Teknolohiya

Paglapat ng kaalaman sa praktikal na paraan From Wikipedia, the free encyclopedia

Teknolohiya
Remove ads

Téknolohíya[a][2] ang paglapat sa kaalaman sa praktikal na paraan, lalo na sa paraang nauulit.[3] Sa karaniwang diskurso, maaari ring tumukoy ang salita sa mga produktong resulta ng paglalapat na ito,[4] kagaya ng mga pisikal na bagay tulad ng kagamitan at makina, at di-pisikal tulad ng software. Mahalaga ang papel ng teknolohiya sa maraming larangan, at madalas teknolohiya ang resulta ng mga ito, kagaya ng sa agham at inhinyera.

Thumb
Isang turbinang pinasisingawan, halimbawa ng modernong teknolohiya sa enerhiya.

Nakakapagpabago ang pag-usad ng teknolohiya sa direksiyon ng lipunan. Kabilang sa mga pinakaunang teknolohiya ng mga tao ay ang mga kagamitang yari sa bato at ang pagkontrol sa apoy, na parehong nagpabilis sa paglaki ng utak ng tao, na humantong kalaunan sa pag-usbong ng mga wika noong Panahon ng Yelo. Lumawak ang malalakbay ng mga tao nang maimbento ang gulong noong Panahon ng Bronse, na nagpasimula sa paggawa sa mga mas komplikadong makina. Pagkatapos nito, ilan sa mga mahahalagang imbensiyon ng tao ay ang limbagan, makinang pinasisingawan, sasakyan, at ang internet, na nagpasimula sa ekonomiyang makakaalaman.

Bagamat direktang nakakaambag sa paglago ng ekonomiya, sanhi rin ang teknolohiya ng polusyon at pagkaubos ng yaman. Nakakaapekto rin ito sa lipunan sa negatibong paraan, kagaya ng kawalang-trabaho dulot ng teknolohiya dahil sa otomasyon. Bilang result nito, nagkaroon ng mga debate sa politika at pilosopiya ukol sa gampanin ng teknolohiya, ang etika nito, gayundin ang paghahanap sa mga paraan upang mabawasan ang mga masasamang epekto nito.

Remove ads

Etimolohiya

Nagmula ang salitang "teknolohiya" sa wikang Espanyol na tecnología.[2] Nagmula ito sa salitang Griyego na tekhnología (Griyego: Τεχνολογία, lit. na 'kaalaman sa sining'), na ginamit noong Renasimiyento sa kahulugang "sistematikong pagtrato".[5] Sa kahulugan nito sa sinaunang wikang Griyego, saklaw ng salita ang kaalaman sa paano gawin ang mga bagay-bagay, tulad halimbawa ng sa arkitektura.[6]

Simula noong ika-19 na siglo sa Europa, nagsimulang gamitin ang mga salitang Teknik (mula wikang Aleman) at technique (mula wikang Pranses) upang tumukoy sa "pagsasagawa sa isang bagay". Kasama sa mga tinutukoy ng mga salitang ito ang mga teknikal na sining katulad ng sayaw, nabigasyon, at paglilimbag; walang kinalaman ang paggamit sa kagamitan o instrumento upang matawag na Teknik o technique ang isang gawain.[7] Sa panahong ito, tumutukoy ang salitang technologie sa isang akademikong disiplina na nag-aaral sa "mga kaparaanan ng sining at paggawa", o di kaya sa politikal na disiplinang "nakatuon sa pagsasabatas sa mga gawain ng sining at paggawa".[8] Dahil wala sa wikang Ingles ang pagkakaibang ito sa mga salita, pareho itong naisalin bilang technology, ang kahulugan na ginagamit din sa wikang Tagalog. Bihira noon ang paggamit sa salitang Ingles sa ganitong kahulugan, at madalas itong tumutukoy sa disiplina, kagaya ng kaso ng Massachusetts Institute of Technology.[9] Gayunpaman, pagsapit ng ika-20 siglo at ang Ikalawang Rebolusyong Industriyal, nawala na ang pagiging disiplina ng teknolohiya at nanatili ang kasalukuyan nitong kahulugan na tumutukoy sa praktikal na paraan upang sistematikong magamit ang kaalaman.[10]

Remove ads

Kasaysayan

Prehistoriko

Thumb
Isang halimbawa ng de-kamay na palakol.

Nagawa ng mga unang hominid na gumamit ng mga kagamitan sa pamamagitan ng obserbasyon o paulit-ulit na pagsubok (Ingles: trial and error).[11] Tinatayang 2 milyong taon ang nakaraan, nalaman nila kung paano gumawa ng mga kagamitang yari sa bato sa pamamagitan ng paghampas sa mga tuklap ng mga maliliit na bato upang makagawa ng isang de-kamay na palakol (Ingles: hand axe).[12] Napahusay ito bandang 75,000 taon ang nakaraan, nang ginamit nila ang proseso ng pagtuklap sa bato sa pamamagitan ng pagbabawas.[13]

Ang pagtuklas sa apoy ng mga sinaunang tao ang kinokonsidera ng marami, tulad ni Charles Darwin, bilang ang pinakamahalagang imbensiyon ng sangkatauhan.[14] Ayon sa arkeolohiya, tinatayang gumagamit na ang mga tao ng apoy noon pang 1.5 milyong taon ang nakaraan.[15] Dahil sa apoy, na nagagawa sa pamamagitan ng paggamit sa kahoy at uling, nagawa ng mga sinaunang tao na mailuto ang mga pagkain nila. Nagresulta ito sa pagtaas sa sustansiyang kinakain ng mga tao gayundin ang paglawak ng mga pwedeng kainin nila dahil hindi na limitado sila sa oras bago masira ang pagkain.[16] Ito ang sentrong paksa ng hinuha ng pagluto, na nagsasabing dahil sa abilidad ng pagluto sa mga pagkain, lumaki ang sukat ng utak ng mga tao, bagamat hindi lahat ng mga siyentipiko ay pabor sa ideyang ito.[17] May mga nakita ring dapog (Ingles: hearth) na tinatayang nagamit noong 790,000 taon ang nakaraan. Naniniwala ang mga siyentipiko na sa mga lugar na ito nagsimula ang pakikihalubilo ng mga tao at nagresulta sa pag-usbong ng mga pinakaunang wika.[18]

Bukod dito, ilan sa mga sinaunang teknolohiyang nagawa sa panahong Paleolitiko ang pananamit at bahay. Hindi nagkakasundo ang mga siyentipiko ukol sa kung kailan naimbento ang mga ito, bagamat may mga ebidensiya sa arkeolohiya na nagtuturo sa mga damit na tinatayang nagawa noong 90,000 hanggang 120,000 taon ang nakaraan,[19] at mga bahay na tinirhan noong tinatayang 450,000 taon ang nakaraan.[20] Sa paglipas ng Paleolitiko, lalong naging sopistikado ang mga bahay; simula pa noong tinatayang 380,000 taon ang nakaraan, nagtatayo na ang mga tao ng mga pansamantalang pamamahay.[21] Dahil sa damit, lalo na yung mga yari sa balat ng mga hayop, nagawa ng mga tao na makapasok sa mga mas malalamig na rehiyon. Nagsimulang lumabas ang mga tao mula sa Aprika bandang 200,000 taon ang nakaraan, at nagsimulang lumipat sa Eurasya bago sila kumalat sa iba't ibang panig ng mundo.[22]

Neolitiko

Thumb
Mga artepaktong nahukay mula sa Panahong Neolitiko, kabilang ang mga pinakinis na mga kagamitang bato gayundin sa ilang mga palamuti.

Bumilis ang pag-usad ng teknolohiya pagsapit ng Rebolusyong Neolitiko, na kilala rin sa tawag na Unang Rebolusyong Agrikultural, at nagpakomplikado sa mga lipunan bilang resulta.[23] Dahil sa pagkaimbento ng palakol na bato noong panahong Mesolitiko at pinakinis sa panahong Neolitiko, napabilis ang malawakang pangangahoy at pagsasaka.[24] Naging posible ang pagsuporta sa malaking populasyon sa iisang lugar dahil sa pag-usbong ng agrikultura at sedentismo. Dumami ang mga anak kada pamilya, na mahirap magawa sa mga lipunang pagala-gala. Kumpara sa mga lipunang nangangaso, mas may gamit ang mga bata sa pagsasaka.[25]

Ang paglobo ng populasyon at yaman sa panahong ito ang nagbigay-daan sa paghahati sa trabaho.[26] Bagamat hindi alam sa kasalukuyan ang pinakasanhi ng pag-usbong ng mga pinakaunang lungsod sa mundo kagaya ng Uruk, gayundin sa mga pinakaunang sibilisasyon tulad ng Sumer, ipinagpapalagay na ang kasabay na pag-usbong ng hiyarkiyang panlipunan gayundin ang espesyalisasyon sa trabaho, kalakalan, digmaan, at ang pangangailangan ng pagsasagawa ng mga kolektibong aksyon tulad ng irigasyon ang nagbigay-daan upang umusbong ang mga lungsod na ito.[27] Nagbigay-daan naman ang pagkaimbento sa pagsusulat sa paglawak ng kaalamang kultural at literatura, gayundin ang pagtatala sa kasaysayan at ang pagsisimula ng agham at pananaliksik.[28]

Sa panahon ding ito napahusay ang mga pandayan, at nagpahintulot sa pagbububo at pagpapanday sa unang pagkakataon ang ginto, pilak, tanso, at tingga.[29] Pagsapit ng tinatayang 10,000 BKP, naging malinaw sa mga sinaunang lipunan ang kalidad ng mga kagamitang yari sa tanso kesa sa mga bato. Bagamat hindi karaniwang makikita ang purong tanso, laganap ang anyo nito sa mga batong mineral, na madaling nakukuha sa pamamagitan ng simpleng pagsunog gamit ang uling. Kalaunan, nadiskubre nila ang mga balahak tulad ng bronse at brasa bandang 4000 BKP. Unang ginamit naman ang mga balahak na bakal tulas ng asero noong bandang 1800 BKP.[30]

Sinauna

Thumb
Ang gulong na nakita sa Latian ng Ljubljana sa Eslobenya, ang pinakamatandang natuklasan sa kasalukuyan.

Matapos makontrol ng mga tao ang apoy, natuklasan din nila ang ibang mga anyo ng enerhiya. Pinakauna sa mga ito, ang enerhiyang galing sa hangin sa pamamagitan ng paggamit ng mga layag sa mga barko; tinatayang ginawa ang pinakamatandang halimbawa nito, isang bangkang ginamit sa Ilog Nilo, noong 7000 BKP.[31] Alam na ng mga nakatira sa paligid ng naturang ilog ang taunang pagbaha sa mga baybayin nito simula pa noong sinaunang panahon sa lugar, bilang irigasyon para sa kanilang mga pananim. Gumamit din sila kalaunan ng mga daanan ng tubig na sinadyang gawin upang maidirekta ang tubig nang mas maayos at mas mainam.[32] Samantala, gumawa naman ng sistema ng mga kanal ang mga nasa Sumer at Mesopotamia na umaagos patungo sa Ilog Eufrates at Tigris para din sa irigasyon.[33]

Itinuturing din bilang isa sa mga pinakamahahalagang imbensiyon ng tao, tinatayang magkahiwalay na naimbento ang gulong sa iba't ibang panig ng mundo sa halos pare-parehong panahon. Ayon sa mga ebidensiya sa arkeolohiya, naimbento ang gulong nang sabay sa gitnang Europa, Mesopotamia, at sa hilagang Kaukasyo sa pamamagitan ng kulturang Maykop, noong tinatayang 5500 BKP bilang pinakamaaga, hanggang 3300 BKP bilang pinakahuli, bagamat nagkakasundo ang marami sa 4000 BKP.[34][35] Tinatayang iginuhit ang mga pinakamatatandang depiksiyon ng mga karwaheng may gulong noong 3500 BKP.[36] Noong 2003, nahukay sa Latian ng Ljubljana sa Eslobenya ang pinakamatandang gulong sa kasalukuyan.[37]

Rebolusyonaryo sa kalakalan at pakikipagdigma ang pagkaimbento sa gulong. Mabilis na nadiskubre kalaunan na makakabuhat ng mga mas mabibigat na mga bagay ang mga karaheng nakagulong. Ginamit at posibleng naimbento rin sa Sumer ang gulong pampalayok (Ingles: potter's wheel);[38] nahukay sa lungsod ng Ur ang isang buong gulong pampalayok na tinatayang ginawa noong 3429 BKP, at meron ding mga mas matatandang piraso ng mga mas lumang gulong pampalayok sa parehong lugar.[39] Bagamat nakakagawa ito ng mga palayok nang maramihan at mabilisan, mas naging rebolusyonaryo ang paggamit ng gulong bilang paraan ng paggawa ng enerhiya, tulad ng mga mulino. Unang ginamit ang mga karwaheng may dalawang gulong sa Iran at Mesopotamia bandang 3000 BKP.[40]

Tinatayang ginawa noong 4000 BKP ang mga pinakamatatandang daanang gawa sa bato sa lungsod ng Ur, gayundin sa mga daanang gawa sa kahoy patungo sa mga latian ng Glastonbury sa Inglatera. Ang pinakamahabang daanan na nakita sa panahong ito ay ginawa noong 3500 BKP, at may habang aabot nang 2.4 kilometro mula sa Golpo ng Persia patungong Dagat Mediteraneo, bagamat hindi ito patag at bahagyang inayos lang. Bandang 2000 BKP, gumawa ang mga Minoano sa isla ng Creta ng isang 50 kilometrong daanan mula sa palasyo ng Gortyn sa katimugang bahagi ng isla patungo sa kabundukan hanggang sa palasyo ng Knossos sa hilaga. Di tulad ng naunang daanan, nakapatag ito.[41]

Thumb
Ang paagusan ng Pont du Gard sa Pransiya, isa sa mga pinakasikat na paagusan na ginawa ng mga Romano.

May tubig-gripo ang mga kabahayan ng mga Minoano. Halimbawa nito ang isang banyera sa palasyo ng Knossos na halos kapareho ng mga modernong iterasyon nito. Meron din silang mga kubeta na nabubuhusan ng tubig.[42] Meron ding ganito sa sinaunang Roma, lalo na sa kanilang mga pampublikong palikuran, na posible dahil sa matinding sistema ng mga imburnal. Pinakamahalaga sa mga ito ang Cloaca Maxima sa Roma, na unang itinayo noong ika-6 na siglo BKP at ginagamit pa rin magpahanggang ngayon.[43]

Kilala ang mga Romano sa kanilang sistema ng mga paagusan na itinayo sa iba't-ibang bahagi ng kanilang imperyo. Itinayo ang una sa mga ito noong 312 BKP, at nagtayo pa sila ng karagdagang sampu hanggang noong 226 KP. Sumatotal, nagtayo ang mga Romano ng mga paagusan na may kabuuang haba ng 450 kilometro, bagamat di tataas sa 70 kilometro lang ang nakaangat sa lupa at sinusuportahan ng mga tulay at arko.[44]

Premoderno

Nagpatuloy ang mga inobasyon pagsapit ng Gitnang Kapanahunan dahil sa produksiyon ng sutla sa Asya at kalaunan sa Europa. Pinagsama ang mga simpleng makina tulad ng dalawit, tornilyo, at kalo upang makagawa ng mga mas komplikadong makina, tulad ng karetilya, mulino, at orasan.[45] Sa panahon ding ito nagsimulang umusbong ang mga pamantasan sa Europa, tulad ng Unibersidad ng Oxford at Cambridge.[46]

Itinuturing bilang isa sa mga pinakamahahalagang imbensiyon ng tao, ang bersyon ng limbagan na ginawa ni Johannes Gutenberg sa Alemanya ang nagpabilis sa paggawa ng mga aklat sa Europa. Bagamat may mga naunang bersyon ng limbagan na naimbento sa Silangang Asya bago ito, ang imbensiyon ni Gutenberg ang itinuturong dahilan ng mga iskolar bilang ang nagpasimula sa pagkalat ng mga makabagong kaisipan sa kontinente at humantong sa Renasimiyento.[47]

Moderno

Thumb
Ang Ford Model T, ang kauna-unahang komersyal na kotse, unang lumabas noong 1908.

Nagsimula ang Rebolusyong Industriyal sa Reyno Unido, kung saan unang naimbento ang makinang pinasisingawan na nagpabilis sa trabaho sa maraming larangan kagaya ng metalurhiya, pagmimina, agrikultura, at pagmamanupaktura, gayundin sa pag-usbong ng mga unang pabrika.[48] Nadebelop sa panahong ito ang marami sa mga teknolohiyang may direktang epekto sa kasalukuyang panahon, kagaya ng imburnal, kuryente, bombilya, motor, riles, at kotse. Nagdulot ito ng malawak na pag-unlad sa mga larangan ng agham, lalo na sa medisina, kimika, pisika, at inhinyera.[49] Kasabay nito, lumawak ang mga lungsod, na humantong sa pagtatayo sa mga pinakaunang mga skyscraper.[50] Sentro rin sa panahong ito ang pag-unlad ng komunikasyon sa malalayong lugar, tulad ng telegrapo, telepono, radyo, at telebisyon.[51]

Thumb
Mga kompyuter na desktop sa isang laboratoryo.

Lalo pang bumilis ang paglago ng teknolohiya pagsapit ng ika-20 siglo. Sa pisika, ang pagtuklas sa pisyong nukleyar ang nagpasimula sa Panahong Atomiko at ang pag-imbento sa mga sandata at lakas nukleyar. Pinabilis ng kompyuter ang pagproseso sa mga datos. Bagamat sa simula ay hadlang ang laki na inookupa ng mga pinakaunang kompyuter tulad ng ENIAC dahil sa mga tubong basyo (Ingles: vacuum tubes), ang pag-unlad ng agham ng pisikang kwantum ang nagpahintulot upang maibento ang mga transistor simula noong 1947 at nnagpaliit sa mga kompyuter upang magamit ng masa Samantala, lalo pang napabilis ang pangmaalayuang komunikasyon sa tulong ng fiber optics, na kalaunan ay nagresulta sa pagsisimula ng Panahon ng Impormasyon at ang internet. Nagsimula naman ang Panahon ng Kalawakan sa paglunsad ng Sputnik 1 ng Unyong Sobyet noong 1957 at sa kaakibat nitong karera sa pagitan ng Unyong Sobyet at Estados Unidos, at sa mga misyong may tauhan sa orbit ng Daigdig at paglapag sa Buwan kalaunan na ginawa ng misyong Apollo ng Estados Unidos sa sumunod na dekada. Nagkaroon din ng mga estasyong pangkalawakan tulad ng Mir noong 1986 hanggang 2001, ISS noong 1998, at gayundin sa Tiangong ng Tsina noong 2021. Nagsimula rin ang paghahanap sa mga senyales ng buhay sa labas ng Daigdig, partikular na ang SETI, na gumagamit ng mga teleskopyong de-radyo upang maghanap ng mga ganitong senyales sa mga malalayong bituin. Samantala, sa medisina, nagkaroon din ng mga bagong teknolohiya para sa pagsusuri (tulad ng CT, PET, at MRI scan), pagtrato (tulad ng makinang pang-dialysis, defibrillator, pacemaker, at mga bagong gamot at bakuna), at pananaliksik (tulad ng pagko-clone ng interferon at sa mga DNA microarray).[52]

Remove ads

Epekto

Lipunan

Trabaho

Teknolohiya ang pinakamalaking sanhi ng pag-unlad ng ekonomiya sa paglipas ng panahon.[53] Pinalaki nito ang produkto na nagagawa ng mga tao. Naghatid ito ng otomasyon lalo na sa mga paulit-ulit na gawain, at bagamat pinalitan nito ang ilang mga trabaho, nagresulta rin ito sa pagdami ng mga trabahong may matataas na suweldo.[54] Ayon sa mga pag-aaral, hindi ganong katindi ang kawalang-trabaho dulot ng mga kompyuter.[55] Gayunpaman, hindi sigurado ang mga eksperto kung ganito rin ang kaso sa artipisyal na katalinuhan (AI), na umarangkada sa dekada 2020s. Dahil bago pa ang teknolohiyang ito, pinagdedebatehan ng mga ekonomista ang tunay na epekto nito sa mga trabaho ng tao. Noong 2017, walang nakuhang konsensus sa isang sarbey sa mga ekonomista ukol sa kawalang-trabahong dulot ng AI sa hinaharap.[56] Ayon sa isang ulat noong 2020 ng World Economic Forum, inaasahang papalitan ng AI ang 85 milyong trabaho pagsapit ng 2025, bagamat inaasahan din itong gagawa ng 97 milyong trabaho sa parehong panahon.[57]

Seguridad

Kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya, nagsimula rin ang pag-aalala sa pagkapribado at seguridad ng mga gumagamit nito. Maraming tao ang nagbabayad ngayon online, kagaya sa Gcash at Maya sa Pilipinas, gayundin sa PayPal at Alipay sa pandaigdigan. Bagamat may seguridad ang mga ito, napapasok pa rin ito ng mga kriminal.[58] Halimbawa, ginamit ng mga hacker mula sa Hilagang Korea ang mixer na Blender.io upang itago ang kanilang mga transaksyon sa kripto, na nagkakahalaga nang $20.5 milyon, mula sa larong Axie Infinity, at nakanakaw nang di bababa sa $600 milyon mula sa mga may-ari ng naturang laro. Dahil dito, pinarusahan ng Kagawaran ng Pananalapi ng Estados Unidos ang Blender.io, ang kauna-unahang aksyon laban sa isang mixer, upang mapigilan ang mga ganitong gawain.[59] Kinukuwestiyon din ang pagkapribado ng mga kripto, gayundin sa transparency at pagkamatatag nito.[58]

Kalikasan

Gumagawa ng parehong positibo at negatibong epekto sa kalikasan ang teknolohiya. Madalas, teknolohiya rin ang gagawa ng paraan upang mapababa ang epekto nito sa kalikasan na siyang gumagawa rin nito. Halimbawa, sinasagot ng mga makabagong teknolohiya ang pagbawas sa polusyon na ginawa rin ng ibang teknolohiya.[60] Sa pag-usad ng teknolohiya, tumataas din ang paglabas ng mga gas na greenhouse, tulad ng metano at karbong dioksido.[61] Gayunpaman, ganito ang resulta ng teknolohiya simula pa noon; halimbawa ang paggamit ng Imperyong Inca ng mga nakakalasong kemikal sa pagpapanday, na lumalabas sa himpapawid gayundin sa mga ilog.[62]

Remove ads

Pilosopiya

Pilosopiya ng teknolohiya ang sangay ng pilosopiya na nakatuon sa pag-aaral sa "gawain ng pagdidisenyo at paggawa sa mga artepakto" at ang "kalikasan ng paggawa sa mga bagay-bagay". Naging disiplina ito noon lamang dalawang siglo ang nakaraan, at lumawak pa nang husto pagsapit ng dekada 1970s. Sentro din sa pag-aaral ang kahulugan ng pilosopiya at ang epekto nito sa lipunan at kultura.[63][64]

Unang tiningnan ng mga pilosopo ang teknolohiya bilang ekstensiyon ng tao na ginagaya o pinapahusay ang kakayahang pisikal o mental nito.[65] Ayon kay Karl Marx, teknolohiya ang kagamitan ginagamit ng mga kapitalista upang abusuhin ang proletaryo, bagamat naniniwala rin siya na isa itong puwersa na magpapalaya sa huli sa mga tao matapos nitong malinisan ng mga deporma ng lipunan. Nagpokus naman ang mga pilosopong tulad ni José Ortega mula sa ekonomika at politika papunta sa "pang-araw-araw na pamumuhay sa kulturang teknomateryal", at nagsasabi na maaari ding maapektuhan ng teknolohiya ang mga burgis "na siyang kumokontrol sa mga ito". Samantala, lumayo naman ang mga pilosopong tulad nina Don Ihde at Albert Borgmann mula sa pananaw na ito, at nagpokus sa empirisismo ng teknolohiya, at kinonsidera kung paano dapat mamuhay ang mga tao kasama ng teknolohiya.[64]

Sumesentro sa dalawang pangunahing argumento ang mga pinakaunang pag-aaral sa teknolohiya: determinismong teknolohikal at konstruksiyong panlipunan. Ayon sa determinismong teknolohikal, hindi maiiwasan ang pagbabago sa lipunan na hatid ng teknolohiya. Kaugnay sa ideyang ito ang otonomiyang teknolohikal, na nagsasabi na may sinusunod na likas na progreso ang teknolohiya na hindi kailanman mapipigilan. Samantala, salungat naman ang konstruksiyon panlipunan, na nagsasabing walang sinusunod na progreso ang teknolohiya, at nakadepende lang ito sa kultura, batas, politika, at insentibo sa ekonomiya. Sa modernong panahon, pinag-aaralan ng mga pilosopo ang mga sistemang sosyoteknikal, mga pagsasama ng tao, bagay, gawain, at kahulugan, at sinusuri ang mga halaga ng desisyon na nagdidikta sa magiging takbo ng teknolohiya.[66]

Inihiwalay naman ng kritikong si Neil Postman ang mga lipunang gumagamit ng kagamitan mula sa mga lipunang teknolohikal at mula sa aniya'y mga "teknopolyo" (Ingles: technopoly), lipunan na mas kumikiling sa ideolohiya ng progreso sa agham at teknolohiya kesa sa mga nakagawian, paniniwala, at pananaw sa mundo ng kultura.[67] Ayon naman kina Herbert Marcuse at John Zerzan, mauuwi kalaunan ang isang lipunang teknolohikal sa pagkasira ng kalayaan at kalusugang sikolohikal.[68]

Remove ads

Etika

Pinag-aaralan sa etika ng teknolohiya ang implikasyon ng teknolohiya sa lipunan, mabuti man o masama. Isa itong malawak na sangay ng etika na may layunin na tumingin ng mga paraan para mapababa ang mga masasamang epekto ng teknolohiya sa sangkatauhan.[69] Kabilang sa mga debate sa larangan ang etika ng paggamit sa mga organismong henetikong binago (GMO), ang paggamit sa mga sundalong robot, kiling ng algoritmo, at ang isyu ng pag-ayon sa AI ayon sa kagustuhan ng mga gumawa nito.[70] Marami rin itong sangay, tulad ng bioetika, ang etika sa mga teknolohiyang bunga ng bioteknolohiya, siberetika, ang etika ng mga gawain sa internet, at nanoetika, ang etika ng paggamit sa mga teknolohiyang bunga ng nanoteknolohiya.[71]

Remove ads

Hinaharap

Saklaw ng araling panghinaharap ang pag-aaral sa mga posibleng tahakin na hinaharap ng sangkatauhan base sa mga nagaganap sa kasalukuyan. Gumagamit ang mga mananaliksik ng mga pagsusuring kwalitatibo at kwantitatibo sa mga nakaraan at kasalukuyang pangyayari upang makagawa ng mga hinuha patungkol sa posibleng hinaharap, lalo na sa teknolohiya. Inspirasyon sa larangang ito ang dyanrang scifi.[72]

Banta

Sinusuri ng mga mananaliksik ang banta ng pagkaubos ng sangkatauhan sa hinaharap dahil sa isang pandaigdigang sakuna upang maagapan o mapigilan ito nang maaga.[73] Malaki ang gampanin ng teknolohiya sa bantang ito, mabuti man o masama.[74] Ayon sa pilosopong si Nick Bostrom noong 2019, nasa isang delikadong mundo ang mga tao kung saan siguradong may uusbong na teknolohiya na makakasira sa mga sibilisasyon, tulad halimbawa ng isang pandemyang sinadyang gawin ng mga bioterorista, o paunahan sa mga makabagong armas at ang pagtakwil sa doktrina ng parehong pagkasira (MAD).[75]

Papausbong na teknolohiya

Tinatawag na mga papausbong na teknolohiya ang mga makabagong teknolohiya na hindi pa naisasakatuparan nang buo at eksperimental pa lang sa kasalukuyan. Kabilang sa mga ito ang nanoteknolohiya, robotika, at AI.

Ayon kay Ray Kurzweil noong 2005, magsisimula ang susunod na rebolusyon sa teknolohiya sa henetika, nanoteknolohiya, at lalo na sa robotika, na inaasahan niyang pinakamalaking aambag sa rebolusyon ito.[76] Magagawa ng mga tao sa tulong ng inhinyerang henetiko na manduhan ang direksiyon ng ebolusyon ng tao, sa prosesong tinatawag na direktang ebolusyon. Gayunpaman, hindi pabor ang ilang mga eksperto patungkol rito, lalo na sa isyu ng etika at ang pagkilala sa sarili.[77] Sa nanoteknolohiya naman, magagawa naman ng mga tao na manipulahin ang pundamental na istraktura ng mga bagay-bagay hanggang sa antas ng molekula at maging atomiko.[78] Inaasahan na may malaking gamit sa medisina ang mga nanobot, lalo na sa pagsugpo sa mga sakit na mahirap malabanan tulad ng kanser, at maaari ding makagawa ng bagong organo.[79] Samantala, magagamit naman ang mga nagkukusang robot (Ingles: autonomous robot) sa mga sitwasyong delikado sa buhay ng mga tao, tulad ng pagsira sa mga pampasabog, digmaan, at maging sa search and rescue.[80]

Bagamat may mga nagagamit na'ng mga AI sa kasalukuyan, hindi pa umaabot ang mga ito sa antas ng pangkalahatang artipisyal na katalinuhan (AGI), isang AI na kayang gawin ang kahit anong gawaing iutos. Hati an opinyon ang mga eksperto ukol sa kung kailan mararating ng mga AI ito, pero noong 2018, inaasahan na mas mura ang paggamit ng AI sa mga gawain kesa sa mga tao pagsapit ng 2063, at otomasyon sa lahat ng mga trabaho ng tao pagsapit ng 2140.[81]

Remove ads

Kilusan

Umusbong ang iba't-ibang mga pananaw sa paggamit sa teknolohiya pagsapit ng pag-arangkada ng Rebolusyong Industriyal. Sa Reyno Unido, lumitaw ang kilusang Ludismo, na kumokontra sa paggamit ng teknolohiya sa paghahabi.[82] Samantala, kasabay ng kontrakultura na unang umusbong sa Estados Unidos, nagsimula ring dumami ang mga ayaw sa modernong pamumuhay sa mga lungsod at nanawagan ng naaayon o limitadong paggamit ng teknolohiya. Noong sumunod na dekada, nagsagawa ng isang serye ng mga pambobomba ang Amerikanong teroristang si Ted Kaczynski, kilala rin sa taguri niyang "Unabomber", bilang pagkontra sa labis na paggamit ng teknolohiya ng mga tao, na isinulat niya sa isang sanaysay, Lipunang Industriyal at ang Hinaharap Nito.[83][b]

Sa kabilang banda, tinitingnan din ang teknolohiya bilang isang puwersa na magreresulta sa isang utopia, isang lipunan na itinuturing na perpekto kung saan lahat ng layaw ay natutugunan. Ayon sa pananaw na ito, mabuti ang teknolohiya, na maghahatid ng ekonomiyang walang kakapusan at magpapahaba sa buhay ng tao, bukod pa ibang mga mithiin ng sangkatauhan. Kabilang sa mga kilusang nasa ilalim nito ang transhumanismo at singularitaryanismo.[84]

Remove ads

Sa ibang mga hayop

Thumb
Isang gorilya na gumagamit ng sanga upang sukatin ang kanyang dinadaanang tubig.

Bukod sa mga tao, gumagamit din ng kagamitan ang ilang mga espesye ng hayop. Inakala noon ng mga siyentipiko na natatangi ang paggamit ng kagamitan sa mga Homo, ang henus ng modernong tao;[85] nakontra ang pananaw na ito nang madiskubre na gumagamit din ng mga kagamitan ang ilang klase ng mga unggoy, chimpanzee, at ibang mga primates gayundin sa mga lumba-lumba at uwak.[86][87][88] Halimbawa, napatunayan sa pananaliksik na gumagamit ang mga chimpanzee ng mga kagamitan sa pangongolekta at sanga upang tusukin ang mga punso ng mga anay.[89] Gumagamit naman ang mga Pan troglodytes verus (kanlurang chimpanzee) at mga Cebinae ng mga batong pamukpok upang magbukas ng mga nuwes.[90][91] Samantala, gumagawa naman ng mga dam ang mga kastor, na may malaking epekto sa mga lokal na ekosistema sa mga ilog at sapa na binabahayan nito.[92]

Remove ads

Sentrong paksa sa scifi ang pagtalakay sa relasyon ng tao sa teknolohiya, mabuti man o masama. Madalas itong nagkukuwento sa teknolohiya ng hinaharap, o di kaya'y isang pantasya na ipinapaliwanag ng mga konsepto sa agham. Ilan sa mga sikat na mga literaturang scifi ay ang Frankenstein (1818) ni Mary Shelley, Twenty Thousand Leagues Under the Sea (1870) ni Jules Verne, The War of the Worlds (1898) ni H.G. Wells, at Dune (1965) ni Frank Herbert. Samantala, isa rin dyanra sa pelikula at animasyon ang scifi; ilan sa mga sikat na halimbawa ang Star Wars at Star Trek.

Tingnan din

Talababa

  1. ibang katawagan: aghímuan[1]
  2. Ingles: Industrial Society and Its Future

Sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads