Ube

espesye ng kamiging From Wikipedia, the free encyclopedia

Ube
Remove ads

Ang ube[3] o ubi[4] (Ingles: purple yam[5]) ay isang uri ng halamang-ugat na inaani mula sa ilalim ng lupa. Kulay lila ang matamis[3] na halamang-ugat na ito na karaniwang ginagamit sa paghahalaya. Dahil sa kulay nito, natatawag ding kulay-ubi ang kulay na lila.[4] Subalit minsan sila ay kulay puti. Paminsan-minsan, ikinalilito ito sa gabi at ang kamote ng Okinawa, beniimo (紅芋) (Ipomoea batatas cv. Ayamurasaki), ngunit itinatanim din ang ube sa Okinawa. Mula sa tropiko ng Asya, nakilala na ang ube ng mga tao kahit noong sinaunang panahon pa.[6]

Agarang impormasyon Klasipikasyong pang-agham, Pangalang binomial ...
Remove ads

Pangalan

Dahil naturalisado na ito kasunod ng pinagmulan nito sa Asya, lalo na sa Pilipinas, sa buong Timog Amerika at timog-silangan ng Estados Unidos, marami ang mga pangalan para sa ube sa mga rehiyong ito. Sa Ingles lang mismo, maliban sa purple yam, ginagamit din ang mga salitang ten-months yam, water yam, white yam, winged yam, violet yam, o yam lang.[6]

Kasaysayan ng paglilinang

Thumb
Inaning lamang-lupa ng ube

Ang ube ay isa sa mga pinkamahalagang pananim sa mga kulturang Austronesyo. Isa ito sa mga iba't ibang espesye ng kamiging na dinomestika at itinanim nang magkakahiwalay sa Maritimong Timog-silangang Asya at Bagong Ginea para sa kanilang mga malagawgaw na lamang-lupa, kabilang dito ang bayag-kabayo (Dioscorea bulbifera), nami (Dioscorea hispida), tugi (Dioscorea esculenta), pakit (Dioscorea nummularia), lima-lima (Dioscorea pentaphylla), at pencil yam (Dioscorea transversa).[7][8] Sa mga ito, ube at tugi lamang ang palaging itinatanim at kinakain habang itinuring ang iba bilang pagkain tuwing taggutom dahil mas mataas ang nilalamang dioskorina, isang toksin, kaya kailangang ihanda sila nang maayos bago kainin.[9] Mas itinatanim ang ube kaysa sa tugi, higit sa lahat, dahil sa malaking mga lamang-lupa nito.[10]

Ube at tugi ang naging pinakamainam sa mahabaing transportasyon sa mga barkong Austronesyo at ikinarga sa lahat o karamihan ng napuntahan ng mga Austronesyo. Bukod-tangi, ipinakilala ang ube sa mga Kapuluang Pasipiko at Bagong Silandiya. Ikinarga rin ito ng mga Austronesyong manlalakbay patungo sa Madagaskar at ang Komoros.[11][12][13]

Thumb
Hangining lamang-lupa ng puting uri ng ube

Sa Pilipinas ang sentro ng pinanggaling ng ube, ngunit iminumungkahi ng mga ebidensyang arkeolohiko na pinakinabangan ito sa Kapuluan ng Timog-silangang Asya at Bagong Ginea bago ang pagpapalawak ng mga Austronesyo. Pinaniniwalaan na isang totoong kultiheno ang ube, kilala lamang sa kanyang nililinang na uri. Halos baog ang lahat ng mga kultibar, kaya mga tao lang ang makakadala ng mga ito sa mga ibang pulo, at isa itong magandang tagapaghiwatig ng paglilipat ng mga tao. Iminungkahi ng mga iilang may-akda, nang walang ebidensiya, sa pinagmulan sa Kontinental na Timog-silangang Asya, ngunit pinakamalaki ang pagkakaiba-iba ng penotipo sa Pilipinas at Bagong Ginea.[14][15][16]

Ayon sa katibayang arkeolohiko ng mga pabinhian at nalabing halaman sa puwesto ng Latiang Kuk, iminungkahi ng mga may-akda na unang dinomestika ito sa mga kabundukan ng Bagong Ginea noong mga 10,000 BP at kumalat patungo sa Kapuluan ng Timog-silangang Asya sa pamamagitan ng kulturang Lapita noong mga s. 4,000 BP, kasama ng pakit at bayag-kabayo. Sa kabila nito, pinaniniwalaan na ipinakilala ng kulturang Lapita ang tugi sa Bagong Ginea. Mayroon ding ebidenisya ng rebolusyon sa agrikultura sa panahong ito dahil sa mga makabagong-likha mula sa pakikipag-ugnayan sa mga Austronesyo, kabilang ang paglinang ng tubigan.[17][18]

Gayunman, nabawi rin ang mga mas lumang labi na pinag-uring ube mula sa Yungib ng Niah sa Borneo (Huling Pleistoseno, <40,000 BP) at sa Yungib ng Ille sa Palawan (s. 11,000 BP), pati na rin ang labi ng nakakalasong nami (D. hispida) na kailangang ihanda bago ito makain. Kahit hindi ito nagpapatunay ng paglilinang, ipinapakita nito na may kaalaman ang mga tao upang pakinabangan ang mga malagawgaw na halaman at na katutubong halaman ang ube sa Kapuluan ng Timog-silangang Asya. Bukod dito, bungad nito sa tanong kung tunay na espesye ang ube o nilinang nang mas maaga kaysa sa pinaniniwalaan.[7][19][20][21][22][23]

Nananatiling importanteng ani ang ube sa Timog-silangang Asya, lalo na sa Pilipinas kung saan gamit na gamit ang lilang uri sa mga iba't ibang tradisyonal at modernong panghimagas. Nananatiling mahalaga rin ito sa Melanesya, kung saan itinatanim din ito para sa layuning panseremonya na nakatali sa laki ng mga lamang-lupa sa anihan. Gayunman, umigsi ang kahalagahan nito sa silangang Polynesia at Bagong Silandya pagkatapos ng pagpapakilala ng ibang ani, lalo na ang kamote.[10]

Remove ads

Paggamit

Kulinarya

Ang mga ube ay may mga makakaing lamang-lupa na may lasang banayad na matamis, malalupa, at malanuwes na kahawig ng kamote o gabi. Partikular na nagpalilila nang todo ang lilang kultibar ng mga putahe dahil sa mataas na nilalamang antosiyanina.[24] Pinapahalagaan din ang mga ube para sa gawgaw na maaaring iproseso sa kanila.[6] Pinakakaraniwan ang ube sa lutuing Pilipino. Madalas na ginagamit ito sa mga iba't ibang uri ng Pilipinong panghimagas tulad ng ubeng keyk, ubeng tsiskeyk at ubeng krinkels, pati na rin bilang sangkap o pampalasa ng sorbetes, gatas, donat, tarta, kukis, kapkeyk, keyk, halaya at iba pang uri ng pastelerya. Madalas itong kinakain pagkatapos pakuluin, ihurno, o bilang isang pinatamis na panghimagas na tinatawag na ube halaya; isang popular na sahog ang huli sa eladong panghimagas na tinatawag na halo-halo.[25][26][27] Kamakailan lamang, nakapasok ang mga ubeng panghimagas sa Estados Unidos sa pamamagitan ng lutuing Pilipino, sa ilalim ng pangalang "ube". Sikat na sikat ito dahil sa kapansin-pansing kulay lila na ibinibigay niya sa mga panghimagas.[24][25][28]

Madalas na ikinalilito ang ube sa mga lilang uri ng kamote, dahil sa kanilang pagkakapareho sa kulay, lasa, at paggamit sa kulinarya. Gayunman, ang ube, tulad ng mga ibang kamiging, ay mas mahalumigmig kaysa sa mga kamote. Mas mataas rin ang antosiyanina ng ube kaysa sa kamote. Kahit ganoon, maaari sila gamitin nang halinhinan sa karamihan ng mga resipi.[29][30]

Suplemento, katutubong gamot at masamang epekto

Kahit magagamit bilang suplementong pandiyeta at sa katutubong gamot, walang klinikal na katibayan na may katangiang nakapagpapagaling ang ube.[31] Maaaring magkaroon ng masamang epekto ang paggamit ng mga suplementong ube sa mga taong kumukuha ng estroheno, antikoagulante (panlaban sa pamumuo) o sa mga taong buntis o nagpapasuso.[31] Maaaring magkaalerhiya ang ilang tao kapag gagamit ng mga suplementong ube.

Iba pang paggamit

Ang kulay ng mga lilang uri ay dahil sa mga iba't ibang pangulay na antosiyanina.[32] Natutunaw ang mga pangulay sa tubig, at ipinanukla bilang posibleng pangkulay ng pagkain.[33] Minsan, itinatanim ang ube sa hardin bilang dekorasyon.[6]

Remove ads

Bilang espesyeng nagsasalakay

Katutubo ang ube sa Pilipinas, pati na rin sa mga nakapaligid na lugar (Taiwan, Kapuluan ng Ryukyu ng Hapon). Nakatakas ito sa kanyang pinagtutubuhan patungo sa mga ibang lugar, at nanaturalisa sa mga bahagi ng timugang at gitnang-silangang Tsina, Aprika at Madagascar, at Kanlurang Hemispero, at iba't ibang kapuluan sa mga karagatang Indyano at Pasipiko.[34] Namamalagi ito sa mga kasukalan sa Estados Unidos sa Louisiana, Georgia, Alabama, Puerto Rico, Haiti, at ang Kapuluang Birhenes ng Estados Unidos, at sa Florida, kung saan ito itinuturing bilang espesyeng nagsasalakay.[35][36]

Remove ads

Galeriya

Tingnan din

Mga sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads