Dekada 2000
From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang dekada 2000 (binibigkas na “dalawang libo”, pinaikli bilang d. 2000 o dekada '00 na kadalasang binibigkas bilang dekada Dos Mil) ay isang dekada sa kalendaryong Gregoryano na nagsimula noong Enero 1, 2000 at nagtapos noong Disyembre 31, 2009.

Nakita ng unang bahagi ng dekada ang matagal ng prediksyon ng tagumpay ng ekonomikong higanteng Tsina, na nagkaroon ng doble-dihitong paglago ng halos ng buong dekada. Sa isang mas mababang lawak, nakinabang din ang Indya sa pagputok ng ekonomiya, na nakita ang dalawang pinakamataong bansa na unti-unting naging dominanteng puwersang ekonomiko. Ang mabilis na paghabol ng mga umuusbong na ekonomiya sa mga maunlad na bansa ang nagbunsod ng ilang proteksyonistang tensyon noong panahon na ito at naging bahagiang responsable sa pagtaas ng enerhiya at presyo ng pagkain sa pagtatapos ng dekada.
Namayani sa huling ikatlo ng dekada ang isang pandaigdigang ekonomikong pagbagsak, na nagsimula sa krisis sa pabahay at kredito sa Estados Unidos noong huling bahagi ng 2007 at nagdulot sa pagkabangkarota ng mga pangunahing bangko at ibang institusyong pananalapi. Naibunsod ng pandaigdigang pananalaping krisis ang isang pandaigdigang resesyon, simula sa Estados Unidos at naapektuhan ang karamihan sa mga industriyalisadong mundo. Sa kabilang lupalop, umunlad ang integrasyong Europeo sa pamamagitan ng ganap na sirkulasyon ng euro sa labindalawang bansa noong 2002 at sa pagpapalawak ng Unyong Europeo sa 27 bansa noong 2007.
Ang dekada 2000 sa Pilipinas ay panahon ng mahahalagang transisyon at kontrobersiyang pampulitika. Noong 2001, napatalsik sa puwesto si Pangulong Joseph Estrada matapos ang isang nabigong paglilitis sa impeachment at mga kilos-protestang tinaguriang Ikalawang Rebolusyong EDSA. Humalili sa kanya si Pangalawang Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo bilang bagong pangulo. Ilang buwan pagkatapos ng kanyang pag-upo, naganap ang EDSA III—isang malawakang kilos-protesta ng mga tagasuporta ni Estrada na nagtapos sa marahas na dispersal o pagbuwag malapit sa Palasyo ng Malacañang. Nahalal si Arroyo para sa isang buong termino noong 2004 subalit hinarap ang kontrobersiya ng iskandalong "Hello Garci", na nag-ugat sa mga alegasyon ng pandaraya sa halalan. Sa gitna ng mga panawagang magbitiw, nanatili siya sa puwesto at nakaranas pa ng ilang pagsubok, kabilang ang mga insidente ng pag-aalsa ng militar gaya ng Pag-aalsa ng Militar sa Oakwood noong 2003 at ang rebelyon sa Manila Peninsula noong 2007.
Sa loob ng dekadang ito, lumago ang populasyon ng mundo mula 6.1 tungong 6.9 bilyong katao. Tinatayang 1.35 bilyong tao ang ipinanganak, at 550 milyong tao ang namatay.[1]
Remove ads
Pangkalahatang buod ng dekada 2000 ayon sa paksa
Agham at teknolohiya
Agham
Noong 2002 hanggang 2004, naganap ang pagsiklab ng SARS sa Tsina at Hong Kong, na nagdulot ng matinding hamon sa pampublikong kalusugan. Noong 2003, natapos ang Proyektong Henoma ng Tao (Human Genome Project) na may 92% na katumpakan sa pagkakasunod-sunod ng mga hene ng tao,[2] isang mahalagang tagumpay sa larangan ng agham at medisina. Sa parehong taon, natuklasan sa pulo ng Flores sa Indonesia ang mga posil ng isang bagong uri ng maliit na tao, na tinawag na Homo floresiensis. Bagaman ito ay natagpuan noong 2003, unang inilathala ang ulat ukol dito noong Oktubre 2004.
Noong 2004, natukoy ng astropisiko at astronomong radyo na si Naomi McClure-Griffiths ang isang bagong spiral arm o brasong ispiral ng galaksiyang Milky Way o mas kilala sa katutubong salita na Balatas.[3] Sa parehong taon, matagumpay na nakarating sa ibabaw ng Marte ang mga robot ng Misyong Mars Exploration Rover (MER, literal na Panglagalag ng Misyong Panggagalugad sa Marte). Isa sa mga rover, ang Opportunity, ay nakahanap ng ebidensyang nagpapatunay na minsan ay may tubig sa isang bahagi ng Mars. Bagaman inaasahang tatagal lamang ng siyamnapung araw ang mga rover, kapwa nila nalampasan ang inaasahan at nagpatuloy sa paggalugad hanggang sa katapusan ng dekada at lampas pa rito.

Noong 2006, muling isinulat ang kasaysayan ng ating Sistemang Solar nang matuklasan ang Eris, isang bagay sa Sinturon ng Kuiper na mas malaki kaysa Pluto. Dahil dito, ibinaba ang Pluto mula sa pagiging ganap na planeta tungo sa kategoryang “dwarf planet” o (planetang unano), kaya’t mula noon, walong planeta na lamang ang kinikilala sa Sistemang Solar. Sa wakas, noong 2008, natapos ang konstruksyon ng Large Hadron Collider (LHC, literal na Malaking Tagapagbangga ng Hadron) ng CERN sa Europa, ang pinakamalaki at pinakamakapangyarihang particle accelerator o tagapagpabilis ng partikula kailanman na nagbukas ng bagong yugto sa pisika at pag-unawa sa uniberso.
Teknolohiya
Nag-ambag ang paglago ng Internet sa globalisasyon sa panahon ng dekada, na pinahintulot ang mabilis na komunikasyon sa mga tao sa buong mundo;[4][5][6][7][8] Bumangon ang mga social networking site bilang isang bagong paraan upang kumonekta kahit saan man dako ng daigdig, hangga't may koneksyon sila sa internet. Kabilang sa mga unang mga social networking site ang Friendster, Myspace, Facebook, at Twitter, na itinatag noong 2003, 2004, at 2006, ayon sa pagkakabanggit. Pinakapopular ang Myspace sa mga websayt na social networking hanggang Hunyo 2009, nang nilagpasan ito ng Facebook sa mga Amerikanong tagagamit. Nagpatuloy ang e-mail na maging popular sa buong dekada at nagsimulang palitan ang "snail mail" o tradisyunal na koreo bilang isang pangunahing paraan ng pagpapadala ng liham at ibang mensahe sa malalayong lugar, bagaman mayroon na ito noon pang 1971. Umunlad ang Google, YouTube, Ask.com, at Wikipedia upang mapabilang sa sampung pinakapopular na mga websayt sa buong mundo.
Sa pagdating ng Web 2.0, naging malawakang naaabot ang dinamikong teknolohiya, at pagsapit ng kalagitnaan ng dekada 2000, ang PHP at MySQL (kasama ang Apache at nginx) ay naging gulugod ng maraming websayt, kaya’t hindi na naging kailangan ang kaalaman sa pagpoprograma upang makapaglimbag sa web. Naging karaniwan ang mga blog, portal, at wiki bilang paraan ng elektronikong pagpapalaganap ng kaalaman para sa mga propesyonal, baguhan, at negosyo. Isa sa mga halimbawa nito ay ang tagumpay ng Wikipedia, isang online na ensiklopedya na inilunsad noong Enero 15, 2001, mabilis na lumago, at naging pinakamalaki at pinakasikat na pangkalahatang sangguniang aklat sa Internet,[9][10] gayundin bilang pinakakilalang wiki sa buong mundo at pinakamalaking ensiklopedya sa kasaysayan.
Ang mga open-source o bukas na nilalaman na software, gaya ng Linux na operating system, Mozilla Firefox na web browser, at VLC media player, ay unti-unting lumaganap at tinangkilik. Naging pamantayan na rin ang komersyong internet para sa mga reserbasyon, kalakalan ng sapi o stocks, pagsusulong ng musika, sining, panitikan, at pelikula, pamimili, at iba pang mga gawain.
Telekomunikasyon
Unti-unti naging popular naman sa mga umuunlad na bansa sa buong dekada 2000 ang internet na mobile, na unang nailunsad sa Hapon noong 1999 sa pamamagitan ng i-mode, dahil sa pinabuting kakayahan ng selpon at mga pag-unlad ng teknolohiyang telekomunikasyong mobile, tulad ng GPRS at 3G.
Itinatag ang Sony Ericsson noong Oktubre 2001 bilang isang sanib-puwersang negosyo sa pagitan ng Sony Corporation ng Hapon at Ericsson ng Suwesya. Layunin ng pagsasanib na ito na paghaluin ang husay ng Sony sa larangan ng elektroniks pang-konsyumer at ang kadalubhasaan ng Ericsson sa teknolohiya ng telekomunikasyon, sa panahon ng mabilis na pag-unlad ng industriya ng selpon.
Isa sa mga pinakaunang at pinakatanyag na modelo na kaugnay ng sanib-puwersang negosyo ay ang Ericsson T68, na inilunsad bago pa opisyal na mabuo ang Sony Ericsson. Isa ito sa mga kauna-unahang pangmasang selpon sa mundo na may iskrin na may buong-kulay[11]—isang 256-color STN display—at nagbukas ng bagong yugto para sa mga biswal na interface sa selpon. Nang ilabas muli noong 2002 bilang ang Sony Ericsson T68i, nadagdagan ito ng mga tampok tulad ng Bluetooth, MMS, GPRS, at suporta para sa nakakabit na kamera. Bagamat hindi ito ang pinakaunang selpong may kulay, kinikilala ito bilang unang matagumpay at pang-masang selpon na may iskrin na may kulay. Ang tagumpay nito sa merkado ang nagpatibay sa posisyon ng Sony Ericsson bilang isa sa mga pangunahing kalahok sa pandaigdigang merkadong mobile.
Mga inobasyon sa telekomunikasyon
Ang Sony Ericsson T68i, ang unang selpon na ipinamahagi sa masa na may kulay ang isikrin
Ang iPhone 2G, ang unang makabagong smartphone
Samantala, ang mga smartphone—na pinagsasama ang kakayahan ng selpon, personal digital assistant (dihital na pantulong personal), at portable media player (nadadalang tagapagpatugtog o tagapagpalabas ng midya)—ay unang lumitaw noong dekada 1990 subalit hindi agad sumikat hanggang sa huling bahagi ng dekada 2000. Ang mga smartphone ay puno ng tampok at karaniwang may high-resolution touchscreen (mataas na resolusoyon na pindutang iskrin) at web browser. Ang unang makabagong smartphone ay ang iPhone 2G ng Apple Inc., isa sa mga unang smartphone na walang pisikal na keyboard (o tipahan) at umaasa lamang sa touchscreen at isang home button (o tahanang pindutan), na kalaunan ay naging pamantayan sa buong industriya. Inilunsad ito noong Hunyo 2007 sa Estados Unidos, at noong Nobyembre 2007 sa ilang bahagi ng Kanlurang Europa.
Politika at digmaan
Labanan at digmaan
Nagsimula ang Digmaang Laban sa Terorismo at Digmaan sa Apganistan pagkatapos ng mga pag-atake noong Setyembre 11 ng 2001. Nabuo ang Internasyunal na Korteng Kriminal noong 2002. Noong 2003, sinalakay ng koalisyong pinangunahan ng Estados Unidos ang Iraq, at dinulot ng Digmaang Iraq ang katapusan ng pamumuno ni Saddam Hussein bilang Pangulo ng Iraq at ng Partidong Ba'ath sa Iraq. Nagsagawa ang Al-Qaeda at apilyadong Islamistang militanteng grupo ng mga teroristang gawa sa buong dekada. Natapos noong Hulyo 2003 ang Ikalawang Digmaang Congo, ang pinakanakamamatay na labanan mula pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Politika sa Pilipinas
Sa Pilipinas noong Enero 2001, natanggal sa puwesto si Pangulong Joseph Estrada matapos siyang maakusahan ng pandarambong at pagtanggap ng suhol mula sa ilegal na sugal na jueteng. Bigo ang impeachment trial o paglilitis sa pagpapatalsik laban sa kanya, kaya’t naganap ang EDSA II—isang mapayapang pag-aalsa na sinundan ng pagbibitiw ni Estrada. Si Pangalawang Pangulo Gloria Macapagal Arroyo ang pumalit sa kanya bilang Pangulo ng Republika. Ilang buwan matapos ang EDSA II, sumiklab naman ang EDSA III noong Abril–Mayo 2001, isang serye ng mga kilos-protesta na isinagawa ng mga tagasuporta ni Estrada, karamihan mula sa maralitang sektor. Natapos ito sa tangkang paglusob sa Malacañang noong Mayo 1, na nauwi sa marahas na dispersal o pagbuwag at pag-aresto ng mga raliyista.

Nanatili si Arroyo sa kapangyarihan mula 2001 hanggang 2010, subalit ang kanyang administrasyon ay binatikos dahil sa mga alegasyon ng pandaraya sa halalan at katiwalian. Noong halalan ng 2004, tinalo ni Arroyo ang aktor na si Fernando Poe Jr., subalit naging kontrobersyal ang kanyang pagkapanalo matapos isiwalat ang iskandalong "Hello Garci" noong 2005. Sa nasabing insidente, lumabas ang wiretap na naglalaman diumano ng pag-uusap ni Arroyo at isang opisyal ng Komisyon ng Halalan hinggil sa manipulasyon ng boto. Ang iskandalo ay nagbunga ng mga panawagang magbitiw siya sa puwesto at ng sunud-sunod na pagtatangka ng impeachment, na lahat ay nabigo sa Kamara. Kabilang pa sa mga krisis ng kanyang administrasyon ang Pag-aalsa ng Militar sa Oakwood noong 2003, ang deklarasyon ng estado ng emerhensiya noong 2006, ang rebelyon sa Manila Peninsula noong 2007. at ang iskandalong NBN-ZTE noong 2007–2008 na naglantad ng diumano’y iregular na kasunduang pang-telekomunikasyon sa isang kumpanyang Tsino.
Sa usapin ng kapayapaan, nabigo ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD, litera na Kasunduan ng Pag-uunawaan ukol sa Katutubong Lupa) sa pagitan ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF, literal na Prente ng Pagpapalaya ng Islamikong Moro noong 2008 matapos itong ideklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema.[12] Muling sumiklab ang karahasan sa ilang bahagi ng Mindanao kasunod ng desisyong ito. Sa huling bahagi ng dekada, naganap ang masaker sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009—ang itinuturing na pinakamalalang insidente ng karahasang may kaugnayan sa pulitika sa kasaysayan ng bansa. Limampu’t walong (58) katao, kabilang ang mga mamamahayag at kaanak ng isang kandidato sa halalan, ang pinaslang. Ang krimen ay isinisi sa makapangyarihang angkan ng mga Ampatuan, na noon ay kaalyado ng administrasyong Arroyo. Ang insidenteng ito ay nagbigay-diin sa mga suliranin ng impunidad, karahasang pampulitika, at ang patuloy na impluwensiya ng mga dinastiyang pampulitika sa bansa.[13][14][15][16]
Ekonomiya
Ang pinakamahalagang pagbabago sa larangan ng ekonomiya noong dekada 2000 ay ang matagal nang inaasahang pag-usbong ng higanteng ekonomiyang Tsina, na ang GDP ay lumago mula 1.21 trilyon patungong 5.1 trilyong dolyar (sa halaga ng dolyar ng Estados Unidos noong 2022).[17] Sa mas maliit na sukat, nakinabang din ang Indya mula sa isang pag-unlad sa ekonomiya (mula 438.39 bilyon patungong 1.34 trilyon),[18] na nagresulta sa pagiging lalong makapangyarihan ng dalawang bansang may pinakamaraming populasyon sa mundo sa larangang pang-ekonomiya.[19] Ang mabilis na paghabol ng mga umuusbong na ekonomiya sa mga mauunlad na bansa ay nagdulot ng ilang tensyong proteksyunista noong panahong iyon, at naging bahagi rin ng dahilan sa pagtaas ng presyo ng enerhiya at pagkain sa dulo ng dekada. Ang mga pangyayaring pang-ekonomiya sa huling bahagi ng dekada ay pinangibabawan ng isang pandaigdigang pagbulusok ng ekonomiya na nagsimula sa krisis sa pabahay at pautang sa Estados Unidos noong huling bahagi ng 2007, na humantong sa pagkalugi ng mga pangunahing bangko at iba pang institusyong pinansyal.[20] Ang pagsiklab ng krisis pinansyal noong 2008 ay nagpasimula ng pandaigdigang resesyon, na nag-ugat sa Estados Unidos at nakaapekto sa karamihan ng industriyalisadong daigdig.
Ayon sa estadistika ng World Bank o Bangkong Pandaigdig ukol sa GDP,[21][22] halos dumoble ang laki ng pandaigdigang ekonomiya batay sa nominal na GDP mula US$30.21 trilyon noong 1999 patungong US$58.23 trilyon noong 2009. Ang bilang na ito ay hindi isinasaalang-alang ang implasyon. Ayon sa IMF, tumaas ng 78% ang GDP ng mundo batay sa Purchasing Power Parity (PPP, o Kapantayan ng Lakas ng Pagbili). Subalit kung isasaalang-alang ang implasyon, tumaas lamang ng 42% ang nominal GDP, batay sa mga antas ng lago ng IMF sa mga presyong di-nagbabago.
Ang dekada 2000 ay panahon ng katamtamang paglago ng ekonomiya para sa Pilipinas, sa kabila ng mga hamon sa politika at pandaigdigang krisis. Sa ilalim nina Pangulong Joseph Estrada at Gloria Macapagal Arroyo, isinulong ang mga repormang liberal sa ekonomiya,[23] estratehiya sa pamamahala ng utang,[24] at mga proyektong pang-imprastruktura. Matapos ang pagbangon mula sa Krisis Pinansyal sa Asya noong 1997, naging mas matatag ang paglago ng GDP na umabot sa 4–5% kada taon.[25] Naging mahalagang haligi ng ekonomiya ang mga remittance o padala mula sa Overseas Filipino Workers (OFWs, Mga Manggagawang Pilipino sa Ibayong-dagat), na nagpalakas sa paggastos ng mga sambahayan at reserbang dolyar ng bansa.[26] Kasabay nito, mabilis ding lumago ang industriya ng Business Process Outsourcing (BPO, o literal na Pagpapalabas ng Proseso ng Negosyo), na naging malaking tagalikha ng trabaho at pinagkukunan ng kita.[27] Gayunpaman, hindi pantay ang naidulot na benepisyo ng paglago, at nanatiling suliranin ang kahirapan. Sa pagtatapos ng dekada, naapektuhan ang bansa ng pandaigdigang krisis pinansyal noong 2008, subalit napanatili nito ang katatagan ng ekonomiya dahil sa konserbatibong sistema ng pagbabangko at patuloy na pagdaloy ng remittance.
Kapaligiran at mga sakuna

Naging pangkaraniwang usapin noong dekada 2000 ang pagbabago ng klima at pag-init ng daigdig. Malaking pag-unlad ang naabot ng mga kasangkapang ginagamit sa pagtaya ng klima, at tumaas ang impluwensiya ng mga organisasyong itinataguyod ng Mga Nagkakaisang Bansa gaya ng IPCC. Naging mahalaga rin ang mga pag-aaral tulad ng Pagsusuring Stern sa paghikayat ng pampublikong suporta upang harapin ang mga gastusing pampulitika at pang-ekonomiya na kaugnay ng paglaban sa pagbabago ng klima. Patuloy na tumaas ang pandaigdigang temperatura sa dekadang ito. Noong Disyembre 2009, inihayag ng World Meteorological Organization (WMO, o Pangdaigdigang Organisasyong Pangmeteorolohiya) na maaaring ang dekada 2000 ang pinakamainit na dekada mula nang simulan ang pagtatala noong 1850, kung saan apat sa limang pinakamainit na taon ay naitala sa panahong ito. Kinumpirma rin ng NASA at NOAA ang natuklasan ng WMO. Kabilang sa mga pangunahing kalamidad ang Bagyong Nargis noong 2008, at mga lindol sa Pakistan at Tsina noong 2005 at 2008. Ang pinakamapaminsalang natural na sakuna[a] at pinakamalakas na lindol sa ika-21 siglo ay naganap noong 2004 nang tumama ang isang lindol na may lakas na 9.1–9.3 Mw at kasunod na tsunami sa maraming bansa sa Karagatang Indiyo, na kumitil ng humigit-kumulang 230,000 katao.[28]
Noong Agosto 28–29, 2005 nang tumama sa Louisiana at Mississippi sa Estados Unidos ang Bagyong Katrina, na lubhang sumira sa lungsod ng New Orleans at mga karatig na baybaying lugar. Kinilala ang Katrina bilang pinakamapinsalang likas na kalamidad sa Estados Unidos noong panahong iyon, matapos magdulot ng tinatayang $108 bilyong pinsala. Nagdulot ang Katrina ng mahigit 1,200 na nasawi. Tumama naman sa Pilipinas, Biyetnam, at Taylandiya noong Setyembre 25, 2006 ang Bagyong Xangsane (na kilala sa Pilipinas bilang Super Bagyong Milenyo), na nagdulot ng pagkamatay ng mahigit 300 katao at humigit-kumulang $747 milyong halaga ng pinsala.
Noon namang Nobyembre 30, 2006, hinagupit ng Bagyong Durian (na kilala sa Pilipinas bilang Bagyong Reming) ang Rehiyong Bikol sa Pilipinas, at kasabay ng pagputok ng Bulkang Mayon, nagdulot ito ng mga pagguho ng putik (mudflows) na kumitil ng mahigit 1,200 katao. Dalawa taong nakalipas, nooong Hunyo 21, 2008, tumama sa gitnang bahagi ng Pilipinas ang Bagyong Fengshen (na kilala sa Pilipinas bilang Bagyong Frank), na nagdulot ng higit sa 1,400 na pagkasawi at humigit-kumulang US$480 milyong halaga ng pinsala. Isa rin sa pinakamalalang epekto nito ay ang paglubog ng barkong MV Princess of the Stars, kung saan mahigit 800 katao ang nasawi. Nagdulot ng matinding pagbaha sa Luzon, partikular sa Kalakhang Maynila, ang Bagyong Ketsana (na kilala sa Pilipinas bilang Tropikal na Bagyong Ondoy) noong Setyembre 2009, na ikinasawi ng halos 700 katao. Umabot sa rekord na 20 talampakan (6.1 metro) ang baha sa ilang kanayunan. Ilang araw matapos lumabas ng bansa si Ketsana, tatlong beses namang tumama sa lupa ang Bagyong Parma (na kilala sa Pilipinas bilang Bagyong Pepeng), na nagdulot ng malawakang pagbaha sa hilagang Luzon; 500 katao ang nasawi at umabot sa $560 milyon ang pinsala.
Popular na kultura
Ang popular na kultura noong dekada 2000 ay hinubog ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, pag-usbong ng midyang dihital at mobile, at ang lumalawak na impluwensiya ng globalisasyon. May malaking epekto ito sa kung paano tumatangkilik ang mga tao sa musika, pelikula, telebisyon, moda, at ugnayang panlipunan. Sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas, naging mahalagang bahagi ng araw-araw na buhay ang midya, internet, at komunikasyong mobile.
Musika
Musikero at musikera ng dekada
Sa pandaigdigang larangan ng musika, namayani sa dekadang ito ang pop, hip-hop, R&B, at alternatibong genre. Sumikat nang husto ang mga artist tulad nina Britney Spears, Beyoncé, Rihanna, Eminem, 50 Cent, Avril Lavigne at Linkin Park. Partikular na namayagpag ang rapper na Amerikano na si Eminem bilang pinakamabentang musikero ng dekada, na nakabenta ng 32 milyong album. Itinanghal siya ng magasin na Billboard bilang “musikero ng dekada” dahil sa pinakamainam na pagkamit ng mataas na ranggo sa mga tsart ng Billboard,[29][b] habang si Beyoncé naman ang itinuring na “musikera ng dekada,”[31] at ang Nickelback bilang “banda ng dekada.” Sa Reyno Unido, si Robbie Williams ang naging pinakamabentang musikerong solo ng dekada, samantalang ang Westlife naman ang pinakamabentang banda.
Umusbong din sa dekada 2000 ang pop-punk at emo sa pamamagitan ng mga banda tulad ng My Chemical Romance, Fall Out Boy, at Paramore, samantalang ang indie rock ay pinasikat ng The Strokes at Arctic Monkeys. Ang paggamit ng Auto-Tune sa pagkanta—na pinasikat nina T-Pain at Kanye West—ay naging bahagi ng tunog ng huling bahagi ng dekada.
Mga produkto ng mga palabas na naghahanap ng talento
Si Mau Marcelo na nanalo sa Philippine Idol noong 2006
Si Yeng Constantino na nanalo sa Pinoy Dream Academy noong 2006
Si Erik Santos na nanalo sa Star in a Million noong 2004
Si Sarah Geronimo na nanalo sa Star for a Night noong 2003
Sa Pilipinas, muling sumigla ang Original Pilipino Music (OPM o Orihinal na Pilipinong Musika), lalo na sa rock, pop, at acoustic na mga genre. Nangibabaw pa rin ang mga bandang Pinoy rock gaya ng Parokya ni Edgar, Rivermaya, Bamboo, Hale, Cueshé, at Callalily na nagsimula ang Ginuntuang Panahon noong dekada 90. Naging tanyag din ang "acoustic wave" sa pamamagitan nina Aiza Seguerra at MYMP. Ang mga temang madamdamin, tulad ng pag-ibig, pagkabigo, at pag-asa, ang nangingibabaw sa mga awitin. Ilan sa mga pinakamalaking bituin sa musika ay si Sarah Geronimo, na sumikat matapos manalo sa Star for a Night noong 2003. Ang ibang pang produkto ng palabas sa paghahanap ng talento ay sina Erik Santos, na sumikat sa Star in a Million, at Yeng Constantino, ang kauna-unahang grand winner o pangunahing nagwagi sa Pinoy Dream Academy noong 2006. Sa pamamagitan ng kanyang orihinal na awitin na "Hawak Kamay," mabilis na umangat si Yeng bilang tinig ng kabataang Pilipino at naging isa sa mga pangunahing singer-songwriter (mang-aawit-manunulat-ng-awit) ng OPM sa panahong iyon.
Sa kabila ng bagong sigla ng lokal na eksena, isa ring makasaysayang sandali sa musika ng Pilipinas ang paghihiwalay ng Eraserheads noong 2002. Bilang isa sa pinakaimpluwensyal na banda ng dekada 1990, ang kanilang pagbuwag ay itinuturing na pagtatapos ng isang mahalagang yugto sa kasaysayan ng OPM. Gayunman, nanatiling malakas ang impluwensiya ng kanilang musika sa bagong henerasyon, at nagpatuloy sa kani-kaniyang karerang solo ang mga dating miyembro, kabilang si Ely Buendia. Noong 2008, naganap ang isang reunion concert o konsyerto ng muling pagsasama na sinalubong ng matinding suporta at nostalgia (o paggunita sa nakaraan) mula sa kanilang mga tagahanga.
Pelikula

Sa larangan ng pelikula noong dekada 2000, namayani ang mga malalaking pandaigdigang prangkisa na naging tagumpay hindi lamang sa takilya kundi sa kultura ng masa. Ang mga pelikula gaya ng Harry Potter, The Lord of the Rings, Pirates of the Caribbean, at The Twilight Saga ay naging paborito ng mga manonood sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Kabilang sa mga pinakamalalaking kita sa takilya sa panahong ito ang Avatar (2009), na kumita ng humigit-kumulang US$2.9 bilyon at kinilalang rebolusyonaryo sa larangan ng 3D at visual effects (o biswal na epekto). Sinundan ito ng The Lord of the Rings: The Return of the King (2003), na kumita ng US$1.15 bilyon at nagwagi ng 11 Gawad Academy, kabilang na ang Best Picture (o Pinakamahusay na Pelikula). Pumangatlo ang Pirates of the Caribbean: Dead Man’s Chest (2006) na may US$1.06 bilyon, habang nakapasok din sa listahan ang The Dark Knight (2008) ni Christopher Nolan na tumabo ng US$1 bilyon at tampok ang kinikilalang pagganap ni Heath Ledger bilang Joker. Pumanglima naman ang Harry Potter and the Philosopher’s Stone (2001), ang unang pelikula sa serye, na kumita ng US$974 milyon at nagsimula ng isa sa pinakamalalaking prangkisa sa kasaysayan ng pelikula.
Bukod sa mga ito, sumikat din ang mga pelikulang nakatuon sa mga tinedyer gaya ng Mean Girls, Legally Blonde, at High School Musical, na naging bahagi ng kultura ng kabataan. Sa larangan ng animasyon, patuloy na namayagpag ang mga pelikula ng Pixar at DreamWorks tulad ng Shrek, Finding Nemo, at The Incredibles, na hindi lamang kinagiliwan ng mga bata kundi pati ng mga matatanda.
Samantala, sa Pilipinas, humina man ang lokal na industriya ng pelikula sa aspeto ng dami ng produksyon, patuloy pa ring lumabas ang mga makabuluhang obra. Kabilang dito ang mga pelikulang Tanging Yaman (2000), Dekada '70 (2002), Got 2 Believe (2002), Feng Shui (2004), at One More Chance (2007), na tumalakay sa mga temang pampamilya, pag-ibig, at kababalaghan. Ang Metro Manila Film Festival (o Paligsahan ng mga Pelikula ng Kalakhang Maynila) ay nanatiling mahalagang plataporma para sa mga lokal na pelikula tuwing kapaskuhan.

Mula kalagitnaan ng dekada, lumakas din ang kilusan ng pelikulang malaya o "indie" sa Pilipinas. Lumitaw ang mga pelikulang may mas masining na pananaw at panlipunang nilalaman, gaya ng Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros (2005) at Kubrador (2006). Ang mga pelikulang ito ay nagbigay-boses sa mga kuwento ng mga karaniwang Pilipino at naglatag ng landas para sa makabuluhang sine sa labas ng mainstream o pangunahiing agos.
Telebisyon
Network war sa Pilipinas
Sa kabligtaran naman, naging buhay ang mundo ng telebisyon sa Pilipinas noong dekada 2000. Ang matinding kompetisyon sa pagitan ng dalawang pinakamalaking himpilan ng telebisyon sa Pilipinas, ang ABS-CBN at GMA Network, na tinaguriang network war ay nabuo noong dekada 1990[c] at mas naging hayagan at sistematiko sa dekada 2000. Sa panahong ito, ipinakilala ng ABS-CBN ang branding o pagsasatatak na “Kapamilya” samantalang ang GMA naman ay gumamit ng “Kapuso” bilang kanilang mga islogan at pagkakakilanlan. Ang mga terminong ito ay mabilis na naging bahagi ng kultura ng telebisyon sa Pilipinas, na nagpatibay sa pagkakahiwalay ng mga tagahanga at sa matinding kompetisyon ng dalawang himpilan.
Fantaserye at telepantasya
Isa sa mga natatanging katangian ng telebisyon sa Pilipinas noong dekada 2000 ay ang pagsikat ng mga fantaserye o telefantasya—mga serye na nagtatampok ng mga elementong pantasya, mitolohiya, at mahika na pinaghalo sa drama at aksyon. Ang mga palabas na ito ay naging paborito ng maraming manonood at naging pangunahing sandigan ng mga network sa mga primetime slot o lugar para pangunahing oras ng panonood. Sa GMA Network, pinasikat ang mga telefantasya tulad ng Mulawin (2004), Encantadia (2005), at Darna (2005), samantala, sa ABS-CBN, nilahukan ang fantaserye sa pamamagitan ng mga palabas gaya ng Marina (2004), Kokey (2007) at Super Inggo (2006).
Mga ilang artistang bumida sa mga fantaserye o telefantasya noong dekada 2000
Si Claudine Barretto na gumanap bilang Marina Aguas sa Marina (2004)
Si Angel Locsin na bumida sa Mulawin (2004-2005) at Darna (2005)
Si Empoy Marquez na gumanap bilang Petrang Kabayo sa Super Inggo (2006-2007)
Si Desiree del Valle na gumanap bilang Luminax na kontrabida sa Krystala (2004-2005)
Si Alfred Vargas na gumanap na Aquil sa mga serye ng Encantadia (2005-2006)
Si Dingdong Dantes na gumanap na Ybarro sa mga serye ng Encantadia (2005-2006)
Si Iza Calzado na gumanap na Amihan sa mga serye ng Encantadia (2005-2006)
Si Karylle na gumanap bilang Danaya sa mga serye ng Encantadia (2005-2006)
Si Marian Rivera na gumanap na bida sa Dyesebel (2008) at Darna (2009-2010)
Reality television sa Pilipinas
Sa pag-usbong ng mga reality television sa buong mundo noong dekada 2000, sumabay ang Pilipinas sa pamamagitan ng paglikha ng mga lokal na programang nakabatay sa realidad na agad tinangkilik ng masa. Noong 2003, inilunsad ng GMA Network ang StarStruck, isang paghahanap ng talento na layong tuklasin at sanayin ang mga bagong artista para sa telebisyon at pelikula. Mabilis itong umani ng kasikatan at nagbunsod ng mga matagumpay na karera para kina Mark Herras, Jennylyn Mercado, Yasmien Kurdi, Rainier Castillo at marami pang iba.
Mga sumikat dahil sa reality television noong dekada 2000
Si Sandara Park na unang sumikat sa Star Circle Quest (2004)
Si Yasmien Kurdi na unang nakilala sa StarStruck season 1 (2003-2004)
Si Mark Herras ang nanalong lalaki sa StarStruck season 1 (2003-2004)
Si Jennylyn Mercado ang nanalong babae sa StarStruck season 1 (2003-2004)
Si Ryza Cenon ang nanalong babae sa StarStruck season 2 (2004-2005)
Si Melai Cantiveros ang nanalong babae sa Pinoy Big Brother: Double Up (2009-2010)
Samantala, noong 2005, inilunsad ng ABS-CBN ang Pinoy Big Brother (PBB), ang lokal na bersyon ng sikat na palabas na realidad na Big Brother mula sa Olandes. Pinakilala ng programa ang konsepto ng “bahay ni Kuya,” kung saan sinubaybayan ng mga manonood ang araw-araw na buhay, ugnayan, at pagsubok ng mga kalahok sa loob ng bahay. Naging makapangyarihang plataporma ito para sa agad na pagsikat at hatak ng masa, at ipinanganak dito ang mga bagong bituin tulad nina Kim Chiu, Gerald Anderson, at Melai Cantiveros. Tumulong ang tagumpay ng PBB sa paghubog ng celebrity culture o kultura ng kasikatan sa panibagong paraan — mula sa pagiging "ordinaryong tao" patungong artista sa mata ng publiko.
Love team at mga seryeng Asyano sa Pilipinas
Umiiral pa rin ang konsepto ng "love team" o "tambalang pag-ibig” sa dekada dalawang libo kung saan naging sentro ng kasikatan ang tambalang Jericho Rosales–Kristine Hermosa, Dingdong Dantes–Marian Rivera, at John Lloyd Cruz–Bea Alonzo. Maliban dito, isa sa mga pinakatampok na aspeto ng kulturang popular sa Pilipinas noong dekada 2000 ang matinding kasikatan ng dramang Asyano, partikular ng seryeng Taiwanes at Koreano, na lubos na nakaimpluwensiya sa mga Pilipino sa aspeto ng moda, musika, ganda, at pananaw sa pag-ibig.

Noong 2003, ipinalabas sa ABS-CBN ang dramang Taiwanes na Meteor Garden, batay sa mangang Hapon na Hana Yori Dango. Ito ay naging pambansang sensasyon at nagbunsod ng matinding kasikatan ng F4—Jerry Yan, Vic Zhou, Vanness Wu, at Ken Chu—at ni Barbie Hsu. Ang tagumpay ng Meteor Garden ang nagbukas ng landas para tangkilikin ng masa ang mga banyagang serye maliban sa mga Kanluranin. Sumunod dito, sunod-sunod na ipinalabas ang mga Koreanovela tulad ng Endless Love: Autumn in My Heart (2003), Stairway to Heaven, Full House, Lovers in Paris, at Jewel in the Palace na karamihan na nailabas sa GMA Network. Karaniwang isinasalin sa Filipino ang mga ito upang mas madaling maunawaan. Tinangkilik ang mga dramang Koreano dahil sa kanilang emosyonal na kwento, mala-perpektong romansa, at kahusayan sa produksyon. Naimpluwensyahan din nila ang pananamit, pamantayan sa kagandahan, at ilang gawi ng kabataang Pilipino. Sa huli, naging tulay ito sa pagpasok ng mas malawak na Korean Wave o Hallyu sa bansa.
Pandaigdigang telebisyon
Sa buong mundo, unti-unting humina ang presensya ng mga tradisyonal na sitcom sa telebisyon noong dekada dos mil habang lumakas naman ang interes ng manonood sa mga palabas na realidad gaya ng Survivor, American Idol, The Osbournes, at Keeping Up with the Kardashians. Sa Estados Unidos, pinangunahan ng HBO ang tinaguriang "prestige TV" o prestihiyong telebisyon sa pamamagitan ng mga serye tulad ng The Sopranos at The Wire. Lumakas din ang mga seryeng may seryosong tema gaya ng krimen, medikal na drama, at paranormal na imbestigasyon. Naging tanyag ang mga programang CSI: Crime Scene Investigation at ang mga spinoff nitong CSI: Miami at CSI: NY, gayundin ang NCIS, Without a Trace, House M.D., at Grey's Anatomy. Umusbong din ang mga palabas na may halong paranormal at imbestigasyon gaya ng Medium at Ghost Whisperer, habang ang mga seryeng aksyon-drama tulad ng 24 at Lost ay tumalakay sa mga temang terorismo, kaligtasan, at tunggaliang personal at moral. Samantala, naging mas matapang ang mga komedyang-drama sa pagharap sa mga sensitibong isyu tulad ng paggamit ng droga, pagbubuntis ng kabataan, at karapatang pangkasarian. Kabilang sa mga pinakapinapanood sa genre na ito ang Desperate Housewives, Ugly Betty, at Glee.

Isa sa mga seryeng tumampok sa pagpalit sa panlasa ng manonood noong dekada 2000 ay ang Smallville, isang Amerikanong palabas na tumalakay sa kabataan ni Clark Kent bago siya tuluyang naging si Superman.[32] Unang ipinalabas noong 2001, itinuturing na isa sa mga unang matagumpay na adaptasyon ng genre na superhero sa modernong telebisyon. Sa Estados Unidos, naging pangunahing programa ito ng The WB at kalauna’y The CW. Sa Pilipinas, ipinalabas ito sa Studio 23, ang tsanel na UHF na nakatuon sa kabataan ng ABS-CBN, at malawak na tinangkilik ng kabataang Pilipino. Pinagsama ng serye ang pantasya, kathang-isip pang-agham, at drama ng kabataan, na nagbigay-daan sa muling pagpapakilala sa mitolohiyang superhero sa mas batang henerasyon. Kasama ng mga palabas na Charmed at Alias, ang Smallville ay naging mahalagang bahagi ng kamalayang kultural ng mga Pilipino hinggil sa banyagang telebisyon, at nagsilbing salamin ng malawakang impluwensiya ng popular na kulturang Amerikano sa bansa noong panahong iyon.
Remove ads
Mga pananda
- Ang mga pandemya, tulad ng pandemya ng COVID-19, ay karaniwang inuuri sa sarili nilang kategorya, habang ang mga likas na sakuna ay kinabibilangan ng mga lindol, bagyo, pagputok ng bulkan, pagbaha, at iba pa.
- Ang mga parangal ng Billboard ay ibinabatay sa benta ng album at dihital na kanta, pag-ere sa radyo, istreaming, pag-iikot ng mga konsiyerto (touring), at pakikihalubilo sa social media o hatirang pangmadla.[30]
Remove ads
Mga sanggunian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads