Wency Cornejo
Mang-aawit From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Si Wenceslao Tiangco Cornejo III (ipinanganak Abril 2, 1967), lalong kilala bilang Wency Cornejo, ay isang mang-aawit, kompositor, prodyuser, artista sa teatro, chef (tagaluto) at negosyante mula sa bansang Pilipinas. Kilala siya bilang ang bokalista ng bandang Pilipino na AfterImage na pangunahing kompositor din ng banda. Nang nabuwag ang banda pagkaraan ng labing-isang taon, pinagpatuloy ni Cornejo ang isang solong karera sa pag-awit at naglabas ng sariling mga album. Noong 2003, umani ang kanyang solong album noong 2002 na Hanggang ng tatlong parangal sa Awit Awards habang umani din ng parangal ang awitin na kanyang sinulat, ang Isang Kinabukasan, noong 2008 sa Catholic Mass Media Awards. Naging Artist of the Year (literal: Artista ng Taon) din siya sa NU Awards noong 2004.
Remove ads
Maagang buhay
Ipinanganak si Wency Cornejo noong Abril 2, 1967.[1][2] Panganay siya sa apat na magkakapatid.[3] Pinalaki siya at kaniyang mga kapatid ng kaniyang inang mamamahayag na si Mel Tiangco ng mag-isa.[4] May agwat lamang ang mag-inang Wency at Mel ng halos 11 taon at 8 buwan.[a] Batay sa hulapi ng pangalan ni Wency na Ikatlo o III,[6] Wenceslao Cornejo Jr. ang posibleng buong pangalan ng kanyang ama.[7] Sa kanyang pagkabata, tumira siya sa kanyang lola Florencia (ina ni Mel) ng ilang mga taon.[8]
Upang maging isang doktor, nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) at kinuha ang kursong Soolohiya subalit hindi niya natapos ang kurso dahil nagambala siya ng pag-awit.[8] Lumipat siya sa kursong Komunikasyong Brodkast dahil napagod siya at ayaw na niyang ipagpatuloy ang medisina.[8] Naabot niya ang maximum residency rule (patakaran sa pinakamataas na residensiya) ng UP, bagaman, nakapagtapos siya noong 1991 pagkalipas ng pitong taon.[8]
Remove ads
Karera
Dalawang ulit nag-awdisyon si Wency sa pangkat ng mang-aawit na Kundirana ng La Salle Green Hills ngunit hindi siya natanggap sa huli.[9][10] Nang umawit siya sa isa sa mga klase niya noong nasa kolehiyo pa lamang siya, napansin siya ng kaniyang kaklase at sinabihan siyang sumali sa isang bandang naghahanap ng bokalista.[9] Sa hindi inaasahan pagpasok ni Wency sa mundo ng pag-awit, natanggap siya sa bandang minungkahi ng kaniyang kaklase, ang AfterImage.[9] Siya ang naging bokalista at pangunahing manunulat ng awitin ng banda.[9][11]
Nagkaroon siya ng pangalan dahil sa AfterImage ngunit pagkalipas ng labing-isang taon at tatlong istudiyong album, nabuwag ang banda at nagpatuloy si Wency sa isang solong karera.[12] Nakapagpalabas siya ng mga solong istudiyong album tulad ng Treasure (1998),[13] Langit sa Lupa (2003),[9] at Wency Cornejo Silver Series (2006).[9] Kabilang sa album niya noong 2003 at 2006 ang awiting "Magpakailanman"[14][15] na temang awitin ng programang Magpakailanman na hino-host ng kanyang inang si Mel.[16] Naitampok ang bersyon ni Wency ng awit sa programa ng kanyang ina mula 2002 hanggang 2007.[17] Sa mga sumunod na taon, ang mga bersyon nina Kyla at Golden Cañedo ng awit ang naitampok sa programang Magpakailanman.[17]
Bukod sa pagiging mang-aawit at kompositor, siya rin ang prodyuser ng album na Langit sa Lupa. Noong 1998 hanggang 1999, naging host din siya ng pangkalinangang programa sa telebisyon na Tipong Pinoy kasama si Susan Calo-Medina na pinalabas sa GMA Network[18][19] at prinodyus ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining.[20] Muling nagsama ang AfterImage noong 2008 at naglabas ng ikaapat na album.[21] Kabilang sa muling pagsasama ng banda si Wency at halos lahat ng orihinal na kasapi.[22]
Sa pagkadismayado sa industriya ng musika, nagpunta siya sa Davao sa Mindanao noong 2010 at naging isang negosyante.[23][24] Nagtayo siya ng isang kainan[b] na pinangalan niyang Carmela, ang pangalan ng kaniyang ina.[23] Nagluluto rin siya sa kaniyang kainan at sinabing natuto siyang magluto sa kaniyang Lola Florencia.[4] Habang nasa Davao, tinuring ni Wency ang sarili bilang medyo retirado na sa mundo ng pag-awit[25] subalit tumatanggap pa rin siya ng mga alok ng pagtatanghal sa Pilipinas at ibayong-dagat.[8]
Tumagal lamang ang kainan na Carmela ng pitong taon at noong 2017, nagbalik si Wency sa Maynila.[8] Bumalik muli siya sa karera ng musika subalit balak pa rin niyang magtayo ng kainan sa Maynila.[8] Noong 2018, pumirma siya ng kontrata sa Star Music at inihayag na maglalabas siya ng mga digital single.[26][27] Sa parehong taon, pumasok din si Wency sa pagtatanghal sa teatro.[28][29] Gumanap si Wency bilang Sir sa bersyon ng musikal na Side Show ng Atlantis Theatrical Entertainment Group.[28] Orihinal na musikal ni Bill Russel ang Side Show[30] na unang tinanghal noong 1997 sa teatrong Broadway sa Lungsod ng New York, Estados Unidos.[31]
Remove ads
Mga parangal
Ang sabayang-awit nina Wency Cornejo at Cooky Chua (ang bokalista ng bandang Color It Red) sa awiting "Walang Hanggan" ay nagtamo ng parangal noong 1997 sa Ikasampung Awit Awards para sa Pinakamahusay na Pagtatanghal ng isang Sabayang-awit (Best Performance by a Duet).[32] Ayon kay Wency, ang awiting "Walang Hanggan" ang kaniyang pinakapaborito sa lahat ng awitin na kaniyang sinulat, prinodyus, at inawit.[33] Nanalo din noong 2000 ang awiting "Ngayon, Kahapon, Bukas" ng kasabay niyang si Rachel Alejandro[34] para sa Pinakamahusay na Awitin para sa Pelikula/Telebisyon/Teatro (Best Song Written for Movie/TV/Stage Play) ng Awit Awards[32] at Pinakamahusay na Awiting Tema para sa Pelikula ng Star Awards.[35] Inawit ang awit para sa pelikulang Warat na nilabas ng Viva Films[35] at pinagbidahan nina Joyce Jimenez at Jomari Yllana.[36]
Nanalo naman ng tatlong parangal ang awiting Hanggang sa Awit Awards noong 2003 at ang mga parangal na ito ay Pinakamahusay na Tradisyunal na Pagrerekord (Best Traditional Recording), Pinakamahusay ng Areglong Pangmusika (Best Musical Arrangement), at Pinakamahusay Baladang Pagrerekord (Best Ballad Recording).[37] Sinulat nina Gigi & Ronaldo M. Cordero ang awiting Hanggang at hindi si Wency.[16] Bahagi ang awit na ito ng patimpalak sa pagsulat ng awitin na "Himig Handog" ng ABS-CBN at Star Records,[38] at unang inalok ang pag-awit kay April Boy Regino at pagkatapos kay Luke Mejares ng bandang South Border subalit sa huli napunta kay Wency.[10][39] Nakapagsulat din siya sa "Himig Handog" at nakapasok ang kanyang sinulat na awiting "Kailang Ka Darating" noong 2003.[38]
Sa NU Awards noong 2004, nanalo si Wency bilang Artist of the Year (literal: Artista ng Taon).[40] Nanalo naman ang awiting sinulat niya, ang "Isang Kinabukasan," ng Pinakamahusay ng Bidyong Musika sa Catholic Mass Media Awards (CMMA).[37][41] Bahagi ang awitin sa album na may kaparehong pangalan at nanalo din sa CMMA ang album bilang ang Pinakamahusay na Album na Sekular.[37][42] Inawit ni Wency at iba't ibang mang-aawit ang awiting "Isang Kinabukasan."[43][44]
Para kay Wency, tinuturing niya na pinakamahusay na parangal na natanggap niya ang pagkawagi ng awiting "Habang May Buhay" sa Katha Awards noong 1995 na umani ng mga parangal para sa kaniya at kaniyang banda na AfterImage.[33][37] Naging inspirasyon ni Wency sa pagsulat ng "Habang May Buhay" ang pagkamatay ng kanyang biyenan[45] at ang damdamin ng isang tao na biglaang nawalan ng katuwang sa buhay na nakasama sa matagal na panahon.[46]
Remove ads
Personal na buhay
May anak na lalaki si Wency na nagngangalang Ezekiel. Noong nanirahan si Wency ng mag-isa sa Davao sa loob ng pitong taon, tumira si Ezekiel sa bahay ng kaniyang Lola Mel Tiangco subalit noong 19 na taon gulang si Ezekiel, nasa poder na siya ng kaniyang ina.[c] Sa isang paglilinaw ni Wency sa kanyang account sa Facebook, tinanggi niya na kamag-anak niya ang modelo, at artistang si Deniece Cornejo.[47]
Noong 2020, nasuri si Wency na mayroong Bell's palsy.[48][1]
Remove ads
Mga pananda
Mga sanggunian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads