Kalikasan
From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang kalikasan ay likas na katangian o konstitusyon,[1] lalo na ng ekospera o ng uniberso bilang isang kabuuan. Sa pangkalahatang kahulugan, tumutukoy ang kalikasan sa mga batas, elemento, at mga pangyayari ng pisikal na mundo, kabilang na ang buhay. Bagaman bahagi ang tao ng kalikasan, madalas inilalarawan ang mga gawaing pantao o ang mga tao bilang isang kabuuan na minsang salungat, hiwalay, o higit pa sa kalikasan.[2]
Noong sumibol ang makabagong pamamaraan ng agham sa mga nakalipas na siglo, naging pasibong realidad ang kalikasan, na inaayos at pinamumunuan ng mga dibinong batas.[3][4] Sa panahon ng Rebolusyong Industriyal, unti-unting nakita ang kalikasan bilang bahagi ng realidad na walang intensiyonal na pakikialam: itinuring ito bilang sagrado ng ilang tradisyon (Rousseau, transendentalismong Amerikano) o bilang palamuti lamang para sa dibinong probidensya o kasaysayan ng tao (Hegel, Marx). Gayunpaman, muling nabuhay ang isang vitalistang pananaw ng kalikasan, na mas malapit sa pre-Sokratikong pananaw, lalo na pagkatapos ni Charles Darwin.[2]
Sa iba't ibang gamit ng salita ngayon, madalas tumutukoy ang "kalikasan" sa heolohiya at buhay-ilang. Maaari rin itong tumukoy sa pangkalahatang saklaw ng mga buhay na nilalang, at sa ilang pagkakataon, sa mga proseso na kaugnay ng mga walang buhay na bagay—ang paraan ng pag-iral at pagbabago ng mga bagay na ito sa sarili nilang pamamaraan, gaya ng panahon at heolohiya ng Daigdig. Madalas itong nauunawaan bilang "likas na kapaligiran" o kagubatan—mga ligaw na hayop, bato, kagubatan, at sa pangkalahatan, mga bagay na hindi gaanong nabago ng pakikialam ng tao, o patuloy na umiiral sa kabila ng pakikialam ng tao. Halimbawa, ang mga gawa ng tao at pakikipag-ugnayan ng tao ay karaniwang hindi itinuturing na bahagi ng kalikasan, maliban kung tinukoy bilang, halimbawa, "kalikasang pantao" o "ang buong kalikasan". Ang tradisyunal na konsepto ng mga likas na bagay na matatagpuan pa rin ngayon ay nagpapahiwatig ng pagkakaiba sa pagitan ng likas at artipisyal, kung saan ang artipisyal ay nauunawaan bilang mga bagay na nilikha ng kamalayan o isipan ng tao. Depende sa konteksto, maaaring makilala rin ang salitang "likas" mula sa di-likas o sobrenatural.[2]
Remove ads
Daigdig

Ang Daigdig ay tanging planetang kilalang may kakayahang suportahan ang buhay, at ang mga likas nitong katangian ang pinag-aaralan sa maraming larangan ng siyentipikong pananaliksik. Sa loob ng Sistemang Solar, pangatlong pinakamalapit ito sa Araw; pinakamalaking planetang mabato at pang-lima sa kabuuan. Pinakamalalaki nitong katangiang pang-klima ang dalawang malalaking rehiyon ng mga polo, dalawang medyo makikitid na katamtamang sona, at isang malawak na ekwatoryal na rehiyon mula tropikal hanggang subtropikal.[5] Nagkakaiba-iba ang dami ng pag-ulan depende sa lugar, mula ilang metro ng tubig bawat taon hanggang mas mababa sa isang milimetro. Natatakpan ng maalat na mga karagatan ang 71 porsyento ng ibabaw ng Daigdig. Binubuo naman ang natitirang bahagi ng mga kontinente at mga pulo, kung saan karamihan ng mga naninirahan ay nasa Hilagang Emisperyo.
Umunlad ang Daigdig sa pamamagitan ng mga prosesong heolohikal at biyolohikal na nag-iwan ng mga bakas ng orihinal na kalagayan. Nahahati ang panlabas nitong ibabaw sa ilang mga platong tektoniko na unti-unting gumagalaw. Nananatiling aktibo ang loob nito, na may makapal na patong ng mantong plastik at isang bakal na kaibuturan (core) na lumilikha ng magnetikong field. Binubuo ang bakal na kaibuturan ng matigas na panloob na bahagi, at isang likidong panlabas na bahagi. Nagbubunga ang paggalaw ng konbeksiyon sa kaibuturan ng mga kuryenteng elektrikal sa pamamagitan ng aksyong dynamo, at ang mga ito naman ang lumilikha ng heomagnetikong field.
Malaki ang naging pagbabago sa kondisyon ng atmospera mula sa orihinal na kalagayan dahil sa presensya ng mga buhay na organismo,[6] na lumilikha ng balanse sa ekolohiya na nagpapatatag ng kondisyon sa ibabaw. Sa kabila ng malawak na pagkakaiba-iba ng klima ayon sa latitud at iba pang heograpikong salik, medyo matatag ang pangmatagalang katamtaman ng pandaigdigang klima sa panahon ng mga panahong interglasyal,[7] at may malalaking epekto sa balanse ng ekolohiya at sa aktwal na heograpiya ng Daigdig ang pagbabago ng isa o dalawang digri ng katamtamang temperatura sa buong mundo.[8][9]
Remove ads
Atmospera, klima, at lagay ng panahon
Ang atmospera ng Daigdig ay isang mahalagang salik sa pagpapanatili ng ekosistema. Manipis na patong ng mga gas na bumabalot sa Daigdig ang pinanghahawakan ng grabidad. Pangunahin ang hangin ay binubuo ng nitroheno, oksiheno, at singaw ng tubig, na may mas maliit na bahagi ng dioksidong karbono, argon, at iba pa. Unti-unting bumababa ang presyon ng atmospera habang tumataas ang altitud. May mahalagang papel ang patong ng osono sa pagbabawas ng dami ng ultrabiyoleta (UV) na radyasyon na umaabot sa ibabaw. Dahil madaling masira ng liwanag na UV ang DNA, nagsisilbi itong proteksyon para sa buhay sa ibabaw. Pinananatili rin ng atmospera ang init sa gabi, kaya nababawasan ang matinding pagbabago ng temperatura araw-araw.

Halos nagaganap lamang sa mababang bahagi ng atmospera ang lagay ng panahon sa lupa, at nagsisilbing sistemang konbektibo para sa muling pamamahagi ng init.[10] Isa pang mahalagang salik sa pagtukoy ng klima ang mga agos ng karagatan, partikular ang malaking ilalim-dagat na sirkulasyong termohalino na namamahagi ng enerhiya ng init mula sa mga karagatang ekwatoryal papunta sa mga rehiyong polar. Tinutulungan ng mga agos na ito na mapalambot ang pagkakaiba ng temperatura sa pagitan ng taglamig at tag-init sa mga katamtamang sona. Bukod pa rito, kung wala ang muling pamamahagi ng enerhiya ng init ng mga agos ng karagatan at atmospera, magiging mas mainit ang mga tropiko at mas malamig ang mga rehiyong polar.
Maaaring magdulot ng kapaki-pakinabang at nakapipinsalang epekto ang lagay ng panahon. Maaaring maglabas ng malaking enerhiya ang matinding lagay ng panahon, tulad ng mga buhawi, bagyo, at siklon (o cyclone), sa kanilang daraanan, at magdulot ng malawakang pagkasira. Nagbago ang mga halaman sa ibabaw ng lupa na umaasa sa pana-panahong pagbabago ng panahon, at maaaring magkaroon ng matinding epekto ang biglaang pagbabago na tumatagal lamang ng ilang taon, sa mga halaman at sa mga hayop na umaasa sa mga ito bilang pagkain.
Sukatan ng pangmatagalang mga uso (o trend) sa lagay ng panahon ang klima. Kilala ang iba't ibang salik na nakakaapekto sa klima, kabilang ang mga agos ng karagatan, albedo ng ibabaw, mga mga gas na greenhouse, pagbabago sa ningning ng araw, at mga pagbabago sa orbita ng Daigdig. Batay sa mga tala ng kasaysayan at heolohiya, kilala ang Daigdig na dumaan sa matitinding pagbabago ng klima noon pa man, kabilang na ang mga panahon ng yelo.
Remove ads
Tubig sa Daigdig

Ang tubig ay isang kemikal na sangkap na binubuo ng hidroheno at oksiheno (H₂O), at mahalaga ito sa lahat ng kilalang anyo ng buhay.[11] Karaniwang tumutukoy ang “tubig” sa likidong anyo nito, subalit mayroon din itong solidong anyo—ang yelo—at gaseosong anyo bilang singaw ng tubig o alimuom. Sumasaklaw ang tubig sa 71% ng ibabaw ng Daigdig.[12] Sa mundo, pangunahing ito matatagpuan sa mga karagatan at iba pang malalaking anyong-tubig, na may 1.6% ng tubig na nasa ilalim ng lupa sa mga akwipero, at 0.001% naman sa himpapawid bilang singaw, ulap, at pag-ulan.[13][14]
Napapaloob sa mga karagatan ang 97% ng panlabas na tubig; nasa 2.4% naman ang mga gleysyer at mga takip ng yelo sa mga polo, at 0.6% ay nasa ibang anyong-tubig sa kalupaan tulad ng mga ilog, lawa, at sapa. Mayroon ding kakaunting bahagi ng tubig sa mundo na nasa loob ng mga katawan ng mga nabubuhay na organismo at sa mga kagamitang gawa ng tao.
Mga ekosistema
Ang mga ekosistema ay binubuo ng iba't ibang biyotiko at abiyotiko na mga sangkap na gumagana nang magkakaugnay.[15] Tinutukoy ang estruktura at komposisyon nito ng iba't ibang mga salik na pangkapaligiran na magkakaugnay din. Nag-uudyok ng mga dinamikong pagbabago sa ekosistema ang pagbabago-bago ng mga salik na ito. Kabilang sa mga mahahalagang sangkap nito ang lupa, atmospera, radyasyon mula sa araw, tubig, at mga buhay na organismo.


Sentro sa konsepto ng ekosistema ang ideya na nakikipag-ugnayan ang mga buhay na organismo sa bawat elemento sa kanilang lokal na kapaligiran. Ayon kay Eugene Odum, isa sa mga tagapagtatag ng ekolohiya:
"Anumang yunit na naglalaman ng lahat ng organismo (ibig sabihin, ang ‘komunidad’) sa isang takdang lugar na nakikipag-ugnayan sa pisikal na kapaligiran kung saan ang daloy ng enerhiya ay nagreresulta sa malinaw na istruktura ng tropiko, biyotiko na pagkakaiba-iba, at mga siklo ng materyales (ibig sabihin, palitan ng mga materyales sa pagitan ng mga buhay at di-buhay na bahagi) sa loob ng sistema ay isang ekosistema." (“Any unit that includes all of the organisms (i.e.: the ‘community’) in a given area interacting with the physical environment so that a flow of energy leads to clearly defined trophic structure, biotic diversity, and material cycles (i.e.: exchange of materials between living and nonliving parts) within the system is an ecosystem.”)[16]
Magkakaugnay at umaasa sa isa’t isa ang mga espesye sa loob ng ekosistema sa kadena ng pagkain, habang nagpapalitan ng enerhiya at materya sa kanilang sarili pati na rin sa kanilang kapaligiran.[17] Nakabatay ang konsepto ng ekosistemang pantao sa dikotomiya ng tao at kalikasan at sa ideya na ang lahat ng espesye ay ekolohikal na umaasa sa isa’t isa, pati na rin sa mga abiyotiko na sangkap ng kanilang biotopo.[18]
Tinatawag na mikroekosistema ang mas maliit na yunit ng sukat. Halimbawa, maaaring isang bato at lahat ng buhay sa ilalim nito ang isang mikroekosistema. Samantala, maaaring sumaklaw sa isang buong ekorehiyon kasama ang katubigan nito ang makroekosistema.
Remove ads
Buhay
Bagaman walang pangkalahatang kasunduan sa kahulugan ng buhay, karaniwang tinatanggap ng mga siyentipiko na ang biyolohikal na manipestasyon ng buhay ay kinikilala sa pamamagitan ng organisasyon, metabolismo, paglago, adaptasyon, pagtugon sa panlabas na salik, at pag-aanak.[19] Masasabi ring ang buhay ay ang natatanging kalagayan ng mga organismo.
Ang mga organismo sa kasalukuyang panahon, mula sa mga birus hanggang sa mga tao, ay may taglay na isang molekulang tagapagdala ng impormasyon na kayang magparami nang mag-isa (henoma), alinman sa DNA o RNA (gaya ng sa ilang birus), at ang ganitong molekula ay malamang na likas sa buhay. Malamang na ang mga pinakaunang anyo ng buhay ay nakabatay sa isang molekulang tagapagdala ng impormasyon na kayang magparami nang mag-isa (henoma), marahil ay RNA[20][21] o isang molekulang mas sinauna pa kaysa sa RNA o DNA. Ang natatanging pagkakasunud-sunod ng mga deoksiribunukleotido/ribunukleotido sa bawat umiiral na organismo sa kasalukuyan ay naglalaman ng impormasyon na tumutulong sa kaligtasan, pagpaparami, at kakayahang makakuha ng mga kinakailangang yaman para sa pagpaparami, at ang ganitong mga pagkakasunod-sunod ay malamang na lumitaw na sa mga unang yugto ng ebolusyon ng buhay. Ang mga tungkuling kaugnay ng kaligtasan na lumitaw sa maagang bahagi ng ebolusyon ng buhay ay marahil ay kinabibilangan din ng mga pagkakasunod sa henoma na nagtataguyod ng pag-iwas sa pinsala sa molekulang kayang magparami, gayundin ng kakayahang kumpunihin ang mga pinsalang naganap. Ang pagkumpuni ng ilang pinsala sa henoma ay maaaring isinagawa gamit ang impormasyon mula sa isa pang kahalintulad na molekula sa pamamagitan ng proseso ng rekombinasyon (isang paunang anyo ng sekswal na interaksyon).[22]

Ang mga katangiang karaniwan sa mga organismo sa daigdig (halaman, hayop, halamang-singaw, protista, arkeya, at bakterya) ay ang pagiging binubuo ng mga selula, nakabatay sa karbon at tubig, may komplikadong organisasyon, may metabolismo, may kakayahang lumago, tumugon sa mga stimuli, at magparami. Ang isang entidad na may ganitong mga katangian ay karaniwang itinuturing na buhay. Gayunpaman, hindi lahat ng kahulugan ng buhay ay isinasaalang-alang ang lahat ng mga katangiang ito bilang mahalaga. Ang mga nilikhang kahalintulad ng buhay ng tao ay maaari ring ituring na buhay.

Ang biyospera ay ang bahagi ng panlabas na bahagi ng mundo—kabilang ang lupa, mga batong nasa ibabaw, tubig, hangin, at atmospera—kung saan umiiral ang buhay, at kung saan ang mga prosesong biyotiko ay nagdudulot ng pagbabago o paghubog. Mula sa pinakamalawak na pananaw ng heopisikal na ekolohiya, ang biyospera ay ang pandaigdigang sistemang ekolohikal na pinagsasama-sama ang lahat ng nabubuhay na nilalang at ang kanilang mga ugnayan, kabilang ang kanilang interaksyon sa mga elemento ng litospera (mga bato), hidrospera (tubig), at atmospera (hangin). Tinatayang mayroong higit sa 75 bilyong tonelada (150 trilyong libra o mga 6.8×10¹³ kilo) ng biyomasa (buhay) sa buong mundo, na naninirahan sa iba't ibang kapaligiran sa loob ng biyospera.[23]
Higit sa siyam na ikasampu ng kabuuang biyomasa sa mundo ay binubuo ng buhay halaman, na siyang pangunahing pinagkukunan ng buhay ng mga hayop.[24] Mahigit sa 2 milyong uri ng halaman at hayop ang natukoy na sa kasalukuyan,[25] at tinatayang ang tunay na bilang ng mga umiiral na uri ay mula sa ilang milyon hanggang higit sa 50 milyon.[26][27][28] Ang bilang ng mga indibiduwal na uri ng buhay ay patuloy na nagbabago—may mga bagong uri na lumilitaw at may mga uri na tuluyang nawawala.[29][30] Sa kabuuan, ang bilang ng mga uri ay mabilis na bumababa.[31][32][33]
Remove ads
Pakikipag-ugnayan ng tao sa kalikasan
Bagaman ang mga tao ay bumubuo lamang ng napakaliit na bahagi ng kabuuang biyomasa ng buhay sa Daigdig, ang epekto ng sangkatauhan sa kalikasan ay labis na malaki. Dahil sa lawak ng impluwensiyang dulot ng tao, ang hangganan sa pagitan ng itinuturing na kalikasan at ng mga ginawang kapaligiran ay hindi malinaw, maliban na lamang sa mga pinakamatitinding kaso. Subalit kahit sa mga hangganang ito, ang mga bahagi ng likas na kapaligiran na walang kapansin-pansing impluwensiyang pantao ay patuloy na nababawasan sa lalong mabilis na antas. Isang pag-aaral noong 2020 na inilathala sa Nature ang nagsiwalat na ang tinatawag na masa antropohenika (mga materyales na gawa ng tao) ay mas mabigat na kaysa sa lahat ng buhay na biyomasa sa mundo—na ang plastik pa lamang ay lumalagpas na sa pinagsamang bigat ng lahat ng hayop sa lupa at karagatan.[34] Ayon din sa isang pag-aaral noong 2021 na inilathala sa Frontiers in Forests and Global Change, tinatayang 3% lamang ng panlupang ibabaw ng planeta ang nananatiling ekolohikal at buo ang fauna na kalagayan—may mababang antas ng impluwensiyang pantao at may malusog na populasyon ng katutubong espesye ng hayop.[35][36] Noong 2022, isinulat ni Philip Cafaro, propesor ng pilosopiya sa School of Global Environmental Sustainability (Paaralan ng Pandaigdigang Pangkapaligirang Pagpapanatili) ng Estadong Unibersidad ng Colorado , na “ang sanhi ng pandaigdigang pagkawala ng biyodibersidad ay malinaw: ang ibang mga nilalang ay napapalitan ng mabilis na lumalagong ekonomiyang pantao.”[37]

Ang pag-unlad ng teknolohiya ng sangkatauhan ay nagbigay-daan sa higit na pagsasamantala sa likas na yaman at nakatulong din upang mabawasan ang ilang panganib mula sa mga likas na sakuna. Subalit sa kabila ng pag-unlad na ito, nananatiling malapit na nakaugnay ang kapalaran ng sibilisasyon ng tao sa mga pagbabagong nagaganap sa kapaligiran. May isang napakakomplikadong ugnayang may balik-tugon sa pagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya at ng mga pagbabagong dulot nito sa kapaligiran.[38] Kabilang sa mga banta ng tao sa likas na kapaligiran ng mundo ang polusyon, pagkakalbo ng kagubatan, at mga sakunang gawa ng tao gaya ng pagtagas ng langis. Malaki rin ang naging ambag ng tao sa pagkalipol ng maraming halaman at hayop,[39] at tinatayang may humigit-kumulang isang milyong espesye ang nanganganib na mawala sa mga susunod na dekada.[40] Ang pagkawala ng biyodibersidad at mga tungkulin ng ekosistema sa nakalipas na kalahating dantaon ay nakaapekto na sa kakayahan ng kalikasan na magbigay ng kabutihang dulot sa kalidad ng pamumuhay ng tao,[41] at kung magpapatuloy ito, maaaring magbunga ito ng malaking banta sa pag-iral ng kabihasnang pantao—maliban na lamang kung magaganap ang agarang pagbabago ng direksiyon.[42] Kadalasan, hindi nasasalamin sa tama ang halaga ng likas na yaman sa mga presyong pangmerkado, sapagkat bagamat may gastos sa pagkuha, ang mga yaman mismo ay karaniwang libre. Dahil dito, nagkakaroon ng baluktot na pagpepresyo at kakulangan sa pamumuhunan sa ating mga likas na ari-arian. Tinatayang ang taunang gastos pandaigdig para sa mga subsidiyong pampubliko na nakasasama sa kalikasan ay umaabot sa US$4–6 trilyon. Kulang din ang mga institusyonal na proteksyon para sa mga likas na kayamanan gaya ng mga oseano at tropikal na kagubatan. Hindi rin ito napigilan ng mga pamahalaan bilang mga panlabas na epekto sa ekonomiya.[43][44]
Ginagamit ng tao ang kalikasan para sa libangan at mga gawaing pangkabuhayan. Ang pagkuha ng likas na yaman para sa industriyal na gamit ay nananatiling mahalagang bahagi ng pandaigdigang sistemang pang-ekonomiya.[45][46] May mga gawain tulad ng pangangaso at pangingisda na isinasagawa para sa kabuhayan at aliwan, depende sa layunin. Nagsimula ang agrikultura noong ika-9 na milenyo BCE. Mula sa produksiyon ng pagkain hanggang sa enerhiya, malaki ang impluwensiya ng kalikasan sa kayamanang pang-ekonomiya.
Bagamat ang mga sinaunang tao ay nangangalap ng mga ligaw na halaman para sa pagkain at gamit sa paggamot,[47] ang karamihan sa makabagong paggamit ng mga halaman ay isinasagawa sa pamamagitan ng agrikultura. Ang malawakang paglinis ng lupa para sa pagtatanim ay nagdulot ng matinding pagbawas sa kagubatan at mga latian, na siyang nagbunsod ng pagkawala ng tirahan para sa maraming halaman at hayop, pati na rin ng pagguho ng lupa.[48]
Remove ads
Higit pa sa Daigdig

Ang kalawakan ay tumutukoy sa mga halos walang-lamang bahagi ng Uniberso sa labas ng mga atmospera ng mga katawang selestiyal. Ginagamit ang katawagang "kalawakan" upang ibukod ito mula sa espasyong panghimpapawid (airspace) at mga panlupang lokasyon. Walang tiyak na hangganan sa pagitan ng atmospera ng Daigdig at ng kalawakan, sapagkat unti-unting numinipis ang atmospera habang tumataas ang altitud. Ang kalawakan sa loob ng Sistemang Solar ay tinatawag na interplanetaryong kalawakan, na lumalampas patungo sa interstelar na kalawakan sa tinatawag na heliyopausa.
Ang kalawakan ay halos walang laman, subalit mayroon itong ilang dosenang uri ng organikong molekula na natuklasan sa ngayon sa pamamagitan ng mikroweyb na espektroskopiya, itim na radyasyon (blackbody radiation) na natira mula sa Big Bang (Malaking Pagsabog) at pinagmulan ng uniberso, at mga sinag kosmiko na binubuo ng ionisadong mga nukleong atomiko at iba’t ibang subatomikong partikula. Mayroon ding kaunting gas, plasma, at alikabok, gayundin ng maliliit na meteorito. Bukod pa rito, may mga palatandaan ng presensiya ng tao sa kalawakan sa kasalukuyan, gaya ng mga materyal na naiwan mula sa mga naunang misyon—may tao man o wala—na maaaring maging panganib sa mga sasakyang pangkalawakan. Ang ilan sa mga labing ito ay muling pumapasok sa atmospera paminsan-minsan.

Bagaman ang Daigdig lamang ang kaisang katawang selestiyal sa Sistemang Solar na kilalang sumusuporta sa buhay, may mga ebidensiya na noong sinaunang panahon ay nagkaroon ng likidong tubig sa ibabaw ng planetang Marte.[49] Sa maikling yugto ng kasaysayan nito, maaaring naging angkop din ang Marte sa pagbuo ng buhay. Gayunman, sa kasalukuyan, karamihan sa tubig sa Marte ay nananatiling nagyelo. Kung may buhay man sa Marte, malamang na ito ay nasa ilalim ng lupa kung saan maaaring mayroon pa ring likidong tubig.[50]
Ang mga kalagayan sa iba pang mga planetang mala-Daigdig tulad ng Merkuryo at Benus ay tila masyadong marahas upang makasuporta sa buhay gaya ng ating pagkakakilala rito. Subalit may mga hinuha na ang Europa, ang ika-apat na pinakamalaking buwan ng Hupiter, ay maaaring may likidong karagatan sa ilalim ng ibabaw nito at posibleng may kakayahang magsuporta ng buhay.
Nagsimula na ring makakita ang mga astronomo ng mga ekstrasolar na planetang kahawig ng Daigdig—mga planetang nasa loob ng tinatawag na sonang natitirhan ng isang bituin, kung saan may posibilidad na umiral ang buhay gaya ng sa ating planeta.[51]
Remove ads
Tingnan din
Mga sanggunian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads