Imperyong Samanida

From Wikipedia, the free encyclopedia

Imperyong Samanida
Remove ads

Ang Imperyong Samanida (Persia: سامانیان, romanisado: Sāmāniyān)[a] ay isang imperyong Persiyanatong Sunni Muslim, na pinamumunuan ng isang dinastiyang dehqan na mula Iran, na tumagal mula 819 hanggang 999. Ang imperyo ay nakasentro sa Khorasan at Transoksiyana, sa pinakamalaking lawak nito kasama ang hilagang-silangan ng Iran at Gitnang Asya.

Agarang impormasyon سامانیان, Kabisera ...

Ang apat na magkakapatid na sina Nuh, Ahmad, Yahya, at Ilyas ang nagtatag ng estadong Samanida. Bawat isa sa kanila ay namuno sa mga teritoryo sa ilalim ng kapangyarihan ng mga Abasida. Noong 892, pinagbuklod ni Ismail Samani ang mga Samanida sa ilalim ng kanyang pamumuno at tuluyang winakasan ang sistemang pyudal na ginagamit ng mga Samanida. Sa ilalim din niya naging ganap na malaya ang mga Samanida mula sa mga Abasida. Gayunpaman, pagsapit ng 945, napasailalim ang pamahalaan sa aktuwal na kontrol ng pangkat-militar na Turko na binubuo ng mga aliping mandirigma, at naging simboliko na lamang ang kapangyarihan ng pamilyang Samanida.

Ang Imperyong Samanida ay bahagi ng Intermedyong Iraniyano, na nagbunga ng paglikha ng isang kulturang Persano at pagkakakilanlan na nagdala sa wikang Iraniyano at mga tradisyong Iranyano sa loob ng mundong Islamiko. Nakatulong din ito sa kalaunan sa paghubog ng kulturang Turko-Persano.[9]

Ang mga Samanida ay mga tagapagtaguyod ng sining, na nagbunga ng pag-unlad sa agham at panitikan at, bilang resulta, ay umakit ng mga pantas tulad nina Rudaki, Ferdowsi, at Avicenna. Sa ilalim ng pamumuno ng Samanid, nakipagpagtunggali sa karangyaan ang Buhara sa Baghdad.[10] Itinuturo ng mga iskolar na mas marami pang nagawa ang mga Samanida upang buhayin ang wikang Persyano at kulturang Persano kaysa sa mga Buyida o Saparida, habang patuloy pa ring ginagamit ang wikang Arabe para sa agham at relihiyon. Itinuturing nila ang kanilang sarili bilang mga inapo ng Imperyong Sasanida. Sa isang tanyag na kautusan, ipinahayag ng mga Samanida na "dito, sa rehiyong ito, ang wika ay Persano, at ang mga hari ng kahariang ito ay mga haring Persano."[10]

Remove ads

Kasaysayan

Pinagmulan

Itinatag ang dinastiyang Samanida ni Saman Khuda, at ang kanyang mga inapo ang naging mga pinuno ng Imperyong Samanida. Isa siyang dehqan na may pinagmulan na Iraniyano mula sa nayon ng Saman sa lalawigan ng Balkh,[11][12] sa kasalukuyang hilagang Apganistan.[13] Lumilitaw na ang pinakamaagang pagtatala tungkol sa pamilyang Samanida ay nasa Kalakhang Horosan at hindi sa Transoksiyana.[14] Sa ilang sanggunian, inaangkin ng mga Samanida na sila ay nagmula sa Bahay ni Mihran ni Bahram Chobin.[b] Pinatutunayan pa ito ng isang traktadong heograpiko mula sa ikalawang kalahati ng ikawalong dantaon, na binuo ng limang koro (mga Togoniyano) at isinalin sa wikang Tibetano. Sa salaysay na ito, binanggit na ang mga inapo ni Bahram Chobin ay lumipat sa Balkh at doon nanirahan. Ayon kay Gumilev, itinuring sila bilang mga ninuno ng mga Samanida. Nagbibigay ito ng patunay sa pag-angkin bago pa man umiral ang Imperyong Samanida.[17] May mga nagsabi rin na ang Bahay ni Saman ay kabilang sa mga Turkong Ogus, bagaman maliit ang posibilidad na totoo ito.[14] Si Saman Khuda, na orihinal na Zoroastriko, ay nagbalik-loob sa Islam noong panahon ng pamumuno ni Asad ibn Abdallah al-Qasri sa Horasan, at ipinangalan niya ang kanyang panganay na anak bilang Asad ibn Saman bilang parangal sa gobernador.[14] Noong 819, ginawaran ng gobernador ng Mas Malawak na Khorasan, si Ghassan ibn Abbad, ang apat na anak ni Asad ibn Saman bilang gantimpala sa kanilang tulong laban sa rebelde na si Rafi ibn al-Layth. Nakuha ni Nuh ibn Asad ang Samarkanda; nakuha ni Ahmad ibn Asad ang Pergana; nakuha ni Yahya ibn Asad ang Taskent; at nakuha ni Ilyas ibn Asad ang Herat.[14]

Pagbangon

Ang Samanida sa Herat (819–857)

Namatay si Ilyas noong 856, at ang kanyang anak na si Ibrahim ibn Ilyas ang humalili sa kanya. Itinalaga siya ng Tahirid na gobernador ng Horasan, si Muhammad ibn Tahir, bilang pinuno ng kanyang hukbo at ipinadala sa isang kampanya laban sa pinunong Saparida na si Ya'qub ibn al-Layth al-Saffar sa Sistan. Matapos siyang matalo sa labanan malapit sa Pushang noong 857, tumakas siya patungong Nishapur, subalit nahuli siya ni Ya'qub al-Saffar at ipinadala sa Sistan bilang isang bihag.[14]

Ang dinastiyang Samanida sa Transoksiyana (819–892)

Thumb
Mapa ng Horosan at Transoksiyana.

Noong 839/40, sinakop ni Nuh ang Isfijab mula sa mga nomadikong paganong Turko na naninirahan sa kapatagan. Bunga nito, ipinagawa niya ang isang pader sa paligid ng lungsod upang protektahan ito mula sa kanilang mga pag-atake. Namatay siya noong 841/2, at ang kanyang dalawang kapatid na sina Yahya at Ahmad ang itinalaga bilang magkatuwang na namumuno sa lungsod ng Tahirid na gobernador ng Horasan.[14] Pagkamatay ni Yahya noong 855, kinuha ni Ahmad ang pamamahala sa Châch, at sa gayon ay naging pinuno siya ng karamihan ng Transoksiyana. Namatay siya noong 864/5; nakuha ng kanyang anak na si Nasr I ang Pergana at Samarkanda, habang nakuha naman ng isa pa niyang anak na si Ya'qub ang Châch (mga lugar sa paligid ng makabagong Tashkent/Chachkent).[14]

Huling pagkakaisa at kasukdulan ng kapangyarihan (892–907)

Thumb
Larawan ng Mausoleong Samanida, ang libingan ni Ismail Samani.

Matapos mamatay si Nasr, inilipat ni Ismail ang kabisera ng dinastiyang Samanida mula Samarkanda patungong Buhara.[18] Ilang buwan pagkatapos, namatay din ang emir na Saparida na si Ya'qub al-Saffar at pinalitan siya ng kanyang kapatid na si Amr ibn al-Layth, na itinuturing ang kanyang sarili bilang tagapagmana ng mga Saparida.[19] Noong tagsibol ng 900, nakipaglaban si Amr kay Ismail malapit sa Balkh, subalit natalo siya at ikinulong.[20] Pagkatapos, ipinadala siya ni Ismail sa Baghdad, kung saan pinatay siya.[14] Pagkatapos nito, kinilala si Ismail bilang pinuno ng buong Horasan at Transoksiyana ng kalipa.[14] Bukod dito, natanggap din niya ang pagtatalaga sa pamamahala ng Tabaristan, Ray, at Ispahan.[14] Sa panahong ito rin napilitan ang dinastiyang Aprigida na sumuko.[14]

Namatay si Ismail noong Nobyembre 907, at humalili ang kanyang anak na si Ahmad Samani (naghari. 907–914).

Panahong panamagitan (907–961)

Hindi naglaon matapos ang kanyang pag-akyat sa trono, sinalakay ni Ahmad ang Sistan; pagsapit ng 911, ganap nang kontrolado ng mga Samanida ang Sistan, at itinalaga ang pinsan ni Ahmad na si Abu Salih Mansur bilang gobernador nito. Samantala, unti-unti namang muling itinatag ng isang Alid na si Hasan al-Utrush ang pamahalaang Zaydi sa Tabaristan. Noong 913, nagpadala si Ahmad ng hukbo sa ilalim ni Muhammad ibn Sa'luk upang harapin siya. Bagaman mas malaki ang hukbo ng mga Samanida, nagtagumpay si Hasan. Bago pa man makapagsagawa si Ahmad ng panibagong ekspedisyon sa Tabaristan, pinatay siya sa susunod na taon ng ilan sa kanyang mga alipin sa isang tolda malapit sa Buhara.[21] Sa kanyang pamumuno, sinasabing pinalitan din ni Ahmad ang wika ng korte mula Persa patungong Arabe, na naging dahilan upang hindi siya maging popular sa kanyang mga nasasakupan, at pinilit siyang ibalik ito sa Persyano. Pagkatapos ng pagkamatay ni Ahmad, ang kanyang walong taong gulang na anak na si Nasr II (naghari 914–943) ang humalili sa kanya.

Noong 943, ilang opisyal ng hukbong Samanida, na nagalit sa suporta ni Nasr sa mga misyonerong Isma’ili, ay nagplano ng isang sabwatan upang patayin siya. Gayunpaman, nalaman ng anak ni Nasr na si Nuh I ang balak. Dumalo siya sa isang salu-salo na inihanda upang isaayos ang plano at pinugutan ang ulo ng kanilang pinuno. Upang paginhawahin ang ibang mga opisyal, nangako siyang ititigil ang patuloy na gawain ng mga misyonerong Isma'ili. Pagkatapos, napaniwala niya ang kanyang ama na mag-abdika, na namatay makalipas ang ilang buwan dahil sa tuberculosis.[22]

Thumb
Iran noong kalagitnaan ng ika-10 dantaon.

Pagsapit ng 945, ang pangkat-militar na Turko na binubuo ng mga aliping mandirigma (na dating tinanggap ng mga pinuno ng Samanida sa mga posisyon ng pamahalaan) ay ganap nang namuno sa pamahalaan. Sa panahong ito, ang pamilya ng Samanida ay may nominal lamang na kapangyarihan; katulad ng kung paano hawak ng mga Buyida ang aktuwal na kapangyarihan sa Kalipatong Abasida sa parehong panahon.[23]

Paghina at pagbagsak (961–999)

Nagsimulang humina ang kapangyarihan ng mga Samanida sa huling kalahati ng ika-10 dantaon. Noong 962, isa sa mga ghulam, si Alp Tigin, ang pinuno ng hukbo sa Horasan, ay sinakop ang Ghasna at itinatag ang kanyang pamahalaan doon.[24] Gayunpaman, ang kanyang mga kahalili, kabilang si Sabuktigin, ay nagpatuloy sa pamumuno bilang mga "gobernador" ng Samanida.

Noong 992, isang Karahanida na si Harun Bughra Khan, apo ng pinakamataas na pinuno ng tribo ng konpederasyong Karluk na si Sultan Satuq Bughra Khan, ay sinakop ang Buhara, ang kabisera ng Samanida. Gayunpaman, namatay si Harun kaagad pagkatapos, at bumalik ang mga Samanida sa Buhara. Noong 999, bumalik si Nasr b. Ali, pamangkin ni Harun, at sinakop ang Buhara na halos walang pagtutol. Ang mga nasasakupan ng Samanida ay hinati sa pagitan ng mga Ghasnabida, na nakuha ang Horasan, at ng mga Karahanida, na tinanggap ang Transoksiyana; sa gayon, ang Ilog Oxus ang naging hangganan sa pagitan ng dalawang magkaaway na imperyo.[25]

Intermedyong Iraniyano

Kasama ng ilang iba pang mga estado, ang Imperyong Samanida ay bahagi ng Intermedio Iranyano, o "Renasimiyentong Persano”. Ang panahong ito ay inilarawan bilang may mahalagang papel sa paghubog ng sibilisasyong Islamiko, parehong sa pampolitika at pangkulturang aspeto. Sa pampolitika na pananaw, naganap ang epektibong pagbagsak ng kapangyarihan ng mga Abasida at pag-usbong ng ilang kahaliling estado tulad ng mga Samanida at Buyida, habang sa pangkulturang na pananaw, nasaksihan ang pag-usbong ng bagong Persano bilang wika sa administratibo at panitikan.[26]

Remove ads

Kultura

Pamahalaan

Ang sistema ng estadong Samanida ay hinango mula sa sistemang Abasida,[27] na siya namang hinango mula sa sistemang Sasanida.[3][28] Ang pinuno ng estado ay ang amir, at ang mga lalawigan ay pinamumunuan ng mga itinalagang gobernador o mga lokal na pinunog basalyo.[27] Ang mga administratibo, pampolitika, at ekonomikong gawain ay pinamamahalaan ng divan, at ginagamit ng burokrasya ng Samanida ang wikang Arabe sa kanilang mga diplomatikong usapin.[29] Ang ekonomiya ay pinamamahalaan ng mustawfi, ang diplomatikong sulat at mahahalagang papeles ng estado ng diwanal-rasa'il, at ang bantay-hari at mga usaping militar ng sahib al-shurta.[30] Ang pangunahing responsibilidad ng parehong mga gobernador at lokal na pinuno ay mangolekta ng buwis at suportahan ang pinuno ng Samanida ng mga tropa kung kinakailangan. Ang pinakamahalagang lalawigan sa Imperyong Samanida ay ang Horasan, na orihinal na ibinibigay sa isang kamag-anak ng pinuno ng Samanida o isang lokal na prinsipe ng Iranya (tulad ng mga Muhtadhida), subalit kalaunan ay ibinibigay sa isa sa kanyang pinaka-pinagkakatiwalaang alipin. Karaniwang ang gobernador ng Horasan ang sipah-salar (punong kumander).[27]

Tulad ng sa Kalipatong Abasida, ang mga alipin na Turko ay maaaring umakyat sa mataas na posisyon sa estadong Samanida, na kung minsan ay nagbibigay sa kanila ng sapat na kapangyarihan upang halos gawing papet ang pinuno.[27]

Mga pagsisikap sa kultura at relihiyon

Binuhay muli ng mga Samanida ang kulturang Persano sa pamamagitan ng pagtangkilik kina Rudaki,[31] Bal'ami, at Daqiqi.[32] Matibay na ipinakalat ng mga Samanida ang Sunni Islam, at pinigilan ang Ismaili Shiismo,[33] subalit mas tolerante sila sa Panlabindalawang Shiismo.[10] Ang arkitekturang Islamiko at kulturang Islamo-Persano ay naipakalat nang malalim sa mga pangunahing rehiyon ng Gitnang Asya ng mga Samanida. Kasunod ng kauna-unahang kumpletong pagsasalin ng Qur'an sa wikang Persyano noong ika-9 na siglo, nagsimulang tanggapin ng maraming mamamayan sa ilalim ng Imperyong Samanida ang Islam.[34] Ang arabisasyon ng mga Samanida ay malinaw na kakaunti kumpara sa halos ganap na arabisadong mga Tahirid.[35] Bagaman umunlad ang panitikan at agham na Arabe sa Imperyong Samanida, ang distansya nito mula sa Baghdad ay nagbigay daan upang maging mahalagang elemento ang mga Samanida sa rennessansang ng bagong wikang Persano at kulturang Persano.[35] Ang baryante ng kulturang Persano na ito ang kauna-unahang gumamit ng ibang wika bukod sa Arabe sa kulturang Islamiko.[36]

Bagaman ang populasyong Zoroastriko ay dating pinigilan ng Kalipatong Abasida,[37] ayon kay Al-Masudi, ang Imperyong Samanida[c][38] ay mayroon pa ring mga templong-apoy na patuloy na sinasamba ng kasalukuyang populasyong Zoroastriko.[38] Bagaman ipinahayag ng mga Samanida ang kanilang paniniwala sa Sunni Islam, mas naging matatag ang kanilang pagtanggap at toleransiya sa populasyong Zoroastriko kumpara sa mga naunang imperyo.[39]

Panitikan

Noong ika-9 at ika-10 siglo, nagkaroon ng malaking pag-unlad sa panitikan, karamihan sa tula. Sa panahon ng Samanida lumitaw ang panitikang Persano sa Transoksiyana at opisyal itong kinilala.[40] Ang pag-unlad ng isang Islamikong Bagong Panitikang Persa ay nagsimula sa Transoksiyana at Horasan, sa halip na sa Fars, ang tinubuang-bayan ng mga Persa. Ang mga pinaka-kilalang makata sa panahon ng Samanida ay sina Rudaki (namatay 941), Daqiqi (namatay 977), at Ferdowsi (namatay 1020).[40]

Bagaman ang Persa ang pinaka-pinapaborang wika, patuloy na mataas ang katayuan ng Arabe at nanatiling popular sa mga miyembro ng pamilyang Samanida.[40] Halimbawa, sumulat si al-Tha’alibi ng isang antolohiya sa Arabe na pinamagatang Yatimat al-Dahr ("Ang Natatanging Perla"). Ang ika-apat na seksyon ng antolohiya ay naglaman ng detalyadong tala tungkol sa mga makatang namuhay sa ilalim ng mga Samanida. Binanggit din dito na karamihan sa mga makata ng Khwarazm ay sumusulat sa wikang Arabe.[40]

Sining

Dahil sa malawakang paghuhukay sa Nishapur, Iran, noong kalagitnaan ng ika-20 dantaon, mahusay na naipapakita ang mga palayok ng Samanida sa mga koleksyon ng sining Islamiko sa buong mundo. Ang mga seramikong ito ay karamihang gawa sa lupang luwad at nagtatampok ng alinman sa mga inskripsiyong kaligrapiko ng mga kasabihang Arabe, o makukulay na dekorasyong may mga pigura.[41] Ang mga kasabihang Arabe ay kadalasang nagpapahayag ng mga halaga ng kulturang "Adab"—pagiging maanyaya, pagiging bukas-palad, at pagiging mahinahon.[42]

Remove ads

Pamana

Sa pagpupuri sa mga Samanida, sinabi ng epikong makatang Persia na si Ferdowsi tungkol sa kanila:

کجا آن بزرگان ساسانیان ز بهرامیان تا به سامانیان

"Saan napunta ang lahat ng dakilang Sasanida ?
Mula sa mga Bahrāmida hanggang sa mga Samanida ano ang nangyari?"

Isang historyador ng Buharan na sumulat noong 943 ay nagsabi na si Ismail Samani:

ay talagang karapat-dapat at tama para sa pagpapa-padishah. Siya ay isang matalino, makatarungan, at mahabagin na tao, taglay ang katuwiran at kakayahang makita ang hinaharap... pinamamahalaan niya ang mga gawain nang may katarungan at mabuting etika. Sinumang nang-aapi sa mga tao ay kanyang pinaparusahan... Sa mga usapin ng estado, siya ay laging patas.[45]

Ayon sa kilalang iskolar na si Nizam al-Mulk, sa kanyang tanyag na akda na Siyasatnama, sinabi niya na si Ismail Samani:

ay lubos na makatarungan, at marami ang kanyang magagandang katangian. May dalisay siyang pananampalataya sa Diyos (sa Kanya ang kapangyarihan at kaluwalhatian) at siya ay mapagbigay sa mahihirap – isa lamang ito sa kanyang mga kapuri-puring kagandahang-asal.[46]

Mga pinunong Samanida

Karagdagang impormasyon Buhara, Samarkanda ...
Remove ads

Mga pananda

  1. Kilala din bilang Imperyong Samaniyano, dinastiyang Samanida, amiratong Samanid, o simple bilang mga Samanida.
  2. Tinutukoy ni Pourshariat ang mga Mihran bilang Parto,[15] habang tinutukoy ni Frye ang Bahram Chobin bilang Sasanida.[16]
  3. Partikular ang Kirman, Sihistan, at Horasan

Mga sanggunian

Talababa

Karagdagang pagbabasa

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads