Imperyong Gupta
From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang Imperyong Gupta ay isang sinaunang imperyo ng Indya sa sukontinenteng Indiyano na umiral mula kalagitnaan ng ika-3 dantaon CE hanggang kalagitnaan ng ika-6 na dantaon CE. Ito ang ikapitong naghaharing dinastiya ng Magadha. Sa tugatog nito, mula humigit-kumulang 319 hanggang 467 CE, sakop nito ang karamihan sa subkontinenteng Indiyano.[7] Itinuturing ang panahong ito na Ginintuang Panahon ng Indya ng mga dalubhasa sa kasaysayan o mananalaysay, bagaman pinagtatalunan ang katangiang ito ng ilang iba pang mga mananalaysay.[8] Ang naghaharing dinastiya ng imperyo ay itinatag ni Gupta at ang pinakakilalang pinuno ng dinastiya ay sina Chandragupta I, Samudragupta, Chandragupta II, Kumaragupta I at Skandagupta.
Ang mga mataas na punto ng panahong ito ay ang mga malaking pag-unlad sa kalinangan na pangunahing naganap sa panahon ng paghahari ni Samudragupta, Chandragupta II at Kumaragupta I. Maraming mga epiko ng Hindu at mga panitikang makukunan, tulad ng Mahabharata at Ramayana, ang naikanonisa sa panahon na ito. Umusbong sa panahong Gupta ang mga iskolar tulad nina Kalidasa,[9] Aryabhata, Varahamihira at Vatsyayana, na gumawa ng malaking pagsulong sa maraming larangan ng akademya.[10][11] Ang agham at pamamahala sa pulitika ay umabot sa bagong pag-angat sa Panahong Gupta.[11] Ang panahon, inilarawan minsan bilang Pax Gupta, ay nagbigay ng mga tagumpay sa arkitektura, eskultura, at pagpinta na "nagtakda ng mga pamantayan ng anyo at lasa [na] tinukoy ang buong sumunod na kurso ng sining, hindi lamang sa Indya kundi malayo sa labas ng kanyang mga hangganan".[12] Ang Puranas, ang sinaunang mahabang tula na nasa sa iba't ibang paksa, ay pinaniniwalaan rin na naisagawa sa nakasulat na teksto sa mga panahong ito.[12][13] Sumunod sa Hinduismo ang mga pinuno at Brahmin sa imperyo ng Gupta subalit mapagpaubaya din sa iba na may ibang relihiyon.[14]
Nawala sa kalaunan ang imperyo dahil sa mga kadahilanan tulad ng malaking pagkawala ng teritoryo at awtoridad pang-imperyo na sanhi ng kanilang sariling dating mga pyudatoryo, pati na rin ang pag-atake ng mga Huna (mga Hunong Kidara at Hunong Alakhana) mula sa Gitnang Asya.[15][16] Matapos ang pagkawasak ng Imperyong Gupta noong ika-6 na dantaon, muling pinamunuan ang Indya ng maraming kahariang pangrehiyon.
Remove ads
Pinagmulan
Hindi tiyak ang lupaing pinagmulan ng mga Gupta.[16] Ayon sa isang teorya, nagmula sila sa kasalukuyang rehiyon ng Mas Mababang Doab ng Bihar at Uttar Pradesh,[17] kung saan natuklasan ang karamihan sa mga inskripsiyon at mga deposito ng mga barya ng mga unang emperador ng Gupta.[18][19] Sinusuportahan din ng teorya na ito ng Purana, tulad ng sinabi ng mga tagapagtaguyod, na binanggit ang teritoryo ng mga unang emperador ng Gupta bilang Prayaga, Saketa, at Magadha na mga lugar sa palanggana ng Ilog Ganges.[18][16]
Ang isa pang kilalang teorya ay mahahanap ang lupain ng Gupta sa kasalukuyang rehiyon ng Bengal sa palanggana ng Ganges, batay sa ulat ng ika-7 dantaon na Tsinong Budistang monghe na si Yijing. Ayon kay Yijing, ang hari na si Che-li-ki-to (na kinikilala sa tagapagtatag ng dinastiya na si Shri Gupta) ay nagtayo ng isang templo para sa mga peregrinong Tsino malapit sa Mi-li-kia-si-kia-po-no (angkop ng isang transkripsyon ng Mriga-shikha-vana). Sinabi ni Yijing na matatagpuan ang templo sa higit sa 40 yojana sa silangan ng Nalanda, na nangangahulugang matatagpuan ito sa isang lugar sa modernong rehiyon ng Bengal.[18] Isa pang proposisyon ay lumago ang sinaunang kaharian ng Gupta mula sa Prayaga sa kanluran hanggang sa hilagang Bengal sa silangan.[18]
Ang mga talang Gupta ay hindi binanggit ang varna ng dinastiya (uring panlipunan).[19] May teorya ang ilang mga mananalaysay, gaya ni AS Altekar, na nagmula sila sa Vaishya, dahil nag-aatas ang ilang mga sinaunang teksto ng Indya ng pangalang "Gupta" para sa mga miyembro ng Vaishya varna.[16][19] Ayon sa mananalaysay na si RS Sharma, ang mga Vaishya - na tradisyonal na nauugnay sa kalakalan - ay maaaring naging mga pinuno matapos labanan ang mapang-aping pagbubuwis ng mga naunang pinuno.[20] Itinuturo ng mga kritiko ng teoryang pinagmulan ng Vaishya na itinampok ang hulaping Gupta sa mga pangalan ng ilang di-Vaishyas dati gayundin sa panahong Gupta,[21] at maaaring nagmula lamang ang dinastiyang pangalang "Gupta" sa pangalan ng unang hari ng dinastiya na si Gupta.[19] Nagteorya ang ilang mga iskolar, tulad ni SR Goyal, na ang mga Brahmin ang mga Gupta, dahil may pag-aasawang relasyon sila sa mga Brahmin, subalit tinatanggihan ng iba ang katibayan na ito bilang hindi tiyak.[19] Batay sa mga inskripsiyon sa Pune at Riddhapur ng prinsesa ng Gupta na si Prabhavatigupta, naniniwala ang ilang iskolar na ang pangalan ng kanyang gotra (angkan) sa ama ay si "Dharana", subalit nagpapahiwatig ang isang alternatibong pagbasa sa mga inskripsiyong ito na si Dharana ay ang gotra ng kanyang ina na si Kuberanaga.[16]
Remove ads
Kasaysayan
Si Gupta (sulat Gupta: gu-pta, lumago: huling bahagi ng ika-3 danton CE) ay ang pinakaunang kilalang hari ng dinastiya: iba't ibang mga mananalaysay ang nagpetsa sa simula ng kanyang paghahari mula sa kalagitnaan hanggang sa huling bahagi ng ika-3 dantaon CE.[19][16] Itinatag ni Gupta ang Imperyong Gupta noong c. 240-280 CE, at sumunod sa kanya ang kanyang anak, si Ghatotkacha, c. 280 -319 CE, na sinundan ng anak ni Ghatotkacha, si Chandragupta I, c. 319 -335 CE.[22] Ang "Che-li-ki-to", ang pangalan ng isang hari na binanggit ng ika-7 dantaong Tsinong mongheng Budista na si Yijing, ay pinaniniwalaang isang transkripsyon ng "Shri-Gupta" (IAST: Śrigupta), "Shri" na unlaping panggalang.[16] Ayon kay Yijing, nagtayo ang haring ito ng templo para sa mga Tsinong peregrinong Budistang malapit sa "Mi-li-kia-si-kia-po-no" (pinaniniwalaan na isang transkripsyon ng Mṛgaśikhāvana).[16]
Sa inskripsiyon ng Haliging Allahabad, inilarawan si Gupta at ang kanyang kahalili na si Ghatotkacha bilang Maharaja ("Dakilang Hari"), habang tinawag ang susunod na haring si Chandragupta I na Maharajadhiraja ("Hari ng mga Dakilang Hari "). Sa huling panahon, ang titulong Maharaja ay ginamit ng mga pinunong pyudatoryo, na humantong sa mga mungkahi na sina Gupta at Ghatotkacha ay mga basalyo (maaaring ng Imperyong Kushan).[16] Gayunpaman, mayroong ilang mga pagkakataon ng pinakamahalagang mga soberanya na gumagamit ng titulong Maharaja, sa parehong mga panahon bago ang Gupta at pagkatapos ng Gupta, kaya hindi ito masasabi nang may katiyakan. Sabi nga, walang duda na sina Gupta at Ghatotkacha ang may hawak na mas mababang katayuan at hindi gaanong makapangyarihan kaysa Chandragupta I.[21]
Pinakasalan ni Chandragupta I ang prinsesa ng Licchavi na si Kumaradevi, na maaaring nakatulong sa kanya na palawakin ang kanyang pampulitikang kapangyarihan at mga dominyo, na nagbigay-daan sa kanya na gamitin ang prestihiyosong titulong Maharajadhiraja.[21] Ayon sa opisyal na talaan ng dinastiya, pinalitan siya ng kanyang anak na si Samudragupta. Gayunpaman, ang pagtuklas ng mga barya na inilabas ng isang emperador ng Gupta na nagngangalang Kacha ay humantong sa ilang debate sa paksang ito: ayon sa isang teorya, ang Kacha ay isa pang pangalan para sa Samudragupta; isa pang posibilidad na si Kacha ay isang karibal na umaangkin sa trono.[19]

Ayon sa mga talang Gupta, sa kanyang mga anak na lalaki, hinirang ni Samudragupta si prinsipe Chandragupta II, na anak ni reyna Dattadevi, bilang kanyang kahalili. Humalili kay Chandragupta II ang kanyang pangalawang anak na lalaki na si Kumaragupta I, na kinuha ang titulong Mahendraditya.[16] Naghari siya hanggang 455. Siya ang nagtatag ng monasteryo ng Nalanda na ipinahayag noong Hulyo 15, 2016 bilang isang pandaigdigang pamanang pook ng UNESCO.[23]
Si Skandagupta, anak at kahalili ni Kumaragupta I, ay karaniwang itinuturing na pinakahuli sa mga dakilang emperador ng Gupta. Kinuha niya ang mga titulong ng Vikramaditya at Kramaditya.[24] Kasunod ng pagkamatay ni Skandagupta, malinaw na humina ang imperyo, at nagpapahiwatig ang kalaunang Gupta sa imprenta ng barya ng kanilang pagkawala ng kontrol sa karamihan ng kanlurang Indya pagkatapos ng 467–469.[7]
Ang mga sumunod kay Skandagupta ay sina Purugupta (467–473), Kumaragupta II (473–476), Budhagupta (476–495), Narasimhagupta (495–530), Kumaragupta III (530–540), Vishnugupta (540–550), dalawang mas mababang kilalang mga hari na sina Vainyagupta at Bhanugupta. Sa gitna ng dating Imperyong Gupta, sa rehiyon ng Gangetic, ang mga Gupta ay hinalinhan ng mga dinastiyang Maukhari at Pushyabhuti.[25]
Remove ads
Organisasyong militar

Kaibahan sa Imperyong Maurya, ipinakilala ng mga Gupta ang ilang mga inobasyong militar sa pakikidigmang Indiyano. Pangunahin sa mga ito ang paggamit ng mga makinang pangkubkob, mabibigat na mangangabayo na mga mamamana at mabibigat na espadang mangangabayo. Ang mabibigat na kabalyerya ang bumubuo sa pangunahing Hukbong Gupta at suportado ng tradisyonal na elementong Hukbong Indiyano ng mga elepante sa digmaan at magaang impantriya.[27]
Ang paggamit ng mga arkerong nasa kabayo sa panahong Gupta ay napatunayan sa mga baryang salapi sa panahon nina Chandragupta II, Kumaragupta I at Prakasaditya (na hinahakahaka na si Purugupta)[28] na naglalarawan sa mga hari bilang mga manlalabang nakakabayo.[29][30]
Relihiyon

Ang mga Gupta ay tradisyonal na isang dinastiyang Hindu. Mga patronisador sila ng Brahmanismo[31][32][33][34] at pinahintulutan ang mga tagasunod ng Budismo at Jainismo na isagawa ang kanilang mga relihiyon. Nanatili ang Sanchi na mahalagang sentro ng Budismo.[35] Sinasabing si Kuragupta I (455 CE) ang nagtatag ng Nalanda.[35] Ipinahihiwatig ng mga modernong pag-aaral henetiko na noong panahong Gupta tumigil ang mga pangkat kastang Indiyano sa pag-aasawa sa ibang uri (na nagsimulang magsanay/magpatupad ng endogamya).[36]
Gayunpaman, ang ilang mga pinuno sa kalaunan ay tila nagtaguyod ng Budismo. Pinalaki si Narasimhagupta Baladitya (c. 495 -?), ayon sa kontemporaryong manunulat na si Paramartha, ay pinalaki sa ilalim ng impluwensya ng pilosopong Mahayanistang si Vasubandhu. Nagtayo siya ng isang sangharama sa Nalanda at isang 300 talampakan (91 m) din mataas na vihara na may estatwa ni Buddha kung saan, ayon kay Xuanzang, ay kahawig ng "dakilang Vihara na itinayo sa ilalim ng puno ng Bodhi". Ayon sa Manjushrimulakalpa (c. 800 CE), naging isang Budistang monghe si Haring Narasimhsagupta, at iniwan ang mundo sa pamamagitan ng meditasyon (Dhyana).[37] Napansin din ng monghe ng Tsina na si Xuanzang na ang anak ni Narasimhagupta Baladitya, si Vajra, na nagkomisyon din ng isang sangharama, ay "nagtaglay ng isang pusong matatag sa pananampalataya".[38]:45[39]:330
Remove ads
Pamana
Matematika
Umunlad ang matematikang Indiyano sa panahon ng Imperyong Gupta.[40] Nagmula sa Indyang Gupta ang mga pamilang Indiyano na siyang unang pamposisyong base 10 na sistemang pamilang sa mundo. Naglalaman ang Surya Siddhanta ng talahanayan ng Sine.[41] Sinulat ni Aryabhata ang Aryabhatiya, na gumawa ng makabuluhang kontribusyon sa matematika kabilang ang pagbuo ng isang notasyong pamposisyon, isang pagtatantya ng π hanggang 4 na lugar ng desimal, mga punsyong trigonomotriko, at mga pinarisukat na trianggulong bilang (o squared triangular number).[42][43] Sinulat ni Varāhamihira ang Pancha Siddhanta na bumubuo ng iba't ibang mga pormula na may kaugnayan sa mga punsyon na sine at cosine.[44] Gumawa si Yativṛṣabha ng mga kontribusyon sa mga yunit ng pagsukat.[45] Inilarawan ni Virahanka ang mga numerong Fibonacci.[46][45]
Astronomiya
Nakita rin ang pag-unlad ng astronomiyang Indiyano sa panahong ito. Lumitaw ang mga pangalan ng pitong araw sa isang linggo sa simula ng panahon ng Gupta batay sa mga diyos ng Hindu at mga planeta na tumutugma sa mga pangalang Romano.[47] Gumawa si Aryabhata ng ilang kontribusyon tulad ng pagtatalaga ng simula ng bawat araw hanggang hatinggabi, ang pag-ikot ng mundo sa aksis nito, at pakanlurang paggalaw ng mga bituin.[48] Binanggit din ni Aryabhata na ang repleksyon ng sikat ng araw ang dahilan sa likod ng pagkinang ng Buwan.[48] Sa kanyang aklat na Aryabhata, iminungkahi niya na ang espero ang Daigdig, na naglalaman ng sirkumperensya na 24,835 milya (39,967 km). Tinatantiya ni Varāhamihira ang paraan para sa pagtukoy ng direksyon ng meridiyano mula sa anumang tatlong posisyon ng anino gamit ang isang gnomon.
Paglilibang
Sinasabing umunlad ang ahedres sa panahong ito,[49] kung saan ang unang anyo nito noong ika-6 na dantaon ay kilala bilang caturaṅga na isinasalin bilang "apat na dibisyon [ng militar]" – impanterya, kabaleriya, karosa, at elepanterya – na kinakatawan ng ang mga piraso na nabago sa modernong kawal, kabayo, tore, at obispo ayon sa pagkakabanggit.
Remove ads
Mga sanggunian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads