Palay
binutil (Oryza sativa) From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang palay ay isang binutil at, sa domestikadong anyo nito, ang pangunahing pinagkukunan ng pagkain ng mahigit sa kalahati ng populasyon ng mundo, lalo na sa Asya at Aprika. Tinatawag itong palay kapag tumutukoy sa halaman at hindi pa nakiskis, bigas kapag nakiskis na, at kanin kapag naluto na at naging pagkain.



Ang palay ay binhi ng espesyeng damo, Oryza sativa (Asyanong palay)—o, mas di-karaniwan, O. glaberrima (Aprikanong palay). Dinomestika ang Asyanong palay sa Tsina 13,500 hanggang 8,200 taon na ang nakalipas; dinomestika ang Aprikanong palay sa Aprika 3,000 taon na ang nakalipas. Naging karaniwan ang palay sa maraming kultura sa buong mundo; noong 2021, 787 milyong tonelada ng bigas ang naiprodyus, ikaapat pagkatapos ng tubo, mais, at trigo. Halos 8% ng bigas lamang ang ikinakalakal sa mga iba't ibang bansa. Tsina, Indiya, at Indonesya ang mga pinakamalaking konsyumer ng bigas. Malaking bahagi ng bigas na naipoprodyus sa mga umuunlad na bansa ang nasasayang matapos anihin dahil sa mga salik tulad ng di-maayos na transportasyon at pag-iimbak. Maaaring mabawasan ang ani ng palay dahil sa mga peste kagaya ng mga insekto, daga, at ibon, pati na rin mga panirang-damo, at dahil sa mga sakit tulad ng mata-mata. Sinisikap ng mga tradisyonal na polikultura ng palay tulad ng sabayang pagsasaka ng bigas at pato at modernong integradong pagsugpo ng peste na kontrolin ang pinsala mula sa mga peste sa likas-kayang paraan.
Remove ads
Agronomiya
Pagtatanim
Tulad ng lahat ng mga pananim, nakasalalay ang paglaki ng palay sa mga biyotiko at abiyotikong salik sa kapaligiran. Kabilang sa mga pangunahing biyotikong salik ang pagkasari-sari ng pananim, mga peste, at sakit sa halaman. Kabilang sa mga abiyotikong salik ang uri ng lupa, kung kapatagan man o talampas ang pinagatataniman, dami ng tubig-ulan o tubig-irigasyon, temperatura, haba ng araw, at tindi ng sikat-araw.[1]
Maaaring itanim nang deretso ang punla sa bukid na magiging palayan na tinatawag na sabog-tanim, o maaaring patubuin ang punla sa punlaan at ililipat sa palayan na tinatawag na lipat-tanim. Kailangan ng halos 60 hanggang 80 kg ng butil kada ektarya ang sabog-tanim, habang mas kaunti ang kailangan sa lipat-tanim, mga 40 kg kada ektarya, ngunit mas matrabaho ito.[2] Sa Asya, inililipat-tanim sa kamay ang karamihan ng palay. Mas kaunting oras ang ginugugol sa de-makinang paglilipat-tanim ngunit kailangang paghandaan ang pagtatanimang lupa at kailangang kumasya ang mga punlang nakalagay sa punlaan sa makina.[3] Hindi nabubuhay ang palay kapag nakalubog nang patuloy-tuloy.[4]
- De-kamay na pagtatanim ng palay sa Kambodya
- De-makinang pagtatanim ng palay sa Hapon
- Sinaunang hagdan-hagdang palayan sa Banawe, Pilipinas
Pag-aani
Sa Asya, ang palay ay isang tradisyonal na produktong nagmumula sa maliit na pagsasaka na gumagamit ng manu-manong paraan ng pag-aani. Gumagamit ang mga mas malalaking sakahan ng mga makina tulad ng mga combine harvester upang mabawasan ang manwal na paggawa.[5] Handa nang anihin ang butil kapag 20–25% ang kahalumigmigan nito. Kabilang sa proseso ng pag-aani ang paggagapas, pagsasalansan ng mga nahiwang tangkay, paggigiik upang maihiwalay ang butil, at paglilinis sa pagtatahip o pagsasala.[6] Agad-agad na pinapatuyo ang mga butil ng bigas upang maibaba ang kahalumigmigan sa ligtas na antas at maiwasan ang pagbuo ng amag. Nakadepende ang tradisyonal na pagpapatuyo sa init ng araw, kung saan inilalatag ang mga butil sa mga sapin o sa semento.[7]
Combine harvester sa Prepektura ng Chiba, Hapon
Pagkatapos ng ani, tinitipon ang mga dayami sa tradisyonal na paraan mula sa maliliit na palayan sa Mae Wang, Taylandiya
Kaingin o pagsusunog ng pinag-anihan ng palay upang maihanda ang lupa para sa pagtatanim ng trigo sa Sangrur, Indiya
Pagpapatuyo ng bigas sa Peravoor, Indiya
Remove ads
Ebolusyon
Pilohenya
Ang mga nakakaing espesye ng palay ay miyembro ng kladong BOP sa pamilya ng damo, Poaceae. Magkapatid ang subpamilya ng mga palay, Oryzoideae, kawayan, mga Bambusoideae, at mga siryal, Pooideae. Isa ang sari ng palay, Oryza, sa labing-isa na nasa Oryzeae; magkapatid ito at ang Phyllorachideae. Kabilang ang mga nakakaing espesye ng palay, O. sativa at O. glaberrima sa halos 300 espesye o subespesye sa sari.[8]
Poaceae |
| ||||||||||||
Kasaysayan

Unang dinomestika ang palay na Oryza sativa sa Tsina 9,000 ang nakalipas,[9] ng mga taong Neolitiko mula sa Mataas and Mababang Yangtze, na may kaugnayan sa mga nagsasalita ng Hmong-Mien at mga pre-Austronesyo, ayon sa pagkabanggit.[10][11][12][13] Magkapareho sa indica at japonica ang alelong punsiyonal para sa nonshattering, ang kritikal na sukatan ng domestikasyon sa mga binutil, pati na rin ang limang iba pang isang-nukleotidong polimorpismo. Nagpapahiwatig ito ng solong pagdodomestika ng O. sativa.[14] Kapwa nagmula ang indica at japonica, dalawang anyo ng Asyanong palay, mula sa iisang pagdodomestika mula sa Oryza rufipogon, isang ligaw na palay.[15][14] Sa kabila ng ebidensiyang ito, mukhang lumitaw ang indica nang dumating ang japonica sa Indiya mga 4,500 taon ang nakalipas at naghibrido sa isa pang uri ng palay, proto-indica man na hindi domestikado o ligaw na O. nivara.[16]
Ipinakilala ang palay sa mga kulturang Sino-Tibetano sa hilagang Tsina mga 6,000 hanggang 5,600 taon ang nakalipas,[17][18][11] at sa tangway ng Korea at Hapon mga 5,500 hanggang 3,200 taon ang nakalipas.[19][20] Dinala rin ito sa Taiwan ng kulturang Dapenkeng mga 5,500 hanggang 4,000 taon ang nakalipas, bago ito kumalat patimog sa pagdarayo ng mga Austronesyo papunta sa Maritimong Timog-silangang Asya, Madagaskar, at Guam, ngunit hindi umabot sa mga iba pang bahagi ng Pasipiko.[10][21][22] Dumating ito sa mga nagsasalita ng mga wikang Austroasyatiko at Kra-Dai sa Kalupaang Timog-silangang Asya at timog Tsina 5,000 taon ang nakalipas.[10][23]
Paglilinang, migrasyon at kalakalan ang nagpalaganap ng palay sa buong mundo, at kalaunang nakarating sa Kaamerikahan bilang bahagi ng Palitang Kolumbiyano pagkatapos ng 1492.[24] Dinomestika nang hiwalay ang Oryza glaberrima (Aprikanong palay), na ngayon ay di-gaanong karaniwan, sa Aprika mga 3,000 taon ang nakalipas,[24] at ipinakilala sa Kaamerikahan ng mga Kastila.[25]
Remove ads
Komersiyo
Produksiyon
Noong 2021, 787 milyong tonelada ang naiprodyus na bigas ng buong mundo, pinangunahan ng Tsina at Indiya na kapag ipinagsama ay bumubuo sa 52% ng kabuuan.[26] Ikaapat ang naging puwesto nito sa talaan ng mga pananim ayon sa produksiyon, pagkatapos ng tubo, mais, at trigo.[27] Banglades, Indonesya at Biyetnam ang mga ibang pangunahing prodyuser.[27] Nasa Asya ang 90% ng produksiyon ng mundo.[28]
- Produksiyon ng bigas (2021)[27]
- Bumaba ang bahagi ng bigas (kahel) sa produksiyon ng pananim sa mundo noong ika-21 siglo.
Kasiguruhan sa pagkain
Isang pangunahing isteypol ang bigas sa Asya, Amerikang Latino, at ilang bahagi ng Aprika,[29] na nagpapakain sa higit sa kalahati ng populasyon ng mundo.[28] Subalit maaaring masayang ang malaki-laking bahagi ng pananim matapos anihin dahil sa di-episyenteng transportasyon, pag-iimbak, at paggiling. Sangkapat ng ani sa Niherya ang nasasayang pagktapos ng pag-aani. Kabilang sa mga pagkasayang sa pag-iimbak ang pinsala dahil sa amag kung kulang ang pagpapatuyo sa bigas. Sa Tsina, 0.2% lamang ang nasasayang sa mga modernong metal na silo, kumpara sa 7-13% kapag inimbak ang bigas sa mga kabahayan sa kanayunan.[30]
Kalakalan
Mas maliit ang mga numero ng kalakalan sa mundo kumpara sa mga numero ng produksiyon, dahil 8% lamang ng naprodyus na bigas ang ikinakalakal sa mga ibang bansa. Ang Tsina, isang tagaluwas ng bigas noong simula ng d. 2000, ay naging ang pinakamalaking mang-aangkat ng bigas pagsapit ng 2013.[31] Nangunguna ang mga bansang umuunlad sa pandaigdigang pangangalakal ng bigas; pagsapit ng 2012, naging pinakamalaking tagaluwas ng bigas ang Indiya, na sinundan ng Taylandiya at Biyetnam bilang mga iba pang pinakamalaking tagaluwas.[32]
Pagkonsumo sa buong mundo
Pagsapit ng 2016, ang mga bansa na nagkonsumo ng pinakamaraming bigas ay Tsina (29% ng kabuuan), Indiya, at Indonesya.[33] Noong 2020, nakuha ng Banglades ang ikatlong puwesto mula sa Indonesya. Sa taunang aberahe mula 2020-23, nagkonsumo ang Tsina ng 154 milyong tonelada ng bigas, nagkonsumo ang Indiya ng 109 milyong tonelada, at kapwa nagkonsumo ang Banglades at Indonesya ng halos 36 milyong tonelada. Sa buong mundo, bumaba ang pagkonsumo ng bigas kada tao sa ika-21 siglo dahil mas kaunti ang nakaing binutil at mas maraming nakaing karne ang mga tao sa Asya at iba pang lugar. Isang eksepsiyon ang Subsaharyanang Aprika, kung saan kapwa pataas ang pagkonsumo ng bigas kada tao at populasyon.[34]
Remove ads
Mga peste, panirang-damo, at sakit
Mga peste at panirang-damo

Maaaring mabawasan ang maaaning palay dahil sa paglago ng mga panirang-damo, at sa mga samu't saring peste kabilang ang mga insekto, nematodo, daga, kuhol, at ibon.[35] Kabilang sa mga pangunahing peste sa palay ang mga harabas, atangya, mamumulpol, kamaru, kuliglig, tipaklong, at ngusong-kabayo.[36] Maaaring palalain ng pagkasobrang paglalagay ng patabang nitrohino ang pagsalot ng mga dapulak.[37]
Mga sakit

Ang mata-mata o rice blast na dala ng Magnaporthe grisea, isang halamang-singaw, ay ang pinakamalubhang sakit sa pagtatanim ng palay.[38] Ito at bacterial leaf streak (dulot ng Xanthomonas oryzae pv. oryzae) ang dalawa sa pinakamalalang sakit sa palay sa buong mundo; kabilang ang dalawa sa sampung pinakapabigat na sakit sa lahat ng mga inaaning pananim.[39]
Pagsugpo ng peste
Nagdedebelop ang mga siyentipiko sa proteksiyon ng pananim ng mga likas-kayang pamamaraan sa pagsugpo ng mga peste ng palay.[40] Nakabatay ang likas-kayang pagsugpo ng mga peste sa apat na prinsipyo: biyodibersidad, resistensiya ng pananim, ekolohiya ng paligid, at herakiya ng kapaligiran—mula biyolohikal hanggang panlipunan.[41] Kadalasang di-kailangan ang pestisidyong nilalagay ng mga magsasaka.[42] Sa katunayan, maaaring udyukin ng mga pestisidyo ang pagdagsa ng mga peste tulad ng kayumangging ngusong-kabayo, kapwa sa pagpapatay sa mga insektong kapaki-pakinabang at sa pagpapatulong sa pagpaparami ng peste.[43] Ipinakita ng Pandaigdigang Surian sa Pananaliksik sa Palay (IRRI) noong 1993 na maaaring humantong ang 87.5% pagbawas sa paggamit ng pestisidyo sa isang pangkalahatang pagbaba sa bilang ng mga peste.[44]

Kinasanayan ng mga magsasaka sa Tsina, Indonesya at Pilipinas ang pagsugpo ng mga panirang-damo at peste sa pamamagitan ng polikultural na gawain ng pag-aalaga ng mga pato at minsan, isda, sa kanilang palayan. Kabilang sa mga benepisyo ang sumusunod: nadaragdagan ang mahahalagang pananim, kinakain ang mga maliliit na peste, pinapataba ang palay, at kung pato ang pinag-uusapan, kinokontrol ang mga panirang-damo.[45][46]
Nagpoprodyus ang mga palay ng sariling panlabang kemikal upang maprotektahan ang kanilang sarili mula sa mga peste. Pinapataas ng ilang sintetikong kemikal, tulad ng herbisidang 2,4-D, ang produksiyon ng halaman ng ilang mga panlabang kemikal at sa gayon pinapataas ang resistensiya ng halaman laban sa ilang uri ng mga peste.[47] Sa kabaligtaran naman, nag-uudyok ang ibang mga kemikal, tulad ng imidacloprid, isang pamatay-insekto, ng mga pagbabago sa ekspresiyon ng heno, at sa ganoon, nagiging mas madaling tablan ang halaman sa ilang uri ng peste.[48]
Nakalikha ang mga manlalahi ng halaman ng mga kultibar ng palay na may resistensiya laban sa mga iba't ibang pesteng insekto. Nalimitahan ang kombensiyonal na pagpapalahi ng mga baryanteng di-tinatablan ng mga hamon tulad ng pagpapalaki ng mga pesteng insekto para sa pagsusuri, at ang pagkasari-sari at patuloy na ebolusyon ng mga peste. Hinahanap ang mga henong panresistensiya mula sa mga ligaw na uri ng palay, at ginagamit din ang mga pamamaraan ng henetikong inhinyeriya.[49]
Remove ads
Mga sanggunian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads