Panahon ng Kaliwanagan

Kilusang pangkalinangan sa Europa noong ika-17 at ika-18 dantaon From Wikipedia, the free encyclopedia

Panahon ng Kaliwanagan
Remove ads

Ang Panahon ng Kalinawagan, Panahon ng Paliwanag o Panahon ng Rason at ang Kalinawagan (Ingles: Age of Enlightenment, o Age of Reason and the Enlightenment) ay isang kilusang intelektuwal at pilosopikal sa Europa na umiral mula huling bahagi ng ika-17 siglo hanggang sa unang bahagi ng ika-19 na siglo.[1][2] Pangunahing pinahahalagahan nito ang kaalamang nakuha sa pamamagitan ng rasyonalismo at empirisismo. Ang Kaliwanagan ay nakatuon sa malawak na hanay ng mga kaisipang panlipunan at pampolitika gaya ng likas na batas, kalayaan, at pag-unlad, pagtutulungan at pagkakapatiran, konstitusyonal na pamahalaan, at pormal na paghihiwalay ng simbahan at estado.[3][4][5]

Thumb
Sa Salon ni Madame Geoffrin noong 1755 (Ingles: In the Salon of Madame Geoffrin in 1755). Pagbabasa ng trahedya ni Voltaire, The Orphan of China, sa salon ni Marie Thérèse Rodet Geoffrin, ni Anicet Charles Gabriel Lemonnier, c. 1812.

Nagsimula ang Panahon ng Kalinawagan matapos at kasabay ng Panahon ng Siyentipikong Rebolusyon. Kabilang dito ang mga ginawa nina Johannes Kepler, Galileo Galilei, Francis Bacon, Pierre Gassendi, Christiaan Huygens, at Isaac Newton, pati na rin ang mga kaisipan nina Descartes, Hobbes, Spinoza, Leibniz, at John Locke. Ang pagtatakda ng simula ng panahon ng Kalinawagan ay maaaring maiugnay sa paglalathala ng Discourse on the Method ni René Descartes noong 1637, kung saan ipinakilala niya ang kanyang paraan ng sistematikong pagdududa sa lahat ng bagay maliban na lang kung mayroon talagang matibay na dahilan upang tanggapin ito, at kasama rito ang kanyang tanyag na kasabihan, Cogito, ergo sum (“Ako ay nag-iisip, kaya ako ay umiiral”). Ang iba naman ay itinuturing ang paglalathala ng Principia Mathematica ni Isaac Newton (1687) bilang rurok ng Rebolusyong Siyentipiko at simula ng Panahon ng Paliwanag (Enlightenment).[6][7][8]

Malawak na ipinakalat ng mga pilosopo at siyentipiko noon ang kanilang mga ideya sa pamamagitan ng pagpupulong sa mga siyentipikong akademya, Masonikong lohiya, mga pampanitikang salon, mga kapihan, at sa mga nalathalang aklat, journal, at polyeto. Ang mga ideya ng Panahon ng Paliwanag ay humamon sa awtoridad ng monarkiya at ng relihiyosong mga opisyal at nagbukas ng daan sa mga pampulitikang rebolusyon noong ika-18 at ika-19 na siglo. Maraming kilusan noong ika-19 na siglo, gaya ng liberalismo, sosyalismo, at neoklasisismo, ay nag-ugat mula sa Panahon ng Paliwanag.[9][10]

Ang Panahon ng Paliwanag ay binigyang-diin ng lumalaking pag-unawa sa ugnayan ng isip at ng pang-araw-araw na kaalaman sa mundo, [11] at ng pagbibigay-halaga sa siyentipikong pamamaraan at reductionism, kasama ng mas malalim na pagkuwestiyon sa mga paniniwalang panrelihiyon—isang pananaw na makikita sa sanaysay ni Kant na "Answering the Question: What Is Enlightenment?", kung saan matatagpuan ang pariralang sapere aude ("maging matapang na magtanong").[12]


Remove ads

Mga sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads