Dagat Patay
lawang maalat na hinahangganan ng Palestina, Hordan at Israel From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang Dagat Patay[5][6] o Dagat Alat[6] (Arabo: اَلْبَحْر الْمَيِّت, romanisado: al-Baḥr al-Mayyit, o Arabo: اَلْبَحْر الْمَيْت, romanisado: al-Baḥr al-Mayt; Ebreo: יַם הַמֶּלַח, romanisado: Yam hamMelaḥ), kilala rin sa mga ibang pangalan, ay isang lawang nakukulong ng lupain na hinahanggahan ng Hordan sa silangan, Kanlurang Pampang na inookupahan ng Israel sa kanluran at Israel sa timog-kanluran.[7][8] Ito ay nasa Libis ng Hordan, at Ilog Hordan ang pangunahing sangang-ilog nito.
Pagsapit ng 2019, 430.5 metro (1,412 ft) sa ilalim ng antas ng dagat ang rabaw ng lawa,[4][9] kaya ang baybayin nito ang pinakamababang elebasyong batay sa lupa sa buong mundo. 304 m (997 ft) ang lalim nito, ang pinakamalalim na hipersalinong lawa sa mundo. 342 g/kg, o 34.2% ang kaasinan nito (noong 2011), kaya isa ito sa mga pinakamaalat na katubigan sa mundo[10] – 9.6 beses na mas maalat kaysa karagatan – at may densidad ng 1.24 kg/litro, kaya halos pareho sa paglulutang ang paglalangoy roon.[11][12] Napakaalat nitong dagat kaya't imposible sa karamihan sa mga may buhay na umiral dito. Ito ang dahilan kung bakit ganito ang pangalan o tawag dito. 50 kilometro (31 mi) ang haba at 15 kilometro (9 mi) ang lapad ng pangunahing, hilagang luwasan ng Dagat Patay, sa pinakamalawak na punto nito.[1]
Libu-libong taon nang nakakaakit ang Dagat Patay sa mga bisita sa palibot ng Luwasang Mediteraneo. Isa ito sa naging unang bakasyunang pangkalusugan sa mundo, at naging tagapagtustos ito ng iba't ibang uri ng mga produkto, mula aspalto para sa mumipikasyong Ehipsyo hanggang potasa para sa mga pataba. Ngayon, bumibisita ang mga turista sa dagat sa mga baybayin ng Israel, Hordan, at Kanlurang Pampang.
Lumiliit nang mabilisan ang Dagat Patay; ang pang-ibabaw na sukat nito ngayon ay 605 km2 (234 sq mi),[2] kumpara sa 1,050 km2 (410 sq mi) noong 1930. Maraming mga panukala sa kanal at mga tubo, tulad ng ibinasurang proyekto ng Pagdadalang-tubig sa Dagat Pula–Dagat Patay,[13] ang ginawa para mabawasan ang pagliliit nito.
Remove ads
Pangalan
Ang panglang "Dagat Patay" sa wikang Tagalog ay kalko ng pangalan sa Ingles (Dead Sea), na kalko mismo ng pangalan sa Arabe, na tumutukoy sa kakapusan ng buhay sa tubig na dulot ng matinding kaasinan ng lawa.[14] Kabilang sa mga makasaysayang pangalan ng lawa na hinango mula sa Ingles ang Dagat Alat (Salt Sea),[15] Lawa ng Sodom (Lake of Sodom)[15] mula sa ulat ng Bibliya tungkol sa pagkasira nito[16] at Lawang Aspaltitas (Lake Asphaltites) [15] mula sa Griyego at Latin.
Lumilitaw paminsan-minsan ang pangalang "Dagat Patay" sa panitikang Hebreo bilang Yām HamMāvet (ים המוות), 'Dagat ng Kamatayan'.[14] Ang karaniwang pangalan ng lawa sa bibliya[17] at sa modernong Hebreo ay Dagat ng Asin (ים המלח, ⓘ). Kabilang sa mga iba pang pangalang Hebreo para sa lawa na ibinanggit din sa Bibliya ang Dagat ng Araba (ים הערבה, Yām Ha‘Ărāvâ) at Silangang Dagat (הים הקדמוני, HaYām HaQadmōnî).
Ang pangalang Arabe ay ⓘ (البحر الميت), o kadalasang walang artikulong al-, kaya Bahr lang atbp. Kilala rin ito sa wikang Arabe bilang Dagat ng Lot (بحر لوط, Buhayrat,[18] Bahret, or Birket Lut)[19] mula sa pamangkin ni Abraham na ang asawa ay sinabing naging haligi ng asin noong pagkalipol ng Sodoma at Gomorra.[16] Mas bihira sa Arabe, nakilala rin ito bilang Dagat ng Segor mula sa lungsod sa tabi ng baybayin nito na mahalagang dati.
Remove ads
Tingnan din
Mga sanggunian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads