Asukal

pangkalahatang tawag para sa matamis na natutunaw na carbohydrates From Wikipedia, the free encyclopedia

Asukal
Remove ads

Ang asukal ay ang pangkalahatang tawag sa mga matamis at natutunaw na karbohidrato, na marami sa mga ito ay ginagamit sa pagkain. Ang mga payak na asukal, na tinatawag ding monosakarido, ay kinabibilangan ng glukosa, pruktosa, at galaktosa. Ang mga pinagsamang asukal, na tinatawag ding disakarido o dobleng asukal, ay mga molekula na binubuo ng dalawang magkasamang monosakarido; karaniwang halimbawa nito ay sukrosa (glukosa + pruktosa), laktosa (glukosa + galaktosa), at maltosa (dalawang molekula ng glukosa). Ang puting asukal ay halos purong sukrosa. Sa panahon ng dihestiyon (pagtunaw ng pagkain), ang mga pinagsamang asukal ay hinahidrolisa upang maging mga payak na asukal.

Thumb
Asukal

Ang mas mahahabang kadena ng mga sakarido ay hindi itinuturing na asukal at tinatawag na oligosakarido o polisakarido. Ang almirol ay isang polímero ng glukosa na matatagpuan sa mga halaman — ang pinakamasaganang pinagmumulan ng enerhiya sa pagkain ng tao. Ang ilan pang kemikal na sustansya tulad ng etileno glikol, gliserol, at mga alkohol na asukal ay maaaring matamis ang lasa subalit hindi kabilang sa mga tinuturing na asukal.

Ang mga asukal ay matatagpuan sa mga tisyu ng karamihan sa mga halaman. Ang pulot at mga prutas ay saganang likas na pinagkukunan ng mga payak na asukal. Ang sukrosa ay partikular na masagana sa tubo at matamis na aselga (sugar beet), kaya’t mahusay itong gamitin sa komersiyal na pagkuha upang makagawa ng pinong asukal. Noong 2016, tinatayang umabot sa halos dalawang bilyong tonelada ang pinagsamang pandaigdigang produksiyon ng dalawang halamang ito. Ang maltosa ay maaaring makuha sa pamamagitan ng malting ng mga butil. Ang laktosa lamang ang uri ng asukal na hindi maaaring makuha sa mga halaman sapagkat ito ay matatagpuan lamang sa gatas, kabilang na ang gatas ng tao, at sa ilang produktong gatas. Isang murang pinagmumulan ng asukal ay ang sirope ng mais, na industriyal na ginagawa sa pamamagitan ng pagbago ng almirol ng mais upang maging mga asukal tulad ng maltosa, pruktosa, at glukosa.

Ang sukrosa ay ginagamit sa mga inihandang pagkain (halimbawa, mga biskwit at keyk), minsan ay idinaragdag sa mga ultraprosesadong pagkain at inumin, at ginagamit din bilang pampatamis sa mga pagkain (halimbawa, tinapay at siryales) at inumin (halimbawa, kape at tsaa). Sa pandaigdigang antas, ang karaniwang tao ay kumokonsumo ng humigit-kumulang 24 kilo (53 libra) ng asukal bawat taon. Sa Hilagang at Timog Amerika, umaabot ito hanggang 50 kilo (110 libra), samantalang sa Aprika ay mas mababa sa 20 kilo (44 libra).[1]

Ang paggamit ng idinagdag na asukal sa paggawa ng pagkain at inumin ay isang usaping may kinalaman sa labis na pag-inom ng kaloriya, na inuugnay sa pagtaas ng panganib ng ilang karamdaman tulad ng obesidad, diyabetes, at mga karamdaman kardyobaskular.[2] Noong 2015, inirekomenda ng Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan na ang mga matatanda at bata ay bawasan ang kanilang paggamit ng malalayang asukal sa mas mababa sa 10% ng kabuuang enerhiya na kinukuha sa pagkain, at hinihikayat pang pababain ito sa mas mababa sa 5%.[3]

Remove ads

Mga sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads