Pagtitipon

Pagtitipon ng mga inimbitahang panauhin From Wikipedia, the free encyclopedia

Pagtitipon
Remove ads

Ang pagtitipon ay isang pagdaraos ng mga taong inanyayahan ng isang punong-abala para sa layunin ng pakikisalamuha, pag-uusap, paglilibang, o bilang bahagi ng isang pista o iba pang paggunita o pagdiriwang ng isang natatanging okasyon. Ang ganitong uri ng pagtitipon ay karaniwang tinatawag ding kasiyahan o paghahanda, na kadalasang may pagkain at inumin, gayundin ang pag-uusap, tugtugin, sayawan, o iba pang anyo ng libangan.

Thumb
Isang pagtitipon na isinagawa ng Embahada ng Estados Unidos noong 2024 sa Pilipinas kung saan makikita ang mga tao na may dalang pagkain mula sa pagtitipon

May ilang kasiyahan na isinasagawa bilang parangal sa isang partikular na tao, araw, o pangyayari, gaya ng kasiyahan sa kaarawan, kasiyahan para sa isang pista ng bayan, Pasko, Super Bowl, o kasiyahan sa Araw ni San Patricio. Ang ganitong uri ng kasiyahan ay madalas tawaging pagdiriwang.

Ang isang kasiyahan ay hindi kinakailangang pribadong okasyon lamang. May mga pampublikong kasiyahan na ginaganap sa mga liwasan, restawran, pub, hardin ng serbesa (beer garden), klab panggabi (nightclub), o tindahang-inuman (bar), at ang mga dumadalo sa ganitong kasiyahan ay maaaring maningil ng bayad sa pagpasok ang punong-abala. Ang malalaking kasiyahan sa mga pampublikong lansangan ay maaaring magsilbing pagdiriwang ng mga pangyayari gaya ng Mardi Gras o ang pagpirma sa kasunduan ng kapayapaan na nagwawakas sa mahabang digmaan.

Remove ads

Mga uri

Piging

Thumb
Isang piging sa isang kaganapang cosplay sa Malaysia

Sa pangkahalatang kahulugan, ang piging ay isang salu-salo o isang handaan sa mga okasyon. Isa itong malaking pormal na handaan,[1] kung saan nagsalu-salo ang mga tao sa pagkain. Sa wikang Pranses, tinatawag na banquet ( /ˈbæŋk.wɪt/; Pranses: [bɑ̃.kɛ]) ang isang malaking handaan o piging. Ang banquet ay kadalasang may layunin tulad ng isang pagtitipong kawanggawa, isang seremonya, o isang pagdiriwang, at kadalasang sinusundan ng mga talumpati na nagbibigay karangalan sa isang indibiduwal.

Pagdiriwang ng kaarawan

Ang kasiyahan sa kaarawan ay pagdiriwang ng anibersaryo ng kapanganakan ng taong pinararangalan. Bagaman may mga kasaysayang halimbawa ng mga kasiyahan sa kaarawan ng mga mayayaman at makapangyarihan noong mga nakalipas na panahon, lumaganap ang tradisyong ito sa mga panggitnang uri ng mga Amerikano noong ika-19 na dantaon at nagkaroon ng mga makabagong kaugalian at gawi noong ika-20 dantaon.[2][3] Sa kasalukuyan, ang mga kasiyahan sa kaarawan ay tampok na bahagi ng maraming kultura.

Thumb
Isang babae na hinihipan ang mga kandila na nasa keyk na pangkaarawan.

Sa mga kulturang Kanluranin, may ilang karaniwang ritwal sa mga kasiyahan sa kaarawan. Maaaring hilingin sa mga panauhin na magdala ng handog o regalo para sa taong pinararangalan. Karaniwang nilalagyan ng makukulay na palamuti ang lugar ng kasiyahan, gaya ng mga lobo at pahabang palamuti (streamers). Inihahain ang keyk sa kaarawan na may sinding mga kandila, na hinihipan matapos magbigay ng "hiling sa kaarawan." Ang taong ipinagdiriwang ay karaniwang binibigyan ng unang piraso ng keyk. Habang dinadala ang keyk sa mesa, inaawit ng mga panauhin ang kantang "Happy Birthday to You" o "Maligayang Bati" o iba pang awitin para sa kaarawan.

Thumb
Isang pagdiriwang ng kaarawan na ginanap sa restawran na Jollibee sa Pilipinas

Sa mga kasiyahan ng mga bata, may nakalaang oras para sa pagbubukas ng mga regalo, kung saan binubuksan ng may kaarawan ang bawat handog na dinala ng mga panauhin. Karaniwan din sa mga ganitong kasiyahan na magbigay ang punong-abala ng alaala o pabaon sa mga bisita sa anyo ng goodie bag. Minsan, ang mga bata maging ang matatanda ay nagsusuot ng makukulay na sumbrerong hugis-kono bilang palamuti.

Ang mga kasiyahan sa kaarawan ay nagiging mas malalaki at magarbo kapag ipinagdiriwang ang mga tinuturing na mahalagang yugto ng edad, gaya ng paglipat mula pagkabata tungo sa pagtanda. Kabilang sa mga halimbawa ng ganitong tradisyunal na pagdiriwang ang sweet sixteen (matamis na labing-anim) sa Hilagang Amerika at ang quinceañera (pagdiriwang ng ika-15 kaarawan) sa mga bansa sa Amerikang Latino. Sa Pilipinas, ipinadiriwang ang debut ng isang babae na umabot sa ika-18 kaarawan. Para sa mga lalaki, ang debut ay sa gulang na 21, subalit hindi gaanong pormal ang pagdiriwang o walang pagdiriwang.[4]

Simula pa noong panahong medyebal, ang mga bata ay nagsusuot ng natatanging kasuotan para sa mga kasiyahan sa kaarawan;[5] may mga ebidensiyang nagpapahiwatig na may mga kasiyahan sa kaarawan na idinaraos noon sa Alemanya bilang kinderfeste.[6] Ang kasiyahan ng mga bata ay pagtitipon para sa mga bata, gaya ng kasiyahan sa kaarawan o tea party (kasiyahang tsaa). Mula pa noong panahong medyebal, ang mga bata ay nagsusuot ng espesyal na kasuotan para sa mga ganitong okasyon.[7]

Pagtitipon sa palanguyan

Thumb
Isang pagtitipon sa palanguyan sa isang otel sa Lungsod ng Angeles, Pampanga

Ang pool party o pagtitipon sa palanguyan ay isang pagtitipon o salu-salo na ginaganap sa tabi ng isang swimming pool o palanguyan, karaniwang tuwing tag-init o kapag mainit ang panahon. Sa ganitong uri ng kasiyahan, ang mga bisita ay nagsusuot ng kasuotang pampaligo at nakikilahok sa iba't ibang gawain tulad ng paglangoy, palarong tubig, at pagsasayaw sa tugtugin. Madalas ding may kasamang pagkain at inumin, gaya ng mga barbekyu, inihaw na pagkain, at malamig na inumin, na pinaghahandaang mabuti ng mga nagdaraos ng pagtitipon. Ang mga resort (pasulungan) at palanguyang pampribado ay karaniwang inuupahan para sa ganitong okasyon, lalo na sa panahon ng bakasyon ng mga estudyante o tuwing summer outing (pagpasyal sa tag-init) ng mga pamilya at kompanya.

Sa kasaysayan, umigting ang kasikatan ng mga pagtitipon sa palanguyan kasabay ng pagdami ng mga pribado at pampublikong palanguyan noong ika-20 dantaon.[8]

Remove ads

Mga pagdiriwang sa mga natatanging araw

Thumb
Isang pagdiriwang sa ika-10 anibersaryo ng Wikipedia sa Bangladesh

Ang mga pagdiriwang at pagtitipon ay mahalagang bahagi ng maraming kultural, panrelihiyon, at pambansang okasyon sa buong daigdig. Sa mga natatanging araw na ito, pinagsasama ng mga tao ang mga ritwal, alaala ng kasaysayan, at kasiyahan upang ipakita ang kanilang mga pagpapahalaga at pagkakakilanlan bilang isang pamayanan. Bagaman ang ilan ay may relihiyosong pinagmulan, kadalasang sinasamahan ito ng sekular na kasiyahan tulad ng salu-salo, tugtugan, sayawan, at iba pang pagtitipon.

Pandaigdigang pagdiriwang

Ilang okasyon ay ipinagdiriwang sa iba't ibang bansa, na pinaghalo ang mga lokal na kaugalian at pandaigdigang impluwensiya.

  • Araw ng Paggawa / Araw ng Mayo (Mayo 1 o unang Lunes ng Setyembre) – Parangal sa mga manggagawa, na karaniwang may parada, rali, at kasayahan sa komunidad.
  • Araw ng Pandaigdigang Pagkakaibigan (Hulyo 30) – ipinagdiriwang sa pamamagitan ng pagtitipon ng mga magkakaibigan, aktibidad sa paaralan, at mga gawaing nagpapalaganap ng mabuting ugnayan.
  • Bagong Taon sa Buwan (nagbabago bawat taon) na kilala sa Tsina bilang Bagong Taon ng mga Tsino o Pista ng Tagsibol – batay sa kalendaryong buwanan, ipinagdiriwang ito sa maraming bansa sa Asya, tulad ng Tsina, Korea, at Biyetnam, upang salubungin ang bagong taon sa pamamagitan ng mga handaan, parada, at tradisyunal na sayaw ng mga dragon at leon.
  • Bisperas at Araw ng Bagong Taon (Disyembre 31–Enero 1) – pandaigdigang selebrasyon ng paglipat ng taon sa kalendaryong Gregoryano, may bilang ng oras (countdown), paputok, at mga pagtitipon.
  • Diwali (Oktubre–Nobyembre) – ang "Pista ng mga Ilaw" ng mga Hindu, na may paputok, ilaw sa tahanan, at mga handaan.
  • Gabi ng Pangangaluluwa (Oktubre 31) – na pinaniniwalaang nagmula sa sinaunang pagdiriwang ng mga Selta na Samhain;[9][10][11][12] ngayon ay kilala sa costume party o kasiyahan sa pagbibihis, trick-or-treating (literal manloloko-o-manghihingi), at mga temang may halong katatakutan.
  • Mardi Gras (nagbabago bawat taon) – kilala sa magagarbong parada, masquerade ball (sayawang may maskara), at masiglang kasayahan, lalo na sa New Orleans at Rio de Janeiro.
  • Mischief Night o Gabi ng Kapilyuhan (Oktubre 30) – sa ilang bahagi ng Reyno Unido, Estados Unidos, at Canada, ito ang gabi ng mga biro, prank, bandalismo, o pagtitipon[13] bago ang Gabi ng Pangangaluluwa.
  • Pasko (Disyembre 25) – paggunita sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagdiriwang ito sa pamamagitan ng palitan ng regalo, noche buena, at mga handaan sa tahanan o opisina.
Remove ads

Mga pagdiriwang nakakabit sa mga kaganapang pangrelihiyon

Thumb
Isang parada sa kalsada sa Tacloban, Leyte para ipagdiwang ang pistang Pintados-Kasadyaan upang parangalan ang batang Jesus, ang Santo Niño

Ang mga pagdiriwang ng mga Kristiyano ay karaniwang pinagsasama ang debosyon sa relihiyon at ang diwa ng pagkakaisa ng pamayanan. Sa Bibliya, ipinagbubunyi sa mga pagdiriwang ang mga kaparaanan sa pagtulong ng Diyos sa kaniyang sambayanan.[14] Ang Pasko ay ginugunita bilang kapanganakan ni Jesucristo at ipinagdiriwang sa pamamagitan ng pagbibigayan ng regalo, pagtitipon ng pamilya, at pag-aayos ng mga palamuti sa tahanan tulad ng punong Pampasko. Ang Pasko ng Muling Pagkabuhay naman ay pagdiriwang ng muling pagkabuhay ni Kristo, na may mga misa, salu-salo, at mga simbolikong kaugalian tulad ng itlog ng Pasko ng Pagkabuhay. Ang Mardi Gras, na kilala rin bilang "Fat Tuesday" o "Matabang Martes", ay isang masiglang pista ng kasayahan at parada bago magsimula ang Kuwaresma, samantalang ang Araw ni San Patricio, na unang inalay sa pintakasi ng Irlanda, ay naging pandaigdigang pagdiriwang ng kulturang Irlandes na may mga parada, tugtugin, at pagsusuot ng berdeng kulay.

Sa iba pang mga tradisyon ng pananampalataya, ang mga pagdiriwang Islamiko at Hudyo ay nagpapalaganap din ng diwa ng komunidad at pasasalamat. Ipinagdiriwang ng mga Muslim ang Eid al-Adha, ang "Pista ng Pag-aalay," sa pamamagitan ng pananalangin, pagtulong sa kapwa, at pagsasalu-salo ng pagkain, samantalang ang Eid al-Fitr ay hudyat ng pagtatapos ng pag-aayuno sa Ramadan at ipinagdiriwang nang may kagalakan at pasasalamat. Sa Hudaismo, ginugunita ng Hanukkah ang muling pagtatalaga ng Ikalawang Templo sa pamamagitan ng pag-iilaw ng kandila at mga laro; ang Paskuwa (Passover) ay paggunita sa paglaya ng mga Israelita mula sa Ehipto sa pamamagitan ng ritwal na kainan na tinatawag na Seder; at ang Purim ay isang masayang pista ng kaligtasan na ipinagdiriwang sa pamamagitan ng pagsusuot ng kasuotan, salu-salo, at pagbabasa ng Aklat ni Esther.[15]

Tingnan din

Mga sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads