Wikang Griyego
wikang Indo-Europeo na pangunahing sinasalita sa Gresya at Tsipre From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Griyégo[a] ang wikang Indo-Europeo na kabilang sa sangay ng mga wikang Heleniko, kung saan ito ang pangunahing wika. Pangunahing sinasalita ito sa Gresya at Tsipre, kung saan opisyal na wika ito, gayundin sa ilang bahagi ng Italya at Albanya at sa mga rehiyon ng Balkan, Kaukasya, Dagat na Itim, at silangang Mediteraneo. Ang mahigit kumulang 3,400 taong kasaysayan nito ay ang pinakamahabang napatunayan sa mga wikang Indo-Europeo. Kasalukuyan itong sinusulat sa alpabetong Griyego, na ginagamit para isulat ang wika sa nakalipas na 2,800 taon. Isinulat rin noon ang Griyego sa ibang mga sistema ng pagsulat tulad ng Linear B at ang silabaryong Tsipre.
Ang artikulong ito, pahina, o bahagi nito ay kasalukuyang nasa gitna ng pagpapalawig o malawakang pagbabago. Maaari ka ring tumulong sa pagsasagawa ng mga pagbabago. Pakisilip ang mga nakaraang pagbabago kung gusto mong makipag-usap sa user na naglagay nito rito. Maaari itong tanggalin kung walang naganap na mga pagbabago sa mga susunod na araw matapos itong ipaskil dito. Maliban kung walang mga pagbabago, hindi dapat ito burahin. |
Napakahalaga ng wikang Griyego sa kasaysayan ng Kanluraning Mundo. Simula sa mga epikong isinulat ni Homer, malaking bahagi ang sinaunang panitikang Griyego sa Kanluraning kanon. Sa wikang Griyego din orihinal na nakasulat ang marami sa mga unang dokumento ng agham at pilosopiya, gayundin sa Bagong Tipan ng Bibliya. Kasama ito sa araling klasikal, na kinabibilangan din ng wikang Latin.
Noong panahong klasikal sa Europa laganap ang paggamit ng Griyego, at itinuturing ito na lingua franca sa Dagat Mediteraneo. Kalaunan, naging opisyal na wika ng Imperyong Bisantino ang Gitnang Griyego, at ang modernong anyo nito ay isa sa 24 na opisyal na wika ng Unyong Europeo. Kasalukuyang ginagamit ito ng nasa 13.5 milyong katao sa Gresya, Tsipre, Italya, Albanya, Turkiya, at sa diaspora ng mga Griyego.
Ginagamit ang mga salitang-ugat mula sa Griyego upang makagawa ng mga mga bagong salita sa maraming mga wika. Ito ang wikang pinakaginagamit para sa mga agham, kasama ng wikang Latin.
Remove ads
Kasaysayan
Sinasalita na ang wikang Griyego sa tangway ng Balkan simula pa noong ikatlong milenyo BKP o mas maaga pa.[2][3] Natagpuan sa Mesenia ang isang tabletang luwad na naglalaman ng Griyego at napetsahan sa pagitan ng 1450 hanggang 1350 BKP,[4] ang pinakamatandang nakasulat na ebidensiya para sa isang buhay na wika.[5]
Kapanahunan

Kalimitang hinahati ang kasaysayan ng wikang Griyego sa mga sumusunod na panahon:
- Proto-Griyego, ang di naitala ngunit pinaniniwalaang pinakahuling karaniwang ninuno ng lahat ng mga barayti ng Griyego.
- Griyegong Miseniko, ang wika ng kabihasnang Miseniko. Naitala ito sa mga tabletang nasa sulat Linear B na tinatayang nagawa noong ika-15 siglo BKP.
- Sinaunang Griyego, ang wikang ginamit noong Luma at Klasikal na panahon ng sinaunang kabihasnang Griyego. Kilala ito sa Imperyong Romano, at patuloy na ginamit hanggang noong Gitnang Kapanahunan, bagamat nanatili pa rin itong opisyal na wika ng Imperyong Bisantino. Naipakilala muli ito sa kontinente nang bumagsak ang Konstantinopla noong 1453 na nagresulta sa malawakang migrasyon ng mga Griyego sa kanlurang Europa.
- Griyegong Koine, kilala rin sa tawag na Griyegong Heleniko, ang pagsasama ng mga dayalektong Ioniko at Atiko, ang dayalektong ginagamit sa Atenas. Nagresulta ito sa unang karaniwang dayalekto ng Griyego, na naging lingua franca ng silangang Mediteraneo at Malapit na Silangan. Maituturo ang Griyegong Koine mula sa mga sundalo at nasakop na teritoryo ni Dakilang Alejandro, kung saan lumaganap ang paggamit ng wika mula Ehipto hanggang sa subkontinente ng India. Dahil dito, nagkaroon ng pagsasakodigo sa wika at nabuo ang unang pamantayang Griyego, na ayon kay Strabo ay ang "tamang Griyego".[6] Matapos masakop ng mga Romano ang Gresya, naging di-opisyal na pangalawang wika ito ng Roma at kalaunan, ang una o ikalawang wika ng buong imperyo. Ginamit ng mga Romano ang wikang Griyego sa kanilang nasasakupan sa silangan, kahit maging sa mga rehiyon kung saan hindi dominante ang naturang wika.[7] Sa Kristiyanismo, ito ang wikang ginamit ng mga Alagad upang ikalat ang relihiyon sa rehiyon. Ang natatanging barayti ng Griyegong Koine ay tinatawag ding Griyegong Biblikal o Griyego ng Bagong Tipan dahil sa paggamit nito sa pagsulat sa mga kabanata ng Bagong Tipan gayundin sa pagsalin sa Lumang Tipan.
- Griyegong Medyebal, kilala rin sa tawag na Griyegong Bisantino, ang pagpapatuloy ng Griyegong Koine hanggang sa pagbagsak ng Imperyong Bisantino noong ika-15 siglo. Isa itong kabuuang katawagan para sa mga barayti ng wika na nasa gitna ng transisyon papunta sa modernong anyo nito.
- Modernong Griyego, ang kasalukuyang modernong anyo ng wika. Maliban sa modernong pamantayang Griyego na siyang pangunahing ginagamit para sa wika, marami itong dayalekto.
Diglosya
Sa modernong panahon, sumailalim ang wikang Griyego sa diglosya, kung saan parehong ginagamit ang bernakular at sinaunang anyo ng nakasulat na Griyego. Umiikot ang katanungan sa wikang Griyego sa anong barayti ng wika ang gagamitin bilang opisyal na anyo nito: Dimotiki, ang bernakular na anyo ng Modernong Griyego, at Katharevousa, ang kompromiso na resulta ng pagsasama ng Dimotiki na hinaluan ng mga elementong matatagpuan sa sinaunang anyo ng wika at kalimitang ginagamit sa panitikan at sa opisyal na konteksto para sa noo'y katatatag lang na Kaharian ng Gresya. Noong 1976, idineklara ang Dimotiki bilang ang anyong gagamitin sa lahat na opisyal na kapasidad at edukasyon matapos itong mahaluan ng ilang elemento ng Katharevousa upang maging Pamantayang Modernong Griyego.[8]
Historikal na pagkakaisa
Halos hindi nagalaw ang wikang Griyego sa kabuuan ng kasaysayan nito. Bagamat may mga halatang pagbabago sa ortograpiya at ponolohiya, bahagya lamang ito kumpara sa ibang mga wika. Maiintindihan pa rin sa kasalukuyan ang panitikang nagawa noong klasikal na panahon sa Gresya.[9] Ayon sa isang iskolar, halos magkasinghawig ang Griyego ni Homer at ng modernong anyo nito kesa sa Gitnang Ingles sa modernong anyo nito.[10]
Remove ads
Paggamit
Sinasalita ngayon ang wikang Griyego ng di bababa sa 13 milyong katao, lalo na sa Gresya at Tsipre gayundin sa malaki-laking minorya ng mga Griyegong nakatira sa katimugang Albanya.[11] Marami sa mga taga-Albanya ang marunong o kahit papaano'y may alam sa wikang Griyego dahil sa pamayanan ng mga Griyego sa kanilang bansa at sa pagdami ng mga pumapasok na taga-Albanya sa Gresya noong dekada 1980s hanggang 1990s. Bago ang Digmaang Gresya-Turkiya at sa malawakang palitan ng populasyon sa pagitan ng dalawang bansa noong 1923, may malaki ring populasyon ng mga taong nakakapagsalita ng wikang Griyego sa Turkiya, bagamat napakakonti na lamang sila roon sa kasalukuyan.[12] Meron ding mga nagsasalita ng Griyego sa Bulgarya malapit sa hangganan nito sa Gresya, gayundin sa diaspora ng mga Griyego sa Estados Unidos, Australya, Canada, Timog Aprika, Tsile, Brasil, Arhentina, Rusya, Ukranya, Reyno Unido, at sa mga bansa ng Unyong Europeo, lalo na sa Alemanya.
Sa kasaysayan, maraming nakakapagsalita ng wikang Griyego sa silangang Mediteraneo, lalo na sa rehiyon ng Lebante at Palestina, Ehipto, Libya, at sa katimugang Italya. May mga populasyon din na nagsasalita ng wika sa mga baybayin ng Dagat na Itim, partikular na sa Kaukasya. Sinalita rin ito sa mga kolonya ng sinaunang Gresya sa kanlurang bahagi ng Dagat Mediteraneo, bagamat mas konti lamang ito. Ito ang opisyal na wika sa mga Kristiyanong kaharian sa Nubia sa Aprika.[13]
Opisyal na katayuan
Ang modernong anyo ng wikang Griyego ay ang opisyal na wika ng Gresya, kung saan sinasalita ito ng halos lahat ng mga Griyego.[14] Bukod rito, ito rin ang opisyal na wika ng Tsipre at sa teritoryong Britaniko na Akrotiri at Dhekelia na matatagpuan din sa parehong pulo. Dahil kabilang ang Gresya sa Unyong Europeo, isa rin ito sa 24 na opisyal na wika ng samahan. Kinikilala bilang wika ng minorya ang Griyego sa Albanya, kung saan opisyal din ito sa ilang mga kondado sa katimugang bahagi ng bansa, partikular na ang Gjirokastër at Vlorë.[15] Isa rin itong opisyal na wika ng minorya sa rehiyon ng Apulia at Calabria sa Italya. Isa ito sa mga protektadong wika sa Armenya, Unggriya, Rumanya, Turkiya, at Ukranya.[16][17]
Remove ads
Katangian
Ponolohiya
Sa kabuuan ng kasaysayan nito, hindi halos nagalaw ang estraktura ng pantig sa wikang Griyego. Magkahalo ang estraktura ng pantig nito, kung saan pinapayagan ang mga komplikadong simula (onset) ng pantig pero limitado ang pwede sa dulo (coda) nito. Meron lamang mga patinig na pailong (nasal vowel) sa Griyego, at maayos-ayos na mga pagkakaiba ng mga katinig. Pinakamalaki ang nakitang pagbabago sa ponolohiya ng wika noong panahong klasikal at sa sumunod na panahong Romano sa Gresya, kung saan naganap ang mga sumusunod:
- napalitan ang asento na nakabase noon sa tinis (pitch) papunta sa diin (stress).
- naging simple ang mga patinig at diptonggo, kung saan nawala ang kaibahan sa haba ng patinig, at naging monoptonggo ang mga diptonggo, na nagresulta kalaunan sa paglapit ng mga ito sa tunog na /i/, sa prosesong tinatawag na iotasismo.
- lumipat ang mga plosibong /pʰ/ at /tʰ/ papunta sa mga prikatibong /f/ at /θ/, gayundin sa /kʰ/ papuntang /x/, bagamat hindi napalitan ang mga ito sa ortograpiya at patuloy pa ring ginagamit ang mga titik na φ, θ, at χ.
- lumipat ang mga plosibong /b/, /d/, at /g/ papunta sa mga prikatibong /β/ (kalaunan /v/), /ð/, at /ɣ/.
Morpolohiya
Nagpapakita ang wikang Griyego sa kabuuan ng kasaysayan nito ng mga produktibong paglalapi, limitado ngunit produktibo ring pagdudugtong (compounding), at malalimang sistema ng impleksiyon. Bagamat matatag ang mga morpolohikal na kategorya nito sa paglipas ng panahon, may mga pagbabago pa ring naganap sa sistema nito, partikular na sa mga pangngalan, pang-uri, at pandiwa. Pinakamalaking pagbabago sa mga ito ang pagkawala ng kasong datibo (na pinalitan ng kasong henitibo) sa mga pangngalan, gayundin sa pagkawala ng mga pawatas (infinitive), pagdikit (synthetic) ng tiyempong panghinaharap (future tense) at pangnakaraan (past tense), gayundin sa modong nangangarap (optative mood) sa mga pandiwa. Marami sa mga ito ang napalitan ng anyong nakahiwalay (analytical form).
Pangngalan at pang-uri
Nagkakaiba ang mga panghalip base sa katauhan (una, ikalawa, at ikatlo), kailanan (isahan, dalawahan, at maramihan sa sinaunang anyo, at tanging isahan at maramihan lamang sa moderno), at kasarian (panlalaki, pambabae, at alinman), at nalalapian base sa kaso (anim sa sinauna, apat na lamang sa moderno). Nagpapakita ang mga pagkakaibang ito sa lahat ng mga pangngalan, artikulo, at pang-uri, maliban lamang kung tao ito. Sumasang-ayon sa inilalarawang pangngalan ang mga pang-uring umaakto bilang atribusyon o panaguri.
Pandiwa
Hindi halos nagbago ang sistema ng pandiwa sa wikang Griyego. Narito ang mga anyo ng mga impleksiyong dumidikit (synthetic inflection) sa parehong sinauna at modernong Griyego.
Sintaksis
Nanatili ang maraming aspeto ng sintaksis sa wikang Griyego: sumasang-ayon ang mga pandiwa sa kanilang simuno, nanatili ang halos lahat ng mga kaso, artikulo muna bago pangngalan, pawang mga preposisyon ang mga adposisyon, sinusundan ng mga di-malalayang sugnay ang pangngalan na binabago nito, at nasa simula ng mga sugnay ang mga relatibong panghalip. Gayunpaman, maraming mga pagbabago ang naganap bunsod ng mga pagbabago sa morpolohiya: gumagamit ng anyong pawatas sa sinaunang Griyego, na wala na sa modernong anyo. Madalas na nasa dulo ang pandiwa sa sinaunang Griyego; sa modernong anyo, nasa dulo ang obheto.
Remove ads
Klasipikasyon
Isang wikang Indo-Europeo ang wikang Griyego, na nag-iisa sa sangay nito. Pinakamalapit na kamag-anak nito ang sinaunang wikang Masedonyo, bagamat tinuturing din ito bilang isang dayalekto ng Griyego mismo.[18] Maliban dito, ang napagkakasunduang wikang pinakamalapit sa Griyego ay ang wikang Prihino sa Turkiya, na ngayo'y wala na.[19] Iminumungkahi ng ilang mga iskolar ang sangay na Griyego-Prihino para sa dalawang wika.[20]
Sa mga buhay na wika, ipinagpapalagay ng mga lingwista ang wikang Armenyo bilang ang pinakamalapit na kamag-anak ng Griyego, o di kaya'y mga wikang Indo-Iranyano sa Gitnang Silangan; gayunpaman, napakaliit ng mga ebidensiyang sumusuporta sa palagay na ito.[21][22] Kalimitan ding hinahanay ang Griyego sa wikang Albanes, at iminumungkahi rin ang paggugrupo sa dalawa kasama ng ibang mga patay na wika sa rehiyon upang bumuo ng sangay na pamilyang Paleobalkan ng mga wikang Indo-Europeo.[23][24]
Remove ads
Pagsulat
Linear B
Linear B ang pinakaunang sistema ng pagsulat para sa wikang Griyego, at natukoy na nagamit simula noong huling bahagi ng ika-15 siglo BKP. Isa itong silabaryo, na nabasa sa unang pagkakataon noong dekada 1950s nina Michael Ventris at John Chadwick. Samantala, ang kaugnay nitong Linear A ay hindi pa sa ngayon nababasa, at pinaniniwalaang hindi ito ginamit upang sulatin ang wikang Griyego di tulad ng Linear B na natuklasang ginamit para isulat ang Griyegong Miseniko.
Silabaryong Tsipriota

Ginamit sa Tsipre ang silabaryong Tsipriota upang isulat ang wikang Griyego. Pinaniniwalaang nagmula ito sa Linear A base sa silabaryong Tsipriota-Minoano na nagsilbing transisyonal na sistema nito. Ginamit ito sa naturang pulo simula noong ika-11 siglo BKP hanggang sa lumaos ito kalaunan bunsod ng pagpasok ng alpabetong Griyego sa lugar.
Alpabetong Griyego
Nakasulat na sa alpabetong Griyego ang wikang Griyego simula pa noong ika-9 na siglo BKP. Nagmula ito sa alpabetong Penisyo, na binago upang suportahan ang mga patinig na wala sa Penisyo dahil sa pagiging abjad nito. Ang modernong anyo ng alpabeto ay nagmula sa Ionikong anyo, na ginamit upang isulat ang dayalektong Atiko simula noong 403 BKP. Tanging mga malalaking titik lamang ang ginamit sa sinaunang Griyego; dinagdag lamang ng mga eskriba noong Gitnang Kapanahunan ang mga maliliit na anyo upang mapabilis ang pagsusulat gamit ng pluma.
Mayroong 24 na titik sa alpabetong Griyego, ang bawat isa ay may anyong malaki at maliit. May karagdagang maliit na anyo ang titik sigma, ς, na tanging ginagamit lang sa dulo ng mga salita.
Palatuldikan
Gumagamit ang alpabetong Griyego ng mga tuldik:
- tatlong asento (asentong agudo, sirkumpleho, at grabe) na orihinal na ginamit para sa tinis ng patinig, pero ngayon ay ginagamit para sa diin.
- dalawang tandang panghinga (magaspang at makinis) na ginamit upang tukuyin ang pagkakaroon o kawalan ng /h/ sa simula ng salita.
- diyaresis, na ginamit naman upang ihudyat na babasahin ang magkatabing patinig bilang magkahiwalay imbes na diptonggo.
Tanging ang asentong agudo at diyaresis na lamang ang ginagamit sa kasalukuyan matapos ng reporma sa pagsusulat noong 1982. Tinatawag na monotonikong ortograpiya ang pinasimpleng sistemang ito. Gayunpaman, patuloy pa ring ginagamit ang lumang sistema, na tinatawag na ngayo'y politonikong ortograpiya, upang isulat ang sinaunang Griyego.
Remove ads
Halimbawa
Talababa
- Modernong Griyego: Ελληνικά, romanisado: Elliniká, [eliniˈka] ⓘ; Sinaunang Griyego: Ἑλληνική, romanisado: Hellēnikḗ, [helːɛːnikɛ́ː]
Sanggunian
Magbasa pa
Link sa labas
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads