Gabay Michelin

gabay pang-otel at panrestoran From Wikipedia, the free encyclopedia

Remove ads

Ang mga Gabay Michelin (Pranses: Guide Michelin [ɡid miʃlɛ̃]; Ingles: Michelin Guide) ay isang serye ng aklat na panggabay na inilalathala ng Michelin, isang kompanyang Pranses na gumagawa ng gulong mula pa noong 1900.[1] Iginagawad ng Gabay ang hanggang tatlong bituing Michelin bilang pagkilala sa kahusayan ng piling mga restoran sa ilang mga heograpikong lugar.[2] Naglalathala rin ang Michelin ng mga Berdeng Gabay, isang serye ng mga pangkalahatang gabay sa mga lungsod, rehiyon, at bansa.

Agarang impormasyon Itinatag, Tagapagtatag ...
Remove ads

Kasaysayan

Thumb
Ang unang Gabay Michelin, inilathala noong 1900

Noong 1900, wala pang 3,000 kotse sa mga lansangan ng Pransiya. Upang mapataas ang demand para sa mga kotse at, bilang resulta, para rin sa mga gulong ng kotse, naglathala sina Édouard at André Michelin, magkapatid at mga pabrikante ng gulong ng kotse, ng isang gabay para sa mga motoristang Pranses, ang Gabay Michelin (Guide Michelin).[3] Halos 35,000 kopya ng unang edisyon ng gabay, na ipinamigay nang libre, ang naipamahagi. Naglalaman ito ng impormasyon para sa mga motorista, gaya ng mga mapa, mga tagubilin sa pagkukumpuni at pagpapalit ng gulong, talaan ng mga mekaniko ng kotse, mga otel, at mga gasolinahan sa buong Pransiya. Inakala ng mga tagapagtatag na maaaring mahikayat ng Gabay ang mga may-ari ng kotse na mas madalas magmaneho, na magdudulot ng mas mabilis na pagkasira ng gulong at sa gayon ay magpapalaki sa benta ng mga kapalit.[4]

Noong 1904, naglathala ang magkapatid ng gabay para sa Belhika.[5] Kasunod nito, gumawa rin ang Michelin ng mga gabay para sa Alherya at Tunisya (1907); sa mga Alpes at Rin (hilagang Italya, Suwisa, Baviera, at Olanda) (1908); sa Alemanya, Espanya, at Portugal (1910); sa Kapuluang Britaniko (1911); at sa "Mga Bansa ng Araw" (Les Pays du Soleil) (Hilagang Aprika, Katimugang Italya, at Korsega) (1911). Noong 1909, nailathala ang bersiyong Ingles ng gabay sa Pransiya.[6]

Noong Unang Digmaang Pandaigdig, isinuspinde ang publikasyon ng gabay. Pagkatapos ng giyera, ipinamigay pa rin nang libre ang mga binagong edisyon hanggang 1920. Ayon sa kuwento, napansin ni André Michelin, habang bumibisita sa isang tagapagbenta ng gulong, na ginagamit ang mga kopya ng gabay bilang patungan ng mesa sa pagawaan. Batay sa prinsipyo na “tanging ang binabayaran lamang ang tunay na iginagalang ng tao,” napagpasyahan ni Michelin na magtakda ng bayad para sa gabay, humigit-kumulang 7.50 franc o US$2.15 noong 1922.[7] Gumawa rin sila ng ilang pagbabago, gaya ng pag-uuri ng mga restoran ayon sa mga tiyak na kategorya, pagdaragdag ng talaan ng mga otel (sa Paris lamang noong una), at pagtanggal ng mga patalastas sa gabay.[5] Dahil napansin ang lumalaking kasikatan ng seksiyon ng mga restoran, bumuo ang magkapatid ng pangkat ng mga tagasuri upang bisitahin at suriin ang mga ito, at nanatili silang anonimo.[8]

Kasunod ng halimbawa ng mga gabay Murray at Baedeker, nagsimulang maggawad ang Gabay Michelin ng mga bituin para sa mga pinakapinong kainan noong 1926. Noong una, iisa lamang ang iginagawad na bituin. Pagkaraan, noong 1931, ipinakilala ang herarkiya ng sero, isa, dalawa, at tatlong bituin. Sa wakas, noong 1936, nailathala ang mga pamantayan para sa mga ranggo:[5]

  • 1 star : "Isang mahusay na restoran sa kategorya nito" (Une très bonne table dans sa catégorie)
  • 2 stars : "Napakahusay na pagluluto, sulit likuan" (Table excellente, mérite un détour)
  • 3 stars : "Katangi-tanging lutuin, sulit sa isang espesyal na paglalakbay" (Une des meilleures tables, vaut le voyage).[8]

Noong 1931, pinalitan ang pabalat ng gabay mula sa bughaw tungo sa pula, at nanatili ito sa lahat ng sumunod na edisyon.[8] Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, muling nasuspinde ang publikasyon. Noong 1944, sa kahilingan ng mga Alyadong Puwersa, muling inilimbag ang edisyong Pranses ng gabay noong 1939 para sa paggamit ng militar, dahil itinuturing noon na pinakamahusay at pinakanaisapanahon ang mga mapa nito. Ipinagpatuloy ang paglalathala ng taunang gabay noong 16 Mayo 1945, isang linggo matapos ang Araw ng VE.[5]

Sa mga unang taon pagkatapos ng digmaan, ang nagtatagal na epekto ng kakulangan noong panahong iyon ay nagbunsod sa Michelin na magtakda ng pinakamataas na limitasyon na dalawang bituin lamang. Pagsapit ng 1950, nakalista sa edisyong Pranses ang 38 establisimyento na itinuring na nakatugon sa pamantayang ito.[9] Noong 1956, nailathala ang unang Gabay Michelin para sa Italya, ngunit walang iginawad na bituin sa unang edisyon. Noong 1974, nailathala naman ang unang gabay para sa Britanya mula noong 1931, kung saan dalawampu’t limang bituin ang iginawad.[10]

Noong 2005, inilathala ng Michelin ang kanilang unang Gabay nito para sa Amerika, na sumasaklaw sa 500 restoran sa limang boro ng Lungsod ng New York at 50 otel sa Manhattan. Noong 2007, inilunsad ang isang gabay para sa Tokyo. Sa parehong taon, inilabas din nila ang magasin na Étoile. Noong 2008, nadagdag ang isang tomo para sa Hong Kong at Macau.[5]

Noong 2008, hinirang ang Alemanang restoradora na si Juliane Caspar bilang punong patnugot ng edisyong Pranses ng gabay. Bago rito, siya ang namamahala sa mga gabay Michelin sa Alemanya, Suwisa, at Austriya. Siya ang naging unang babae at unang di-mamamayang Pranses sa puwestong ito. Nagkomento ang Die Welt, isang pahayagang Aleman, tungkol sa pagkahirang, "Dahil itinuturing na nakakamatay na sandata ang lutuing Aleman sa karamihan ng bahagi ng Pransiya, ang desisyong ito ay kasing kakaiba ng pag-anunsyo ng Mercedes na isang taga-Marte ang bagong direktor nito."[11][12]

Kinomisyon ng Organisasyon ng Turismo ng Korea ang Michelin na isama ang Timog Korea sa edisyong 2016 nito sa halagang 3.2 bilyong won (higit sa US$1 milyon), ngunit hindi natuwa ang mga opisyal ng gobyerno sa mga nagresultang kamalian tulad ng mga typo, maling pagsasalin, at maling paglalarawan sa mga opsyon sa upuan.[13] Noong 2017, pumayag ang Awtoridad ng Turismo ng Taylandiya na magbayad ng 144 milyong Thai baht (US$4.4 milyon) sa loob ng limang taon para maisama ang kanilang bansa.[14]

Noong 2022, pinalawak ang gabay upang masakop ang Kanada, kabilang ang mga lungsod ng Toronto[15] at Vancouver[16] bilang kapalit ng mga hindi ibinunyag na bayad mula sa lokal na sangay ng Destination Canada sa bawat lungsod.[17][18]

Inanunsyo ng gabay ang unang talaan ng restoran nito sa estado ng Florida noong ika-9 ng Hunyo 2022, pagkatapos magkasundo sa mga kalupunang panturismo sa estado noong nakaraang taon.[19][20] Nagbigay ang gabay ng iisang ranggong dalawang bituin at labing-apat na ranggong isang bituin, pati rin ng 29 Bib Gourmands.[21][22]

Palalawakin ang gabay upang masakop ang Pilipinas sa taong 2026, na sasaklaw sa Malawakang Maynila at Cebu.[23]

Remove ads

Mga pamamaraan at pagkakaayos

Thumb
Mga putaheng ginawa ng mga restorang may bituing Michelin

Ang mga Pulang Gabay ay may kasaysayang maglista ng mas maraming restoran kaysa sa mga karibal na gabay, umaasa sa isang malawak na sistema ng mga simbolo upang ilarawan ang bawat isa sa kasing liit ng dalawang linya. Kasama rin sa mga pagsusuri ng mga restorang may bituin ang dalawa hanggang tatlong espesyalidad sa kulinarya. Idinagdag noong 2002/2003 ang mga maikling buod (2–3 linya) upang mapahusay ang mga paglalarawan ng maraming mga establisyimento. Ang mga buod na ito ay nakasulat sa wika ng bansa kung saan inilathala ang gabay (bagaman ang tomo ng Espanya at Portugal ay nasa Espanyol lamang) ngunit ang mga simbolo ay pareho sa lahat ng edisyon.[24]

Mga bituin

Ang mga inspektor (tagasuri) ng Michelin ay bumibisita sa mga restoran nang hindi nagpapakilala,[25] at naggagawad ng isa, dalawa, o tatlong bituin sa mga itinuturing na hindi bababa sa napakahusay:

  •  : "Isang mahusay na restoran sa kategorya nito" (Cuisine de qualité, mérite une halte)
  •  : "Napakahusay na pagluluto, sulit likuan" (Cuisine excellente, mérite un détour)
  •  : "Katangi-tanging lutuin, sulit sa isang espesyal na paglalakbay" (Une des meilleures cuisines, vaut le voyage).[8]

Ang websayt ng Gabay Michelin ay nagbibigay ng komprehensibong paliwanag tungkol sa mga bituin at sa pamantayan ng paggawad sa mga ito:

Isang Bituing MICHELIN ay iginagawad sa mga restoran na gumagamit ng de-kalidad na sangkap, kung saan inihahanda ang mga pagkaing may natatanging lasa sa patuloy na mataas na pamantayan.

Dalawang Bituing MICHELIN ang iginagawad kapag malinaw na nakikita ang personalidad at talento ng kusinero sa kanilang mga dalubhasang inihandang pagkain; ang kanilang pagluluto ay pino at may inspirasyon.

Tatlong Bituing MICHELIN ang pinakamataas na parangal, na ibinibigay para sa superlatibong pagluluto ng mga kusinero sa rurok ng kanilang propesyon; ang kanilang pagluluto ay itinaas sa antas ng sining, at ang ilan sa kanilang mga putahe ay nakatakdang maging mga klasiko.[26]

Ang mga pagkain at gastusin ng mga inspektor ay binabayaran ng Michelin, at hindi kailanman ng isang restoran na sinusuri:

Dugo’t pawis ang ibinuhos ng Michelin upang mapanatili ang pagkaanonimo ng mga inspektor nito. Marami sa mga nangungunang ehekutibo ng kompanya ang hindi pa nakakasalamuha ng kahit isang inspektor; pinapayuhan ang mga inspektor na huwag ihayag ang kanilang propesyon, kahit sa kanilang mga magulang (na maaaring matuksong ipagmalaki ito); at sa lahat ng taon ng paglathala ng gabay, tumanggi ang Michelin na payagan ang mga inspektor na makipag-usap sa mga mamamahayag. Ang mga inspektor ay nagsusulat ng mga ulat na pinipino at isinasalansan taun-taon sa “mga pagpupulong ng bituin” sa iba't ibang pambansang tanggapan ng gabay, ayon sa ranggo ng tatlong bituin, dalawang bituin, isang bituin—o walang bituin (ang mga establisimyentong itinuturing ni Michelin na hindi karapat-dapat bisitahin ay hindi kasama sa gabay).[27]

Sinabi ni Paul Bocuse, isang kusinerong Pranses at isa sa mga tagapagtatag ng nouvelle cuisine noong dekada 1960, na "Ang Michelin ang tanging gabay na may halaga."[28] Sa Pransiya, tuwing inilalathala taun-taon ang gabay, nagiging sanhi ito ng matinding kasabikan sa midya, na inihahambing sa taunang Academy Awards ng pelikula.[27] Nagdedebate ang midya at publiko tungkol sa mga posibleng makakuha ng bituin, laganap ang mga haka-haka, at tinatalakay ng telebisyon at mga pahayagan kung aling mga restoran ang maaaring mawalan o makadagdag ng bituing Michelin.[29][30][31][32]

Remove ads

Mga sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads