Dagat Aral
lawa sa gitna ng Kasakistan at Usbekistan From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang Dagat Aral[a] ay isang endoreykong lawa (iyon ay, walang labasan) na nasa pagitan ng Kasakistan sa hilaga nito at Usbekistan sa timog nito. Nag-umpisa itong lumiit noong d. 1960 at halos natuyo na noong d. 2010. Ito ay nasa mga rehiyong Aktobe at Kyzylorda ng Kasakistan at rehiyong awtonomo ng Karakalpakstan sa Usbekistan. Kung isasalin mula sa mga wikang Monggoliko at Turkiko, "Dagat ng Mga Pulo" ang kahulugan ng pangalan, na tumutukoy sa malaking bilang ng mga pulo (mahigit sa 1,100) na dating pinaligiran ng tubig nito. Nasa luwasan ng Dagat Aral ang Usbekistan at mga bahagi ng Apganistan, Iran, Kasakistan, Kirgistan, Tayikistan, at Turkmenistan.[1]
Ang dating ikatlong pinakamalaking lawa sa mundo na 68,000 km2 (26,300 sq mi), nagsimulang lumiit ang Dagat Aral noong d. 1960 matapos ang mga ilog na nagpapakain dito ay inilihis ng mga proyektong patubig ng mga Sobyet. Pagsapit ng 2007, bumaba sa 10% ng orihinal ang laki nito, at nahati na ito sa apat na lawa: ang Hilagang Dagat Aral, at mga silangan at kanlurang luwasan ng dating mas malaki na Timog Dagat Aral, at ang mas maliit na intermedyong Lawa ng Barsakelmes.[4] Pagsapit ng 2009, nawala ang timog-silangang lawa at umatras ang timog-kanlurang lawa sa isang manipis na guhit sa kanlurang gilid ng dating timugang dagat. Sa mga sumunod na taon, nadagdagan nang kaunti ang timog-silangang lawa dahil sa mga paminsan-minsang daloy ng tubig.[5] Inilahad sa mga larawang de-satelayt ng NASA noong Agosto 2014 na sa unang pagkakataon sa modernong kasaysayan, tuyong-tuyo ang silangang luwasan ng Dagat Aral.[6][7] Disyerto ng Aralkum na ang tawag ngayon sa silangang luwasan.
Sa pagsisikap ng mga Kasaho na ligtasin at punuin ang Hilagang Dagat Aral, nakumpleto ang Saplad ng Dike Kokaral noong 2005. Pagsapit ng 2008, tumaas ang lebel ng tubig ng 12 m (39 ft) kumpara sa 2003,[2] ng hanggang 42 m (138 ft).[8] Magmula noong 2013[update] , bumaba ang kaasinan, at bumalik ang mga isda sa sapat na bilang na maaaring mangisda nang kaunti.[9]
Pagkatapos ng pagbisita sa Muynak noong 2011, sinabi ni Ban Ki-moon, dating Kalihim-Panlahat ng Mga Nagkakaisang Bansa, na ang pagliit ng Dagat Aral ay "isa sa mga pinakamalalang disgrasya sa kalikasan ng planeta".[10] Nalipol ang dating maunlad na industriya ng pangingisda sa rehiyon, na nagdulot ng kawalan ng trabaho at paghihirap sa kabuhayan. Ang tubig mula sa inilihis na ilog Syr Darya ay ginagamit na patubig sa halos dalawang milyon ektarya (5,000,000 akre) ng lupang sakahan sa Lambak ng Ferghana.[11] Punong-puno ng polusyon ang rehiyon ng Dagat Aral, na sanhi ng mga malubhang problema sa kalusugan ng publiko. Nagdagdag ang UNESCO ng mga makasaysayang dokumento tungkol sa Dagat Aral sa Rehistro ng Alaala ng Mundo nito bilang sanggunian upang pag-aralan ang trahedya sa kalikasan.
Remove ads
Tingnan din
Talababa
- Kazakh: Арал теңізі, romanisado: Aral teñızı; Uzbek: Орол денгизи, romanisado: Orol dengizi; Karakalpak: Арал теңизи, romanisado: Aral teńizi; Ruso: Аральское море, romanisado: Aral'skoye more
Mga sanggunian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads