, pagkatapos ng wikang Mandarin at Espanyol.
Ang artikulong ito, pahina, o bahagi nito ay kasalukuyang nasa gitna ng pagpapalawig o malawakang pagbabago. Maaari ka ring tumulong sa pagsasagawa ng mga pagbabago. Pakisilip ang mga nakaraang pagbabago kung gusto mong makipag-usap sa user na naglagay nito rito. Maaari itong tanggalin kung walang naganap na mga pagbabago sa mga susunod na araw matapos itong ipaskil dito. Maliban kung walang mga pagbabago, hindi dapat ito burahin. |
Ingles ang opisyal o isa sa mga opisyal na wika ng 57 bansa at 30 dependensiya, ang pinakamarami para sa kahit anong wika. Sa mga bansang tulad ng Estados Unidos, Reyno Unido, Australia, at Nueva Selanda, ito ang pinakaginagamit na wika dahil na rin sa kasaysayan bagamat hindi ito isang opisyal na wika. Isa rin ito sa mga opisyal na wika ng Mga Nagkakaisang Bansa, Unyong Europeo, at iba pang mga pandaigdigan at panrehiyong organisasyon. Ito rin ang de facto na wika ng diplomasya, agham at teknolohiya, pandaigdigang kalakalan, turismo, libangan, at ng internet. Ayon sa isang pagtataya ng Ethnologue noong 2021, meron itong 1.4 na bilyong mananalita.
Nagmula ang Lumang Ingles mula sa mga dayalekto ng mga kanlurang wikang Hermaniko na sinasalita ng mga Anglo-Saxon. Nakasulat sa mga rune (futhorc) ang wika bago ito gumamit ng isang alpabetong nagmula sa wikang Latin. Hiniram kalaunan ng Lumang Ingles ang ilang balarila at pangunahing bokabularyo mula sa Lumang Nordiko, isang hilagang wikang Hermaniko. Nalinang nang husto ang alpabeto at tuluyang pinalitan nito ang paggamit sa mga rune, kasabay ng pag-usbong ng Gitnang Ingles matapos masakop ng mga Normando ang Inglatera simula noong 1066. Sa panahong ito matinding nanghiram ng mga salita ang Ingles mula sa wikang Pranses, na ngayo'y bumubuo ng 28% ng lahat ng mga salita sa wika sa kasalukuyan, gayundin sa wikang Latin, na bumubuo sa karagdagang 28%. Bagamat pawang nagmula sa Latin at iba pang mga wikang Romanse ang malaking bahagdan ng bokabularyo ng Ingles, nananatili pa ring Hermaniko ang pang-araw-araw na bokabularyo, balarila at ponolohiya nito. Umusbong naman ang Modernong Ingles matapos ng isang malawakang pagbabago sa mga patinig nito. Ilan sa mga malapit na kamag-anak ng kasalukuyang anyo ng wika ang wikang Scots, na nasa isang kontinuo ng mga dayalekto sa Ingles, gayundin ang mga wikang Prisyano at Mababang Aleman.
Remove ads
Klasipikasyon
Bahagi ng pamilyang Indo-Europeo ang wikang Ingles, partikular na sa Kanlurang Hermanikong sangay ng mga Hermanikong wika.[3] Dahil pare-parehong nagmula ang Ingles at ng ibang mga wikang Hermaniko kagaya ng mga wikang Olandes at Aleman sa iisang ninuno na tinatawag na Proto-Hermaniko, nagtataglay ang mga ito ng mga magkakatulad na tampok kagaya ng paghahati sa mga pandiwa bilang malakas o mahinang klase, ang paggamit sa mga pandiwang modal, at pagsasailalim sa serye ng pagbabago sa pagbigkas sa mga katinig ng Proto-Indo-Europeo na kilala ngayon bilang mga batas Grimm at Verner.[4]
Isa ang Lumang Ingles sa napakaraming mga wikang Ingaeboniko na umusbong sa isang kontinuo ng mga dayalektong sinasalita ng mga Kanlurang Hermaniko simula noong ikalimang siglo sa Prisya, partikular na sa baybayin ng Dagat Hilaga. Umusbong ang Lumang Ingles mula sa mga mananalita ng mga wikang ito na lumisan sa lugar at nanirahan sa kapuluang Britaniko.[5] Kalaunan, umusbong ang Gitnang Ingles, na sinundan naman ng Modernong Ingles.[6] May ilang mga dayalekto ng Luma at Gitnang Ingles na hiwalay na nalinang at naging mga wikang Angliko, lalo na ang wikang Scots.[7]
Dahil nakahiwalay ang wikang Ingles mula sa ibang mga wikang Hermaniko sa kontinente, nalinang ang sarili nitong bokabularyo, sintaksis, at ponolohiya. Hindi naiintindihan ang Ingles ng mga mananalita ng kahit anong wikang Hermaniko, bagamat may iilang wika katulad ng wikang Olandes at Prisyano na may malaki-laking antas ng kaugnayan.[8] Tradisyonal na iniuugnay ang Ingles sa Prisyano, na madalas na ipinagpapalagay na pinakamalapit na kamag-anak ng Ingles sa mga wikang Hermaniko. Gayunpaman, ipinapakita ng modernong pananaliksik sa dalawang wika na kaunti lamang ang pagkakapareho nito sa Ingles.[9] Bagamat parehong sumailalim ang dalawa sa magkaparehong serye ng pagbabago sa tunog, hindi ito naganap nang sabay upang masabing may matindi silang kaugnayan sa isa't-isa.[10][11]
Remove ads
Kasaysayan
Proto-Hermaniko patungo sa Lumang Ingles

Ang unang anyo ng Ingles ay tinatawag na Lumang Ingles o Anglo-Sakson (s. 550–1066 PK). Nalinang ang Lumang Ingles mula sa mga iba't ibang diyalektong Ingaeboniko na orihinal na sinalita sa mga baybayin ng Prisya, Mababang Saksonya, Jutland, at Timog Suwesya sa pamamagitan ng mga Hermanikong tribo na kilala bilang mga Anglo, Sakson, at Yute. Mula noong ika-5 siglo PK, ang mga Anglo-Sakson ay tumira sa Britanya habang bumagsak ang Romanong ekonomiya at administrasyon. Noong pagsapit ng ika-7 siglo, ang wikang Hermaniko ng mga Anglo-Sakson ang nangibabaw sa Britanya at pumalit sa mga wika ng Romanong Britanya (43–409 PK): Karaniwang Britaniko, isang wikang Seltiko, at Latin na dinala ng Roman occupation sa Britanya.[12][13][14] Pinangalanan ang Inglatera (England) at Ingles (English) (dating Welcome to Gboard clipboard, any text you copy will be saved here.Tap on a clip to paste it in the text box.Use the edit icon to pin, add or delete clips.Touch and hold a clip to pin it. Unpinned clips will be deleted after 1 hour.Welcome to Gboard clipboard, any text you copy will be saved here. ang Lumang Ingles sa apat na diyalekto: mga diyalektong Anglo (Mersyano at Nortumbrio) at mga diyalektong Sakson, Kentiko at Kanlurang Sakson.[15] Sa pamamagitan ng mga reporma sa edukasyon ni Haring Alfredo at ng impluwensya ng kaharian ng Wessex, naging pamantayang uri sa pagsusulat ang diyalektong Kanlurang Sakson.[16] Nakasulat sa Kanlurang Sakson ang panulaang epiko ng Beowulf, at ang unang tula sa Ingles, Himno ni Cædmon, ay nakasulat sa Nortumbrio.[17] Nalinang ang makabagong Ingles sa Mersyano, ngunit nalinang ang wikang Eskoses sa Nortumbio. Nakasulat ang iilang maikling inskripsyon mula sa unang bahagi ng Lumang Ingles sa sulat-runiko.[18] Noong ika-6 na siglo, ginamit ang alpabetong Latin na sinulat na may kalahating-unsyal na hugis ng titik. Isinama rito ang mga runikong titik wynn ⟨ƿ⟩ at thorn ⟨þ⟩, at ang binagong titik mula sa Latin eth ⟨ð⟩, at ash ⟨æ⟩.[18][19]
Napakaiba ang Lumang Ingles kumpara sa Makabagong Ingles, at mahihirapan sa pag-iintindi nito ang mga nanalita ng Ingles sa ika-21 siglo. Magkahawig ang kanyang bararila sa makabagong Aleman, at ang kanyang pinakamalapit na kamag-anak ay Lumang Prisyano. Mas marami ang sabaylong pangwakas at anyo ng mga pangngalan, pang-uri, panghalip, at pandiwa, at mas malaya ang pagkakayos ng mga salita kaysa sa Makabagong Ingles. May mga anyo ng kaukulan ang Makabagong Ingles sa panghalip (he, him, his) at may mga kaunting sabaylo sa pandiwa (speak, speaks, speaking, spoke, spoken), ngunit may sabaylong pangwakas din sa mga pangngalan ang Lumang Ingles, at mas maraming pangwakas pantao at pambilang ang mga pandiwa.[20][21][22]
Nagpapakita ng halimbawa ang pagsasalinwika ng Mateo 8:20 mula noong 1000 PK ng sabaylong pangwakas (palagyong pangmaramihan, akusatibong pangmaramihan, paaring isahan) at pangwakas ng pandiwa (kasalukuyang pangmaramihan):
- Foxas habbað holu and heofonan fuglas nest
- Fox-as habb-að hol-u and heofon-an fugl-as nest-∅
- fox-PGY.PM have-KKY.PM hole-AKT.PM and heaven-PRI.IH bird-PGY.PM nest-AKT.PM
- "Foxes have holes and the birds of heaven nests"[23]
Gitnang Ingles
Englischmen þeyz hy hadde fram þe bygynnyng þre manner speche, Souþeron, Northeron, and Myddel speche in þe myddel of þe lond, ... Noþeles by comyxstion and mellyng, furst wiþ Danes, and afterward wiþ Normans, in menye þe contray longage ys asperyed, and som vseþ strange wlaffyng, chyteryng, harryng, and garryng grisbytting.
Ngunit, mula sa simula, ang mga Ingles ay may tatlong pamamaraan ng pagsasalita, tagatimog, tagahilaga, at tagagitna sa gitna ng bansa, ... Gayunpaman, sa pamamagitan ng paghahalubilo at paghahalo, una sa mga Danes at pagkatapos sa mga Normando, sa gitna ng marami lumitaw ang wika ng bansa, at ginagamit ng ilan ang kakaibang utal, daldal, angil, at nakangingilong pagngangalit.
John ng Trevisa, s. 1385[24]
Mula ika-8 hanggang ika-12 siglo, unti-unting nagbago ang Lumang Ingles sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa wika patungo sa Gitnang Ingles. Kadalasang pinepetsahan ang simula ng Gitnang Ingles sa pananakop ng Inglatera ni Guillermo ang Mananakop noong 1066, ngunit pinasulong pa ito sa panahon mula 1200–1450.
Una, dahil sa mga bugso ng pananakop ng mga Nordiko ng hilagang bahagi ng Kapuluang Britaniko noong ika-8 at ika-9 na siglo, nagkaroon ng matinding pakikipag-ugnayan ang Lumang Ingles sa Lumang Nordiko, isang wikang Hilagang Hermaniko. Pinakamalakas ang impluwensyang Nordiko sa mga hilaga-silangang uri ng Lumang Ingles na sinalita sa pook ng Danelaw sa paligid ng York, ang naging sentro ng pananakop ng Nordiko; sa kasalukuyan makikita pa rin ang mga katangian nito sa Skots at Hilagang Ingles. Gayunman, ang naging sentro ng norsipikadong Ingles ay sa mga Gitnang Lupa sa paligid ng Lindsey, at pagkatapos ng 920 PK kung kailan isinama muli ang Lindsey sa estadong Anglo-Sakson, kumalat ang mga katangiang Nordiko mula roon sa mga uri ng Ingles na hindi nakapag-ugnayan nang direkta sa mga nananalita ng Nordiko. Isang elemento ng impluwensyang Nordiko na nanatili sa lahat ng uri ng Ingles ngayon ang pangkat ng mga panghalip na nagsisimula sa th- (they, them, their) na pumalit sa mga Anglo-Saksong panghalip na may h- (hie, him, hera).[25]
Noong Normandong pananakop ng Inglatera sa 1066, napasailalim ang norsipikadong wika, Lumang Ingles, sa pakikipag-ugnayan sa wikang Lumang Normando, isang wikang Romanse na malapit na kamag-anak sa Makabagong Pranses. Sa kalaunan, ang wikang Normando sa Inglatera ay naging Anglo-Normando. Sapagkat pangunahing sinasalita ang Normando ng mga kapilitan at maharlika, habang nagpatuloy ang pagsasalita ng Anglo-Sakson sa mga mas nakabababang uri, ang pangunahing impluwensya ng Normando ay ang pagbibigay ng mararaming salitang hiram ukol sa pulitika, batas, at mga prestihiyosong larangan ng lipunan.[26] Pinayak din ng Gitnang Ingles ang sistemang sabaylo, marahil para pagtugmain ang Lumang Nordiko at Lumang Ingles na iiba sa sabaylo ngunit pareho sa palaturingan. Nawala ang pagkakaiba ng kaukulang palagyo at akusatibo maliban sa mga panghalip panao, inalis ang kaukulang makasangkapan, at naging limitado ang paggamit ng kaukulang paari sa pagtukoy ng pag-aari. Ginawang regular ng sistemang sabaylo ang mararaming iregular na anyong sabaylo,[27] at unti-unting pinayak ang sistema ng pagkakasundo, at tumatag ang pagkakaayos ng mga salita.[28] Sa Bibliyang Wycliffe ng dekada 1380, isinulat ang taludtd Mateo 8:20 bilang:
- Foxis han dennes, and briddis of heuene han nestis[29]
Dito nananatili pa rin ang pangmaramihang hulapi -n sa pandiwang have, pero walang makikitang kaukulang pangwakas sa mga pangngalan. Noong pagsapit ng ika-12 siglo, ganap na nalinang ang Gitnang Ingles na nakapagsama ng mga katangiang Nordiko at Normando; patuloy na sinalita ito hanggang sa pagdating ng maagang Makabagong Ingles noong 1500. Kabilang sa panitikan ng Gitnang Ingles ang The Canterbury Tales ni Geoffrey Chaucer, at Le Morte d'Arthur ni Malory. Noong panahon ng Gitnang Ingles, lumaganap ang mga diyalektong rehiyonal sa pagsulat, at ginamit ang mga katangian ng mga diyalekto para sa epekto ng mga may-akda tulad ni Chaucer.[30]
Maagang Makabagong Ingles

Ang susunod na panahon sa kasaysayan ng Ingles ay Maagang Makabagong Ingles (1500–1700). Kakikitaan ang Maagang Makabagong Ingles ng Dakilang Pagbabago ng Patinig (1350–1700), pagpapayak ng sabaylo, at lingguwistikong sapamantayan.
Inapekto ng Dakilang Pagbabago ng Patinig ang mga diniin na mahabang patinig ng Gitnang Ingles. Ito ay naging kawingang pagbabago, at ibig sabihi'y nag-udyok ang bawat pagbabago ng kasunod na pagbabago sa sistema ng patinig. Itinaas ang mga gitna at bukas na patinig, at binali ang mga saradong patinig para maging diptonggo. Halimbawa ang salitang bite ("kagat") ay dating binibigkas parang ang salitang beet ("rimulatsa") ngayon, at ang ikalawang patinig sa salitang about ("tungkol") ay binigkas tulad ng salitang boot ("bota") ngayon. Ipinapaliwanag ng Dakilang Pagbabago ng Patinig ang maraming iregularidad sa pagbaybay dahil pinanatili ng Ingles ang mararaming baybay mula sa Gitnang Ingles, at ipinapaliwanag din nito kung bakit napakaiba ang pagbigkas ng mga patinig sa Ingles kumpara sa mga parehas na titik sa mga ibang wika.[31][32]
Nagsimulang tumaas sa prestihiyo ng Ingles, kaugnay sa Normandong Pranses, noong paghahari ni Enrique V. Noong mga 1430, nagsimulang gumamit ang Korte ng Kansilyerya sa Westminster ng Ingles sa kanyang opisyal na dokumento, at ang isang bagong anyo ng Gitnang Ingles, kilala bilang Pamantayang Kansilyeriya, ay nilinang mula sa mga diyalekto ng Londres at Silangang Midlands. Noong 1476, ipinakilala ni William Caxton ang palimbagan sa Inglatera at nagsimulang maglathala ng mga unang nalimbag na aklat sa Londres, na nagpalago ng impluwensya ng ganitong anyo ng Ingles.[33] Kabilang sa mga panitikan sa Maagang Makabagong panahon ang mga gawa ni William Shakespeare at ang salinwika ng Bibliya na inatasan ni Haring Jacobo I. Kahit matapos ang pagbabago ng patinig, magkaiba pa rin ang wika mula sa Makabagong Ingles: halimbawa, binigkas pa rin ang mga kumpol-katinig /kn ɡn sw/ sa knight ("kabalyero"), gnat ("niknik"), at sword ("espada"). Kumakatawan sa mga natatanging katangian ng Maagang Makabagong Ingles ang karamihan ng mga tampok-bararila na maaaring ipalagay ng makabagong mambabasa ng Shakespeare bilang kakatwa o makaluma.[34]
Sa 1611 King James Version ng Bibliya, na nakasulat sa Maagang Makabagong Ingles, sinasabi ng Matthew 8:20 ang:
- The Foxes haue holes and the birds of the ayre haue nests[23]
Ipinapakita nito ang pagkawala ng kaukulan at ang kanyang epekto sa pag-aayos ng pangungusap (pagpapalit sa Paksa-Pandiwa-Layon na pag-ayos ng salita), at ang paggamit ng of sa halip ng di-paukol na paari), at ang pagpapakilala ng salitang hiram mula sa Pranses (ayre) at salitang kapalit (pinalit ng bird "ibon" na dating nangahulugang "inakay" had ang OE fugol).[23]
Remove ads
Talababa
Sanggunian
Link sa labas
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads
