Berlin
kabisera at pinakamalawak na lungsod ng Germany From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang Berlin ay ang kabesera ng Alemanya. May 3.7 milyong naninirahan, ito ang pinakamalaking lungsod sa bansa ayon sa lugar at populasyon,[7][8] at ang pinakamalaking lungsod ayon sa populasyon sa buong Unyong Europeo, ayon sa populasyon sa loob ng mga limitasyon ng lungsod.[2] Isa sa labing-anim na kinabibilangang estado ng Alemanya, ang Berlin ay napalilibutan ng Estado ng Brandeburgo at kadugtong ng Potsdam, ang kabesera ng Brandeburgo. Ang urbanong pook ng Berlin, na may populasyon na humigit-kumulang 4.5 milyon, ay ang pangalawang pinakamataong urbanong pook sa Alemanya pagkatapos ng Ruhr. Ang kabeserang rehiyon ng Berlin-Brandeburgo ay may humigit-kumulang 6.2 milyong mga naninirahan at ito ang ikatlong pinakamalaking kalakhang rehiyon ng Alemanya pagkatapos ng mga rehiyon ng Rin-Ruhr at Rin-Meno.[9] Nagkaroon ng bigong pagtatangkang pag-isahin ang parehong estado noong 1996, at sa kabila ng nananatiling hiwalay, ang dalawang estado ay nagtutulungan sa maraming kalakaran hanggang ngayon.
Ang Berlin ay tumatawid sa pampang ng Spree, na dumadaloy sa Havel (isang tributaryo ng Elbe) sa kanlurang boro ng Spandau. Kabilang sa mga pangunahing topograpikong tampok ng lungsod ay ang maraming lawa sa kanluran at timog-silangan na mga boro na nabuo ng Spree, Havel, at Dahme, na ang pinakamalaki ay ang Lawa Müggelsee. Dahil sa lokasyon nito sa Kapatagang Europeo, ang Berlin ay naiimpluwensiyahan ng isang banayad na pana-panahong klima. Halos sangkatlo ng lugar ng lungsod ay binubuo ng mga kagubatan, liwasan, hardin, ilog, kanal, at lawa.[10] Ang lungsod ay nasa lugar ng diyalektong Gitnang Aleman; ang diyalekto ng Berlin ay isang varyant ng mga diyalektong Lausitzisch-Neumärkisch.
Unang naidokumento noong ika-13 siglo at sa pagtawid ng dalawang mahalagang makasaysayang rutang pangkalakalan,[11] ang Berlin ay naging kabesera ng Margrabyato ng Brandeburgo (1417 – 1701), ng Kaharian ng Prusya (1701–1918), ng Imperyong Aleman (1871). –1918), ng Republikang Weimar (1919–1933), at ng Alemanyang Nazi (1933–1945). Ang Berlin noong dekada '20 ay ang ikatlong pinakamalaking munisipalidad sa mundo.[12] Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang kasunod na pananakop nito ng mga matagumpay na bansa, nahati ang lungsod; ang Kanlurang Berlin ay naging isang de facto na eksklabo ng Kanlurang Alemanya, na napapalibutan ng Pader ng Berlin (mula Agosto 1961 hanggang Nobyembre 1989) at ng teritoryo ng Silangang Aleman.[13] Ang Silangang Berlin ay idineklara na kabesera ng Silangang Alemanya, habang ang Bonn ay naging kabesera ng Kanlurang Alemanya. Kasunod ng muling pag-iisa ng Alemanya noong 1990, ang Berlin ay muling naging kabesera ng buong Alemanya.
Ang Berlin ay isang pandaigdigang lungsod ng kultura, politika, media, at agham.[14][15][16][17] Nakabatay ang ekonomiya nito sa mga high-tech na kompanya at sektor ng serbisyo, na sumasaklaw sa magkakaibang hanay ng mga malikhaing industriya, pasilidad ng pananaliksik, mga korporasyon ng media at mga pinagdadausang pangkumbensiyon.[18][19] Ang Berlin ay nagsisilbing isang kontinental na pusod para sa trapiko sa himpapawid at tren at may napakakomplikadong ugnayan ng pampublikong transportasyon. Ang metropolis ay isang sikat na destinasyong panturista.[20] Kabilang din sa mga makabuluhang industriya ang IT, mga parmasyutiko, inhinyeriyang biyomedikal, malinis na teknolohiya, biyoteknolohiya, konstruksiyon, at electronika.
Ang Berlin ay tahanan ng mga unibersidad na kilala sa buong mundo gaya ng Pamantasang Humboldt, Pamantasang Teknikal, Malayang Unibersidad, Pamantasan ng mga Sining, ESMT Berlin, Paaralang Hertie, at Kolehiyong Bard ng Berlin. Ang Zoolohikong Hardin nito ay ang pinakabinibisitang zoo sa Europa at isa sa pinakasikat sa buong mundo. Dahil ang Babelsberg ang kauna-unahang malakihang estudyong pampelikulang complex sa mundo, ang Berlin ay isang lalong sikat na lokasyon para sa mga pandaigdigang paggawa ng pelikula.[21] Kilala ang lungsod sa mga pagdiriwang, magkakaibang arkitektura, nightlife, kontemporaneong sining at napakataas na kaledad ng pamumuhay.[22] Mula noong dekada 2000, saksi ang Berlin sa paglitaw ng isang kosmopolitang eksenang entrepreneurship.[23]
Nagtataglay ang Berlin ng tatlong Pandaigdigang Pamanang Pook: Pulo ng mga Museo, ang mga Palasyo at Liwasan ng Potsdam at Berlin, at ang mga Modernismong Pabahay ng Berlin.[24] Kabilang sa iba pang mga tanawin ang Tarangkahang Brandeburgo, ang gusaling Reichstag, ang Potsdamer Platz, ang Alaala sa mga Pinaslang na Hudyo ng Europa, ang Alaala ng Pader ng Berlin, ang Galeriya ng Silangang Bahagi, ang Haligi ng Tagumpay sa Berlin, ang Katedral ng Berlin, at ang Toreng Pantelebisyon ng Berlin, ang pinakamataas na estruktura sa Alemanya. Maraming museo, galeriya, aklatan, orkestra, at mga pinagdadausan ng sports ang Berlin. Kabilang dito ang Altes Museum, ang Lumang Pamabansang Galeriya, ang Museong Bode, ang Museo Pergamo, ang Museuong Pangkasaysayang Aleman, ang Museong Hudyo Berlin, ang Museo ng Likas na Kasaysayan, ang Foro Humboldt, ang Aklatang Estatal ng Berlin, ang Opera Estatal ng Berlin, ang Filarmonika ng Berlin, at ang Maraton ng Berlin.
Remove ads
Kasaysayan
Etimolohiya
Matatagpuan ang Berlin sa hilagang-silangan ng Alemanya, silangan ng Ilog Elbe, na dating bumubuo, kasama ang Ilog (Sahon o Turingia) Saale (mula sa kanilang tagpuan sa Barby pataas), ang silangang hangganan ng Kahariang Franco. Habang ang Kahariang Franco ay pangunahing tinitirhan ng mga tribong Aleman tulad ng mga Franco at mga Sahon, ang mga rehiyon sa silangan ng mga ilog sa hangganan ay pinaninirahan ng mga tribong Eslabo. Ito ang dahilan kung bakit karamihan sa mga lungsod at nayon sa hilagang-silangan ng Alemanya ay may mga pangalang may pinagmulang Eslabo (Germania Slavica). Ang mga karaniwang Hermanisadong pangalan ng lugar na hulaping Eslabo na pinagmulan ay -ow, -itz, -vitz, -witz, -itzsch at -in, ang mga unlapi ay Windisch at Wendisch. Ang pangalang Berlin ay nag-ugat sa wika ng mga naninirahan sa Kanlurang Eslabo sa lugar ng Berlin ngayon, at maaaring nauugnay sa Lumang Polabong tangkay na berl- / birl- ("latian").[25] Dahil ang Ber- sa simula ay parang salitang Aleman na Bär ("oso"), lumilitaw ang isang oso sa eskudo de armas ng lungsod. Kaya ito ay isang halimbawa ng armas parlantes.
Sa labindalawang boro ng Berlin, lima ang may (bahagyang) pangalang may pinagmulang Eslabo: Pankow (pinakamatao), Steglitz-Zehlendorf, Marzahn-Hellersdorf, Treptow-Köpenick, at Spandau (pinangalanang Spandow hanggang 1878). Sa siyamnapu't anim na kapitbahayan nito, dalawampu't dalawa ang may (bahagya) na pangalang may pinagmulang Eslabo: Altglienicke, Alt-Treptow, Britz, Buch, Buckow, Gatow, Karow, Kladow, Köpenick, Lankwitz, Lübars, Marchow, Marzahn, Pankow, Prenzlauer Berg, Rudow, Schmöckwitz, Spandau, Stadtrandsiedlung Malchow, Steglitz, Tegel, at Zehlendorf. Ang kapitbahayan ng Moabit ay may pangalang nagmula sa Pranses, at ang Französisch Buchholz ay ipinangalan sa mga Huguenot.
Ika-12 hanggang ika-16 na siglo


Ang pinakaunang katibayan ng mga pamayanan sa lugar ng Berlin ngayon ay mga labi ng isang pundasyon ng bahay na may petsang 1174, na natagpuan sa mga paghuhukay sa Berlin Mitte,[26] at isang barakilang kahoy na may petsang humigit-kumulang 1192.[27] Ang unang nakasulat na mga talaan ng mga bayan sa lugar ng kasalukuyang Berlin ay mula sa huling bahagi ng ika-12 siglo. Ang Spandau ay unang binanggit noong 1197 at Köpenick noong 1209, bagaman ang mga lugar na ito ay hindi sumanib sa Berlin hanggang 1920.[28] Ang sentrong bahagi ng Berlin ay maaaring masubaybayan pabalik sa dalawang bayan. Ang Cölln sa Fischerinsel ay unang binanggit sa isang dokumento noong 1237, at ang Berlin, sa kabila ng Spree sa tinatawag ngayong Nikolaiviertel, ay tinukoy sa isang dokumento mula 1244.[27] Ang 1237 ay itinuturing na petsa ng pagkakatatag ng lungsod.[29] Ang dalawang bayan sa paglipas ng panahon ay nabuo ang malapit na pang-ekonomiya at panlipunang ugnayan, at nakinabang mula sa pangunahing bahagi mismo sa dalawang mahalagang ruta ng kalakalan ng Via Imperii na mula Brujas hanggang Novgorod.[11] Noong 1307, bumuo sila ng isang alyansa na may isang karaniwang patakarang panlabas, bagaman ang kanilang mga panloob na pangangasiwa ay pinaghihiwalay pa rin.[30][31]
Noong 1415, si Federico I ay naging tagahalal ng Margrabyato ng Brandeburgo, na pinamunuan niya hanggang 1440.[32] Noong ika-15 siglo, itinatag ng kaniyang mga kahalili ang Berlin-Cölln bilang kabesera ng margabyato, at ang mga sumunod na miyembro ng pamilyang Hohenzollern ay namuno sa Berlin hanggang 1918, una bilang mga tagahalal ng Brandeburgo, pagkatapos ay bilang mga hari ng Prusya, at kalaunan bilang mga emperador ng Alemanya. Noong 1443, sinimulan ni Federico II Ngiping Bakal ang pagtatayo ng isang bagong palasyo ng hari sa kambal na lungsod ng Berlin-Cölln. Ang mga protesta ng mga mamamayan ng bayan laban sa gusali ay nagtapos noong 1448, sa "Indignasyong Berlin" ("Berliner Unwille").[33][34] Hindi naging matagumpay ang protestang ito at nawalan ang mga mamamayan ng marami sa mga pampolitika at pang-ekonomiyang pribilehiyo. Nang matapos ang palasyo ng hari noong 1451, unti-unti itong nagamit. Mula 1470, kasama ang bagong tagahalal na si Alberto III Aquiles, naging bagong tirahan ng hari ang Berlin-Cölln.[31] Opisyal, ang palasyo ng Berlin-Cölln ay naging permanenteng tirahan ng mga Brandeburgong tagahalal na mga Hohenzollern mula 1486, nang si Juan Ciceron ay maupo sa kapangyarihan.[35] Gayunpaman, kinailangan ng Berlin-Cölln na talikuran ang katayuan nito bilang isang malayang lungsod Hanseatico. Noong 1539, opisyal na naging Luterano ang mga botante at ang lungsod.[36]
Ika-17 hanggang ika-19 na siglo
Ang Digmaan ng Tatlumpung Taon sa pagitan ng 1618 at 1648 ay nagwasak sa Berlin. Sangkatlo ng mga bahay nito ang nasira o nawasak, at ang lungsod ay nawalan ng kalahati ng populasyon nito.[37] Si Federico Guillermo, na kilala bilang "Dakilang Tagahalal", na humalili sa kaniyang ama na si Jorge Guillermo bilang pinuno noong 1640, ay nagpasimula ng isang patakaran ng pagtataguyod ng imigrasyon at pagpaparaya sa relihiyon.[38] Sa Kautusan ng Potsdam noong 1685, nag-alok si Frederick William ng pagpapakupkop para sa mga Pranses na Huguenot.[39]
Noong 1700, humigit-kumulang 30 porsiyento ng mga residente ng Berlin ay Pranses, dahil sa imigrasyon ng mga Huguenot.[40] Marami pang ibang imigrante ang nagmula sa Bohemya, Polonya, at Salzburgo.[41]

Mula noong 1618, ang Margrabyato ng Brandeburgo ay personal na nakipag-isa sa Dukado ng Prusya. Noong 1701, nabuo ng dalawahang estado ang Kaharian ng Prusya habang si Federico III, Tagahalal ng Brandeburgo, ay kinoronahan ang sarili bilang haring Federico I sa Prusya. Ang Berlin ay naging kabesera ng bagong Kaharian,[42] pinalitan ang Königsberg. Ito ay isang matagumpay na pagtatangka na isentralisa ang kabesera sa napakalayong estado, at ito ang unang pagkakataon na ang lungsod ay nagsimulang lumago. Noong 1709, pinagsama ang Berlin sa apat na lungsod ng Cölln, Friedrichswerder, Friedrichstadt, at Dorotheenstadt sa ilalim ng pangalang Berlin, "Haupt- und Residenzstadt Berlin".[30]
Noong 1740, si Federico II, na kilala bilang Federico ang Dakila (1740–1786), ay naluklok sa kapangyarihan.[43] Sa ilalim ng pamumuno ni Federico II, ang Berlin ay naging sentro ng Kaliwanagan, ngunit saglit ding sinakop noong Digmaan ng Pitong Taon ng hukbong Ruso.[44] Kasunod ng tagumpay ng Pransiya sa Digmaan ng Ika-apat na Koalisyon, nagmartsa si Napoleon Bonaparte sa Berlin noong 1806, ngunit nagbigay ng nagsasariling pamahalaan sa lungsod.[45] Noong 1815, ang lungsod ay naging bahagi ng bagong Lalawigan ng Brandeburgo.[46]
Hinubog ng Rebolusyong Industriyal ang Berlin noong ika-19 na siglo; kapansin-pansing lumawak ang ekonomiya at populasyon ng lungsod, at naging pangunahing sentro ng riles at sentro ng ekonomiya ng Alemanya. Ang mga karagdagang suburb sa lalong madaling panahon ay umunlad at lumaki ang lugar at populasyon ng Berlin. Noong 1861, ang mga kalapit na suburb kasama ang Wedding, Moabit, at ilang iba pa ay isinanib sa Berlin.[47] Noong 1871, ang Berlin ay naging kabesera ng bagong itinatag na Imperyong Aleman.[48] Noong 1881, naging distritong lungsod ito na hiwalay sa Brandeburgo.[49]
Ika-20 hanggang ika-21 siglo
Noong unang bahagi ng ika-20 siglo, ang Berlin ay naging isang matabang lupa para sa kilusang Ekspresyonistang Aleman.[50] Sa mga larangan tulad ng arkitektura, pagpipinta, at sine ay naimbento ang mga bagong anyo ng artistikong estilo. Sa pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig noong 1918, isang republika ang ipinahayag ni Philipp Scheidemann sa gusaling Reichstag. Noong 1920, isinama ng Batas ng Kalakhang Berlin ang dose-dosenang mga suburban na lungsod, nayon, at pagmamay-ari sa paligid ng Berlin sa isang pinalawak na lungsod. Ang batas ay nagpalaki sa lugar ng Berlin mula 66 km2 tungo 883 km2 (25 tungo 341 sq mi). Halos dumoble ang populasyon, at ang Berlin ay may populasyon na humigit-kumulang apat na milyon. Sa panahong Weimar, ang Berlin ay sumailalim sa kaguluhan sa politika dahil sa kawalan ng katiyakan sa ekonomiya ngunit naging isang kilalang sentro ng Rumaragasang Dekada '20. Naranasan ng metropolis ang kaniyang kapanahunan bilang isang pangunahing kabesera ng mundo at kilala sa mga tungkulin ng pamumuno nito sa agham, teknolohiya, sining, humanidades, pagpaplano ng lungsod, pelikula, mas mataas na edukasyon, pamahalaan, at mga industriya. Si Albert Einstein ay sumikat sa publiko noong mga taon niya sa Berlin, na ginawaran ng Gantimpalang Nobel para sa Pisika noong 1921.

Noong 1933, si Adolf Hitler at ang Partido Nazi ay naluklok sa kapangyarihan. Ang pamamahala ng NSDAP ay nagpabawas sa komunidad ng mga Hudyo ng Berlin mula 160,000 (isang-katlo ng lahat ng mga Hudyo sa bansa) sa humigit-kumulang 80,000 dahil sa pangingibang-bansa sa pagitan ng 1933 at 1939. Pagkatapos ng Kristallnacht noong 1938, libo-libong Hudyo ng lungsod ang ikinulong sa kalapit na kampong piitan ng Sachsenhausen. Simula noong unang bahagi ng 1943, marami ang ipinadala sa mga kampong piitan, gaya ng Auschwitz.[51] Ang Berlin ay ang pinakamabigat na binomba na lungsod sa kasaysayan. Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang malaking bahagi ng Berlin ay nawasak sa 1943–45 na reyd sa himpapawid ng mga Alyado at sa 1945 Labanan ng Berlin. Ang mga Alyado ay naghulog ng 67,607 tonelada ng mga bomba sa lungsod, na sinira ang 6,427 ektarya ng tinayuang lugar. Humigit-kumulang 125,000 sibilyan ang napatay.[52] Matapos ang pagtatapos ng digmaan sa Europa noong Mayo 1945, nakatanggap ang Berlin ng malaking bilang ng mga bakwit mula sa mga lalawigan sa Silangan. Hinati ng mga matagumpay na kapangyarihan ang lungsod sa apat na sektor, na kahalintulad sa mga lugar ng pananakop kung saan hinati ang Alemanya. Ang mga sektor ng Kanluraning Alyado (ang Estados Unidos, Reino Unido, at Pransiya) ay bumuo ng Kanlurang Berlin, habang ang Sobyetikong sektor ang bumuo ng Silangang Berlin.[53]
Lahat ng apat na Alyado ay nagbahagi ng mga tungkuling pampamahalaan para sa Berlin. Gayunpaman, noong 1948, nang palawigin ng Kanluraning Alyado ang reporma sa pera sa Kanlurang mga sona ng Alemanya sa tatlong kanlurang sektor ng Berlin, ang Unyong Sobyetiko ay nagpataw ng pagharang sa mga daanan patungo at mula sa Kanlurang Berlin, na ganap na nasa loob ng kontrolado ng Sobyetikong teritoryo. Ang pagbangkulong ng Berlin, na isinagawa ng tatlong kanlurang Alyado, ay nagtagumpay sa pagharang na ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain at iba pang mga suplay sa lungsod mula Hunyo 1948 hanggang Mayo 1949.[54] Noong 1949, itinatag ang Pederal na Republika ng Alemanya sa Kanlurang Alemanya at kalaunan ay isinama ang lahat ng mga sonang Amerikano, Briton, at Pranses, hindi kasama ang mga sona ng tatlong bansang iyon sa Berlin, habang ang Marxista-Leninistang Demokratikong Republikang Aleman ay idineklara sa Silangang Alemanya. Ang Kanlurang Berlin ay opisyal na nanatiling isang sinasakop na lungsod, ngunit ito ay nakahanay sa politika sa Republikang Federal ng Alemanya sa kabila ng heyograpikong paghihiwalay ng Kanlurang Berlin. Ang serbisyo ng himpapawid sa Kanlurang Berlin ay ipinagkaloob lamang sa mga kompanyang panghimpapawid ng mga Amerikano, Briton, at Pranses.

Ang pagkakatatag ng dalawang estadong Aleman ay nagpapataas ng tensiyon sa Digmaang Malamig. Ang Kanlurang Berlin ay napapaligiran ng teritoryo ng Silangang Aleman, at ang Silangang Alemanya ay nagpahayag ng Silangang bahagi bilang kabesera nito, isang hakbang na hindi kinilala ng mga kanluraning kapangyarihan. Kasama sa Silangang Berlin ang karamihan sa sentrong pangkasaysayan ng lungsod. Ang pamahalaang Kanlurang Aleman ay nagsariling nagtatag sa Bonn.[55] Noong 1961, sinimulan ng Silangang Alemanya na itayo ang Pader ng Berlin sa paligid ng Kanlurang Berlin, at ang mga pangyayari ay umabot sa isang tangke na paghaharap sa Tsekpoint Charlie. Ang Kanlurang Berlin ay de facto na ngayong bahagi ng Kanlurang Alemanya na may natatanging legal na katayuan, habang ang Silangang Berlin ay de facto na bahagi ng Silangang Alemanya. Ibinigay ni John F. Kennedy ang kaniyang talumpating "Ich bin ein Berliner" noong Hunyo 26, 1963, sa harap ng munisipyo ng Schöneberg, na matatagpuan sa kanlurang bahagi ng lungsod, na sinalungguhitan ang suporta ng Estados Unidos para sa Kanlurang Berlin.[56] Ang Berlin ay ganap na nahati. Bagaman posible para sa mga Kanluranin na dumaan sa kabilang panig sa pamamagitan ng mahigpit na kontroladong mga tsekpoint, para sa karamihan ng mga taga-Silangan, ang paglalakbay sa Kanlurang Berlin o Kanlurang Alemanya ay ipinagbabawal ng pamahalaan ng Silangang Alemanya. Noong 1971, ginagarantiyahan ng isang Kasunduan ng Apat na Kapangyarihan ang pagpunta sa at mula sa Kanlurang Berlin sa pamamagitan ng kotse o tren sa pamamagitan ng Silangang Alemanya.[57]
Noong 1989, sa pagtatapos ng Digmaang Malamig at panggigipit mula sa populasyon ng Silangang Aleman, ang Pader ng Berlin ay bumagsak noong Nobyembre 9 at kasunod na karamihan ay giniba. Ngayon, pinapanatili ng East Side Gallery ang malaking bahagi ng pader. Noong Oktubre 1990, muling pinagsama ang dalawang bahagi ng Alemanya bilang Republika Federal ng Alemanya, at muling naging lungsod ang Berlin.[58] Si Walter Momper, ang alkalde ng Kanlurang Berlin, ay naging unang alkalde ng muling pinagsamang lungsod sa pansamantala. Ang mga halalan sa buong lungsod noong Disyembre 1990 ay nagresulta sa unang "lahatang Berlin" na alkalde na nahalal na manungkulan noong Enero 1991, kung saan ang magkahiwalay na opisina ng mga alkalde sa Silangan at Kanlurang Berlin ay magtatapos sa panahong iyon, at si Eberhard Diepgen (isang dating alkalde ng Kanluran Berlin) ang naging unang nahalal na alkalde ng isang muling pinag-isang Berlin.[59] Noong Hunyo 18, 1994, ang mga sundalo mula sa Estados Unidos, Pransiya, at Britanya ay nagmartsa sa isang parada na bahagi ng mga seremonya upang markahan ang pag-alis ng mga kaalyadong tropang pananakop na nagpapahintulot sa muling pinagsamang Berlin[60] (ang huling tropang Ruso ay umalis noong Agosto 31, habang ang huling pag-alis ng mga puwersa ng Kanluraning Alyado ay noong Setyembre 8, 1994). Noong Hunyo 20, 1991, bumoto ang Bundestag (Parlamentong Aleman) na ilipat ang luklukan ng kabesera ng Alemanya mula Bonn patungong Berlin, na natapos noong 1999.
Ang muling itinayong Palasyo ng Berlin na nalalapit nang matapos noong 2021
Ang repormang pampangasiwaan ng Berlin noong 2001 ay nagsanib ng ilang boro, na binawasan ang kanilang bilang mula 23 hanggang 12.
Noong 2006, isinagawa sa Berlin ang FIFA World Cup Final.
Sa isang pag-atakeng terorista noong 2016 na nauugnay sa ISIL, isang truck ang sadyang inimaneho sa isang palengkeng pam-Pasko sa tabi ng Pang-alaalang Simbahang Kaiser Guillermo, na nag-iwan ng 13 kataong namatay at 55 nasugatan.[61][62]
Binuksan ang Paliparang Berlin Brandeburgo (BER) noong 2020, pagkalipas ng siyam na taon kaysa binalak, kung saan papasok na ang Terminal 1 sa serbisyo sa katapusan ng Oktubre, at ang mga lipad papunta at mula sa Paliparang Tegel ay magtatapos sa Nobyembre.[63] Dahil sa pagbaba ng bilang ng mga pasahero na nagreresulta mula sa pandemya ng COVID-19, inihayag ang mga plano na pansamantalang isara ang Terminal 5 ng BER, ang dating Paliparang Schönefeld, simula sa Marso 2021 nang hanggang isang taon.[64] Ang nag-uugnay na linyang U-Bahn U5 mula Alexanderplatz hanggang Hauptbahnhof, kasama ang mga bagong estasyong Rotes Rathaus at Unter den Linden, ay binuksan noong Disyembre 4, 2020, kung saan inaasahang magbubukas ang estasyon ng Museumsinsel U-Bahn sa bandang Marso 2021, na kokompleto sa lahat ng mga bagong gawa sa U5.[65] Ang isang bahagyang pagbubukas sa pagtatapos ng 2020 na museong Foro Humboldt, na makikita sa muling itinayong Palasyo ng Berlin, na inihayag noong Hunyo, ay ipinagpaliban hanggang Marso 2021.[66]
Pagtatangka ng pagsasanib ng Berlin-Brandeburgo

Ang legal na batayan para sa pinagsamang estado ng Berlin at Brandeburgo ay iba sa ibang mga panukala sa pagsasanib ng estado. Karaniwan, ang Artikulo 29 ng Batayang Batas ay nagsasaad na ang pagsasanib ng estado ay nangangailangan ng isang pederal na batas.[67] Gayunpaman, ang isang sugnay na idinagdag sa Batayang Batas noong 1994, Artikulo 118a, ay nagpapahintulot sa Berlin at Brandeburgo na magkaisa nang walang pag-aprubang federal, na nangangailangan ng isang reperendo at ratipikasyon ng mga parlamento ng parehong estado.[68]
Noong 1996, nagkaroon ng hindi matagumpay na pagtatangka na pag-isahin ang mga estado ng Berlin at Brandeburgo.[69] Parehong may iisang kasaysayan, diyalekto, at kultura at sa 2020, mayroong mahigit 225,000 residente ng Brandeburgo na namamasahe patungong Berlin. Ang pagsasanib ay nagkaroon ng halos nagkakaisang suporta ng isang malawak na koalisyon ng parehong mga pamahalaan ng estado, mga partidong pampolitika, media, mga asosasyon ng negosyo, mga unyon ng manggagawa, at mga simbahan.[70] Bagaman bumoto ang Berlin ng pabor sa maliit na palugit, higit sa lahat ay nakabatay sa suporta sa dating Kanlurang Berlin, hindi inaprubahan ng mga botante ng Brandeburgo ang pagsasanib sa malaking palugit. Nabigo ito higit sa lahat dahil sa ayaw ng mga botante ng Brandeburgo na tanggapin ang malaki at lumalaking utang ng publiko sa Berlin at takot na mawala ang pagkakakilanlan at impluwensiya sa kabesera.[69]
Remove ads
Heograpiya
Topograpiya


Ang Berlin ay nasa hilagang-silangan ng Alemanya, sa isang lugar ng mababang latiang makahoy na may pangunahing patag na topograpiya, bahagi ng malawak na Hilagang Kapatagang Europeo na umaabot mula hilagang Pransiya hanggang kanlurang Rusya. Ang Berliner Urstromtal (isang panahon ng yelo lambak glasyar), sa pagitan ng mababang Talampas ng Barnim sa hilaga at ng Talampas ng Teltow sa timog, ay nabuo sa pamamagitan ng natunaw na tubig na dumadaloy mula sa mga yelo sa dulo ng huling glasyasyong Weichseliense. Ang Spree ay sumusunod sa lambak na ito ngayon. Sa Spandau, isang boro sa kanluran ng Berlin, ang Spree ay umaagos sa ilog Havel, na dumadaloy mula hilaga hanggang timog sa kanlurang Berlin. Ang daloy ng Havel ay mas katulad ng isang hanay ng mga lawa, ang pinakamalaki ay ang Tegeler See at ang Großer Wannsee. Ang isang serye ng mga lawa ay dumadaloy din sa itaas na Spree, na dumadaloy sa Großer Müggelsee sa silangang Berlin.[71]
Ang malalaking bahagi ng kasalukuyang Berlin ay umaabot sa mababang talampas sa magkabilang panig ng Lambak Spree. Malaking bahagi ng mga boro na Reinickendorf at Pankow ay nasa Talampas ng Barnim, habang ang karamihan sa mga boro ng Charlottenburg-Wilmersdorf, Steglitz-Zehlendorf, Tempelhof-Schöneberg, at Neukölln ay nasa Talampas ng Teltow.
Ang boro ng Spandau ay bahagyang nasa loob ng Lambak Glasyar ng Berlin at bahagyang nasa Kapatagang Nauen, na umaabot sa kanluran ng Berlin. Mula noong 2015, ang mga burol ng Arkenberge sa Pankow sa 122 metro (400 tal) taas, ay ang pinakamataas na punto sa Berlin. Sa pamamagitan ng pagtatapon ng mga labi ng konstruksiyon nalampasan nito ang Teufelsberg (120.1 m (394 tal)), na kung saan mismo ay binubuo ng mga durog na bato mula sa mga guho ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.[72] Ang Müggelberge sa 114.7 114.7 metro (376 tal) taas ay ang pinakamataas na natural na punto at ang pinakamababa ay ang Spektesee sa Spandau, sa 28.1 metro (92 tal) taas.[73]
Klima
Ang Berlin ay may klimang pangkaragatan (Köppen: Cfb);[74] ang silangang bahagi ng lungsod ay may bahagyang impluwensiyang kontinental (Dfb), isa sa mga pagbabago ay ang taunang pag-ulan ayon sa masa ng hangin at ang mas malaking kasaganaan sa isang panahon ng taon.[75][76] Nagtatampok ang ganitong uri ng klima ng katamtamang temperatura ng tag-init ngunit kung minsan ay mainit (para sa pagiging semikontinental) at malamig na taglamig ngunit hindi mahigpit sa halos lahat ng oras.[77]
Dahil sa mga transisyonal na sonang klima nito, karaniwan ang pagyeyelo sa taglamig, at may mas malaking pagkakaiba sa temperatura sa pagitan ng mga panahon kaysa sa karaniwan para sa maraming klimang pangkaragatan. Higit pa rito, ang Berlin ay inuri bilang isang katamtamang klimang kontinental (Dc) sa ilalim ng iskema ng klima ng Trewartha, gayundin ang mga suburb ng Lungsod ng Bagong York, bagaman inilalagay sila ng sistemang Köppen sa iba't ibang uri.[78]
Ang mga tag-araw ay mainit-init at kung minsan ay mahalumigmig na may karaniwang mataas na temperatura na 22–25 °C (72–77 °F) at mababa sa 12–14 °C (54–57 °F). Ang mga taglamig ay malamig na may karaniwang mataas na temperatura na 3 °C (37 °F) at mababa sa −2 hanggang 0 °C (28 hanggang 32 °F). Ang tagsibol at taglagas ay karaniwang malamig hanggang banayad. Lumilikha ng mikroklima ang tinayuang bahagi ng Berlin, na may init na iniimbak ng mga gusali at bangketa ng lungsod. Ang mga temperatura ay maaaring 4 °C (7.2 °F) mas mataas sa lungsod kaysa mga nakapaligid na lugar.[79] Ang taunang pag-ulan ay 570 milimetro (22 in) na may katamtamang pag-ulan sa buong taon. Ang Berlin at ang nakapalibot na estado ng Brandeburgo ay ang pinakamainit at pinakatuyong rehiyon sa Alemanya.[80] Ang pag-ulan ng niyebe ay pangunahing nangyayari mula Disyembre hanggang Marso.[81] Ang pinakamainit na buwan sa Berlin ay Hulyo 1834, na may karaniwang temperatura na 23.0 °C (73.4 °F) at ang pinakamalamig ay Enero 1709, na maykaraniwang temperatura na −13.2 °C (8.2 °F).[82] Ang pinakabasang buwan na naitala ay Hulyo 1907, na may 230 milimetro (9.1 in) ng pag-ulan, samantalang ang pinakamatuyo ay Oktubre 1866, Nobyembre 1902, Oktubre 1908 at Setyembre 1928, lahat ay may 1 milimetro (0.039 in) ng pag-ulan.[83]
Tanawin ng lungsod

Ang kasaysayan ng Berlin ay nag-iwan sa lungsod ng isang polisentrikong pagkakaayos at isang napakaeklektikong hanay ng arkitektura at mga gusali. Ang hitsura ng lungsod ngayon ay higit na nahubog ng pangunahing papel na ginampanan nito sa kasaysayan ng Germany noong ika-20 siglo. Lahat ng pambansang pamahalaan na nakabase sa Berlin – ang Kaharian ng Prusya, ang Ikalawang Imperyong Aleman ng 1871, ang Republikang Weimar, Alemanyang Nazi, Silangang Alemanya, pati na rin ang muling pinagsamang Alemanya – ay nagpasimula ng mga ambisyosong programa sa muling pagtatayo, na ang bawat isa ay nagdaragdag ng sarili nitong natatanging estilo sa arkitektura ng lungsod.
Sinalanta ang Berlin ng mga pagsalakay sa himpapawid, sunog, at labanan sa kalye noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at marami sa mga gusaling nakaligtas sa parehong Silangan at Kanluran ay giniba noong panahon pagkatapos ng digmaan. Karamihan sa demolisyong ito ay pinasimulan ng mga programa sa arkitektura ng munisipyo upang magtayo ng mga bagong distrito ng negosyo o tirahan at ang mga pangunahing arterya. Karamihan sa mga palamuti sa mga gusali bago ang digmaan ay nawasak kasunod ng mga makabagong dogma, at sa parehong mga sistema pagkatapos ng digmaan, gayundin sa muling pinagsamang Berlin, maraming mahahalagang estrukturang pamana ang muling itinayo, kabilang ang Forum Fridericianum kasama ang, Operang Estatal (1955), Palasyo Charlottenburg (1957), ang mga monumental na gusali sa Gendarmenmarkt (dekada '80), ang Kommandantur (2003), at gayundin ang proyekto sa muling pagtatayo ng mga barokong patsada ng Palasyo ng Lungsod. Maraming mga bagong gusali ang naging inspirasyon ng kanilang makasaysayang mga nauna o ang pangkalahatang klasikong estilo ng Berlin, gaya ng Otel Adlon.
Ang mga kumpol ng mga skyscraper ay tumaas sa iba't ibang lokasyon: Potsdamer Platz, ang City West, at Alexanderplatz, ang huling dalawa ay naglalarawan sa mga dating sentro ng Silangan at Kanlurang Berlin, na ang una ay kumakatawan sa isang bagong Berlin noong ika-21 siglo, na bumangon mula sa mga guho no-man's land ng Pader ng Berlin. Ang Berlin ay may lima sa nangungunang 50 pinakamataas na gusali sa Alemanya.
Mahigit sa sangkatlo ng sakop ng lungsod ay binubuo ng luntiang espasyo, kakahuyan, at tubig.[91] Ang pangalawang pinakamalaki at pinakasikat na liwasan ng Berlin, ang Großer Tiergarten, ay matatagpuan sa gitna mismo ng lungsod. Sinasaklaw nito ang isang lugar na 210 ektarya at umaabot mula Bahnhof Zoo sa City West hanggang sa Tarangkahang Brandeburgo sa silangan.
Kabilang sa mga tanyag na kalye, ang Unter den Linden at Friedrichstraße ay matatagpuan sa lumang sentro ng lungsod (at kasama sa dating Silangang Berlin). Ang ilan sa pangunahing kalye sa City West ay ang Kurfürstendamm (o pinaikling Ku´damm) at Kantstraße.
Arkitektura


Ang Fernsehturm (toreng pantelebisyon) sa Alexanderplatz sa Mitte ay kabilang sa pinakamataas na estruktura sa Unyong Europeo sa 368 m (1,207 tal). Itinayo noong 1969, makikita ito sa karamihan ng mga sentral na distrito ng Berlin. Ang lungsod ay makikita mula sa 204 metro (669 tal)* palapag ng pagmamasid. Simula rito, ang Karl-Marx-Allee ay patungo sa silangan, isang abenida na may linya ng mga monumental na gusali ng tirahan, na dinisenyo sa estilong Sosyalismong Klasisismo. Katabi ng lugar na ito ay ang Rotes Rathaus (Bulwagang Panlungsod), na may natatanging pulang-ladrilyong arkitektura nito. Sa harap nito ay ang Neptunbrunnen, isang balong na nagtatampok ng mitolohikong pangkat ng mga Triton, mga personipikasyon ng apat na pangunahing Prusong ilog, at Neptuno sa ibabaw nito.
Ang Tarangkahang Brandeburgo ay isang ikonikong tanawin ng Berlin at Alemanya; ito ay tumatayo bilang isang simbolo ng mga pangyayaring Europeo at ng pagkakaisa at kapayapaan. Ang gusaling Reichstag ay ang tradisyonal na luklukan ng Parlamentong Aleman. Hinubog muli ito ng arkitektrong Briton na si Norman Foster noong dekada '90 at nagtatampok ng salaming simboryo sa ibabaw ng pook ng pagpupulong, na nagbibigay-daan sa libreng pampublikong tanaw sa mga pinagdadausang parlamento at magagandang tanawin ng lungsod.
Ang Galeriyang East Side ay isang open-air na eksibisyong sining na direktang ipininta sa mga huling bahagi ng Pader ng Berlin. Ito ang pinakamalaking natitirang ebidensiya ng makasaysayang dibisyon ng lungsod.
Ang Gendarmenmarkt ay isang neoklasikong liwasan sa Berlin, ang pangalan ay nagmula sa punong-tanggapan ng sikat na Gens d'armes regiment na matatagpuan dito noong ika-18 siglo. Dalawang katulad na disenyong katedral ang hangganan nito, ang Französischer Dom kasama ang platapormang pang-obserbasyon nito at ang Deutscher Dom. Ang Konzerthaus (Bulwagang Pangkonsiyerto), tahanan ng Orkestra Sinfonika ng Berlin, ay nakatayo sa pagitan ng dalawang katedral.


Ang Pulo ng mga Museo sa Ilog Spree ay naglalaman ng limang museo na itinayo mula 1830 hanggang 1930 at isang Pandaigdigang Pamanang Pook ng UNESCO. Ang pagpapanumbalik at pagtatayo ng isang pangunahing lagusan sa lahat ng mga museo, pati na rin ang muling pagtatayo ng Stadtschloss ay nagpapatuloy.[92][93] Gayundin sa pulo at sa tabi ng Lustgarten at palasyo ay ang Katedral ng Berlin, ang ambisyosong pagtatangka ni Emperador Guillermo II na lumikha ng Protestanteng karibal sa Basilika ni San Pedro sa Roma. Ang isang malaking kripta ay naglalaman ng mga labi ng ilan sa mga naunang Prusong maharlikang pamilya. Ang Katedral ni Santa Eduvigis ay ang Katoliko Romanong katedral ng Berlin.

Ang Unter den Linden ay isang silangan–kanlurang abenidang nalilinyahan ng mga puno na mula sa Tarangkahang Brandeburgo hanggang sa pook ng dating Berliner Stadtschloss, at dating pangunahing promenada ng Berlin. Maraming Klasikong gusali ang nakahanay sa kalye, at naroon ang bahagi ng Pamantasang Humboldt. Ang Friedrichstraße ay ang maalamat na kalye ng Berlin noong Ginintuang Dekada Beynte. Pinagsasama nito ang mga tradisyon ng ika-20 siglo sa modernong arkitektura ng Berlin ngayon.
Ang Potsdamer Platz ay isang buong kuwarto na binuo mula sa simula pagkatapos bumaba ang Pader.[94] Sa kanluran ng Potsdamer Platz ay ang Kulturforum, na naglalaman ng Gemäldegalerie, at nasa gilid ng Neue Nationalgalerie at ng Berliner Philharmonie. Ang Alaala sa mga Pinaslang na Hudyo ng Europa, isang alaalang pang-Holokausto, ay nasa hilaga.[95]
Ang lugar sa paligid ng Hackescher Markt ay tahanan ng mga kulturang moda, na may 'di-mabilang na mga bilihan ng damit, club, bar, at galeriya. Kabilang dito ang Hackesche Höfe, isang kalipunan ng mga gusali sa paligid ng ilang patyo, na muling itinayo noong 1996. Ang kalapit na Bagong Sinagoga ay ang sentro ng kultura ng mga Hudyo.
Ang Straße des 17. Juni, na nagkokonekta sa Tarangkahang Brandeburgo at Ernst-Reuter-Platz, ay nagsisilbing gitnang silangan-kanlurang axis. Ang pangalan nito ay ginugunita ang mga pag-aalsa sa Silangang Berlin noong Hunyo 17, 1953. Humigit-kumulang sa kalahati mula sa Tarangkahang Brandeburgo ay ang Großer Stern, isang isla ng sirkulong trapiko kung saan matatagpuan ang Siegessäule (Haligi ng Tagumpay). Ang monumentong ito, na itinayo upang gunitain ang mga tagumpay ng Prusya, ay inilipat noong 1938–39 mula sa dati nitong posisyon sa harapan ng Reichstag.
Ang Kurfürstendamm ay tahanan ng ilan sa mga mararangyang tindahan ng Berlin kung saan ang Pang-alaalang Simbahan ni Kaiser Guillermo sa silangang dulo nito sa Breitscheidplatz. Ang simbahan ay nawasak noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at iniwang guho. Ang malapit sa Tauentzienstraße ay ang KaDeWe, na sinasabing pinakamalaking almasen sa kontinental na Europa. Ang Rathaus Schöneberg, kung saan ginawa ni John F. Kennedy ang kaniyang tanyag na talumpating "Ich bin ein Berliner!", ay nasa Tempelhof-Schöneberg.
Kanluran ng sentro, ang Palasyo Bellevue ay ang tirahan ng Pangulo ng Alemanya. Ang Palasyo Charlottenburg, na nasunog noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ay ang pinakamalaking makasaysayang palasyo sa Berlin.
Ang Funkturm Berlin ay isang 150 metro (490 tal)* lattice tore ng radyo sa pook fairground, na itinayo sa pagitan ng 1924 at 1926. Ito ang tanging toreng pang-obserbasyon na nakatayo sa mga insulator at may restawran 55 m (180 tal) at isang larangang pantanaw 126 m (413 tal) sa ibabaw ng lupa, na mapupuntahan ng elevator na may bintana.
Ang Oberbaumbrücke sa ibabaw ng ilog Spree ay ang pinakaikonikong tulay ng Berlin, na nag-uugnay sa pinagsama-samang mga boro ng Friedrichshain at Kreuzberg. Nagdadala ito ng mga sasakyan, tao, at linyang U1 ng Berlin U-Bahn. Ang tulay ay nakompleto sa isang estilong ladrilyong gotiko noong 1896, na pinapalitan ang dating kahoy na tulay na may isang pang-itaas na daanan para sa U-Bahn. Ang gitnang bahagi ay giniba noong 1945 upang pigilan ang Pulang Hukbo sa pagtawid. Pagkatapos ng digmaan, ang inayos na tulay ay nagsilbing checkpoint at tawiran sa hangganan sa pagitan ng mga sektor ng Sobyetiko at Amerikano, at kalaunan sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Berlin. Noong kalagitnaan ng dekada '50, ito ay sarado sa mga sasakyan, at pagkatapos ng pagtatayo ng Pader ng Berlin noong 1961, ang trapiko ng tao ay mahigpit na pinaghigpitan. Kasunod ng muling pag-iisang Aleman, ang gitnang bahagi ay muling itinayo gamit ang isang kuwadrong asero, at ipinagpatuloy ang serbisyo ng U-Bahn noong 1995.
Remove ads
Demograpiya

Sa pagtatapos ng 2018, ang lungsod-estado ng Berlin ay mayroong 3.75 milyong rehistradong naninirahan[96] sa isang lugar na 891.1 km2 (344.1 mi kuw). Ang densidad ng populasyon ng lungsod ay 4,206 na naninirahan bawat km2. Ang Berlin ang pinakamataong lungsod sa Unyong Europeo. Noong 2019, ang urbanong sakop ng Berlin ay may humigit-kumulang 4.5 milyong naninirahan. Magmula noong 2019[update] ang gumaganang urbanong pook ay tahanan ng humigit-kumulang 5.2 milyong tao.[97] Ang buong kabeserang rehiyon ng Berlin-Brandeburgo ay may populasyon na higit sa 6 milyon sa isang lugar na 30,546 km2 (11,794 mi kuw).[98]
Noong 2014, ang lungsod-estado na Berlin ay nagkaroon ng 37,368 buhay na panganak (+6.6%), isang rekord na bilang mula noong 1991. Ang bilang ng mga namatay ay 32,314. Halos 2.0 milyong kabahayan ang binilang sa lungsod. 54 porsiyento ng mga ito ay mga sambahayang iisa ang naninirahan. Mahigit sa 337,000 pamilya na may mga batang wala pang 18 taong gulang ang nanirahan sa Berlin. Noong 2014, ang kabeserang Aleman ay nagrehistro ng dagdag sa paglipat ng humigit-kumulang 40,000 katao.[99]
Mga nasyonalidad
Ang pambansa at pandaigdigang paglipat sa lungsod ay may mahabang kasaysayan. Noong 1685, pagkatapos ng pagpapawalang-bisa ng Kautusan ng Nantes sa Pransiya, tumugon ang lungsod sa pamamagitan ng Kautusan ng Potsdam, na tinitiyak ang kalayaan sa relihiyon at katayuang walang buwis sa mga Pranses na Huguenot na bakwit sa loob ng sampung taon. Ang Batas ng Kalakhang Berlin noong 1920 ay nagsama ng maraming suburb at nakapalibot na mga lungsod ng Berlin. Binuo nito ang karamihan sa teritoryo na binubuo ng modernong Berlin at pinalaki ang populasyon mula sa 1.9 milyon tungo 4 milyon.
Ang aktibong imigrasyon at asilong pampolitika sa Kanlurang Berlin ay naghudyat ng mga alon ng imigrasyon noong dekada '60 at '70. Ang Berlin ay tahanan ng hindi bababa sa 180,000 residenteng Turko at Turko-Aleman,[101] na ginagawa itong pinakamalaking komunidad ng mga Turko sa labas ng Turkiya. Noong dekada '90 ang Aussiedlergesetze ay nagbigay-daan sa imigrasyon sa Alemanya ng ilang residente mula sa dating Unyong Sobyetiko. Sa ngayon, ang mga etnikong Aleman mula sa mga bansa ng dating Unyong Sobyetiko ang bumubuo sa pinakamalaking bahagi ng komunidad na nagsasalita ng Ruso.[102] Ang huling dekada ay nakaranas ng pagdagsa mula sa iba't ibang bansa sa Kanluran at ilang rehiyon sa Africa.[103] Ang isang bahagi ng mga imigranteng Africano ay nanirahan sa Afrikanisches Viertel.[104] Ang mga batang Aleman, EU-Europeo, at Israeli ay nanirahan na rin sa lungsod.[105]
Noong Disyembre 2019, mayroong 777,345 na rehistradong residente ng dayuhang nasyonalidad at dagdag pang 542,975 mamamayang Aleman na may "pinanggalingang imigrante" (Migrationshintergrund, MH),[106] ibig-sabihin sila o ang isa sa kanilang mga magulang ay nandayuhan sa Alemanya pagkatapos ng 1955. Ang mga dayuhang residente ng Berlin ay nagmula sa mga 190 bansa.[107] Apatnapu't walong porsiyento ng mga residenteng wala pang 15 taong gulang ay may pinagmulang imigrante.[108] Ang Berlin noong 2009 ay tinatayang mayroong 100,000 hanggang 250,000 hindi rehistradong mga naninirahan.[109] Ang mga Boro ng Berlin na may malaking bilang ng mga migrante o populasyon na ipinanganak sa ibang bansa ay Mitte, Neukölln, at Friedrichshain-Kreuzberg.[110]
Mayroong higit sa 20 hindi katutubong komunidad na may populasyong hindi bababa sa 10,000 katao, kabilang ang mga komunidad ng mga Turko, Polako, Ruso, Lebanes, Palestino, Serbio, Italyano, Indiyano, Bosnio, Biyetnames, Amerikano, Rumano, Bulgaro, Croata, Tsino, Austriako, Ukrano, Pranses, Briton, Españo, Israeli, Thai, Irani, Ehipsiyo, at Siryo..
Mga wika
Ang Aleman ay ang opisyal at nangingibabaw na sinasalitang wika sa Berlin. Ito ay isang wikang Kanlurang Aleman na nagmula ang karamihan ng bokabularyo nito mula sa sangay ng Aleman ng pamilya ng wikang Indo-Europeo. Ang Aleman ay isa sa 24 na wika ng Unyong Europeo,[111] at isa sa tatlong wikang pantrabaho ng Komisyong Europeo.
Ang Berlinerisch o Berlinisch ay hindi isang diyalekto sa lingguwistika. Ito ay sinasalita sa Berlin at sa nakapaligid na kalakhang pook. Nagmula ito sa isang Brandeburges na varyant. Ang diyalekto ay nakikita na ngayon na mas katulad ng isang sosyolekto, higit sa lahat sa pamamagitan ng pagtaas ng imigrasyon at mga uso sa mga edukadong populasyon na magsalita ng karaniwang Aleman sa pang-araw-araw na buhay.
Ang pinakakaraniwang ginagamit na wikang banyaga sa Berlin ay Turko, Polako, Ingles, Persa, Arabe, Italyano, Bulgaro, Ruso, Rumano, Kurdo, Serbo-Croata, Pranses, Español, at Biyentames. Mas madalas na naririnig ang Truko, Arabe, Kurdo, at Serbo-Croata sa kanlurang bahagi dahil sa malalaking komunidad ng Gitnang Silangan at dating Yugoslavia. Ang Polako, Ingles, Ruso, at Biyetnames ay may mas maraming katutubong nagsasalita sa Silangang Berlin.[112]
Relihiyon
Ayon sa senso noong 2011, humigit-kumulang 37 porsiyento ng populasyon ang nag-ulat na mga miyembro ng isang legal na kinikilalang simbahan o relihiyosong organisasyon. Ang iba ay hindi kabilang sa naturang organisasyon, o walang impormasyong makukuha hinggil sa kanila.[113]
Ang pinakamalaking relihiyong denominasyon na naitala noong 2010 ay ang Protestanteng rehiyonal na samahang simbahan —ang Ebanghelikong Simbahan ng Berlin-Brandeburgo-Mataas na Lusacia Silesiana (EKBO) —isang nagkakaisang simbahan. Ang EKBO ay miyembro ng Simbahang Ebanghelika sa Alemanya (EKD) at Union Evangelischer Kirchen (UEK). Ayon sa EKBO, ang kanilang kasapian ay umabot sa 18.7 porsiyento ng lokal na populasyon, habang ang Simbahang Katolikong Romano ay mayroong 9.1 porsyento ng mga residenteng nakarehistro bilang mga miyembro nito.[114] Humigit-kumulang 2.7% ng populasyon ang nakikilala sa iba pang mga denominasyong Kristiyano (karamihan sa Silangang Ortodokso, ngunit iba't ibang mga Protestante rin).[115] Ayon sa rehistro ng mga residente ng Berlin, noong 2018, 14.9 porsiyento ay miyembro ng Simbahang Ebanghelika, at 8.5 porsiyento ay miyembro ng Simbahang Katolika.[116] Ang gobyerno ay nagpapanatili ng rehistro ng mga miyembro ng mga simbahang ito para sa mga layunin ng buwis, dahil kinokolekta nito ang buwis sa simbahan sa ngalan ng mga simbahan. Hindi ito nag-iingat ng mga rekord ng mga miyembro ng ibang relihiyosong organisasyon na maaaring mangolekta ng kanilang sariling buwis sa simbahan, sa ganitong paraan.
Noong 2009, humigit-kumulang 249,000 Muslim ang iniulat ng Tanggapan ng Estadistika na mga miyembro ng mga Masjid at Islamikong relihiyosong organisasyon sa Berlin,[117] habang noong 2016, tinatantiya ng pahayagang Der Tagesspiegel na humigit-kumulang 350,000 Muslim ang nag-obserba ng Ramadan sa Berlin.[118] Noong 2019, humigit-kumulang 437,000 rehistradong residente, 11.6% ng kabuuan, ang nag-ulat na mayroong pinanggalingan sa paglilipat mula sa isa sa mga estadong Miyembro ng Organisasyon ng Kooperasyong Islamiko.[119][120] Sa pagitan ng 1992 at 2011 halos dumoble ang populasyon ng Muslim.[121]
Humigit-kumulang 0.9% ng mga Berlines ay kabilang sa ibang mga relihiyon. Sa tinatayang populasyon na 30,000–45,000 na mga residenteng Hudyo,[122] humigit-kumulang 12,000 ang mga rehistradong miyembro ng mga relihiyosong organisasyon.[123]
Ang Berlin ay ang luklukan ng Katoliko Romanong arsobispo ng Berlin at ang nahalal na tagapangulo ng EKBO ay pinamagatang obispo ng EKBO. Higit pa rito, ang Berlin ay ang luklukan ng maraming mga Ortodoksong katedral, tulad ng Katedral ni San Boris ang Bautista, isa sa dalawang luklukan ng Bulgarong Ortodokso na Diyosesis ng Kanluran at Gitnang Europa, at ang Katedral ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ng Diyosesis ng Berlin (Patriarkado ng Mosku).
Paikot pa kanan mula sa taas pakaliwa: Katedral ng Berlin, Bagong Sinagoga, Moske Şehitli, at Katedral ni Santa Eduvigis
Ang mga mananampalataya ng iba't ibang relihiyon at denominasyon ay nagpapanatili ng maraming lugar ng pagsamba sa Berlin. Ang Malayang Simbahang Ebangheliko-Luterano ay may walong parokya na may iba't ibang laki sa Berlin.[124] Mayroong 36 na kongregasyong Bautista (sa loob Samahan ng mga Ebanghelikong Malayang Simbahang Kongregasyon sa Alemanya), 29 Bagong Apostolikong Simbahan, 15 Nagkakaisang Metodista na simbahan, walong Malayang Ebanghelika na Kongregasyon, apat na Simbahan ni Kristo, Siyentipiko (una, iklawa, ikatlo, at ikalabing-anim), anim mga kongregasyon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, isang Lumang Simbahan, at isang Anglicanong simbahan sa Berlin. Ang Berlin ay may higit sa 80 moske,[125] sampung sinagoga,[126] at dalawang templong Budista.
Remove ads
Gobyerno at politika
Estadong lungsod

Mula noong muling pag-iisa noong Oktubre 3, 1990, ang Berlin ay isa sa tatlong estadong lungsod sa Alemanya na kabilang sa kasalukuyang 16 na estado ng Alemanya. Ang Kapulungan ng mga Kinatawan (Abgeordnetenhaus) ay kumakatawan bilang parlamento ng lungsod at estado, na mayroong 141 na luklukan. Ang ehekutibong tanggapan ng Berlin ay ang Senado ng Berlin (Senat von Berlin). Binubuo ang Senado ng Namamahalang Alkalde (Regierender Bürgermeister), at hanggang sampung senador na may hawak na ministerong posisyon, dalawa sa kanila ang may hawak na titulong "Alkalde" (Bürgermeister) bilang kinatawan ng Namamahalang Alkalde.[127] Ang kabuuang taunang badyet ng estado ng Berlin noong 2015 ay lumampas sa €24.5 ($30.0) bilyon kabilang ang surplus sa badyet na €205 ($240) milyon.[128] Ang estado ay nagmamay-ari ng malawak na pag-aari, kabilang ang mga gusaling pang-administratibo at pamahalaan, mga kompanya ng real estate, pati na rin ang mga stake sa Estadio Olimpiko, mga paliguan, mga kompanya ng pabahay, at maraming mga pampublikong negosyo at mga subsidiyaryo na kompanya.[129][130]
Hawak ng Partido Sosyo-Demokratiko (Sozialdemokratische Partei Deutschlands o SPD) at ng Kaliwa (Die Linke) ang pamahalaang lungsod pagkatapos ng halalang estatal noong 2001 at nanalo ng isa pang termino sa halalang estatal noong 2006.[131] Mula noong halalang estatal noong 2016, nagkaroon ng koalisyon sa pagitan ng Partido Sosyo-Demokratiko, mga Lunti, at Kaliwa.
Ang Namumunong Alkalde ay magkasabay na Panginoong Alkalde ng Lungsod ng Berlin (Oberbürgermeister der Stadt) at Ministro na Pangulo ng Estado ng Berlin (Ministerpräsident des Bundeslandes). Ang tanggapan ng Namamahalang Alkalde ay nasa Rotes Rathaus (Pulang Munisipyo). Mula noong 2014 ang tanggapang ito ay hawak ni Michael Müller ng mga Sosyo-Demokratiko.[132]
Mga boro

Ang Berlin ay nahahati sa 12 boro o distrito (Bezirke). Ang bawat boro ay may ilang mga subdistrito o mga kapitbahayan (Ortsteile), na nag-ugat sa mas matatandang munisipalidad na nauna sa pagbuo ng Kalakhang Berlin noong Oktubre 1, 1920. Ang mga subdistritong ito ay naging urbanisado at isinama sa lungsod nang maglaon. Maraming residente ang lubos na nakikilala sa kanilang mga kapitbahayan, na kolokyal na tinatawag na Kiez. Sa kasalukuyan, ang Berlin ay binubuo ng 96 na mga subdistrito, na karaniwang binubuo ng ilang mas maliliit na pook residensiyal o kuwarto.
Ang bawat boro ay pinamamahalaan ng isang sangguniang pamboro (Bezirksamt) na binubuo ng limang konsehal (Bezirksstadträte) kasama ang alkalde ng boro (Bezirksbürgermeister). Ang konseho ay inihahalal ng asamblea ng boro (Bezirksverordnetenversammlung). Gayunpaman, ang mga indibidwal na boro ay hindi mga independiyenteng munisipalidad, ngunit nasa ilalim ng Senado ng Berlin. Ang mga alkalde ng boro ay bumubuo sa konseho ng mga alkalde (Rat der Bürgermeister), na pinamumunuan ng Namamahalang Alkalde ng lungsod at nagpapayo sa Senado. Ang mga kapitbahayan ay walang mga lokal na katawan ng pamahalaan.
Kakambal na bayan – mga kinakapatid na lungsod
Ang Berlin ay nagpapanatili ng opisyal na pakikipagsosyo sa 17 lungsod.[133] Ang pagkakambal ng lungsod sa pagitan ng Berlin at iba pang mga lungsod ay nagsimula sa kapatid nitong lungsod na Los Angeles noong 1967. Kinansela ang mga pagsosyo ng Silangang Berlin sa panahon ng muling pag-iisa ng Alemanya ngunit kalaunan ay bahagyang muling itinatag. Ang mga pakikipagsosyo ng Kanlurang Berlin ay dati nang pinaghihigpitan sa antas ng boro. Noong panahon ng Digmaang Malamig, ang mga partnership ay sumasalamin sa iba't ibang hanayan ng kapangyarihan, kung saan ang Kanlurang Berlin ay nakikipagsosyo sa mga kabesera sa Kanluraning Mundo at Silangang Berlin na karamihan ay nakikipagsosyo sa mga lungsod mula sa Pakto ng Varsovia at mga kaalyado nito.
Mayroong ilang magkasanib na proyekto sa maraming iba pang mga lungsod, tulad ng Beirut, Belgrade, São Paulo, Copenhague, Helsinki, Amsterdam, Johannesburg, Mumbai, Oslo, Hanoi, Shanghai, Seoul, Sofia, Sydney, Lungsod ng New York, at Viena. Lumalahok ang Berlin sa mga pandaigdigang asosasyon ng lungsod gaya ng Samahan ng mga Kabesera ng Unyong Europeo, Eurocities, Ugnayan ng mga mga Europeong Lungsod ng Kultura, Metropolis, Pagpupulong Kumperensiya ng mga Pangunahing Lungsod ng Mundo, at Kumperensiya ng mga Kabeserang Lungsod ng Mundo.
Ang Berlin ay kakambal sa:[133]
- Los Angeles, Estados Unidos (1967)
- Madrid, España (1988)
- Istanbul, Turkiya (1989)
- Varsovia Polonya (1991)
- Mosku, Rusya (1991)
- Bruselas, Belhika (1992)
- Budapest, Unggarya (1992)
- Tashkent, Uzbekistan (1993)
- Lungsod Mehiko, Mehiko (1993)
- Jakarta, Indonesia (1993)
- Beijing, Tsina (1994)
- Tokyo, Hapon (1994)
- Buenos Aires, Arhentina (1994)
- Praga, Republikang Tseko (1995)
- Windhoek, Namibia (2000)
- Londres, Nagkakaisang Kaharian (2000)
- Kyiv, Ukranya (2023)
Mula noong 1987, ang Berlin ay mayroon ding opisyal na pakikipagsosyo sa Paris, Pransiya. Ang bawat boro ng Berlin ay nagtatag din ng sarili nitong kambal na bayan. Halimbawa, ang borough ng Friedrichshain-Kreuzberg ay may pagsosyo sa Israeling lungsod ng Kiryat Yam.[134]
Remove ads
Ekonomiya
Ang Berlin ay isang UNESCO "City of Design" at kinikilala para sa mga malikhaing industriya nito at startup ecosystem.
Noong 2018, ang GDP ng Berlin ay umabot sa €147 bilyon, isang pagtaas ng 3.1% kumpara sa nakaraang taon. Ang ekonomiya ng Berlin ay pinangungunahan ng sektor ng serbisyo, na may humigit-kumulang 84% ng lahat ng kompanya na nagnenegosyo sa mga serbisyo. Noong 2015, ang kabuuang lakas-paggawa sa Berlin ay 1.85 milyon. Ang tantos ng walang trabaho ay umabot sa 24 na taon na mababang noong Nobyembre 2015 at tumayo sa 10.0%.[136] Mula 2012 hanggang 2015, ang Berlin, bilang isang estado ng Aleman, ay may pinakamataas na taunang tantos ng paglago ng trabaho. Humigit-kumulang 130,000 trabaho ang naidagdag sa panahong ito.[137]
Kabilang sa mahahalagang sektor ng ekonomiya sa Berlin ang mga agham pambuhay, transportasyon, impormasyon at mga teknolohiya sa komunikasyon, media at musika, pananalastas at disenyo, bioteknolohiya, mga serbisyong pangkapaligiran, konstruksiyon, e-komersiyo, retail, negosyo sa hotel, at inhinyeriyang medikal.[138]
Ang pananaliksik at pag-unlad ay may kahalagahang pang-ekonomiya para sa lungsod.[139] Maraming malalaking korporasyon tulad ng Volkswagen, Pfizer, at SAP ang nagpapatakbo ng mga laboratoryong pang-inobasyon sa lungsod.[140] Ang Science and Business Park sa Adlershof ay ang pinakamalaking parke ng teknolohiya sa Alemanya na sinusukat ng kita.[141] Sa loob ng Eurozone, ang Berlin ay naging sentro para sa paglipat ng negosyo at pandaigdigang pamumuhunan.[142][143]
Remove ads
Edukasyon at Pananaliksik

Magmula noong 2014[update] , ang Berlin ay may 878 na paaralan, na nagtuturo sa 340,658 mag-aaral sa 13,727 klase, at 56,787 nagsasanay sa mga negosyo at saanman.[145] Ang lungsod ay may 6 na taong programa sa primaryang edukasyon. Pagkatapos matapos ang elementarya, magpapatuloy ang mga mag-aaral sa Sekundarschule (isang komprehensibong paaralan) o Gymnasium (paaralan para sa paghahanda sa kolehiyo). Ang Berlin ay may natatanging na programa sa paaralang bilingual sa Europaschule, kung saan tinuturuan ang mga bata ng kurikulum sa Alemanya at isang wikang banyaga, simula sa elementarya at magpapatuloy sa mataas na paaralan.[146]
Ang Französisches Gymnasium Berlin, na itinatag noong 1689 upang turuan ang mga anak ng lumikas na Huguenot, ay nag-aalok ng pagtuturo (Aleman/Pranses).[147] Ang Paaralang John F. Kennedy, isang bilingweng Aleman–Ingles na pampublikong paaralan sa Zehlendorf, ay partikular na tanyag sa mga anak ng mga diplomatiko at komunidad ng ekspatriado na nagsasalita ng Ingles. 82 Gymnasien ang nagtutro ng Latin [148] at 8 ang nagtuturo ng Sinaunang Griyego.[149]
Remove ads
Kultura


Kilala ang Berlin sa maraming institusyong pangkultura nito, na marami sa mga ito ay tumatangkilik sa pandaigdigang reputasyon.[24][24] Ang pagkakaiba-iba at kasiglahan ng metropolis ay humantong sa isang trendsetting na eksena.[150] Isang makabagong musika, sayaw at eksena sa sining ang nabuo noong ika-21 siglo.
Kilala ang Berlin sa maraming institusyong pangkultura nito, na marami sa mga ito ay tumatangkilik sa pandaigdigang reputasyon.[24][151] Ang pagkakaiba-iba at kasiglahan ng metropolis ay humantong sa isang trendsetting na eksena.[152] Isang makabagong musika, sayaw at eksena sa sining ang nabuo noong ika-21 siglo.
Ang lumalawak na kultural na pangyayari sa lungsod ay binibigyang-diin ng paglipat ng Universal Music Group na nagpasya na ilipat ang kanilang punong-tanggapan sa pampang ng Ilog Spree.[153] Noong 2005, ang Berlin ay pinangalanang "Lungsod ng Disenyo" ng UNESCO at naging bahagi na ng Creative Cities Network mula noon.[19][19]
Remove ads
Mga tala
- Ang mga unlapi para sa pagpaparehistro ng sasakyan ay ipinakilala noong 1906, ngunit madalas na binago dahil sa mga pagbabago sa politika pagkatapos ng 1945. Ang mga sasakyan ay nairehistro sa ilalim ng mga sumusunod na unlapi: "I A" (1906 – Abril 1945; ipinawalang-bisa noong 11 Agosto 11, 1945); walang unlapi, mga digit lang (mula Hulyo hanggang Agosto 1945), "БГ" (=BG; 1945–46, para sa mga kotse, truck, at bus), "ГФ" (=GF; 1945–46, para sa mga kotse, truck, at bus) , "БM" (=BM; 1945–47, para sa mga motor bike), "ГM" (=GM; 1945–47, para sa mga motor bike), "KB" (i.e.: Kommandatura ng Berlin; para sa buong Berlin 1947–48, nagpatuloy para sa Kanlurang Berlin hanggang 1956), "GB" (i.e.: Kalakhang Berlin, para sa Silangang Berlin 1948–53), "I" (para sa Silangang Berlin, 1953 –90), "B" (para sa Kanlurang Berlin mula Hulyo 1, 1956, nagpatuloy para sa buong Berlin mula noong 1990).
Remove ads
Mga sanggunian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads

