Etimolohiya
pag-aaral sa pinagmulan at ebolusyon ng isang salita From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Etimolohíya, palaugátan, o pámuhátan ang pag-aaral sa pinagmulan at ebolusyon ng mga salita, tunog, at kahulugan sa paglipas ng panahon. Isa itong sangay ng lingguwistika, at may malaking kaugnayan sa historikal na lingguwistika, pilolohiya, at semiotika. Ginagamit rin sa pag-aaral ang semantika, morpolohiya, pragmatika, at ponetika sa pagdodokumento sa lahat ng mga kahulugan at pagbabagong naganap sa isang salita sa kasaysayan. Tinatawag rin na etimolohiya ang pinagmulan ng isang salita.
Para sa mga wikang may mahabang kasaysayang nakasulat, ginagamit ng mga etimologo ang mga teksto, lalo na yung mga dokumentong pumapatungkol sa wika mismo, para makakuha ng impormasyon ukol sa paggamit sa salita sa isang partikular na panahon, paano nakuha nito ang mga kahulugan o pagbaybay, at paano ito pumasok sa wika. Ginagamit rin nila ang mga kaparaanan sa kumparatibong lingguwistika upang makagawa ng mga ipinagpapalagay na anyo ng salita para sa mga panahon kung saan walang nakasulat na ebidensiya para sa mga ito. Dahil dito, nakakagawa ang mga etimologo ng mga palagay patungkol sa isang napakalumang wika base sa mga kaugnay na salita ng mga apo nito, kagaya ng kaso para sa mga salitang-ugat ng mga wikang Indo-Europeo na nagmula sa Proto-Indo-Europeo.
Bagamat nagmula sa pilolohiya ang pag-aaral sa etimolohiya, karamihan ng mga pag-aaral sa kasalukuyan ang nakatutok sa mga wikang may maliit o walang bahid ng nakasulat na dokumentasyon, kagaya ng mga wikang Uraliko o Austronesyo.
Remove ads
Etimolohiya
Nagmula ang salitang etimolohiya sa wikang Espanyol na etimología, na nagmula naman sa salitang Latin na etymologĭa mula salitang Griyego na etymologíā (Griyego: ἐτυμολογία), na isang pagsasama ng mga salitang étymon ("tunay na katotohanan") at logia ("pag-aaral").[1]
Bukod sa etimolohiya, iminumungkahi rin ang katagang palaugatan para sa larangan. Isa itong neolohismo na nagmula sa salitang-ugat na "ugat" na nangangahulugang "pinagmulan" sa kontekstong ito. Samantala, nililista rin ng UP Diksiyonaryong Filipino ang katagang pamuhatan bilang alternatibong tawag sa larangan, bagamat mas ginagamit ang katagang ito para tumukoy sa panimulang bahagi ng isang liham.[2]
Remove ads
Pamamaraan

Gumagamit ng samu't saring mga pamamaraan ang mga etimologo para pag-aralan ang pinagmulan ng mga salita, kabilang na ang mga sumusunod:
- pananaliksik sa pilolohiya, kung saan mapag-aaralan ang pagbabago sa paggamit sa isang salita mula sa mga lumang panitikan kung meron man.
- pag-aaral sa pagkakaiba sa bigkas, kahulugan, o baybay ng mga salita sa iba't-ibang dayalekto ng isang wika.
- pagkukumpara sa salitang katumbas sa mga kaugnay na wika, na maaaring makapagbigay ng impormasyon ukol sa maaaring pinagmulang salita mula sa isang ninunong wika.
- pag-aaral sa pagbabago sa semantika, kung saan nagbibigay ng mga palagay at teorya ang mga etimologo ukol sa kasaysayan ng naturang salita base sa mga napatunayang pagbabago sa ibang mga wika.
Remove ads
Uri
Tipikal na nagmumula ang mga salita mula sa ilang mga pangunahing mekanismo tulad ng mga sumusunod:
- panghihiram, kung saan pumapasok ang mga salita sa isang wika mula sa ibang wika, madalas na may kasamang pagbabago sa pagbaybay o pagbigkas upang umakma sa ortograpiya at ponolohiya ng nanghiram na wika. Nagmumula sa wikang Espanyol at Ingles ang malaking bahagi ng mga salitang hiram sa Tagalog, kagaya ng kotse mula Espanyol coche at kompyuter mula Ingles computer. Minsan ay nagbabago rin ito ng kahulugan sa nanghiram na wika: mga halimbawa sa Tagalog ang salitang kuryente mula sa Espanyol corriente ("daloy") at almusal mula Espanyol almorzar ("tanghalian"), gayundin ang salitang tambay mula sa Ingles stand by ("maghintay") at tansan mula Hapon tansan (炭酸, "pampalamig").
- deribasyon, ang paggawa sa mga bagong salita sa pamamagitan ng mga mekanismong tulad ng pagsasama ng dalawang magkahiwalay na salita (hal. balat-sibuyas) o ng isang panlapi (halimbawa, kontrabida, lipunan, palaisdaan), o di kaya'y magkahalong salita kagaya ng salamuch (paghahalo ng "salamat" at Ingles much, lit. na 'higit') at taralets (paghahalo ng tara at Ingles let's, lit. na 'tayo na').
- onomatopoeia o simbolismo ng tunog, kung saan nagiging salita ang mga tunog na naririnig, tulad ng halakhak, uwak, katok, at kalembang.
Kasaysayan
Nagsimula ang pag-aaral sa pinagmulan ng mga salita bilang isang anyo ng aliwan at panitikan. Halimbawa, nag-imbento ng mga nakakaaliw na etimolohiya ng mga salita ang manunulang Griyego na si Pindar para sa kanyang mga tagasuporta. Pinagbasehan naman ni Plutarco ang pagkakatulad ng mga tunog ng mga salita para sa mga etimolohiya ng mga ito. Ilan sa mga unang panitikan sa etimolohiya ay ang Etymologiae ni Isidro ng Sevilla at ang Etymologicum Genuinum na nilimbag sa Konstantinopla noong ika-9 na siglo; nanatili itong aklat sa akademiya hanggang noong ika-16 na siglo. Samantala, ginamit naman ni Jacobus de Voragine sa kanyang Ginintuang Alamat ang etimolohiya bilang panimula sa kanyang mga hagiograpiya ng mga santo noong ika-13 siglo.[3]
Gayunpaman, nagsimulang maging pormalisado ang pag-aaral sa etimolohiya noong ika-18 siglo sa Europa sa gitna ng Panahon ng Kaliwanagan. Isinagawa ni János Sajnovics ang pinakaunang sistematikong pag-aaral sa kaugnayan ng dalawang wika base sa pagkakatulad ng kanilang balarila at bokabularyo noong 1770, nang sinubukan niyang patunayan ang relasyon ng wikang Sami at Unggaro. Samantala, habang nasa India noong 1782, napansin ng pilologong si William Jones ang pagkakatulad ng wikang Latin at Griyego, na kalauna'y iniugnay niya sa wikang Sanskrit sa kanyang aklat noong 1786 ukol sa naturang wika. Humantong ito kalaunan sa pagsisimula ng mga pananaliksik ukol sa ninunong wika ng mga ito, na tinatawag na ngayon na wikang Proto-Indo-Europeo.
Remove ads
Sanggunian
Link sa labas
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads