Daigdig

pangatlong planeta mula sa Araw From Wikipedia, the free encyclopedia

Daigdig
Remove ads

Daigdíg ang ikatlong planeta mula sa Araw at ang natatanging astronomikong bagay na may buhay. Dahil ito sa pagkakaroon nito ng tubig sa ibabaw nito, na natatangi sa Sistemang Solar. Halos lahat ng katubigan ng Daigdig ay nasa mga karagatan nito, na kumakatawan sa tinatayang 70.8% ng kabuuang lawak ng ibabaw nito. Lupa ang natitirang 29.2% ng ibabaw nito, na makikita naman bilang mga kontinente. Malaking bahagi ng lupa sa Daigdig ang mahalumigmig at nababalutan ng mga halaman, habang yelo naman ang parehong rehiyong polar nito, na siyang humahawak sa malaking porsyento ng lahat ng tubig sa planeta. Taglay ng ibabaw ng Daigdig ang mga tektonikong plato na mabagal na gumagalaw, na dahilan upang magkaroon ang planeta ng mga kabundukan, bulkan, at lindol. Gawa sa likido ang panlabas na kaibuturan nito, na siyang gumagawa sa magnetospera nito na nagsisilbing pananggalang nito laban sa karamihan ng mga mapaminsalang hanging solar at kosmikong radyasyon.

Agarang impormasyon Pagpapangalan, Alternatibong pangalan ...

May dinamikong atmospera ang Daigdig, na responsable sa pagpapanatili sa mga kondisyon para maging posible ang buhay sa planeta at nagsisilbi ring proteksyon nito laban sa mga bulalakaw at radyasyong UV. Naglalaman ito ng malaking bahagdan ng oksiheno at nitroheno. Meron ding singaw sa loob nito, na siyang gumagawa sa mga ulap na bumabalot sa malaking bahagi ng planeta. Isa itong greenhouse gas na gumagawa sa mga kondisyon upang manatili ang tubig sa ibabaw nito sa pamamagitan ng pagkuha ng enerhiyang mula sa Araw. Napapanatili ng prosesong ito ang kasalukuyang karaniwang temperatura sa ibabaw na 14.76 °C (58.57 °F), temperatura kung saan nasa anyong likido ang tubig sa ilalim ng karaniwang presyur ng atmospera. Magkaiba ang natatanggap na sinag ng Araw sa mga rehiyon ng Daigdig, pinakamataas sa rehiyon ng ekwador at pinakamababa sa magkabilang polo nito. Ito ang nagdidikta sa daloy ng hangin at tubig sa buong planeta, na nagreresulta sa isang pandaigdigang sistema ng klima na may iba't-ibang rehiyon ng klima, gayundin sa samu't saring klase ng panahon kagaya ng pag-ulan, na nagpapaikot naman sa mga mahahalagang elemento kagaya ng karbon at nitroheno sa iba't-ibang panig nito.

Sinusukat ang Daigdig bilang isang ellipsoid na may tinatayang sirkumperensiya na 40,000 kilometro (25,000 mi). Daigdig ang pinakamakapal na planeta sa Sistemang Solar; sa apat na planetang lupa ng sistema, Daigdig ang pinakamalaki. Umiikot ang Daigdig sa sariling aksis nito sa loob ng 23 oras at 56 minuto kada araw. Nasa 1 AU (o 8 sinag-minuto) ang layo nito sa Araw, na nililibot nito sa loob ng 365.25 araw. Bahagyang nakatagilid ang aksis ng Daigdig kumpara sa lapag ng ligiran nito sa Araw, na dahilan upang magkaroon ang planeta ng mga kapanahunan (season). May isang likas na satelayt ang Daigdig, ang Buwan, na lumilibot sa planeta sa layong 384,400 kilometro (238,900 mi) at may laking nasa sang-apat ng Daigdig. Tinutulungan ng Buwan na mapanatili nang maayos ang aksis ng Daigdig, na nagreresulta sa pagkakaroon ng mga kati (tide) at ang unti-unting pagbagal ng pag-ikot ng Daigdig. Dahil sa hila ng grabidad ng Daigdig, naka-tidal lock ang Buwan sa planeta kaya makikita lamang sa ibabaw ng Daigdig ang isang bahagi nito na tinatawag na "harap" nito.

Kagaya ng karamihan ng mga bagay sa Sistemang Solar, nabuo ang Daigdig tinatayang 4.5 bilyong taon ang nakaraan mula sa pagsasanib ng gas at alikabok mula sa maagang kasaysayan ng sistema. Nabuo ang mga karagatan nito pagkatapos ng isang bilyong taon, na humantong kalaunan sa pag-usbong ng buhay. Binago ng mga buhay na nilalang ang mga likas na proseso ng planeta na nagresulta sa mabilis na pagkalat ng oksiheno sa atmospera nito dalawang bilyong taon ang nakaraan. Umusbong naman ang mga tao sa kontinente ng Aprika tinatayang 300,000 taon ang nakaraan at mabilis na kumalat sa lahat ng kontinente. Tulad ng ibang mga buhay na nilalang, nakadepende ang mga tao sa biospera ng Daigdig, ngunit unti-unting nagiging malaki ang epekto nila sa kalikasan ng planeta. Kasalukuyang hindi masusustento ang epekto ng sangkatauhan sa biospera at klima ng Daigdig, na delikado para sa kabuhayan ng mga tao gayundin sa ibang mga nilalang, at nagreresulta sa mga malawakang pagkalipol ng buhay.

Remove ads

Etimolohiya

Nagmula ang salitang daigdig sa wikang Gitnang Pilipinong *daləgdəg ("kulog"), na nagmula naman sa wikang Proto-Austronesyo *dəʀdəʀ ("kulog"). Ayon sa isang diksiyonaryo na nilimbag noong 1835, nagmula ito mula sa pinaikling sandaigdigan, na orihinal na tumutukoy noon sa "lugar kung saan maririnig ang kulog", mula sa paniniwala ng mga Pilipino noon na naririnig sa buong mundo ang kulog. Ginamit rin ito noon upang tumukoy sa uniberso. Ilan sa mga nilistang kasingkahulugan ang sanlibutan at sansinukob, na ngayo'y mas tumutukoy sa Ariwanas at uniberso.[22]

Sinusulat ang daigdig sa malaking titik kung tumutukoy ito sa planeta; sa maliit na titik, tumutukoy naman ito sa konsepto katulad ng salitang mundo, na ginagamit ding kasingkahulugan nito sa karaniwang diskurso.[23] Nagmula ito sa wikang Kastila at sumailalim sa proseso ng paglipat ng diin nang hiniram sa wikang Tagalog, mula sa dulo papunta sa ikalawa sa dulo, na kalimitan sa Tagalog. Mula ito sa wikang Latin na mundus,[24] na nagmula naman sa wikang Etrusko o di kaya'y sa wikang Proto-Indo-Europeo.[25]

Remove ads

Likas na kasaysayan

Pagbuo

Thumb
Malikhaing paglalarawan sa protoplanetaryong disko na bumuo sa Daigdig.

Napetsahan ang pinakamatandang materyal sa Sistemang Solar noong 4.5682+0.0002
−0.0004
Ga (bilyong taon).[26] Pagsapit ng 4.54±0.04 Ga, nabuo ang maagang Daigdig, kasabay ng ibang mga bagay sa Sistemang Solar.[27] Nabubuo ang mga planeta sa pamamagitan ng pamamahagi ng isang nebulang solar ng kaulapang molekular dahil sa pagbagsak ng grabidad, na nagresulta sa mabilis na pag-ikot at pagpatag kalaunan upang maging isang diskong sirkumstelar, kung saan naman nabubuo ang mga planeta. Naglalaman ang mga nebula ng gas, piraso ng yelo, at alikabok. Ayon sa teoryang nebular, nabubuo ang mga planetesimal sa pamamagitan ng akresyon (pamumuo), kung saan nabuo ang Daigdig sa ganitong proseso sa loob ng tinatayang 70 hanggang 100 milyong taon.[28]

Samantala, di hamak na mas bata ang Buwan kesa sa Daigdig, na tinatayang nasa 4.5 Ga o mas bata pa ang edad.[29] Ayon sa nangungunang teorya ukol sa pagbuo nito, nabuo ito sa pamamagitan ng akresyon ng mga materyal na nagmula sa salpukan ng Daigdig sa isang planetang singlaki ng Marte at 10% ng masa ng Daigdig, na pinangalanang Theia.[30] Lubhang mapaminsala ang salpukang ito, ngunit bumalik din kalaunan sa Daigdig dahil sa paghila ng grabidad ang ilan sa masang tumilapon.[31] Mula naman noong 4.0 hanggang 3.8 Ga naganap ang Huling Malawakang Pambobomba, kung saan binago ng sandamakmak na mga pagtama ng asteroyd ang ibabaw ng Daigdig gayundin sa Buwan.[32]

Pagkatapos mabuo

Nabuo ang atmospera ng Daigdig mula sa mga gawain ng mga bulkan gayundin sa paglalabas ng gas.[33] Nakondensado ang mga singaw-tubig mula sa mga ito papunta sa mga karagatan, na pinarami naman sa tulong ng tubig at yelo mula sa mga asteroyd, protoplaneta, at kometa.[34] Ipinagpapalagay na may sapat na tubig sa Daigdig upang mapuno ang mga karagatan matapos nitong mabuo.[35] Sa modelong ito, napigilan ng mga greenhouse gas sa atmospera ang pagyeyelo ng mga karagatan noong nasa 70% lamang ng kasalukuyang liwanag ang bagong buong Araw.[36] Pagsapit ng 3.5 Ga, nabuo naman na ang magnetikong sakop ng Daigdig, na tumutulong sa pagpigil sa pagkasira ng atmospera dahil sa mga hanging solar.[37]

Nang nagsimulang lumamig ang tunaw na kaibuturan nito, nabuo ang pinakaunang solidong ibabaw ng Daigdig, na ipinagpapalagay na mafic. Unang nabuo naman ang pinakaunang kontinental na ibabaw ng planeta, na felsic naman, mula sa bahagyang pagtunaw ng mafic na ibabaw nito.[38] Dahil sa pagkakaroon ng mineral na sirkon mula sa panahong Hadiko sa mga batong sedimentaryo na mula naman sa Eoarkeo, ipinagpapalagay naman may felsic na ibabaw na ang Daigdig noon pang 4.4 Ga, o 140 milyong taon pagkatapos mabuo ito.[39] Kasalukuyang may dalawang modelo na nagpapaliwanag kung paanong dumami ang noo'y napakakonting kontinental na ibabaw:[40]

  1. relatibong tuloy-tuloy na pagdami hanggang sa kasalukuyan, na suportado ng radiometrikong pagpepetsa sa kontinental na ibabaw sa buong Daigdig,[41]
  2. mabilis na pagdami noong panahong Arkeo, na bumubuo sa malaking bahagdan ng lahat ng kontinental na ibabaw sa Daigdig sa kasalukuyan,[42][43] na suportado naman ng mga isotopong patunay mula sa hapniyo sa sirkon at neodimyo sa mga batong sedimentaryo.

Maaaring maipagsama ang dalawang modelo at mga patunay sa mga ito dahil sa malawakang pagreresiklo ng mga materyal sa kontinental na ibabaw, lalo na sa maagang kasaysayan ng planeta.[44]

Nabubuo ang mga bagong kontinental na ibabaw dahil sa mga tektonikong plato, isang proseso na resulta ng tuloy-tuloy na pagkawala ng init sa looban ng Daigdig. Sa loob ng daan-daang milyong taon, nagsama-sama kalaunan ang mga kontinental na ibabaw dahil sa mga puwersang tektoniko upang bumuo ng mga superkontinente nang ilang beses sa kasaysayan, na nagkawatak-watak din kalaunan. Noong tinatayang 750 Ma (milyong taon), nagsimulang mawatak ang superkontinente ng Rhodinia, isa sa mga pinakaunang superkontinente. Nagsama-sama muli ang mga kontinental na ibabaw kalaunan upang mabuo ang Pannotia noong 600–540 Ma, at panghuli, ang Pangaea, na nagsimula namang mawatak noong 180 Ma.[45]

Nagsimula ang pinakabagong panahon ng yelo noong bandang 40 milyong taon ang nakaraan,[46] na tumindi noong Pleistoseno tatlong milyong taon ang nakaraan.[47] Sumailalim kalaunan ang mga rehiyon sa mataas at gitnang latitud sa paulit-ulit na siklo ng pagyeyelo at pagtunaw kada 21,000 taon, 41,000 taon, at 100,000 taon.[48] Noong Huling Panahon ng Yelo, na tinatawag sa popular na diskurso bilang ang "panahon ng yelo", nabalot sa yelo ang malaking bahagi ng mga kontinente hanggang sa gitnang latitud, at natapos noong tinatayang 11,700 taon ang nakaraan.[49]

Pinagmulan ng buhay at ebolusyon

Humantong sa paglitaw ng mga pinakaunang molekulang kayang magparami ng sarili dahil sa mga reaksyong kemikal simula noong bandang apat na bilyong taon ang nakaraan. Lumitaw naman sa sumunod na kalahating bilyong taon ang pinakahuling karaniwang ninuno ng lahat ng buhay sa kasalukuyan.[50] Sa puntong ito, nadebelop ang proseso ng potosintesis, na nagpahintulot sa mga buhay na maiproseso ang mga enerhiyang nakukuha mula sa Araw. Resulta ng prosesong ito ang paglalabas ng molekular na oksiheno (O2) sa atmospera, na unti-unting naipon at nagresulta sa pagkakaroon ng pananggalang na osono dahil sa interaksyon nito sa radyasyong UV.[51] Samantala, nagsama-sama naman ang mga maliliit na selula sa loob ng mga malalaking selula upang mabuo ang mga pinakaunang eukaryota.[52] Dahil sa pagkakaroon ng mga espesyalistang selula sa loob mga ito kaya nabuo ang mga pinakaunang tunay na multiselulang organismo. Kumalat kalaunan sa buong ibabaw ng Daigdig ang mga anyo ng buhay na ito salamat sa pagharang ng osono sa mga makapaminsalang radyasyon.[53] Ilan sa mga pinakamatatandang patunay na posil ng buhay ay ang mga posil ng mikrobyo sa mga batong buhangin na may tinatayang edad na 3.48 bilyong taon na natagpuan sa Kanlurang Australia,[54] gayundin sa mga biohenikong grapito sa mga batong nakita naman sa kanlurang Greenland na tinatayang may tanda naman na 3.7 bilyong taon,[55] at sa mga bakas ng biotikong materyal sa mga batong natuklasan naman sa Kanlurang Australia na may edad na 4.1 bilyong taon.[56][57]

Noong panahong Neoproterosoiko (1000–539 Ma), nababalot ang halos kabuuan ng Daigdig sa yelo. Binansagan ang palagay na ito bilang Snowball Earth (lit. na'Niyebeng Mundo'), na isang partikular na interesanteng panahon sa kasaysayan ng Daigdig dahil ito muna ang naganap bago ang tinatawag na Kambrianong pagdami, kung saan mabilis na dumami ang mga komplikadong organismong multiselular.[58][59] Matapos ang kaganapang ito noong 535 Ma, nakaranas ang buhay sa Daigdig sa di bababa sa limang malawakang pagkalipol, at napakaraming mas maliliit na pagkalipol.[60] Maliban sa kasalukuyang pinagdedebatehang ikaanim na malawakang pagkalipol sa kasalukuyang panahong Holoseno, ang pinakahuling sa lima ay naganap noong 66 Ma, nang tumama ang isang malaking bulalakaw sa ngayo'y Mehiko na nagresulta sa mabilis na pagkaubos ng mga dinosaur (liban sa mga lumilipad) at mga malalaking reptilya. Nakaligtas mula sa pangyayaring ito ang mga mas maliliit na hayop kagaya ng mga insekto, mamalya, butiki, at ibon. Simula noon, lumaganap ang mga mamalya sa Daigdig, at mga ito umusbong ang mga tao, isang espesye ng mga bakulaw sa Aprika na nagawang makatayo ilang milyong taon ang nakalipas.[61][62] Ang abilidad na ito ang nagpahintulot sa kanila na makagamit at makagawa ng mga kagamitan at nagpakailangan sa pagkaroon ng mabisang paraan ng komunikasyon na siya namang nagresulta sa isang mas maayos na nutrisyon na humantong kalaunan sa pagkakaroon ng paglaki ng utak at nagpasimula sa ebolusyon nila patungo sa kasalukuyang nilang anyo. Natuklasan nila ang agrikultura, na dahilan upang mabuo ang mga pinakaunang sibilisasyon. Dahil dito, patuloy na malaki ang impluwensiya nila sa takbo ng Daigdig at sa kalikasan at buhay nito sa kasalukuyan.[63]

Hinaharap

Thumb
Isang malikhaing paglalarawan sa nagliliyab na Daigdig matapos maging isang pulang higante ang Araw, tinatayang 5–7 bilyong taon sa hinaharap.

Nakadepende sa Araw ang inaasahang malayong hinaharap ng Daigdig. Sa susunod na 1.1 bilyong taon, tataas nang 10% ang liwanag ng Araw, at sa susunod na 3.5 bilyong taon, nang 40%.[64] Dahil dito, inaasahang iinit ang ibabaw ng Daigdig, na magpapabilis sa siklo ng inorganikong karbon hanggang sa punto kung saan nakakamatay ang lebel ng konsentrasyon ng CO2 para sa mga kasalukuyang halaman sa loob ng tinatayang 100–900 milyong taon.[65][66] Magreresulta ang pagkonti ng mga halaman sa pagkaubos ng oksiheno sa atmospera, na papatay sa lahat ng buhay na hayop sa Daigdig.[67] Inaasahan ding aabot sa 100 °C (212 °F) ang magiging karaniwang temperatura sa ibabaw ng Daigdig pagkatapos ng 1.5 bilyong taon, na siyang magpapasingaw sa lahat ng tubig sa mga karagatan patungo sa kalawakan at posibleng humantong sa matinding epektong greenhouse sa loob ng susunod na 1.6 hanggang 3 bilyong taon.[68] Kahit na ituring na imortal ang Araw, lulubog kalaunan ang malaking bahagdan ng tubig sa mga karagatan patungo sa manto dahil sa pagbaba ng nilalabas na singaw mula sa vent sa kailaliman ng dagat habang unti-unting lumalamig ang kaibuturan ng Daigdig.[68][69]

Inaasahang magiging isang pulang higanteng bituin ang Araw sa susunod na 5 bilyong taon. Sa prosesong ito, lalaki ang Araw nang 250 beses kumpara sa kasalukuyan nitong laki.[64][70] Hindi malinaw kung ano ang mangyayari sa Daigdig sa puntong ito. Bilang isang pulang higante, bababa nang halos 30% ang masa ng Araw, na magreresulta sa paglipat ng ligiran ng Daigdig patungo sa layong 1.7 AU mula sa Araw sa pinakamalaking anyo nito, kung sakaling wala na'ng epekto ang kati. Kung sakaling meron pang kati, maaaring pumasok ang Daigdig sa atmospera ng Araw at tuluyang malusaw, habang lulubog naman ang mga mabibigat na elemento nito patungo sa kaibuturan ng Araw.[64]

Remove ads

Pisikal na katangian

Laki at hugis

Bilog ang Daigdig dahil sa ekwilibriyong hidrostatiko, at may karaniwang diametro na 12,742 km (7,918 mi), ang panglimang pinakamalaking planeta sa Sistemang Solar at ang pinakamalaking planetang lupa ng naturang sistema. Dahil sa pag-ikot nito, mas malapit ang hugis nito sa isang ellipsoid kaya nakaumbok ang bahaging ekwador nito, kung saan nasa 43 km (27 mi) na mas malawak ito kesa sa magkabilang polo. Meron ding mga baryasyon ang topograpiya ng ibabaw nito, kagaya ng sa Bambang ng Marianas, na may lalim na 10,925 km (6,788 mi) o 0.17% ng karaniwang diametro ng Daigdig, at ng Bundok Everest, na may taas naman na 8,848 km (5,498 mi) o 0.14% ng karaniwang diametro ng planeta. Dahil sa umbok nito sa ekwador, ang bulkang Chimborazo sa Ecuador, sa taas na 6,384.4 km (3,967.1 mi), ay ang pinakamalayong bahagi ng ibabaw mula sa gitna.

Ginagamit ng mga siyentipiko sa larangan ng heodesiya ang isang perpektong hugis ng Daigdig sa mga kalkulasyon nila. Isa itong geoid, na kumakatawan sa Daigdig na walang kahit anong uka o umbok sa ibabaw dulot ng topograpiya nito, kung saan ang karaniwang ibabaw ng dagat naman ang ginagamit naman na sanggunian sa mga pagsusukat.

Lupa

Ang lupa ng daigdig ay nahahati sa pitóng malalaking kontinente. Sinasabing nagmula sa isang malaking kontinente ang pitóng kilalang kontinente ngayon. At dahil sa mga sakunâ at mga pagbabago sa klima, nagkawatak-watak ang mga lupa at nabuo ang kasalukuyang anyo ng mga kontinente sa daigdig. May iba't ibang anyo ang lupa sa daigdig. Nariyan ang bundok, bulkan, kapatagan, talampas, tangway, burol, lambak at mga isla.

Mga kontinente

Remove ads

Tubig

May apat na malalaking katawan ng tubig o karagatan ang daigdig. Matatagpuan din ang iba't ibang anyo ng tubig sa Daigdig tulad ng karagatan, dagat, ilog, talon at lawa. Sa mga anyo ng tubig, tanging mga karagatan at dagat lamang ang maalat ang tubig at ang iba'y mga di-maalat o tubig tabang.

Mga karagatan

Tingnan din

Talababa

  1. Paiba-iba ang lahat ng mga astronomikong kantidad, parehong sekular at periodiko. Mga halaga sa agarang J2000.0 na baryasyong sekular ang lahat ng mga kantidad na binigay rito, at binabalewala ang mga periodikong baryasyon.
  2. Wilkinson, John (2009). Probing the New Solar System [Paglalakbay sa Sistemang Solar] (sa wikang Ingles). CSIRO Publishing. p. 144. ISBN 978-0-643-09949-4. aphelion = a × (1 + e); perihelion = a × (1 e), kung saan a ang semimayor na aksis at e ang tindi ng layo (eccentricity). Ang pagkakaiba ng perihelion at aphelion ng Daigdig ay nasa 5 milyong kilometro.
  3. Halos eksaktong 40,000 km ang sirkumperensiya ng Daigdig dahil naka-calibrate ang metro sa sukat na ito, o mas tumpak sabihin na 1/10-milyon ng layo ng magkabilang polo at ng ekwador.
  4. "Global Landcover" [Pandaigdigang Sakop ng Kalupaan] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 26 Marso 2015. Dahil sa mga likas na pagbabago, kalabuan pagdating sa mga yelo, at kumbensiyon sa pagmamapa para sa mga nakapatayong datos, walang katuturan ang pagbibigay sa mga eksaktong halaga ng sakop ng karagatan at kalupaan. Batay sa datos mula sa mga dataset nasa 0.6% hanggang 1.0% ng kabuuang ibabaw ng Daigdig ang maidadagdag sa sakop ng katubigan kung isasama ang mga lawa at bukal. Itinuturing bilang bahagi ng kalupaan ang mga yelo sa Antartika at Greenland, kahit na marami sa mga batong sumusuporta sa mga ito ay nasa ilalim ng dagat.
  5. Sanggunian para sa minimum,[18] mean,[19] at maximum[20] na temperatura sa ibabaw.
Remove ads

Sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads