Lungsod Quezon
lungsod ng Pilipinas sa Kalakhang Maynila From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang Lungsod Quezon (Ingles: Quezon City, pinaikling QC) o Lungsod ng Quezon[3] ay ang pinakamayaman at pinakamataong lungsod sa Pilipinas. Ayon sa senso noong 2024, ang lungsod ay may populasyon na 3,084,270 katao. Itinatag ito noong 12 Oktubre 1939 at ipinangalan kay Manuel L. Quezon, ang pangalawang pangulo ng Pilipinas. Nagsilbi bilang kabisera ng Pilipinas ang Lungsod Quezon mula 1948 hanggang 1976, nang ibinalik ang pagtatalagang ito sa lungsod ng Maynila. Matatagpuan sa pulo ng Luzon, isa ang Lungsod Quezon sa mga lungsod at munisipalidad na binubuo ng Kalakhang Maynila, ang Pambansang Punong Rehiyon ng Pilipinas.
Nilayon ng lungsod na maging pambansang kabisera ng Pilipinas na papalit sa Maynila, dahil dumaranas ang huli ng pagsisikip, kawalan ng tirahan, mahinang sanitasyon, at matinding trapiko. Upang gawin ang Lungsod Quezon, ilang baryo ang inukit mula sa mga bayan ng Caloocan, Marikina, San Juan at Pasig, bukod pa sa walong malalawak na ari-arian na binili ng pamahalaan ng Pilipinas para sa layuning ito. Opisyal itong idineklara bilang pambansang kabisera noong 12 Oktubre 1949, at ilang kagawaran at institusyon ng pamahalaan ang lumipat palabas ng Maynila papunta sa bagong kabiserang lungsod. Nangangailangan ito ng pagpapalawak ng lungsod pahilaga, na siyang dahilan upang kunin ang Novaliches mula sa Caloocan na hinati ito sa dalawang hindi magkadikit na bahagi. Ilang baryo rin ang kinuha mula sa San Mateo at ilang bahagi ng Montalban. Gayunpaman, noong 24 Hunyo 1976, ipinagpatibay ng Presidential Decree Blg. 940 na ibalik sa estado ng pambansang kabisera ang Maynila, habang ang buong Kalakhang Maynila ay itinalaga bilang luklukan ng pamahalaan.[4][5]
Kilala ang Lungsod Quezon para sa sining nito, industriya ng libangan at midya, at angkop na tinatawag na "City of Stars". Nasa lungsod ang mga punong-tanggapan at estudyo ng mga pangunahing himpilang pagsasahimpapawid. Kilala rin ito sa komersyo, edukasyon, pananaliksik, teknolohiya, politika, turismo at palakasan. Ilang sangay ng pambansang pamahalaan kabilang ang Hugnayan ng Batasang Pambansa, ang upuan ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas, ang matatagpuan sa lungsod.
Isang nakaplanong lungsod ang Lungsod Quezon. Sinasaklaw nito ang kabuuang lawak na 161.11 metro kkilouwadrado (62.20 sq mi), na siyang pinakamalaking lungsod sa Kalakhang Maynila sa mga tuntunin ng lawak ng lupa. Ito ay politikal na nahahati sa anim na distrito ng kongreso, na kumakatawan sa lungsod sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas. Mayroong 142 barangay ang lungsod sa ilalim ng Pamahalaang Lungsod. Ang mga kagawaran at ahensya ng pambansang pamahalaan ay kadalasang matatagpuan sa unang National Government Center (NGC) sa Diliman, at ang pangalawang National Government Center sa Batasan Hills, kung saan matatagpuan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas. Karamihan sa hilagang bahagi ng lungsod ay nasa paanan ng kabundukan ng Sierra Madre, kabilang ang La Mesa Watershed Reservation, ang pinakamalaking palatubigan sa Metro Manila at isang itinalagang protektadong lugar.
Remove ads
Kasaysayan

Bago malikha ang Lungsod Quezon, ito ay binubuo ng mga maliliit na bayan, tulad ng San Francisco del Monte, Novaliches, at Balintawak. Noong 23 Agosto 1896, ang Katipunan na pinamumunuan ni Andres Bonifacio ay nagsimula ng himagsikan laban sa Espanya sa tirahan ni Melchora Aquino sa Pugad Lawin (ngayon ay Bahay Toro at Project 8). Noong unang kalahati ng ikadalawampung siglo, pinangarap ni Pangulong Manuel L. Quezon na magkaroon ng isang bagong kapital ng bansa, papalitan nito ang Maynila na siyang kasalukuyan noong panahong iyon, at tirahan sa maraming manggagawa. Pinaniniwalaan na ang nauna niyang pagtungo sa bansang Mehiko ay ang nag-impluwensiya sa pangarap na ito.
Noong 1938, nilikha ni Pangulong Quezon ang People's Homesite Corporation at bumili ng 15.29 km2 lupa mula sa lupain ng pamilya Tuason. Ipinasa ng Pambansang Asemblea ng Komonwelt ng Pilipinas ang Commonwealth Act 502 na kilala bilang "Charter ng Lungsod Quezon" na noong una ay inimungkahing Lungsod ng Balintawak. Matagumpay na namungkahi nina Narcisco Ramos at Ramon Mitra, Sr. na maipangalan ang nasabing lungsod sa kasalukuyang pangulo ng panahong iyon. Pinahintulutan ni Pangulong Quezon na maipasa ang nasabing panukala upang maging batas ng wala ang kanyang lagda noong 12 Oktubre 1939, at dito naitatag ang Lungsod Quezon.
Matapos ang digmaan, ang Republic Act No. 333 na kung saan naayos ang mga hangganan ng Lungsod Quezon at Lungsod ng Kalookan ay nilagdaan ni Pangulong Elpidio noong 17 Hulyo 1948. Isinasaad din nito na ang nasabing lungsod ang magiging bagong kapital ng bansa at ang lawak nito ay 156.60 km2. Ang Baesa, Talipapa, San Bartolome, Pasong Tamo, Novaliches Poblacion, Banlat, Kabuyao, Pugad Lawin, Bagbag, at Pasong Putik na dating mga bahagi ng Novaliches ay may lawak na 8, 100 hektarya, ay kinuha mula sa Lungsod ng Kalookan at ibinigay sa Lungsod Quezon. Ito ang dahilan kung bakit nahati ang Lungsod na Kalookan sa dalawa - ang katimugang hati ay urbanisado at ang hilagang bahagi ay sub-rural. Noong 16 Hunyo 1950, binago ang Charter ng Lungsod Quezon ng Republic Act 537, kung saan nabago ang lawak ng siyudad sa 153.59 km2.
Tuwirang 6 na taon ang dumaan, noong 16 Hunyo 1956, marami pang binago sa lawak ng siyudad, ang Republic Act No. 1575 na nagbago sa lawak ng siyudad sa 151.06 km2. Nakasaad sa pooksapot ng pamahalaan ng Lungsod Quezon na ang lawak ng lungsod ay 161.12 km2. Noong 1 Oktubre 1975, idinaos sa Lungsod Quezon ang "Thrilla in Manila" na laban nina Muhammad Ali at Joe Frazier.
Sa Presidential Decree No. 824 ni Pangulong Ferdinand Marcos, nalikha ang Kalakhang Maynila (Metro Manila). Ang Lungsod Quezon ay naging isa sa 17 lungsod at munisipalidad ng Kalakhang Maynila. Nang sumunod na taon, ibinalik sa Lungsod ng Maynila ang pagiging kapital ng bansa mula sa Lungsod Quezon sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 940. Noong 31 Marso 1978, inutos ni Pangulong Ferdinand Marcos na ilipat ang mga labi ni Pangulong Manuel L. Quezon mula sa Manila North Cemetery papunta sa bagung-tayong Quezon Memorial Monument na napapalibutan ng Elliptical Road, Manuel L. Quezon monument, at ang City Hall. Noong 22 Pebrero 1986, ang bahagi ng Abenida Epifanio de los Santos (o EDSA) na nasa Lungsod Quezon ay ang lugar kung saan naganap ang mapayapang People Power Revolution.
Noong 23 Pebrero 1998, pinirmahan ni Pangulong Fidel V. Ramos ang Republic Act No. 8535. Isinasaad ng nasabing batas na magkakaroon ng isang Lungsod ng Novaliches na binubuo ng 15 pinaka-hilagang mga barangay ng Lungsod Quezon. Ngunit sa sumunod sa plebesito noong 23 Oktubre 1999, mayorya ng mga nakatira sa lungsod ang tumutol sa paghiwalay sa Novaliches. Ang pamahalaan ng Lungsod Quezon ang unang lokal na pamahalaan sa Pilipinas na may kompyuterisadong paraan sa pagsisiyasat sa real estate at sa sistema ng pagbabayad nito. Nagdevelop ng sistemang database ang pamahalaan ng lungsod na ngayon ay nasa 400, 000 property units na may kakayahan na itala ang mga bayad.
Remove ads
1939 Masterplan
Noong 1938, itinulak ni Pangulong Manuel L. Quezon ang mga plano para sa isang bagong lungsod kapital. Sumisikip na sa Maynila at ang mga tagapayong pangmilitar ni Pangulong Quezon ay nagsasabi na ang Maynila, na nasa tabi ng isang look, ay isang madaling target para pasabugin ng barkong pandigma kung sakaling atakihin at ang mga pagkakataon ay mataas noong mga taon bago ang giyera.
Wala sa isip ng mga tagapayo ni Pangulong Quezon ang pagkakataon ng mga atake mula sa himapapawid. Gayunman, itinulak pa rin ni Quezon ang sining na magtayo ng kapital, 15 km mula sa Look ng Maynila (malayo para sa mga baril pandagat). Tinawagan niya si William E. Parsons, isang Amerikanong arkitekto at planner, na siya ring konsultant na arkitekto mula pa sa simula ng okupasyon ng mga Amerikano sa bansa. Sinimulan ni Parsons ang plano at tumulong sa pagpili sa Diliman (Tuason) Estate bilang lugar para sa bagong lungsod. Sa kasamaang-palad, namatay si Parsons sa sumunod na taon. Ang katuwang niyang si Harry Frost ang nagtuloy ng balak. Nakipagtulungan si Frost kina Juan Arellano, Engr. E. D. Williams, at Arkitektong Panlandscape at Planner na si Louis Croft para gumawa ng isang grand master plan para sa bagong kabisera, ang Lungsod Quezon.
Inaprubahan ang balak ng mga Pilipinong awtoridad noong 1941. Sa kalagitnaan ng lungsod ay isang 400-ektaryang parke, halos kasing-laki ng Central Park ng New York at tinutukoy ng North, South (Timog), East, at West Avenues. Sa isang panulukan ng inimungkahing Diliman Quadrangle ang binalak ilagak ang isang 25-ektaryang lote. Dito ilalagay ang isang malaking gusaling kapitolyo parang sa Lehislaturang Pilipino at mababang mga gusali para sa mga tanggapan ng mga kongresista. Sa magkabilang panulukan ay binalak itayo - ang bagong Palasyo ng Malacañan at ang gusali ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas. Ang tatlong sangay ng pamahalaan ay sa wakas mailalagay na sa tabi ng isa't isa.
Remove ads
Topograpiya
Ang lungsod ay nakalagak sa itaas ng Talampas ng Guadalupe na isang medyo mataas na talampas sa hilagang-silangang bahagi ng lungsod - sa pagitan ng mga mababang lupain ng Maynila sa timog-kanluran at sa Lambak ng Marikina sa silangan. Sa katimugang bahagi matatagpuan ang makitid na Ilog San Juan at ang mga tributaryo nito sa Ilog Pasig, habang sa hilaga naman ng siyudad matatagpuan ang makitid ding Tullahan River.
Ang Lungsod Quezon ay hinahangganan ng Lungsod ng Maynila sa timog-kanluran, mga Lungsod ng Kalookan at Valenzuela sa kanluran at hilagang-kanluran. Sa timog naman ay ang mga Lungsod ng San Juan at Mandaluyong. Samantala, ang mga Lungsod ng Marikina, at Pasig ang humahanggan sa Lungsod Quezon sa timog-silangan. Sa hilaga naman, sa kabila ng Ilog Marilao ay ang Lungsod ng San Jose del Monte sa probinsiya ng Bulacan at sa silangan ay ang mga bayan ng Rodriguez at San Mateo, parehong nasa probinsiya ng Rizal.
Nahahati ang lungsod sa ilang mga pook. Ang katimugang bahagi ng lungsod ay nahahati sa Diliman, Commonwealth, ang mga Project, Cubao, Kamias, Kamuning, New Manila, San Francisco del Monte, at Santa Mesa Heights. Ang hilagang bahagi ng lungsod ay ang Fairview at Lagro, ngunit kadalasan ay tinatawag itong Novaliches. Karamihan sa mga pook na ito ay walang nakatukoy na hangganan at sa kalikasan ay pamahayan (residential).
Ekonomiya

Malawak at Iba't iba ang pangunahing pinagkikitaan sa Lungsod Quezon, subalit pangunahing mapapangkat ito sa telekomunikasyon, edukasyon, pangpamahalaan, komersyal, industrial, retail, at professional.
Dahil malawak ang lungsod Quezon, binubuo ito ng limang pangunahing hiwa-hiwalay na lundong pangkalakalan. Ito ay ang mga sumusunod:
Cubao
Ang pinakalumang lundong pangkalakalan (commercial) ng lungsod kung saan makikita ang Aurora Tower at mga shopping mall. Isang langkap na panlibangang parke ang Fiesta Carnival na napalitan na ng isang sangay ng Shopwise, isang lokal na pamilihan. Makikita rin dito ang Araneta Coliseum, na isang kilalang lugar na pinagdadausan ng mga consyerto at laro.
Eastwood
Una itong tinaguyod at pinaunlad ng Megaword Corporation bilang isa sa natatanging lundo ng kalakalang Information Technology sa bansa. Sa kasulukuyan ang Eastwood City ay ang pinakakilalang pook na kumakanlong sa negosyong IT. Mahigit sa 70,000 libong mangagawa, professional, at negosyante ang nagpapaunlad at nagtratrabaho dito.
Quezon City Central Business District
Matatagpuan sa Hilagang Tatsulok ng gitnang lungsod Quezon. Ito ay ang pinakabagong tinataguyod na lundong pangkalakalan ng Lungsod. Binuo sa pamumuno ng dating alkalde na si Sonny Belmonte at sa pakikipagtulungan sa Ayala Corporation. Inaasahang maging lundo ito ng transportasyong pangmasa sa hilaga dahil na rin sa apat na pangmasang riles na inaasahang magsasabang dito.
Eton City
U.P. Ayala land techno hub
Tinaguyod bilang liwasan ng mga kumpanya ng pananaliksik at pag-unlad sa pagtutulungan ng Ayala Corporation at ng Unibersidad ng Pilipinas. Ito ay matatagpuan sa kanlurang lupain na sakop ng Unibersidad ng Pilipinas.
Sa Quezon City rin matatagpuan ang punung-tanggapan ng mga malalaking estasyon ng telebisyon, tulad ng TV 5, ABS-CBN, GMA Network, GEM TV, UNTV, Net 25, PTV 4, RPN, at IBC 13.
Ang mga abenida ng Tomas Morato at Timog ay kilala sa pagkakaroon ng mga hile-hilera ng mga restawran samantala ang Banawe Avenue ay kilala bilang "Autoparts Capital of the Philippines" dahil dito matatagpuan ang malakas na konsentrasyon ng mga tindahan ng mga bahagi at aksesoryas ng mga kotse at tirahan din sa mga kumpol ng mga awtentikong kainang[a] Tsino bukod sa Binondo.
Remove ads
Komunikasyon
Ang komunikasyong sistema ng Lungsod Quezon ay pinaglilingkuran ng PLDT, Ang Globe Telecommunications Inc, (o mas kilala bilang Globe), Ang Bayan Telecommunications, Ayos Dito, at iba pa. Ang networking selyular sa Pilipinas, patikular sa mga lugar metropolitano, ay bumibilis sa pagbilis kasama ang mababang halaga ng mga tawag at text messaging. Ilan sa mga malalaking kompanya na kumokontrol sa mga network selyular sa Pilipinas at sa Lungsod Quezon tuwiran ay ang Globe Telecom, Smart Telecommunications (PLDT), at Sun Cellular mula sa Digitel.
Remove ads
Transportasyon
Ang lungsod ng Quezon ay binabagtas ng iilan sa pinakamalaking daanan at highway ng Kalakhang Maynila. Ang pangunahing gamit na lulan sa lungsod ay dyip, bus, traysikel, at mayroon ding pumapasadang pedicab sa ilang mga barangay. Bukod sa mga nabanggit ay pinaglilingkuran din ito ng ilan sa mga pangmasang riles.
Pangunahing Lansangan
Dahil ang Lungsod Quezon ay isang binalak na lungsod, na benepisyuhan ito ng maayos na pagplaplano ng lansangan. Malalawak ang mga kalsada ng Lungsod Quezon, na dinisenyo para sa sasakyan. Ang mga pangunahing lansangan na bumabagtas dito at ang mga sumusunod:
Quezon City Transport and Transport Management Department (QC TTMD)
Ang Quezon City Traffic and Transport Management Department o QC TTMD
Pangmasang Riles
Sa kasulukuyan, sineserbisyuhan ang lungsod ng tatlong pangmasang tren na bumabagtas sa mga pangunahin nitong daanan bilang alternatibong transportasyong pangmasa. Sila ang nagsisilbing tagahatid at tagakonekta sa mga katabi at karatig na lungsod at bayan ng Kalakhang Maynila. Ang mga sumsunod ay ang mga linya ng riles na nagseserbisyo sa lungsod.
Kasulukuyang Ginagawa
- Linya 7
- Metro Manila Subway
Nakaplanong gawin
- Linya 4
- Linya 8 (Silangan-Kanlurang riles ng PNR)
Remove ads
Edukasyon


May kaugnay na midya tungkol sa Lungsod Quezon ang Wikimedia Commons.
Maraming kilalang pamantasan ang matatagpuan sa Lungsod Quezon, ang isa doon ay ang Diliman kampus ng Unibersidad ng Pilipinas, na itinatag noong Pebrero 1949. Dito rin matatagpuan ang Loyola Heights kampus ng Unibersidad ng Ateneo de Manila, ang pangatlo sa pinakamatandang pamantasan sa Pilipinas.
Bukod sa UP at Ateneo marami ring pamantasang matatagpuan sa lungsod. Ito ay ang mga sumusunod:
- Politeknikong Pamantasan ng Lungsod Quezon
- Politeknikong Pamantasan ng Pilipinas - Commonwealth Campus
- Pamantasang Manuel L. Quezon
- Pamantasang New Era
- Far Eastern University - Diliman Campus
- AMA Computer University
- Unibersidad ng Silanganan
- Unibersidad ng Mga Kababaihang Pilipino
- Pamantasang Our Lady of Fatima
Sa Lungsod ng Quezon din matatagpuan ang pangunahing kampus ng Mataas na Paaralang Pang-agham ng Pilipinas, parte ng ahensyang pinamumunuan ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya.
Remove ads
Demograpiko
Mga sanggunian
Mga Kawing Panlabas
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads