Timog

From Wikipedia, the free encyclopedia

Timog
Remove ads

Ang timog (Kastila: sur, Ingles: south, Sebwano: habagatan) ay isa sa mga direksiyong kardinal o mga punto ng aguhon. Kabaligtaran ng hilaga ang timog, at patayo ito sa parehong kanluran at silangan. Ginagamit ito sa pagturo sa lugar o posisyong matatagpuan sa babang bahagi ng mapa o kaya mula sa isang indibidwal.

Thumb
Isang aguhon na mayroong timog na nakaturo sa ilalim.

Malimit na dinadaglat ang south bilang S sa wikang Ingles.

Remove ads

Nabegasyon

Thumb
América Invertida, ginuhit ng alagad ng sining mula sa Urugway na si Joaquín Torres-García noong 1943

Sang-ayon sa kinaugaliang pamantayan, timog ang ibabang panig ng isang mapa, ngunit may mga mapang sumasalungat sa pamantayang ito, iyong nasa taas ang timog.[1] Upang makapunta sa timog gamit ang aguhon para sa nabegasyon, kinakailangan ng isang indibidwal na itakda sa 180° ang sanggunian (bearing) o azimuth. Maaari namang nasa timog nang bahagya ang Araw kapag oras ng tanghali, kung ang sumusubaybay ay nasa Hilagang Emisperyo sa labas ng tropiko.[2]

Remove ads

Timog Polo

Tinatawag na Timog Polo (o Heograpikong Polong Timog) ang tunay na timog na isang dulo ng aksis na iniikutan ng Daigdig. Matatagpuan ito sa Antarktika. Hindi kalayuan naman matatagpuan ang timog magnetikong polo na siyang direksiyong patungo sa timog ng magnetikong field ng Daigdig.[3]

Si Roald Amundsen ng Noruwega[a] ang unang taong nakarating sa Timog Polo, noong ika-14 ng Disyembre, 1911. Napilitang umatras ang naunang manggagalugad na si Ernest Shackleton mula sa Reyno Unido (UK), noong malapit na siya sa Timog Polo.[4]

Remove ads

Heograpiya

Tumutukoy ang Pandaigdigang Timog sa katimugang hati ng mundo na binubuo ng mga bansang hindi gaanong maunlad sa lipunan at ekonomiya.[5] Habang 95% ng Pandaigdigang Hilaga ay may sapat na makakain at matitirhan at may maayos na sistema ng edukasyon, tanging 5% lamang ng populasyon sa Pandaigdigang Timog ang may sapat na makakain at matitirhan. "Kulang sila sa naaangkop na teknolohiya, wala silang katatagang politikal, hindi magkakaugnay ang mga ekonomiya, at umaasa sa pagluwas ng pangunahing mga produkto ang kanilang mga kita sa banyagang salapi."[5]

Maaari ding may kaugnayan sa espesipikong mga bansa ang salitang "timog", lalo na sa mga instansiya ng kapansin-pansing mga pagkakahati sa kultura o ekonomiya. Halimbawa rito ang Katimugang Estados Unidos na binubukod ng linya ng Mason–Dixon sa Hilagang-silangang Estados Unidos. Isa pang halimbawa ang Katimugang Inglatera na walang kapantay sa Hilagang Inglatera kung politika at ekonomiya ang pagbabatayan.

Madalas na tumutukoy ang Katimugang Balisuso (Southern Cone) sa pinakatimog na lugar ng Timog Amerika sa hugis ng isang baligtad na "balisuso" na mistulang isang malaking tangway. Sumasaklaw ito sa Argentina, Tsile, Paraguay, Urugway, at sa katimugan ng Brasil na binubuo ng mga estado ng Rio Grande do Sul, Santa Catarina, Paraná at São Paulo. Bihirang sinasama ang Bulibya sa kahulugang ito.[b] Sa pinakaeksaktong kahulugan, kinabibilangan lamang ng Tsile, Argentina, at Urugway ang Katimugang Balisuso.

Pinangalanang Timog Aprika ang bansa dahil sa kinaroroonan nito sa katimugang dulo ng Aprika. Pinangalanan itong Unyon ng Timog Aprika nang mabuo ang bansa, at sumasalamin ito sa pinagmulan nito bilang pagkakaisa ng apat na dating hiwalay na mga kolonyang Briton. Hango naman ang pangalan ng Australya sa salitang Latin na Terra Australis ("Katimugang Lupain"). Ginamit ang pangalan na ito sa isang ipotetikong kontinente Timog Emisperyo mula pa noong sinaunang panahon.

Sa Pilipinas

Thumb
Sitangkai na tanaw mula sa Bambang ng Tumindao

Sa Pilipinas, ang Dagat Celebes ay ang anyong tubig na nasa timog ng bansa. Pinakatimog na pulo ang Pulo ng Saluag na matatagpuan sa lalawigan ng Tawi-Tawi sa Mindanao.[6] Ang mga karatig-bansang nasa timog ay ang Indonesya, Brunei, at Malaysia, na pawang may sakop sa pulo ng Borneo.

Kilala ang bayan ng Sitangkai, ang pinakatimog na bayan sa Pilipinas na matatagupan sa lalawigan ng Tawi-Tawi, bilang "Venecia ng Pilipinas" (Venice of the Philippines) dahil bangka ang pangunahing uri ng kanilang transportasyon.[7]

Mga palayaw na may mga titulong "Timog"

Nakikipagtagisan ang Lungsod ng Cebu at Lungsod ng Iloilo sa titulong "Reynang Lungsod ng Timog", subalit sa mga nakalipas na taon mas ikinakabit ang titulong ito sa Lungsod ng Cebu, dahil sa pagiging mahalagang sentro ito ng kalakalan, negosyo, edukasyon, at pangangalagang pangkalusugan pati na sa pagkakaroon ng mabilis na pag-unlad sa timog ng Malawakang Maynila.[8] Gayunpaman, simula noong 2013 sinisikap ng pamahalaan ng Lungsod ng Iloilo na makuha muli ang titulo.[9] Naunang nakuha ng Lungsod ng Iloilo ang pagkilala nang iginawad ng noo'y Reynang Rehente ng Espanya ang titulong "Royal na Lungsod ng Timog" sa lungsod noong ika-5 ng Oktubre, 1889, bilang pagkilala sa ekonomikong kaunlaran nito noong ika-18 at ika-19 na mga dantaon.[10] Sa kabilang banda, tinaguriang "Haring Lungsod ng Timog" ang Lungsod ng Dabaw dahil sa matatag na ekonomiya at impraestruktura at bilang makapangyarihang lungsod sa larangan ng ekonomiya sa buong Mindanao.[11]

Ang "Munting Hong Kong ng Timog" (Little Hong Kong of the South) ang palayaw ng lungsod ng Pagadian dahil sa maburol na lupain nito, na kahawig sa lupain ng Hong Kong.[12] Kilala naman ang Tagum bilang "Pangmusikang Kabisera ng Timog", at idinaraos doon ang taunang pista na Musikahan sa Tagum.[13]

Remove ads

Talababa

  1. Norway: Noruwega (Panganiban). Pinagmulan: Panganiban, Jose Villa. Concise English-Tagalog Dictionary. (1969).
  2. Mga salitang Tagalog ng ilang bansa. Bolivia: Bulibya (Panganiban); Brazil: Brasil (Panganiban), Chile: Tsile (Panganiban), Uruguay: Urugway (Panganiban). Pinagmulan: Panganiban, Jose Villa. Concise English-Tagalog Dictionary. (1969).

Mga sanggunian

Mga kawingan

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads