Relihiyon
sistemang sosyokultural ng mga paniniwala at pananaw From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Relihiyón ang sosyokultural na sistema ng mga paniniwala at pananaw sa mundo, kabilang na ang inaasahang pag-uugali, moralidad, at etika, na madalas nag-uugnay sa sangkatauhan sa mga pangyayaring supernatural, transendental, o espirituwal.[1] Walang napagkakasunduan na kahulugan ng relihiyon,[2] at maaaring nagtataglay ang mga ito ng mga elementong tulad ng banal,[3] sagrado,[4] pananampalataya,[5] at diyos o mga diyos o katulad na sinasamba.[6]

Tulad ng kahulugan nito, wala ring napagkakasunduan na pinagmulan ng relihiyon. Ipinagpapalagay na umusbong ang mga ito upang bigyang-diin sa mga indibidwal ang kanyang kamatayan, silbi sa lipunan, at mga panaginip.[7] Ang bawat relihiyon ay may mga itinuturing na bagay na banal, tulad ng kasaysayan, naratibo, at mitolohiya, na nakapreserba sa pamamagitan ng pasalitang tradisyon, sagradong teksto, mga simbolo, at mga banal na lugar, at nagpapaliwanag sa pinagmulan ng buhay at ng sansinukob, bukod sa ibang mga penomena. Nagsasagawa rin ang mga ito ng mga ritwal, sermon, pag-alala o paggunita (sa mga diyos o santo), sakripisyo, pista, pagdiriwang, pagsali, kasal, pagluksa, meditasyon, dasal, musika, sining, sayaw, o serbisyong pampubliko.
Tinatayang nasa 10,000 relihiyon ang kasalukuyang meron sa mundo,[8] bagamat marami sa mga ito ay nakatuon lang sa kani-kanilang mga lugar. Apat sa mga ito — Kristiyanismo, Islam, Hinduismo, at Budismo — ay sinusunod ng 77% ng kabuuang populasyon ng tao ayon sa isang ulat noong 2012; kung isasama ang mga di-relihiyoso, aabot ito sa 92%.[9] Ibig sabihin, ang natitirang 8% ng populasyon ng tao ay kabilang sa isa sa di bababa sa 9,000 relihiyong natitira. Itinuturing na di-relihiyoso ang mga tao na walang kinabibilangang relihiyon, ateista, o agnostiko, bagamat iba't iba ang antas ng paniniwala ng mga ito.[10]
Organisado ang karamihan sa mga pandaigdigang relihiyon, kabilang na ang mga Abrahamikong relihiyon (Kristiyanismo, Islam, at Hudaismo), habang ang ilan ay hindi gaanong kaorganisado, tulad ng mga tradisyonal at katutubong relihiyon, gayundin sa ilang mga Silanganging relihiyon. May mahalagang bahagdan ng populasyon na miyembro ng mga bagong kilusang panrelihiyon.[11] Sa kasalukuyang panahon, patuloy na dumadami ang mga relihiyoso dahil sa pagtaas ng populasyon sa mga bansang relihiyoso.[12]
Malawak ang saklaw ng araling panrelihiyon, na kinabibilangan ng teolohiya, pilosopiya ng relihiyon, pagkukumpara sa relihiyon, at mga maagham na pag-aaral sa sosyolohiya. Samantala, sinusubukang masagot ng mga teorya ng relihiyon ang pinagmulan at pundasyong ontolohikal ng mga relihiyon, tulad ng pananampalataya at ang silbi ng pag-iral.[13]
Remove ads
Etimolohiya
Nagmula ang salitang "relihiyon" mula sa salitang Espanyol na religión.[14] May kaugnayan ang salitang ito sa salitang Ingles na religion, at parehong nagmula sa salitang Latin na religiō.[15] Orihinal na may kahulugan ito na "respeto at pagkilala sa mga sagrado at diyos".[16] Ayon sa Romanong pilosopo na si Cicero, nagmula ang religiō sa relegere, literal na "muling basahin o ikonsidera". Gayunpaman, taliwas ito sa mga teorya ng mga modernong iskolar tulad nina Tom Harpur at Joseph Campbell na nagsabi na nagmula ang religiō mula sa religare, literal na "muling ikonekta". Ang etimolohiyang ito ay pinasikat ni San Agustin base sa interpretasyon na ginawa ni Lactancio sa kanyang Institutiones Divinae.[17] Ginamit rin ang salitang ito bilang kasingkahulugan ng orden noong Gitnang Kapanahunan.[18]
Remove ads
Kasaysayan
Modernong konsepto ang relihiyon.[19] Bagamat matagal na'ng may relihiyon, naisulat lamang ito bilang konsepto matapos ng paghati ng Kristiyanismo bunga ng Repormasyon at ang pagsisimula ng Panahon ng Paglalakbay sa Europa, na nagpakilala sa mga Europeo sa mga wika at kulturang labas sa kanilang kontinente.[20] May ilang iskolar na nagpapanukala na wag gamitin ang termino sa mga kulturang hindi Kanluranin,[21] at meron din ilang mga pinuno ng mga pananampalataya na hayagang kumokontra sa paggamit sa naturang salita upang mailarawan ang kanilang paniniwala.[22]
Ang konsepto ng isang "sinaunang relihiyon" ay mula sa mga modernong interpretasyon na sumusunod sa modernong kahulugan ng relihiyon, na naimpluwensyahan ng mga diskurso sa Kristiyanismo.[23] Nabuo lamang ang konsepto noong ika-16 at ika-17 siglo;[2] yan ay kahit na walang pagbanggit man lang sa konsepto o katulad ang makikita sa mga banal na kasulatan tulad ng Bibliya, Koran, o Torah.[2] Halimbawa, walang katumbas na salita ang makikita sa wikang Ebreo para sa relihiyon. Sa Hudaismo, ang pagkakakilanlan ng pagiging Hudyo ay hindi nakabase sa relihiyon, bansa, lahi, o lipi.[24] Isa sa mga konsepto nito ang halakha (sinasalin bilang "batas"), isang gabay sa tamang pamumuhay na nakaayon sa kanilang paniniwala.[25] Bagamat makikita ang mga paniniwala at tradisyon ng Hudaismo sa sinaunang panahon, tinitingnan ng mga sinaunang Hudyo ang pagkakakilanlan nila batay sa lahi, hindi ang sistema ng mga ritwal at paniniwala na kaakibat sa modernong relihiyon.[26] Noong unang siglo KP, ginamit ng historyador na si Josephus ang salitang Griyego na ioudaismos para sa Hudaismo sa kahulugang etniko nito.[2] Ang konsepto ng Hudaismo bilang isang relihiyon ay nagmula sa Simbahang Kristiyano,[27] bagamat nagsimulang ituring rin ng mga Hudyo mismo ang kanilang katutubong kultura bilang relihiyon simula noong ika-19 na siglo.[26] Samantala, makikita naman ang salitang Griyego na threskeia sa mga sanaysay ng mga Griyegong manunulat tulad ni Herodotus gayundin sa Bagong Tipan ng Bibliya. Bagamat isinasalin ngayon ang naturang salitang ito bilang "relihiyon", isinalin ito bilang "pagsamba" noong Gitnang Kapanahunan. Sa Koran naman, sinasalin bilang "relihiyon" sa modernong panahon ang salitang Arabo na din, bagamat isinalin ito bilang "batas" hanggang noong 1600s.[2] Ganito rin ang kaso sa salitang Sanskrit na dharma, na madalas sinasalin bilang "relihiyon" at may kahulugan na "batas".[28] Noong klasikal na panahon sa Timog Asya, saklaw ng pag-aaral ng batas ang mga konsepto tulad ng prāyaścitta (penitensiya sa pamamagitan ng pagiging banal) at ācāra (mga seremonyal at praktikal na tradisyon). Katulad ito ng pagsasama sa mga batas ng imperyo sa likas na batas ayon sa Budismo sa Gitnang Kapanahunan sa Hapon, bagamat humiwalay din ito kalaunan.[29]
Walang salitang katumbas ang maraming kultura sa mundo para sa relihiyon. Kabilang dito ang wikang Tagalog gayundin sa mga wika sa Pilipinas. Pumasok lamang ang konsepto ng relihiyon sa pagdating ng mga Kastila, na nagpakalat sa Kristiyanismo.[30] Ayon sa pilologong si Max Müller, orihinal na may kahulugan ang salitang religio (na pinagmulan ng salitang "relihiyon" mula Latin) bilang "pagsamba sa mga diyos", "pagiging banal", o "pag-aaral sa mga banal na bagay".[31] Dagdag niya, para sa maraming kultura sa mundo noong sinaunang panahon, batas ang relihiyon.[32]
Remove ads
Kahulugan
Isang konseptong Kanluranin ang relihiyon.[33] Wala halos ito katumbas na salita sa ibang mga wikang labas sa Europa.[2] Itinuturing na mahirap ang pagbibigay ng kahulugan sa relihiyon; may ilang iskolar na naniniwalang walang tiyak na kahulugan ito.[34] Bukod dito, meron ding mga iskolar na nagbabala sa paggamit sa naturang konsepto sa mga kulturang labas sa Kanluraning Mundo.[33] Dumadami rin ang mga iskolar na nag-iingat sa pagbibigay ng kahulugan sa esensiya ng relihiyon dahil isa itong modernong konsepto na maaaring hindi maiintindihan ng mga kultura bago ang Kapayapaan ng Westphalia.[34][35] Ayon sa ensiklopedyang Macmillan Encyclopedia of Religions:
Pangunahing alalahanin ng Kanluran ang pagbibigay ng tiyak na kahulugan sa relihiyon, na mahanap ang maghihiwalay o di kaya'y natatanging esensiya o mga kalidad na naghihiwalay sa pagiging relihiyoso mula sa pamumuhay ng tao. Ang pagsubok na ito ay isang likas na resulta ng espekulasyon, intelektuwal, at maagham na disposisyon ng Kanluran. Produkto rin ito ng dominanteng anyo ng relihiyon sa Kanluran, ang tinatawag na klimang Hudeo-Kristiyano o, mas tiyak sabihing, ang teistikong pamana mula sa Hudaismo, Kristiyanismo, at Islam. Nanatiling mahalaga ang teistikong anyo ng paniniwalang ito sa pandalawahang pananaw ng Kanluran sa relihiyon, kahit na lumagnaw man ito dahil sa kultura. Sa madaling salita, masasabing hinihiwalay ng pangunahing estraktura ng teismo ang transendental na diyos mula sa iba, sa pagitan ng gumawa at ng mga ginawa, sa pagitan ng Diyos at tao.[a][36]
Dagdag pa nila, may aspetong nararanasan ang mga relihiyon na makikita sa halos lahat ng mga kultura:
...lahat halos ng mga kilalang kultura ay palaging may malalim na dimensiyon para sa mga karanasang pangkultura ...tungo sa maituturing na tugatog at transendensiya na magreresulta sa mga kaugalian at kapangyarihang panghabambuhay. Kung ang mga pag-uugaling ito, natatangi man o hindi, ay nakabase sa malalim na dimensiyong ng isang kultura, maituturing ang estrakturang ito bilang isang relihiyon ayon sa kilala nating anyo nito sa kasaysayan. Relihiyon ang organisasyon ng buhay sa malalim na dimensiyon ng mga karanasan na mararanasan, kumpleto, at malinaw sang-ayon sa kultura nito.[b][36]
Ayon naman sa antropologong si Clifford Geertz, relihiyon ang:
... sistema ng mga simbolo na kumikilos upang maitatag ang mga makapangyarihan, laganap, at pangmatagalang ugali at motibasyon sa mga tao sa pamamagitan ng pagsasagawa sa mga konsepto ng isang pangkalahatang kaayusan ng pag-iral at mabihisan ang mga konseptong ito sa isang awra ng pagiging totoo sa puntong halos katangi-tangi ang pagiging makatotohanan ng mga ugali at motibasyong ito. [c][37]
Binigyang-kahulugan naman ng teologong si Friedrich Schleiermacher noong ika-18 siglo ang relihiyon bilang "pakiramdam ng ganap na pagdedepende".[38] Noong 1871, ibinigay naman ni Edward Burnett Tylor ang kahulugan ng relihiyon bilang "paniniwala sa mga espirituwal na nilalang".[39] Sa kanyang aklat na The Varieties of Religious Experience, binigyang-kahulugan naman ng sikologong si William James ang relihiyon bilang "mga pakiramdam, gawain, at karanasan ng tao sa kanyang pag-iisa, sa puntong iniisip niya kung nasaan siya sa relasyon sa mga itinuturing na mga banal".[3] Sa aklat naman na The Elementary Forms of the Religious Life ng sosyologong si Émile Durkheim, relihiyon ang "pinagkaisang sistema ng mga paniniwala at gawi na may kinalaman sa mga banal na bagay".[4]
Remove ads
Aspeto
May apat na pangunahing aspeto ang mga relihiyon sa mundo: organisasyon, paniniwala, mitolohiya, at gawain. Organisado ang mga relihiyon, at ang antas ng pagkaorganisado nito ay magkakaiba sa bawat relihiyon. Halimbawa, may tiyak na organisasyon ang Simbahang Katolika at maraming sekta ng Kristiyanismo gayundin sa Islam, habang hindi gaanong kaorganisado naman ang mga relihiyon sa India at Silangang Asya kumpara sa mga ito. Gayunpaman, maaari ding tingnan ito batay sa antas ng pagkaorganisado ng mga paniniwala nito. Lahat ng mga relihiyon sa mundo ay may isang tiyak na sistema ng paniniwala. Isang bukas na katanungan ang pinagmulan ng paniniwala; madalas na paliwanag ay upang maipaliwanag ang silbi ng kamatayan, komunidad, at mga panaginip.[7] Pananampalataya at pagdadahilan ang gumagawa sa mga paniniwala, bagamat matagal na'ng pinagdedebatehan ng mga pilosopo at teologo ang paksang ito.[40]

Ang bawat relihiyon sa mundo ay meron ding malinaw na mitolohiya. Bagamat ginagamit ang salitang "mitolohiya" para sa mga paniniwala ng mga sinaunang relihiyon tulad ng sa sinaunang Gresya, Roma, at Scandinavia, kumakatawan lamang ito sa sosyolohiya sa mga kuwentong mahalaga para sa mga naniniwala, totoo man ito o hindi.[41] Halimbawa, ang pagkabuhay ni Hesus ay pinaniniwalaan ng maraming Kristiyano bilang totoong nangyari, bagamat meron ding naniniwalang simboliko lamang ito. Ayon kay Joseph Campbell, mitolohiya "ang relihiyon ng iba", at isang "mitolohiyang hindi lang naintindihan" ang relihiyon.[42] Madalas na nagmumula sa mga mitolohiyang ito ang mga gawain na ginagawa ng mga naniniwala. Halimbawa, sa Simbahang Katolika, ang Banal na Misa ay tinitingnan bilang paggunita sa huling hapunan ni Hesus.
Remove ads
Pag-aaral
Teorya
Isa sa mga paksang tinatalakay sa sosyolohiya at antropolohiya ang mga teorya tungkol ukol sa pinagmulan at silbi ng relihiyon.[43] Hindi tiyak na alam sa ngayon kung saan nabuo ang mga relihiyon, o sa paanong paraan. Isa sa mga teorya patungkol rito ay nagsasabi na nabuo ang mga pinakaunang relihiyon bilang bunga ng isang serye ng mga turo ng mga karismatikong tao na bumabase sa isa't isa sa paglipas ng panahon hanggang sa mabuo ang isang sistema ng mga paniniwala na masasabing pundasyon ng isang relihiyon.[44] Nakadepende sa kultura ang anyo nito: maaaring nakatuon ito sa gawain kesa sa paniniwala, sa indibiduwal kesa komunidad, o pangkalahatan o para lamang sa kultura nito.[44] Iminungkahi ni Clifford Geertz ang isang pamantayang modelo ng relihiyon, na binansagan niyang "sistemang kultural".[45] Gayunpaman, bagamat ito ang ginagamit na modelo sa araling panrelihiyon, may ilang akademiko na kritikal sa pananaw na ito tulad ni Talal Asad, na naniniwalang isang kategorya sa antropolohiya ang relihiyon.[46] Samantala, ayon sa konstruksiyonismong panlipunan, isang modernong konsepto ang relihiyon na sumusunod sa sistema ng paniniwala na katulad ng mga Abrahamikong relihiyon at nilapat lamang kalaunan sa mga paniniwala labas sa Kanluraning Mundo.[6]
Isa ring paksa sa agham pangkaisipan ang relihiyon.[47] Saklaw nito ang kaugnayan ng schizophrenia sa relihiyon. Marami sa mga inilarawang karanasan ng mga propeta ay naaayon sa paglalarawan sa mga taong nakaranas ng deliryo o halusinasyon; gayunpaman, nasa opinyon ang mga akademiko na imposibleng malaman kung ganito nga ang kaso para sa mga propeta sa kasaysayan.[48] Nangyayari din ang mga ito sa mga taong ateista.[49] Konsistent ang pagkakaroon ng epilepsiya sa temporal lobe ng utak sa matinding pagka-relihiyoso at ateismo, gayundin sa obsessive–compulsive disorder.[50][51]
Pagkukumpara
Isa sa mga pangunahing disiplina sa araling panrelihiyon ang pagkukumpara sa mga relihiyon, na nakatuon sa sistematikong pagkukumpara sa mga doktrina at gawain ng mga relihiyon sa mundo. Kabilang sa mga pinag-aaralan dito ang pilosopiya ng relihiyon, etika, metapisika, at ang kalikasan at paraan ng kaligtasan. Madalas na hinahati ang mga relihiyon, lalo na yung may mga pandaigdigang saklaw, base sa heograpiya kung saan ito unang nabuo.[52]
Remove ads
Klasipikasyon

Hinahati ng mga iskolar ang mga relihiyon sa mundo sa tatlo: pandaigdigang relihiyon, katutubong relihiyon, at mga bagong kilusang panrelihiyon.[54] Mahahati rin ito sa dalawa, base sa kung paano sila kabukas sa mga bagong miyembro: pangkalahatan na tumatanggap ng kahit sino, at etniko na nakatuon lang sa miyembro ng komunidad o tribo.[55]
Limang relihiyon ang sinusunod ng mahigit 84% ng kabuuang populasyon ng mundo: Kristiyanismo, Islam, Budismo, Hinduismo, at mga katutubong relihiyon. Ayon sa isang pandaigdigang sarbey sa 57 bansa noong 2012, 59% ang relihiyoso, 23% ang di-relihiyoso (bagamat kasapi ng isang relihiyon), at 13% ang ganap na ateista.[56] Bumaba ang bilang ng mga relihiyoso nang 9% mula sa kaparehong sarbey noong 2005 sa 39 na bansa. Sa parehong sarbey noong 2015, 63% ang relihiyoso, 22% ang di-relihiyoso, at 11% ang ganap na ateista.[57] Sa pangkalahatan, mas relihiyoso ang mga babae kesa lalaki.[58] May ilan din ang naniniwala sa maraming relihiyon dulot ng sinkretismo.[59] Inaasahan ang pagbaba pa lalo ng mga di-relihiyoso dahil sa pagtaas ng populasyon ng mga bansang relihiyoso.[60]
Remove ads
Mga relihiyon
Abrahamiko
Abrahamikong relihiyon ang tawag sa mga relihiyong monoteistiko na naniniwalang nagmula sila kay Abraham.[61]
Hudaismo

Hudaismo ang pinakamatanda sa mga Abrahamikong relihiyon. Nagmula ito sa sinaunang Israel at Judah. Torah ang kanilang sagradong teksto, na bahagi ng mas malaking komposisyong kilala sa tawag na Tanakh. Meron din itong kaakibat na pasalitang tradisyon na isinulat kalaunan sa mga tekstong tulad ng Midrash at Talmud. May iba't-ibang mga kilusan sa loob ng Hudaismo, marami sa mga ito ay nagmula sa Rabinikong Hudaismo na naniniwalang ibinigay ng Diyos ang kanyang mga batas at 613 utos kay Moises sa Bundok Sinai sa anyong pasulat at pasalita. Nagsimulang kumalat ang mga Hudyo matapos ng pagkasira ng Ikalawang Templo sa Jerusalem noong 70 KP.[62]
- Ortodoksong Hudaismo, ang kabuuan tawag sa mga sekta na may literal na interpretasyon sa rebelasyon sa Bundok Sinai.
- Konserbatibong Hudaismo, ang sekta ng Hudaismo na nagbibigay ng mas matinding diin sa mga batas at tradisyong Hudyo nabuo sa paglipas ng panahon kesa sa banal na rebelasyon.
- Repormadong Hudaismo, liberal na anyo ng Hudaismo na naniniwala sa isang nagpapatuloy na rebelasyon na kaakibat ng rason na hindi limitado sa rebelasyon sa Bundok Sinai.
Kristiyanismo

Kristiyanismo ang relihiyon na nakasentro sa buhay at mga turo ni Hesus noong unang siglo KP. Naniniwala ang mga Kristiyano na si Hesus ang Anak ng Diyos at ang Mesias o tagapagligtas, at karamihan sa kanila ay naniniwala sa Santatlo, ang pananaw na ang Diyos Ama, Anak, at ang Espiritu Santo ay tatlong personalidad na pare-parehong mga Diyos. Ang Kredong Niceno ang pahayag ng paniniwala ng karamihan sa mga Kristiyano. Nagsimula ito bilang isang sekta ng Hudaismo sa Judea, at mabilis na kumalat matapos itong gawing opisyal na relihiyon ng Imperyong Romano sa ilalim ni Teodosio I. Ito ang pangunahing relihiyon sa Europa sa malaking bahagi ng kasaysayan, at may matinding impluwensiya sa politika nito hanggang noong ika-19 siglo.[63] Sa kasalukuyan, ito ang pinakamalaking relihiyon base sa populasyon nito.[64]
- Simbahang Katolika, 24 na Simbahan sui iuris (may kalayaan sa isa't isa) na nagkakasundo (komunyon) at pinamumunuan ng Papa bilang Obispo ng Roma. Kinabibilangan ito ng Simbahang Latin (Kanlurang Simbahang Katolika) at ang 23 Silangang Simbahang Katolika.
- Silangang Kristiyanismo, ang kolektibong katawagan para sa mga Simbahan na nabuo sa silangang Mediteraneo sa maagang kasaysayan ng Kristiyanismo. Kinabibilangan ito ng Silangang Ortodoksiya, Ortodoksiyang Oriental, at ang Simbahan ng Silangan.
- Protestantismo, ang kabuuang katawagan sa mga humiwalay mula sa Simbahang Katolika bunsod ng Repormasyon sa Europa noong ika-16 siglo sa pangunguna ni Martin Luther. Kinabibilangan ito ng Luteranismo, Calvinismo, Anglikanismo, Baptist, Metodismo, at marami pang iba.
- Restorasyonismo, na naniniwala na dapat bumalik muli (restorasyon) ang mga Kristiyano sa anyo ng relihiyon noong unang siglo KP. Kinabibilangan ito ng Latter Day Saint movement, Saksi ni Jehova, Iglesia ni Cristo, at marami pang iba.
Islam

Islam ang relihiyong monoteistiko na nakasentro sa mga turo sa sagradong teksto nito na Koran, isa sa mga banal na aklat na kinokonsidera ng mga Muslim bilang binigay mismo ni Allah, at mga turo (hadith) ng propetang si Muhammad, isang politikal at relihiyosong pinunong nabuhay noong ika-7 siglo KP sa Tangway ng Arabia.[65] Si Muhammad ang itinuturing ng mga Muslim bilang ang pinakahuling ipinadala mula sa serye ng mga propeta ng Hudaismo, Kristiyanismo, at iba pang mga Abrahamikong relihiyon bago ang pagdating niya.[66] Ito ang pinakalaganap na relihiyon sa Timog-silangang Asya, Hilagang Aprika, Gitnang Silangan, at Gitnang Asya, habang meron din mga bansang may mayorya ang Muslim sa Timog Asya, Subsaharang Aprika, at Timog-silangang Europa. Meron ding mga bansa na Islamikong republika, tulad ng Iran, Pakistan, Mauritanya, at Apganistan. Noong 2015, tinatayang nasa 1.8 bilyong katao ang Muslim, halos 25% ng kabuuang populasyon ng mundo.[67]
- Sunni Islam, ang pinakamalaking sekta ng Islam, na naniniwalang pinangalanan ni Muhammad si Abu Bakr bilang ang susunod sa kanya at maging unang kalipa.
- Shia Islam, kasunod na pinakamalaking sekta ng Islam, na naniniwalang si Ali ibn Abi Talib ang pinangalanan ni Muhammad bilang susunod sa kanya.
Iba pa

Bukod sa tatlong nabanggit, narito ang iba pang mga Abrahamikong relihiyon.
- Bahá'í, o Pananampalatayang Bahá'í, isang relihiyon na itinatag ni Bahá'u'lláh noong ika-19 na siglo sa Persia mula sa mga turo ni Báb, isang pinunong panrelihiyon na naglahad sa Manipestasyon ng Diyos, ang paniniwala na ang mga relihiyon sa mundo ay isa lamang serye ng mga rebelasyon ng nag-iisang Diyos sa pamamagitan ng mga propetang tulad nina Hesus, Muhammad, Báb, at Bahá'u'lláh.[68]
- Druze, etnikong relihiyon na humiwalay sa Islam at naniniwala sa reinkarnasyon at ang pagiging habambuhay ng kaluluwa.[69]
- Rastafari, etnikong relihiyon na nabuo sa Jamaica noong dekada 1930s na naniniwala na ang Aprika, partikular na ang Etiopiya, ay ang tirahan ni Jah, ang tawag nila sa Diyos, Ayon sa kanila, naganap na ang Ikalawang Pagbabalik ni Hesus sa katauhan ni Haile Selassie, emperador ng Etiopiya.[70]
- Mandaeismo, etnikong relihiyon sa Gitnang Silangan na naniniwalang si Juan Bautista ang huling propeta ng Diyos.[71]
Silanganin

Sentro sa mga relihiyon sa Silangang Asya ang konsepto ng dao, sinasalin bilang ang "likas na kaanyuan ng sansinukob".
Taoismo
Taoismo, o Daoismo, ang tawag sa mga pilosopiya at relihiyon na nagmula sa Tsina na naniniwala sa konsepto ng dao. Naniniwala sila sa pagkakaisa ng sansinukob, ang pagkakaisa ng materyal at espirituwal na mundo, at ang Tatlong Yaman: pagmamahal, moderasyon, at pagkakumbaba.[72] Nakasentro ang kanilang doktrina sa wu wei o pagkawalang aksyon, biglaan, pagkawala, at relatibidad.[73]
Confucianismo
Confucianismo ang sistema ng pilosopiya at relihiyon na nakasentro sa mga turo ng pilosopong si Confucius. May matindi itong impluwensiya sa kultura ng Tsina, at naniniwala sa ideya ng meritokrasya bilang ang tugatog ng pagiging maharlika. Naniniwala rin sila sa mga espiritu ng mga namayapang ninuno.[74]
Shinto
Shinto ang etnikong relihiyon ng Hapón.[75] Literal na may kahulugan na "ang daan sa diyos", may matindi itong pokus sa kalinisan, pamilya, tradisyon, at ritwal. Naniniwala sila sa mga kami, mga diyos at banal na espiritu sa kalikasan.[76]
Indiko
Indikong relihiyon ang tawag sa mga relihiyon na nagmula sa subkontinente ng India. Naniniwala sila sa konsepto ng dharma, sinasalin madalas bilang "mga batas ng realidad na inaasahang dapat sundin".
Hinduismo

Hinduismo ang tawag sa mga relihiyon at pilosopiya na nakasentro sa dharma. Isa sa mga pinakamatatandang relihiyon na nagpapatuloy hanggang ngayon, may mahabang silang tradisyon at mitolohiya. Nahahati ang kanilang sagradong teksto sa dalawang kategorya: Śruti ("napapakinggan") at Smṛti ("naaalala"). Kabilang sa mga ito ang Veda, Upanishad, Purana, at ang epikong Mahabharata at Ramayana. Sa kanila galing ang konsepto ng karma, at ang paniniwala na ang buhay ay umuulit (saṃsāra). Nahahati sila sa anim na paaralan base sa interpretasyon sa Veda: Samkhya, Yoga, Nyaya, Vaisheshika, Mīmāṃsā, at Vedanta.[77] Hinduismo ang pangatlong pinakamalaking relihiyon sa mundo; 15% ng kabuuang populasyon ng tao ay Hindu, nasa India ang karamihan.[78]
- Visnuismo, ang sekta ng Hinduismo na sumasamba kay Vishnu bilang pangkalahatang diyos.
- Shivaismo, ang sekta ng Hinduismo na sumasamba kay Shiva bilang pangkalahatang diyos.
- Shaktismo, ang sekta ng Hinduismo na naniniwala na ang mga diyos at ang metapisika ay metaporikal na babae na tinatawag na Shakti.
- Smartismo, ang sekta ng Hinduismo na naniniwala sa limang magkakapantay na diyos: Vishnu, Shiva, Shakti, Ganesha, at Surya.
Hainismo

Hainismo ang relihiyon sa India na naniniwala sa konsepto ng ahimsa (kawalang-karahasan) at anekantavada (kampi sa lahat) para sa lahat ng mga nilalang sa sansinukob upang mawala ang lahat ng mga karma at marating ang nirvana. Ang kanilang tradisyon at paniniwala ay nagmula sa 24 na Tirthankara (dakilang guro), simula kay Rishabhanatha hanggang kay Mahavira.[79]
- Digambara, sekta ng Hainismo na naniniwala na makakamit ang nirvana sa pagtakwil sa parigraha o ari-arian, kabilang ang mga damit. Hindi sila naniniwala na may mga tekstong isinulat ni Mahavira na umabot sa kasalukuyang panahon.
- Śvetāmbara, sekta ng Hainismo na naniniwala sa mga sagradong teksto na isinulat ni Mahavira at ang mga naunang guro. Pinakamalaki sa dalawang pangunahing sekta, hindi sila nakahubad, di tulad sa Digambara.
Budismo

Budismo ang relihiyon na itinatag ni Siddharta Gautama, mas kilala sa tawag na Buddha. Naniniwala ang mga Budista na upang matapos ang walang katapusang paghihirap (dukkha) at reinkarnasyon (samsara), kailangang sumailalim ang mga tao sa bhavana upang marating ang nirvana. May malaking panitikan ang Budismo, at marami itong mga sangay na nagkakaiba-iba sa interpretasyon sa mga ito.[80]
- Theravada, naniniwala sa sagradong teksto na kilala sa tawag na Pali Canon.
- Mahayana, naniniwala sa mga sutra at sa Prajnaparamita bilang daan upang maging buddha.
- Vajrayana, naniniwala sa kahalagahan ng mga Tantra.
Sikhismo

Sikhismo ang monoteistikong relihiyon na itinatag ni Guru Nanak. Naniniwala sila sa pagkakaroon ng nag-iisang diyos (Ik Onkar), pagkakaisa ng sangkatauhan, serbisyo sa iba (sevā), at pagtulong-tulong upang makamit ng lahat ang kaginhawan (sarbat da bhala). Nagmula ang kanilang paniniwala sa mga turo ni Guru Nanak at ang siyam na guru na sumunod sa kanya. Ipinahayag ng ikasampung guru na si Guru Gobind Singh ang sagradong teksto na Guru Granth Sahib bilang ang pinakahuli at habambuhay na guru ng mga Sikh.[81]
Katutubo at etnikong relihiyon
Katutubong relihiyon ang tawag sa mga relihiyon na katutubo sa isang lugar.[82] Iba ito sa etnikong relihiyon, na tumutukoy naman sa relihiyon ng isang pangkat-etniko.[83] Halimbawa ang relihiyong Shinto sa Hapon, na itinuturing na etnikong relihiyon ng mga akademiko gayundin bilang isang katutubong relihiyon, bagamat hindi nagkakasundo ang lahat ng mga eksperto patungkol dito.[84] Ginagamit ang mga terminong ito upang ihiwalay ang mga ganitong relihiyon sa mga pandaigdigang relihiyon. Tipikal na para lamang sa mga miyembro ng pangkat ang pagsapi sa mga relihiyong ito, at bihira, kung hindi talaga, silang mangaral at maghanap ng mga bagong miyembro sa labas ng kanilang pangkat. Ilan sa mga halimbawa nito ang mga relihiyon ng mga katutubo ng Australia at Amerika.[85]
Tradisyonal na Aprika

Tradisyonal na relihiyon ng Aprika ang kolektibong katawagan para sa mga katutubong relihiyon sa Aprika bago ang kolonisasyon sa kontinente. Madalas na pasalita ang mga paniniwala nito, na pinagpasa-pasahan sa pamamagitan ng tradisyon, kuwento, at ritwal.[86] Animismo ang madalas na anyo ng mga relihiyon nito, na maaari ring politeistiko o panteistiko.[87] Ilan sa mga ito ay ang mga relihiyon ng Akan, Yoruba, Dinka, at Serer.
Iran

Iranyanong relihiyon ang mga relihiyon na nagmula sa Iran o Persia bago ang paglaganap ng Islam sa rehiyon. Pinakasikat sa mga ito ang Zoroastrianismo, isang monoteistikong relihiyon na itinatag ni Zoroaster na sumasamba kay Ahura Mazda at naniniwala sa tunggalian ng kabutihan at kasamaan.[88] Bukod dito, may mga malaking populasyon na kabilang sa Yazidismo, isang monoteistikong relihiyon na mas matanda pa sa Zoroastrianismo at naniniwala sa pitong pinili ng Diyos upang pangalagaan ang mundo,[89] at Yarsanismo, isang relihiyon na itinatag ng mistikong si Sultan Sahak noong ika-14 na siglo, na pinaniniwalaan nilang isa sa mga manipestasyon ng Diyos.[90] Pareho itong mga relihiyon na nagmula sa mga Kurdo.
Bagong kilusang panrelihiyon
Bagong kilusang panrelihiyon ang tawag sa mga bagong relihiyon na naitatag sa nakaraang 100 hanggang 150 taon na hindi sangay ng anuman sa mga pangunahing relihiyon sa mundo. Walang pinagkakasunduan na kahulugan ng pagiging isang "bago" ng isang relihiyon, bagamat marami ang nagtuturo sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig bilang basehan, o di kaya sa pagtatag sa Latter Day Saint movement at Tenrikyo noong dekada 1830s.[91][92] Bagamat may mga katangian sila ng pagiging relihiyon, ilan sa mga ito ay resulta ng reaksyon kontra sa mga relihiyon ng lipunang pinanggalingan nito. Marami sa mga ito ay maliliit, kung saan tanging ilan lang ay may malaki-laking populasyon.[93]
Ilan sa mga prominenteng relihiyon na itinuturing na bago:
- Baha'i, relihiyon na itinatag noong 1863 ni Bahá'u'lláh sa ngayo'y Iran.
- Caodaismo, relihiyon na itinatag sa Biyetnam noong 1926 na base sa Confucianismo, Taoismo, Budismo, at Simbahang Katolika.
- Eckankar, relihiyon na itinatag ni Paul Twitchell sa Estados Unidos noong 1965 mula sa mga paniniwala ng Sikhismo at Hinduismo.
- Falun Gong itinatag ni Li Hongzhi noong dekada 1990s mula sa Budismo at Taoismo.
- Iglesia ni Cristo, relihiyon na itinatag noong 1913 ni Felix Manalo, ang pinaniniwalaan nilang huling sugo ng Diyos, sa Pilipinas.
- Latter Day Saint movement at ang kaugnay nitong Mormonismo, itinatag ni Joseph Smith na pinaniniwalaang na ipinadalang propeta ng Diyos upang sabihin ang paglalakbay ng ilang tribo ng Israel sa Kaamerikahan.
- Saksi ni Jehova, denominasyong Kristiyano na itinatag ni Charles Russell na hindi naniniwala sa Santatlo, pagiging imortal ng kaluluwa, at sa konsepto ng impiyerno.
- Satanismo, paniniwala na nahahati sa dalawa: teistiko tunay na naniniwala kay Satanas bilang isang diyos, at ateistiko, na tinitingnan si Satanas bilang metapora ng paghihiwalay ng simbahan at estado tulad ng Simbahan ni Satanas na itinatag ng ateistang si Anton LaVey at an mas bagong Templo ni Satanas.
- Scientology, mga paniniwala na madalas ituring na kulto, scam, negosyo, o isang ganap na relihiyon na nagmula sa Estados Unidos at naniniwala kay Xenu, isang alien na dumating sa Daigdig milyon na taon ang nakalipas kasama ng iba pang mga alien na kanya ring nilipol gamit ng mga sandatang termonukleyar.
- Tenrikyo, relihiyon na itinatag sa Hapón ni Nakayama Miki, na pinaniniwalaan ng mga tagasunod bilang ang dambana ng Diyos.
Remove ads
Relasyon
Agham
Maituturing na parehong bago ang mga konsepto ng agham at relihiyon na nagmula sa Kanluraning Mundo simula noong ika-17 siglo sa kasagsagan ng kolonisasyon at globalisasyon bunsod ng Repormasyon.[20] Maraming kultura sa mundo ang walang katumbas na konsepto sa agham o relihiyon, o di kaya'y magkasamang tumutukoy sa iisang salita. Halimbawa, bagamat magkahiwalay na salita sa kasalukuyang panahon, nagmula ang salitang "agham" sa wikang Sanskrito na āgama, na may kahulugan na "tradisyong ipinapasa" o "pinagmulan" bukod sa "pag-aaral"; relihiyon ang ibig sabihin nito sa ibang mga wika sa Timog at Timog-silangang Asya kagaya ng sa wikang Malay o sa wikang Maranao sa Pilipinas. Samantala, sa Europa, nabuo ang konsepto ng agham upang tumukoy sa likas na pilosopiya at maihiwalay ito sa pag-aaral sa mga bagay na itinuturing na banal, na ngayo'y itinuturing na'ng relihiyon. Marami sa mga pangalan ng relihiyon sa labas ng Europa ang pumasok lamang sa mga bokubularyo ng mga Europeo noong ika-19 na siglo upang mailarawan ang mga paniniwalang ito.[20]
Dahil sa mga sari-sarling saklaw nito, maaaring iba ang pananaw ng agham sa relihiyon patungkol sa ilang mga partikular na paksa, kagaya ng sa kosmogoniya at ebolusyon. Bagamat iba-iba ang antas ng alitan, maaaring maging kontrobersiyal ang mga ito, kagaya ng kontrobersiya ni Galileo Galilei ukol sa heliosentrismo, o sa mga protesta para o kontra sa pagtuturo ng kreasyonismo kasama ng teorya ng Big Bang. Ang alitan na ito ang nagbigay-daan sa tisis ng alitan noong ika-19 na siglo na nagsasabi na natural na magkatunggali ang relihiyon at agham.[94]
Gayunpaman, maraming mga pilosopo at siyentipiko ang naniniwala na maiuugnay ang agham at relihiyon sa isa't isa. Ayon kay Albert Einstein noong 1940:[95]
Bagamat relihiyon ang maaaring naging inspirasyon sa tunguhin, hindi ito, kailanman, matututo sa agham, sa pangkalahatan, kung paano ito makakatulong sa mga tunguhin na pinasimulan nito. Gayunpaman, tanging mga taong may matinding pagnanasang habulin ang katotohanan at pag-unawa ang makakagawa ng agham. Galing sa relihiyon ang pagnanasang ito. Mula rito, maaari ding maniwala sa posibilidad na ang mga regulasyong tama para sa mundong umiiral ay makatuwiran, o sa madaling salita, maiintindihan. Wala akong maisip na siyentipiko na walang taglay na paniniwalang ganon. Mailalarawan ang sitwasyong ito sa isang simpleng imahe: bobo ang agham na walang relihiyon, bulag ang relihiyon na walang agham.[d]
Ayon sa Pambansang Akademiya ng mga Agham ng Estados Unidos ukol sa ebolusyon, maaaring maging magkasundo ang mga ebidensiya ng ebolusyon sa pananampalatayang panrelihiyon, na pananaw rin ng maraming denominasyon at relihiyon.[96]
Batas
Isang bagong larangan ang pag-aaral sa relasyon ng batas at relihiyon. Sentro sa pag-aaral na ito ang kalayaan sa relihiyon gayundin sa mga epekto ng relihiyon sa mga batas ng isang lugar, lalo na kung pumasok ito sa mga diskurso sa korte o hudikatura.[97] Mga mga espesyalistang nakatuon sa gampanin ng mga pangunahing relihiyon, partikular na ang Kristiyanismo at Islam sa mga konsepto sa batas tulad ng katarungan at pagpapatawad, pagkakapantay-pantay, at disiplina.[98][99] Interes din sa pag-aaral ang sekularisasyon at ang mga isyu ukol sa kalayaan sa pagpapahayag ng relihiyon, tulad ng pagbawal sa mga kasuotang pantakip sa ulo ng mga kababaihang Muslim sa Pransiya.[100]
Dayalogo

Tumutukoy ang dayalogong interrehiliyoso sa kooperasyon at pag-uusap ng mga miyembro ng iba't ibang relihiyon para sa kapayapaan. Matagal na itong ginawa at sinubukan sa kasaysayan, na may iba't ibang antas ng tagumpay. Isa sa mga pinakaunan halimbawa nito ay ang Disputasyon sa Barcelona, kung saan binigyan ni Jaime I ng Aragon ang mga Kristiyano at Hudyo ng garantisadong kumpletong kalayaan sa pananalita ukol sa debate sa pagiging mesiyas ni Hesus.[101] Noong 1893, isinagawa ang Parlamento ng mga Pandaigdigang Relihiyon sa World Fair sa Chicago, na tinitingnan bilang ang pormal na nagpasimula sa mga ganitong klase ng dayalogo.[102]
Ekonomiya

Ayon sa isang pag-aaral noong 2013, may negatibong korelasyon ang pagkarelihiyoso ng isang bansa sa yaman nito.[103] Ipinagpapalagay naman ng sosyologong si Max Weber na mas mayayaman ang mga bansa na Protestante ay dahil sa etika ng relihiyong ito,[104] bagamat may mga kontra sa ideyang ito, lalo na ang historyador na si Laurence R. Iannaccone, na nagsabing, "ang katampok-tampok na bahagi ng tisis ng Etikang Protestante ay ang kawalan nito ng kaakibat na empirikal na ebidensiya."[105] Ayon naman sa isang pag-aaral noong 2015, 55% ng kabuuang yaman ng mundo ay mula sa mga Kristiyano, na sinundan ng mga Muslim (5.8%), Hindu (3.3%), at Hudyo (1.1%). 34.8% ng yaman na ito ay mula sa mga walang relihiyon o mga relihiyon na wala sa nabanggit.[106]
Kalusugan
Itinuturing na may positibong resulta ang pagkarelihiyoso ng isang tao ayon sa mga pag-aaral. Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng Mayo Clinic, napag-alaman nila na nakakaalis o nakakapagpababa ng depresyon at pag-iisip na magpakamatay ang mga taong sumasali sa mga kaganapang panrelihiyon o espirituwal. Kadalasan ay may maayos ang pagtingin nila sa buhay at may positibong kalidad ng pamumuhay.[107] Samantala, napag-alaman naman mula sa pagsusuri sa mga datos noong 1998 sa isang pambansang sarbey sa Estados Unidos na, bagamat napapatunayang positibo ang asosasyon ng relihiyon sa maayos na pamumuhay, komplikado ang dinamika nito sa kabuuang pamumuhay ng isang tao. Nagbabala sila kontra sa padalos-dalos na konklusyon ukol sa relasyon ng pagkarelihiyoso at maayos na kalusugan sa iba't-ibang denominasyon o relihiyon at sabihing parehas ang epekto nito sa kalalakihan at kababaihan.[108]
Karahasan

Karahasang panrelihiyon ang uri ng karahasang isinasagawa sa ngalan ng relihiyon.[109] Taglay ng lahat ng mga relihiyon sa mundo ang mga elemento ng digmaan at karahasan.[110] Madalas na ginagawa ito ng mga grupo kontra sa isang relihiyon. Mahirap bigyang-kahulugan ang karahasang ito.[111] Bihira ang mga relihiyon na aktibong nananawagan na gumawa ng karahasan bilang isang lehitimong paraan. Ilan sa mga kilalang karahasan sa ngalan ng relihiyon ay ang Mga Krusada, Inkisisyong Kastila, at ang terorismong isinasagawa ng mga pundamentalistang Muslim sa modernong panahon.
Kultura
Tinitingnan ng mga akademiko ang kultura at relihiyon bilang konektado sa isa't isa.[112] Ayon kay Paul Tilch, relihiyon ang "kaluluwa" ng kultura, at nagsabing:[113]
Relihiyon bilang pinaka-alalahanin ay ang kahulugan mismo-tagabigay ng sangkap ng kultura, at kultura naman ang totalidad ng mga anyong kung saan ipinapahayag ang mga pangunahing alalahanin ng relihiyon. Sa madaling salita: relihiyon ang sangkap ng kultura, kultura ang anyo ng relihiyon. Tiyak na pinipigilan ng konsiderasyong yon ang pagtatag sa dualismo ng relihiyon at kultura. Ang bawat gawaing panrelihiyon, hindi lamang yung mga nasa organisadong relihiyon, ngunit pati rin ang mga pinakapersonal na paggalaw ng kaluluwa, ay naisasagawa nang kultural.[e]
Sang-ayon sa pananaw na ito ang Alemang teologo na si Ernst Troeltsch, na inilarawan ang relihiyon bilang ang "lupa" ng kultura, na masisira kung ilalagak ito sa ibang mga kultura.[114]
Politika
Malaki ang gampanin ng relihiyon sa politika ng maraming bansa.[115] Halimbawa, sa mga bansa o subdibisyon ng mga bansa na may mayorya ng mga Muslim, ipinpapatupad ang sharia bukod sa sekular na batas.[116] May mga bansa rin na may opisyal na relihiyon, kagaya ng Islam sa Iran, Saudi Arabia, at maraming bansa sa Gitnang Silangan. Bukod dito, may matinding epekto rin ang relihiyon sa mga desisyon sa politika kagaya tuwing eleksyon, kung saan may mga bloc na bumoboto sa isang kandidato dahil sa relihiyon o sa mga isyung dinadala nito na pabor sa paniniwala nila. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang makakanang Kristiyano sa Estados Unidos at sa sama-samang pagboto ng mga tagasunod ng Iglesia ni Cristo sa mga ini-endorso ng administrasyon nito.[117][118] Bukod dito, may mga batas o panukalang-batas na kontrobersiyal dahil taliwas ito sa paniniwala ng isang relihiyon, kagaya ng batas sa kalusugang reproduktibo,[119] gayundin ang isyu ng diborsiyo,[120] aborsiyon,[121] at kasalan ng magkaparehong kasarian[122] sa Pilipinas na taliwas sa paniniwala ng Simbahang Katolika. May malaking impluwensiya ang Simbahang Katolika sa politika ng Pilipinas, kagaya ng gampanin nito sa Rebolusyon sa EDSA noong 1986, at sa EDSA Dos noong 2001.[123][124]
Remove ads
Kritisismo

Kritisismo sa relihiyon ang kritisismo sa mga ideya ng mga relihiyon.[125] May mahaba itong kasaysayan, na nagsimula sa sinaunang Gresya sa pangunguna ni Diagoras ng Melos at sa sinaunang Roma tulad ng mga kasulatan ni Lucrecio, partikular na ang De rerum natura (lit. na 'Ukol sa Kalikasan ng mga Bagay'). Ayon sa mga kritiko, mapanira ang relihiyon sa parehong indibidwal at sa lipunan. Partikular na tinukoy nina Bertrand Russell at Richard Dawkins ang mga karahasang panrelihiyon, pagkontra sa pagbabago sa lipunan, pag-atake sa agham, pagmamaliit sa kababaihan, at pagpapakalat ng homophobia.[126]
Tingnan din
- Kosmogoniya
- Kulto
- Pari
- Teokrasya
- Teolohiya
Talababa
- Orihinal na sipi: The very attempt to define religion, to find some distinctive or possibly unique essence or set of qualities that distinguish the religious from the remainder of human life, is primarily a Western concern. The attempt is a natural consequence of the Western speculative, intellectualistic, and scientific disposition. It is also the product of the dominant Western religious mode, what is called the Judeo-Christian climate or, more accurately, the theistic inheritance from Judaism, Christianity, and Islam. The theistic form of belief in this tradition, even when downgraded culturally, is formative of the dichotomous Western view of religion. That is, the basic structure of theism is essentially a distinction between a transcendent deity and all else, between the creator and his creation, between God and man.
- Orihinal na sipi: ... almost every known culture have a depth dimension in cultural experiences ... toward some sort of ultimacy and transcendence that will provide norms and power for the rest of life. When more or less distinct patterns of behavior are built around this depth dimension in a culture, this structure constitutes religion in its historically recognizable form. Religion is the organization of life around the depth dimensions of experience—varied in form, completeness, and clarity in accordance with the environing culture.
- Orihinal na sipi: ... system of symbols which acts to establish powerful, pervasive, and long-lasting moods and motivations in men by formulating conceptions of a general order of existence and clothing these conceptions with such an aura of factuality that the moods and motivations seem uniquely realistic.
- Orihinal na sipi, isinalin sa wikang Ingles ng artikulo: Though religion may be that which determines the goal, it has, nevertheless, learned from science, in the broadest sense, what means will contribute to the attainment of the goals it has set up. But science can only be created by those who are thoroughly imbued with the aspiration toward truth and understanding. This source of feeling, however, springs from the sphere of religion. To this there also belongs the faith in the possibility that the regulations valid for the world of existence are rational, that is, comprehensible to reason. I cannot conceive of a genuine scientist without that profound faith. The situation may be expressed by an image: science without religion is lame, religion without science is blind.
- Orihinal na sipi: Religion as ultimate concern is the meaning-giving substance of culture, and culture is the totality of forms in which the basic concern of religion expresses itself. In abbreviation: religion is the substance of culture, culture is the form of religion. Such a consideration definitely prevents the establishment of a dualism of religion and culture. Every religious act, not only in organized religion, but also in the most intimate movement of the soul, is culturally formed.
Remove ads
Sanggunian
Link sa labas
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads