Kalusugan

Kondisyon ng katawan na walang karamdaman o pinsala From Wikipedia, the free encyclopedia

Kalusugan
Remove ads

Kalusúgan ang kondisyon ng katawan na walang karamdaman o pinsala. Marami itong kahulugan na ginamit sa paglipas ng panahon. Sa popular na konteksto, tumutukoy ito sa pangkalahatang katayuan ng pisikal at pangkaisipang kagalingan ng isang indibidwal, tipikal na inilalarawan bilang walang karamdaman, sakit (kabilang sa isip), o pinsala sa katawan (halimbawa, pagiging lumpo o bulag).

Thumb
Rinerekomenda ng mga doktor ang regular na ehersisyo upang mapanatili ang isang maayos na kalusugan.

Kinokonsiderang maayos ang kalusugan ng isang indibidwal kung nagsasagawa ito ng mga malulusog na gawain, tulad ng regular na ehersisyo at angkop na haba ng tulog, gayundin sa pagbawas o pag-iwas sa mga kinokonsiderang nakakasama sa kalusugan tulad ng paninigarilyo o matinding stress. Madalas na personal na desisyon ang mga bagay na nakakasama sa kalusugan, tulad ng pagsasagawa ng mga gawaing delikado, o di kaya'y dahil sa sistema ng lipunan, na maaaring makaapekto sa pagkuha ng naangkop na serbisyong medikal ng mga taong nangangailangan nito. Gayunpaman, may mga sitwasyon na wala sa kontrol ng indibidwal, tulad halimbawa ng mga sakit na namamana.

Remove ads

Etimolohiya

"Kalusugan" ang basal na anyo ng pangngalang "lusog", na tumutukoy sa isang maayos na pangangatawan o kaunlaran.[1] Sa wikang Espanyol nagmula ang salitang "sanidad", na mas ginagamit sa wikang Tagalog upang tumukoy sa kalinisan o sanitasyon.[2] Mas ginagamit ang salitang ito sa konteksto ng kalusugang pang-isipan upang tumukoy sa antas ng pag-iisip ng tao,[3] bagamat nagmula ito sa wikang Ingles na sanity bilang isang kaso ng pekeng hiram mula wikang Espanyol.

Nagmula rin sa wikang Espanyol ang salitang "salud", bagamat madalang magamit ito sa ganitong konteksto kumpara sa "kalusugan".[4] Gayunpaman, isa sa mga deribatibo nito mula sa wikang Kastila ang pumasok din sa bokabularyong Tagalog at mas madalas ginagamit kumpara dito, "saludo", na nangangahulugang "magpugay" o "pagpupugay" lalo na sa kontekstong pangmilitar.[5]

Remove ads

Kahulugan

Kalusugan ang estado ng kumpletong pisikal, mental, at panlipunang kagalingan at hindi lamang ang kawalan ng sakit o kahinaan.[a]

"Constitution" [Konstitusyon]. Pandaigdigang Organisasyon ng Kalusugan (sa wikang Ingles). Nakuha noong 20 Enero 2025.

Pabago-bago ang kahulugan ng kalusugan sa paglipas ng panahon. Upang umayon sa pananaw ng medisina, nakatuon ang mga unang kahulugan ng kalusugan sa kakayahan ng katawan na gumana nang maayos; tinitingnan ang kalusugan bilang ang estado ng katawan sa normal nitong kaanyuan na nasisira paminsan-minsan dahil sa mga sakit.[6] Noong 1948, binigyang-kahulugan ng Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan (WHO) ang kalusugan sa konstitusyon nito upang isama ang kagalingan at hindi lamang ang kawalan ng sakit o kahinaan.[7] Bagamat marami ang sumasang-ayon sa kahulugang ito, marami rin ang kritikal dito dahil pagiging malabo ng kahulugan na hindi masusukat.[8] Dahil dito, noong 1984, binago muli ng WHO ang kahulugan upang bigyang-diin ang kakayahan ng katawan na lumaban. Sa ganitong pananaw, tinitingnan ang kalusugan bilang ang kakayahan ng katawan na panatilihin ang homeostatis at makarekober mula sa mga masasamang elemento, kabilang ang mga nagpapa-stress at ang paggawa ng mga relasyon sa iba.[8]

Remove ads

Pantukoy

Ayon sa WHO, kapaligirang panlipunan, ekonomikal, at pisikal ang ilan sa mga pangunahing pantukoy ng kalusugan ng isang tao, gayundin ang kaugalian at katangian nito.[9] Karaniwang inililista ng mga eksperto bilang mga karagdagang pantukoy ang mga sumusunod: edukasyon at literasiya, trabaho, kita at katayuan sa lipunan, suporta mula sa iba, biolohiya at henetika, kultura, kasarian, serbisyong pangkalusugan, maayos na pagpapalaki, at mga personal na gawain at paraan upang kayanin ang mga problema.[9][10]

Sentro ng mga pag-aaral sa kasalukuyang panahon ang pagsusuri sa kinalaman ng kasulugan ng mga tao sa iba't-ibang mga salik na nakakaapekto sa kanya. Ginagamit ang mga resulta ng pag-aaral na ito upang gumawa ng mga polisiyang pangkalusugan, tulad halimbawa ng paglalagay ng buwis sa mga bisyo (sin tax) tulad ng sa sigarilyo, alak, at sa mga pagkaing may asukal upang labanan ang labis na katabaan.[11] Ayon sa isang ulat noong 1974 sa Canada, may tatlong kategorya ang mga pantukoy na ito:[10]

  • Biomedikal – mga bagay na direktang nangyayari sa katawan ng tao mismo, kabilang ang henetika, isip, at pisikal na katayuan.
  • Kapaligiran – mga bagay na nakakaapekto sa kalusugan ng tao na nagmula sa kalikasan o kapaligiran nito kung saan malimit na halos walang kontrol ang tao mismo, tulad halimbawa ng mga sakuna.
  • Pamumuhay – mga bagay na resulta ng pamumuhay ng tao, tulad halimbawa ng mga personal na desisyon niya ukol sa kanyang kakainin o gagawin, kung saan siya ang may kumpletong kontrol dito.

Nakakamit ang maayos na kalusugan sa pamamagitan ng pagbabalanse sa kagalingang pisikal, pang-isipan, at panlipunan ng isang tao, kilala rin sa tawag na tatsulok ng kalusugan.[12] Ilan sa mga rinerekomendang gawin upang mapanatili ang balanseng ito ay ang regular na ehersisyo, sapat na tulog, pagpunta sa kalikasan, maayos na timbang, paglimita sa iniinom na alak, at pag-iwas sa paninigarilyo. Maaaring makakuha pa rin ng sakit ang mga taong malulusog; hindi porket may sakit ang isang tao ay hindi na agad siya malusog dahil isang bahagi lamang ng tatsulok ang naaapektuhan nito.[13]

Thumb
Maayos na kapaligiran at ang pagkakaroon ng komunidad ang ilan sa mga tinutukoy na pantukoy ng maayos na kalusugan.

Isa rin sa mga tinutukoy na pangunahing pantukoy ng kalusugan ang kapaligiran nito, kabilang na ang likas na kapaligiran, itinayong kapaligiran, panlipunang kapaligiran.[9] Natuklasan din na mga salik sa isang maayos na kalusugan ang pagkakaroon ng malinis na hangin at tubig, gayundin ang maayos na tahanan at ligtas na komunidad at kalsada.[14] Ayon sa ilang pag-aaral, may kaugnayan ang kawalan ng kapitbahay sa masamang kalusugan at kagalingan. Bukod dito, may kaugnayan din ang pagkakaroon ng oras sa kalikasan sa isang maayos na kalusugang iniuulat.[15]

May malaking kinalaman ang henetika ng tao sa kalusugan nito. Halimbawa, may mga partikular na sakit na namamana mula sa magulang papunta sa anak (mas mataas ang tiyansa kesa sa iba). Bukod dito, nakadepende rin ang kalusugan sa pamumuhay ng tao na maaaring maimpluwensyahan mula sa kanyang pamilya o kasama.[16]

Remove ads

Kalusugang pang-isipan

Kalusugang pang-isipan ang kalusugan na nakatuon sa isipan. Inilarawan ito ng WHO bilang ang "estado ng kagalingan kung saan nagagawa ng indibidwal ang gusto niya, nakakaya ang stress sa buhay, maging produktibo, at makapag-ambag sa kanyang komunidad."[17] Sakit sa pag-iisip ang ispektrum ng mga kondisyong kognitibo, emosyonal, at pang-ugali na nakakaapekto sa kagalingang panlipunan at emosyon gayundin sa pagiging produktibo ng isang tao.[18] Tinatayang nasa 20% ng mga matatanda sa Estados Unidos ang maaaring nagtataglay ng sakit sa pag-iisip. Ito ang nangungunang sanhi ng pagkakaroon ng disabilidad sa Estados Unidos at Canada. Ilan sa mga halimbawa ng sakit sa pag-iisip ay ang schizophrenia, ADHD, sakit na bipolar, PTSD, at autismo.[19]

Remove ads

Pagpapanatili

Diyeta

Thumb
Piramide ng pagkain na inilathala ng Kagawaran ng Agrikultura ng Estados Unidos.

Isa sa mga mahahalagang paraan para mapanatili ang maayos na kalusugan ay sa pamamagitan ng malusog na diyeta. Kabilang sa diyeta ang pagkain ng mga pagkaing mula sa halaman at hayop na nakakapagbigay ng nutrient sa katawan.[20] Binibigay ng mga nutrient na ito ang enerhiyang kinakailangan ng katawan upang patuloy itong gumana. Ilan sa mga ginagawa nito ang pagpapatibay ng mga buto, kalamnan, at litid, gayundin sa pagpapanatili sa mga mahahalagang proseso ng katawan. Mahalaga ang tubig sa katawan. Kinakain ang mga makronutrient nang maramihan, na kinabibilangan ng protina, karbohidrata, at taba. Sa kabilang banda, kinakain naman ang mga mikronutrient nang mas konti, at kinabibilangan ng mga bitamina at mineral.[21] Ginagamit ang piramide ng pagkain upang ipakita ang dami ng dapat kainin ng isang tao para sa bawat grupo ng pagkain, kung saan mas konti ang nasa tuktok at mas marami ang nasa baba. Mapapababa ng maayos at tamang desisyon sa pagkain ang tiyansa ng pagkakaroon ng ilang uri ng kanser, at makakatulong din ito sa pagpapanatili ng timbang na maituturing na malusog.[22]

Ehersisyo

Pinapalakas o pinapanatili ng ehersisyong pangkatawan ang angkop na pangangatawan at kabuuang kalusugan at kagalingan ng isang tao. Pinapalakas nito ang mga buto at kalamnan at pinapahusay ang sistemang sirkulatoryo. Ayon sa Pambansang Instituto ng Kalusugan ng Estados Unidos, may apat na uri ng ehersisyo: pampatagalan, pampalakas, pampabanat, at pambalanse.[23] Ayon naman sa CDC, napapababa ng regular na ehersisyo ang banta ng sakit sa puso, kanser, diyabetes, altapresyon, labis na katabaan, depresyon, at pagkabalisa.[24]

Tulog

Karagdagang impormasyon Edad, Oras ng tulog ...

Mahalaga ang tulog sa pagpapanatili ng kalusugan, lalo na sa mga bata para sa maayos na paglaki nito. Naiuugnay ang kawalan ng tulog sa pagtaas ng tiyansa sa ilang mga problema sa kalusugan, at pagbagal sa pagrekober sa mga sakit. Ayon sa isang pag-aaral, napag-alaman na apat na beses na mas mataas ang tiyansang magkalagnat ang mga taong kulang sa tulog (tulog na anim na oras o mas mababa) kumpara sa mga taong sapat ang tulog.[26] Dahil sa gampanin ng tulog sa metabolismo, maaari rin itong humantong sa pagtaba at kumontra sa balak na pagpapayat ng tao. Noong 2007, inihayag ng Pandaigdigang Ahensiya para sa Pananaliksik sa Kanser, ang ahensiyang nakatuon sa kanser ng WHO, na maaaring humantong din sa kanser ang kakulangan sa tulog, at nagpaalala kontra sa mga pangmatagalang trabahong panggabi.[27]

Pangangalaga sa sarili

Bahagyang nakadepende ang personal na kalusugan sa aktibo, di-aktibo, at tinutulungan na mga gawain na nakikita ng mga tao sa iba na kanyang ginagawa sa kanyang sarili. Kabilang dito ang mga personal na gawain para sa pagpigil o pagpapalagnaw sa mga epekto ng isang sakit, madalas mga talamak na sakit, sa pamamagitan ng pangangalagang integratibo. Kasama rin dito ang personal na kalinisan upang maiwasan ang impeksiyon o sakit, tulad ng pagligo at paghuhugas ng kamay gamit sabon, pagsesepilyo, at iba pa.

Bukod sa mga ito, nakadepende rin ang personal na kalusugan sa nakakasama ng isang indibidwal. Naiuugnay sa isang maayos na kalusugang pang-isipan ang pagpapanatili ng mga matitibay na relasyon sa iba, pagtulong, at iba pang mga gawaing panlipunan. Ayon sa isang pag-aaral sa Estados Unidos sa mga matatandang edad 70 pataas, napag-alaman na nakakatulong upang humaba ang buhay ang regular na pagboboluntaryo, mapaanuman ang kalagayan ng kanyang katawan.[28] Ayon naman sa isang pag-aaral sa Singapura, napag-alaman naman na mas matalas ang isipan ng mga retirado at mas masaya sa buhay sa pangkalahatan.[29]

Remove ads

Trabaho

Kaakibat ng mga trabaho ang panganib at banta ng mga sakit, karamdaman, at iba pang mga problema sa kalusugan na maaaring magtagal. Ilan sa mga karaniwang sakit sa trabaho ang iba't ibang mga anyo ng pneumoconiosis, gayundin ang hika. Karaniwan din ang mga sakit sa balat, tulad ng hadhad, sunog na balat, at kanser sa balat.

Tingnan din

Talababa

  1. Orihinal na sipi: Health is a state of complete physical, mental and social well-being and not merely the absence of disease or infirmity.

Sanggunian

Loading related searches...

Wikiwand - on

Seamless Wikipedia browsing. On steroids.

Remove ads