Dekada 1990
dekada ng kalendaryong Gregoryano mula 1990 hanggang 1999 From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang dekada 1990 (binibigkas na “labinsiyam na siyamnapu”, pinaikli bilang d. 1990 o dekada '90 na kadalasang binibigkas na dekada Nobenta) ay isang dekada ng kalendaryong Gregoryano na nagsisimula ng Enero 1, 1990, at natapos ng Disyembre 31, 1999.

Kilala bilang “dekada pagkatapos ng Digmaang Malamig”, itinuturing ang dekada 1990 na panahong pangkultura mula sa mga Rebolusyon ng 1989 hanggang sa mga pag-atake noong Setyembre 11, 2001.[1] Ang pagbuwag ng Unyong Sobyet ay nagtapos sa pagiging superpower ng Rusya, sa pagkakaroon ng isang multipolar na daigdig, at naging daan sa pag-usbong ng sentimyentong kontra-Kanluran. Nanunumbalik ang noon pa lamang ang Tsina mula sa isang magulo at di-tiyak na yugto sa politika at ekonomiya.[2] Bunsod nito, lumitaw ang Estados Unidos bilang tanging superpower ng mundo, na nagdulot ng pansamantalang kapayapaan at kasaganaan para sa maraming bansa sa Kanluran.
Ang dekada 1990 sa Pilipinas ay isang panahon ng mahahalagang pagbabago sa politika, ekonomiya, at kalinangan. Matapos ang Rebolusyong EDSA noong huling bahagi ng dekada 1980, nagsikap ang bansa na patatagin ang mga demokratikong institusyon sa ilalim ng mga administrasyon nina Corazon Aquino at Fidel V. Ramos. Nakaranas ang ekonomiya ng katamtamang paglago na pinasigla ng mga patakarang liberalisasyon, pagtaas ng dayuhang pamumuhunan, at paglago ng padalang salapi mula sa mga Overseas Filipino Worker (Migranteng Manggagawang Pilipino) na naging mahalagang pinagkukunan ng kita. Gayunpaman, nanatiling malaking hamon ang matinding kahirapan, katiwalian, at mga kalamidad. Sa larangan ng kultura, sumibol ang lokal na musika, pelikula, at panitikan kasabay ng lumalawak na impluwensya ng globalisasyon. Partikular na tinutukoy ang dekada 1990 bilang ang "Ginintuang Panahon para sa Orihinal na Pilipinong Musika" dahil sa maraming bandang Pilipino na sumulpot noong dekada nobenta.[3] Sa pulitika, nagpatuloy ang mga negosasyon para sa kapayapaan, lalo na sa Mindanao, kung saan nagpapatuloy ang armadong hidwaan sa pagitan ng pamahalaan at mga grupong separatista tulad ng Moro National Liberation Front (MNLF, literal na Himpilang Pambansang Malayang Moro) at Moro Islamic Liberation Front (MILF, literal na Prente ng Pagpapalaya ng Islamikong Moro), pati na rin ang tuloy-tuloy na gerilyang pakikibaka ng komunistang Bagong Hukbong Bayan (New People's Army o NPA). Sa pagtatapos ng dekada, nahalal bilang pangulo noong 1998 si Joseph “Erap” Estrada, isang dating aktor, alkalde ng San Juan, Kalakhang Maynila, senador, at populistang lider.[4]
Sa loob ng panahong ito, lumago ang populasyon ng mundo mula 5.3 hanggang 6.1 bilyon.[5]
Remove ads
Pangkalahatang buod ng dekada 1990 ayon sa paksa
Agham at teknolohiya
Sa dekada 1990, umunlad ang teknolohiya sa pamamagitan ng paglitaw ng telebisyong kaybol, World Wide Web, ebolusyon ng Pentium microprocessor, mga bateryang lithium-ion (litiyo-ion) na maaaring i-recharge, ang unang pagsubok sa terapewtika ng hene, at pag-clone. Nagbago ang istilo ng buhay nang kumalat sa buong mundo ang bagong teknolohiya. Pumatok ang mga larong bidyo bunsod ng pag-usbong ng mga CD-ROM na may suporta sa 3D na grapikong pangkompyuter sa mga plataporma gaya ng Sony PlayStation, Nintendo 64, at mga personal na kompyuter. Isa sa mga pinakakilalang halimbawa ng pag-clone ay ang pagkaka-clone kay Dolly ang tupa noong 1996, ang kauna-unahang mamalyang na-clone mula sa selulang nasa hustong gulang gamit ang paglilipat ng nukleyus (nuclear transfer). Inilunsad noong 1990 ng Pambansang Institusyon ng Kalusugan (National Institutes of Health o NIH) ng Estados Unidos ang Proyektong Henoma ng Tao (Human Genome Project) na may layuning maitala ang buong henoma ng tao.[6] Gayon din ang unang taga-disenyo ng mga sanggol.[7]

Inilunsad noong 1990 ang Teleskopyong Pangkalawakang Hubble at ito ay nagdulot ng rebolusyon sa larangan ng astronomiya. Sa kasamaang-palad, nagkaroon ito ng depekto sa pangunahing salamin na naging sanhi ng malabo at baluktot na mga imahe. Naayos ito sa pamamagitan ng isang misyon ng pagkukumpuni ng Space Shuttle (Sasakyang Pangkalawakan) noong 1993. Nagsimula noong 1998 ang pagtatayo ng Large Hadron Collider (ang pinakamalaking tagapagbangga ng hadron sa mundo), isang uri ng tagapagpabilis ng partikula. Samantala, ang Nasdaq ang naging kauna-unahang pamilihang sapi sa Estados Unidos na nagpatupad ng online na kalakalan. Mas maraming negosyo ang nagsimulang gumamit ng teknolohiyang pang-impormasyon.
Mga tanyag na websayt na inilunsad noong dekadang ito ay kinabibilangan ng IMDb (1993), eBay (1995), Amazon (1994), GeoCities (1994), Netscape (1994), Yahoo! (1995), AltaVista (1995), AIM (1997), ICQ (1996), Hotmail (1996), Google (1998), at Napster (1999). Ang Napster, isang pasimuno sa peer-to-peer (P2P) na serbisyo ng pagbabahagi ng file sa internet na inilunsad noong taglagas ng 1999, ang naging kauna-unahang peer-to-peer na software na sumikat nang husto. Bagamat posible na noong panahong iyon ang magbahagi ng mga file sa ibang paraan sa pamamagitan ng Internet (tulad ng IRC at USENET), ang Napster ang unang software na nakatuon lamang sa pagbabahagi ng mga file na MP3 para sa musika.
Sa pag-unlad ng software noong dekada 1990, naging pamantayan sa mga IBM PC compatible ang operating system ng Microsoft Windows, na pinalaganap lalo ng paglabas ng Windows 3.1, Windows 95, at Windows 98 na agad na sumikat. Sa panig ng Apple, inilabas ang Macintosh System 7 noong 1991, subalit naharap ang kumpanya sa hamon ng modernisasyon ng kanilang operating system—nauwi ito sa pagbili ng NeXT noong 1996 at paglulunsad ng Mac OS X Server 1.0 noong 1999. Sa panahong ito rin naging mas madaling gamitin ang World Wide Web sa pag-usbong ng mga web browser gaya ng Netscape Navigator at Internet Explorer. Binuo ng Sun Microsystems ang wikang pamprogramang Java, habang sinimulan ni Linus Torvalds sa Pinlandiya ang paglikha ng Linux kernel noong 1991. Kasabay nito, inilabas ang SolidWorks (CAD software) at Macromedia Shockwave Player noong 1995, QuickTime media player noong 1991, at Winamp media player noong 1997, na pawang naging mahalagang bahagi ng pag-unlad ng software at multimidya ng dekada.

Noong dekada 1990, dumaan sa malaking pagbabago ang telekomunikasyon sa buong mundo sa paglipat mula sa analogo (1G) patungong dihital (2G) na mga network na mobile, na sinimulan ng paglulunsad ng GSM sa Pinlandiya noong 1991 na nagdala ng mas malinaw na tawag at kakayahang magpadala ng SMS (Short Message Service). Sumunod ang teknolohiyang CDMA noong 1995 na mas episyente sa paggamit ng signal. Nagsimula ang SMS noong 1992 at mabilis na naging popular sa buong mundo, lalo na nang naging posible ang pagpapadala ng mensahe sa iba’t ibang network pagsapit ng 1999. Lalong lumaganap ang paggamit ng teleponong mobile o selpon dahil sa mas maliliit at murang device, at dahil na rin sa paglitaw ng ang mga kard na prepaid SIM na nagbigay-daan sa mas abot-kayang komunikasyon, lalo na sa mga umuunlad na bansa.
Sa Pilipinas, unang bahagi ng dekada ‘90 ay pinangungunahan ng mga pager o beeper ang personal na komunikasyon, na gamit ng mga propesyonal tulad ng doktor.[8] Gamit ang mga serbisyong tulad ng PocketBell at EasyCall, maikling mensahe ang ipinapadala sa pamamagitan ng operator gamit ang mga kodigong numeriko. Noong 1991, inilunsad ng Piltel ang Mobiline, isang wireless landline service (serbisyong linya ng telepono na walang kawad) na may sariling numero ng telepono subalit limitado sa saklaw. Noong kalagitnaan hanggang huling bahagi ng dekada, sinimulang pumasok ang mga provider o tagapagbigay ng GSM gaya ng Globe at Smart, na nagpakilala ng mga selpon na may mga kard na prepaid SIM at mensaheng teks o text messaging—isang mas mura at mas madaling paraan ng komunikasyon. Mabilis itong niyakap ng mga Pilipino, kaya’t tuluyang napalitan ang paggamit ng beepers at Mobiline. Simula 1994 hanggang 2002, pangunahin na ginagamit ng mga Pilipino ang selpon sa pagteteks kaysa pangtawag[9] dahil mas mura ito kumpara sa pagtawag. Kaya, tinagurian ang Pilipinas bilang “Texting Capital of the World” (Kabisera ng Pagteteks sa Mundo"), dahil sa dami ng mga teks na ipinapadala araw-araw.[10]

Sa kabila ng pagsulong ng teknolohiya, maghatid ng pangamba ang Y2K, o "Year 2000 problem" (suliranin sa taong 2000), sa buong Estados Unidos at kalaunan sa buong mundo sa huling bahagi ng dekada, partikular noong 1999. Isa itong isang teknikal na isyu na nag-ugat sa paraan ng pagrekord ng mga kompyuter ng taon gamit lamang ang huling dalawang numero (halimbawa: "99" para sa 1999), na ikinabahala ng marami na baka sa pagsapit ng Enero 1, 2000 ay basahin ng mga systema ang "00" bilang 1900, at magdulot ng malawakang pagkabigo ng mga kompyuter. Dahil dito, maraming tao ang nag-imbak ng mga panustos sa takot sa isang pandaigdigang sakuna. Gayunman, dahil sa malawakang pagsisikap ng mga inhinyerong pang-software na i-upgrade o pabutihin ang mga sistema, walang naging aberya nang pumasok ang taong 2000.
Ekonomiya
Nagkaroon ng muling pag-aayos at konsolidasyon ng kapangyarihang pampolitika at pang-ekonomiya sa dekada 1990, na minarkahan ng patuloy na malawakang paggalaw ng kapital sa ilalim ng neoliberalismo, globalisasyon, at ang pagtatapos ng Digmaang Malamig. Ang dot-com bubble mula 1997 hanggang 2000 ay naghatid ng biglaang yaman sa ilang negosyante sa sektor ng teknolohiya bago ito bumagsak sa unang bahagi ng dekada 2000.
Maraming bansa ang nakaranas ng kasaganahang pang-ekonomiya habang patuloy na lumalawak ang globalisasyon. Ang mga bansang may mataas na kita ay nakaranas ng matatag na paglago sa ilalim ng tinatawag na Great Moderation o Panahon ng Katatagang Ekonomiko (mula dekada 1980 hanggang maagang bahagi ng dekada 2000). Sa panahong ito, ang paggamit ng selpon sa pampublikong lugar ay itinuturing na isang uri ng hayagang pagpapakitang yaman (conspicuous consumption). Sa kabilang banda, ang GDP ng mga estadong dating bahagi ng Unyong Sobyet ay bumagsak dahil sa mga repormang neoliberal at mabilis na transisyon patungo sa ekonomiyang pamilihan.
Lumawak ang internasyunal na kalakalan sa pagtatatag ng mga bagong institusyong pang-ekonomiya: ang Unyong Europeo noong 1993, ang North American Free Trade Agreement (NAFTA, o Kasunduan sa Malayang Kalakalan ng Hilagang Amerika) noong 1994, at ang World Trade Organization (WTO, o Pandaigdigang Organisasyon ng Pangangalakal) noong 1995. Gayunpaman, ang mga ekonomiya sa rehiyon ng Asya-Pasipiko—kabilang ang Four Asian Tigers o mga Apat na Tigreng Asyano, mga bansang ASEAN, Australya, at Hapon—ay naapektuhan ng krisis pinansyal sa Asya noong 1997 at ang resesyon noong unang bahagi ng dekada 1990.
Nahati ang kilusang makakalikasan sa pagitan ng kaliwang pakikibakang berde (green politics), mga grupong makakalikasan na suportado ng pangunahing industriya, at isang mas makanegosyong na pamamaraan sa regulasyon ng carbon footprint o bakas ng karbon ng mga negosyo.
Ang ekonomiya ng Pilipinas noong dekada 1990 ay dumaan sa malawakang liberalisasyon at reporma.[11] Bagamat bumuti ang takbo ng ekonomiya sa kalagitnaan ng dekada at bumaba ang implasyon, hinarap ng bansa ang matitinding hamon tulad ng krisis sa kuryente noong unang bahagi ng dekada nobenta,[12] krisis pinansyal sa Asya noong 1997, at tagtuyot na dulot ng El Niño noong 1998 na labis na nakaapekto sa agrikultura at katatagan ng ekonomiya. Sa kabila ng mga ito, minarkahan ng dekada ang paglipat mula sa proteksyunistang ekonomiya patungo sa mas bukas at kompetitibong pamilihan na nagsilbing pundasyon ng paglago sa mga sumunod na taon.
Politika at labanan
Isang kombinasyon ng kadahilanan, kabilang ang patuloy na panlahat na pagpapakilos ng mga merkadong kapital sa pamamagitan ng neoliberalismo, ang pagkatunaw at wakas ng Digmaang Malamig na tumagal ng dekada, ang simula ng malawak na paglaganap ng bagong midya tulad ng Internet mula sa gitna ng dekada hanggang lampas nito, ang pagtaas ng pag-aalinlangan sa pamahalaan, at ang pagkabuwag ng Unyong Sobyet, ay naghatid sa isang muling pag-aayos ng ekonomiko at pampolitikang kapangyarihan sa buong mundo at sa loob ng mga bansa. Nagdala ang bulang dot-com noong 1997–2000 ng kayamanan sa ilang negosyante bago ito bumagsak sa pagitan ng 2000 at 2001.
Noong dekada 1990, lalo pang lumaganap ang kapitalismo at mga polisiyang third way (ikalawang alternatibo sa sosyalismo at purong kapitalismo).[13] Ang mga dating kasapi ng Kasunduan ng Warsaw ay lumipat mula sa pagiging mga estadong sosyalista na pinamumunuan ng iisang partido tungo sa mga estadong may maraming partido at ekonomiyang pinangungunahan ng pribadong sektor.[13] Ang parehong daluyong ng pampolitikang liberalisasyon ay naranasan din sa mga kapitalistang bansa at mga bagong industriyalisadong bansa (kabilang ang mga bansa ng Unang Daigdig at Ikatlong Daigdig) gaya ng Arhentina, Brasil, Tsile, Indya, Indonesia, Malaysia, Mehiko, Pilipinas, Timog Aprika, Timog Korea, Taiwan, at Taylandiya. Ang mga reporma sa merkado ay nagdulot ng matinding pagbabago sa mga ekonomiya ng mga bansang sosyalista ng Ikalawang Daigdig gaya ng Tsina at Biyetnam.
Nagbunga naman ang mga etnikong tensyon at karahasan sa dating Yugoslabya noong dekada 1990 ng mas matinding etnikong pagkakakilanlan sa mga bagong independiyenteng bansa, at ng kapansin-pansing pagtaas sa kasikatan ng nasyonalismo.
Panunumpa ng dalawang Pangulo ng Pilipinas noong dekada '90
Panunumpa ni Fidel V. Ramos
Panunumpa ni Joseph Estrada
Noong 1991, bumoto ang Senado ng Pilipinas nang 12–11 laban sa kasunduan ng Pagkakaibigan, Pakikipagtulungan, at Seguridad na magpapatuloy sana ang presensya ng Estados Unidos sa Baseng Pandagat ng Look ng Subic.[14] Ang desisyon ay pinangunahan ni Pangulo ng Senado na si Jovito Salonga, na nagbigay ng panghuling boto laban sa kasunduan, na nagresulta sa pagsasara ng mga pangunahing base gaya ng Subic at Clark. Sa dekada 1990, isinulong ni Pangulong Fidel V. Ramos ang mga reporma sa ekonomiya tulad ng liberalisasyon at deregulasyon,[15] subalit naharap sa batikos dahil sa mga kontrobersyal na kasunduan tulad ng IPP[16] at Expo Pilipino,[17] gayundin ang land reclamation deal ng sa pagitan ng PEA at Amari,[18] na idineklara ng Korte Suprema na labag sa saligang batas.[19] Pagkatapos ng termino ni Ramos noong 1998, nahalal si Joseph “Erap” Estrada bilang pangulo, subalit naputol ang kanyang termino matapos maharap sa mga kaso ng katiwalian at mapilitang bumaba dahil sa tinaguriang EDSA II noong 2001 noong sumunod na dekada.
Noong 1996, nagpatuloy ang mga usapang pangkapayapaan sa mga grupong rebelde gaya ng Moro National Liberation Front (MNLF, literal na Himpilang Pambansang Malayang Moro) na may iba't ibang antas ng pagsulong, habang nilalayon ng pamahalaan na tugunan ang matagal nang mga sigalot.[20] Noong 1998, ipinagdiwang ng Pilipinas ang ika-100 anibersaryo ng Kalayaan mula sa mga mananakop na Kastila, isang mahalagang okasyon na nagbigay-diin sa pambansang pagkakakilanlan.
May bagong etnikong hidwaan ang sumulpot sa Aprika, sa Balkan, at sa Kaukasya, na naidulot ng dalawang nauna sa henosidyo sa Rwanda at Bosnia, ayon sa pagkakabanggit. Isang pangunahing digmaan din sa dekada 1990 ang Digmaan sa Golpo sa Gitnang Silangan. Ang mga palatandaan ng kahit anong kalutasan sa mga tensyon sa pagitan ng Israel at mundong Arabe ay nanatiling mailap sa kabila ng pagsulong ng Pagkakasundo sa Oslo, bagaman nahinto ang The Troubles sa Hilagang Irlanda noong 1998 sa Kasunduang Biyernes Santo pagkatapos ng 30 taon ng karahasan.[21]

Pinalaya mula sa bilangguan noong Pebrero 11, 1990 si Nelson Mandela, pinuno ng Pambansang Kongresong Aprikano (African National Congress), matapos ang tatlumpung taong pagkakapiit dahil sa kanyang pagtutol sa aparteid at pamumuno ng minoryang puti sa Timog Aprika. Natapos ang aparteid sa Timog Aprika noong 1994.[22] Noong Oktubre 3,1990, muling nagkaisa ang Silangan at Kanlurang Alemanya bilang bunga ng pagbagsak ng Unyong Sobyet at ng Pader ng Berlin. Matapos pagsamahin ang kanilang estruktura ng ekonomiya at mga pamahalaang panlalawigan, nakatuon ang Alemanya sa modernisasyon ng dating komunistang Silangang bahagi. Ang mga taong lumaki sa sosyalistang Silangang Alemanya ay isinama at iniangkop sa pamumuhay ng mga naninirahan sa kapitalistang Kanlurang Alemanya.
Si Pangulong Bill Clinton ng Estados Unidos ay isa sa mga nangingibabaw na pigura sa pandaigdigang politika noong dekada 1990. Kilala siya sa kanyang mga pagsisikap na isulong ang kapayapaan sa Gitnang Silangan at wakasan ang nagpapatuloy na mga digmaan sa dating Yugoslabua, sa kanyang pagsusulong ng pandaigdigang pagkilos upang mabawasan ang pagbabago ng klimang dulot ng tao, at sa kanyang pagtutulak ng malayang kalakalan sa mga bansa ng Amerika. Bagaman, nasangkot si Clinton sa isang iskandalong malawakang sinundan ng midya, kaugnay ng hindi angkop na ugnayan niya sa intern o nagsasanay sa White House na si Monica Lewinsky, na unang ibinunyag noong Enero 21, 1998. Matapos siyang ma-impeach o nasakdal ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Estados Unidos noong Disyembre 19, 1998 dahil sa pagsisinungaling sa ilalim ng panunumpa, at matapos ang imbestigasyon ni pederal na prosecutor o tagapagsakdal na si Kenneth Starr, pinawalang-sala siya ng Senado sa lahat ng paratang noong Pebrero 12, 1999. Natapos niya ang nalalabing bahagi ng kanyang ikalawang termino.
Sakuna
Nagpakita ang dekada 1990 ng isang pag-igting ng mas madalas at mas mapaminsalang mga kalamidad na likas, na nagbasag ng maraming naunang rekord. Bagama’t idineklara ng Mga Nagkakaisang Bansa ang dekada 1990 bilang Pandaigdigang Dekada para sa Pagpapababa ng Pinsala ng mga Kalamidad bilang bahagi ng kanilang programa upang maiwasan ang pagkalugi dulot ng mga sakuna, umabot pa rin sa rekord na US$608 bilyon ang kabuuang pinsalang idinulot ng mga ito—mas malaki kaysa sa pinagsamang halaga ng pinsala sa nakaraang apat na dekada.[23]

Kabilang sa mga pinaka-kilalang kalamidad na natural ng dekada ang: ang pananalasa ng Bagyong Andrew sa Timog Florida noong Agosto 1992; ang maparalisang super bagyo noong Marso 1993 sa Silangang Baybayin ng Estados Unidos; ang mapinsalang lindol sa Northridge, Los Angeles noong 1994; ang Malaking Lindol sa Hanshin sa Kobe, Hapon noong Enero 1995; ang malawakang pag-ulan ng yelo noong 1996 sa silangang bahagi ng Estados Unidos; ang tagtuyot sa Estados Unidos noong 1999; ang nakamamatay na Bagyong Mitch na tumama sa Gitnang Amerika noong Oktubre 1998; ang mapanirang sunod-sunod na buhawi sa Oklahoma noong Mayo 1999; ang lindol sa İzmit, Turkiya noong Agosto 1999; at ang lindol sa Chi-Chi, Taiwan noong Setyembre 1999.

Hindi rin nakaligtas ang Pilipinas sa matitinding sakuna sa panahong ito. Isang lindol na may lakas na 7.8 magnitud ang tumama sa Pilipinas noong Hulyo 16, 1990 at pumatay ng humigit-kumulang 1,000 katao sa Baguio. Makalipas ang halos 600 taon ng kawalang-aktibidad, sumabog ang Bulkang Pinatubo noong Hunyo 1991, na nagdulot ng matinding pinsala sa Zambales at Pampanga.
Libangan at popular na kultura
Musika
Pandaigdigang musika
Sa larangan ng musika, sina Whitney Houston, Celine Dion, at Mariah Carey ay tatlo sa mga pinakabentang at pinakasikat na babaeng mang-aawit ng dekada. Gayunpaman, ang dekada 1990 ay marahil pinaka-kilala para sa grunge, gangsta rap, R&B, teen pop; Eurodance, electronic dance music, ang muling pag-usbong ng kasikatan ng punk rock mula sa banda ng Green Day at ang kanilang album na Dookie noong 1994 (na tumulong din sa paglikha ng bagong genre na pop punk), at para sa pagpasok ng alternative rock sa pangunahing agos o mainstream ng musika. Ang U2 ay isa sa mga pinakasikat na banda noong dekada 1990; ang kanilang makabago at matagumpay na mga Zoo TV at PopMart na mga tour o paglibot ay naging mga pinakabentang paglibot ng 1992 at 1997, ayon sa pagkakasunod. Sumikat ang grunge noong unang bahagi ng dekada 1990 dahil sa tagumpay ng mga album na Nevermind ng Nirvana, Ten ng Pearl Jam, Dirt ng Alice in Chains, Badmotorfinger ng Soundgarden, at Core ng Stone Temple Pilots.[24]
Orihinal na Pilipinong Musika
Mga ilang kilalang mang-aawit ng OPM na tinangkilik noong dekada '90
Si Ely Buendia, ang bokalista ng Eraserheads
Si Bamboo, ang bokalista ng Rivermaya
Si Chito Miranda, ang bokalista ng Parokya ni Edgar
Si Regine Velasquez, ang tinaguriang Asia's Songbird
Si Zsa Zsa Padilla, ang tinaguriang The Divine Diva
Si Jaya, ang tinaguriang Asia's Queen of Soul
Si Ogie Alcasid, ang tinaguriang Manunulat ng Awit
Sa dekada 1990, itinuturing ang panahon bilang gintong panahon ng musika sa Pilipinas, kung saan umusbong at sumikat ang iba't ibang genre tulad ng pop, rock, rap, at OPM (Original Pilipino Music o Orihinal na Pilipinong Musika) na naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Sa larangan ng rap, naging pangunahing mga pangalan sina Francis M., na kilala bilang “Master Rapper,” at Andrew E., na sumikat sa masa sa pamamagitan ng kanyang mga makatawang kanta. Kasabay nito, sumikat din ang mga solong mang-aawit gaya nina Regine Velasquez, Zsa Zsa Padilla, Janno Gibbs, Jaya, at Ogie Alcasid. Sumikat rin ang mga kakaibang balada at boses ni April Boy Regino[25] na tinuturing na icon o ikono sa musika.[26] Kilala naman si Allona sa kanyang malalim na boses na maririnig sa kanyang mga awitin gaya ng "Someone's Always Saying Goodbye".[27] Samantala, napakapopular naman ang awitin ni Roselle Nava na "Bakit Nga Ba Mahal Kita" na sikat pa rin kahit lagpas pa ng dekada 1990.[28] Ilan pa sa mga kapansin-pansing solong mang-aawit mula sa Pilipinas noong dekada nobenta sina Donna Cruz, Jessa Zaragoza, Ariel Rivera, Carol Banawa, at Ella May Saison.
Pagputok ng mga bandang Pilipino
Ang tinuguriang band explosion o pagputok ng mga bandang Pilipino noong dekada nobenta tulad ng Eraserheads, Rivermaya, Parokya ni Edgar, at Yano, ay nagdala ng bagong sigla at estilo sa OPM partikular sa Pinoy rock at Pinoy alternative rock. Tinuturing na "Ginintuang Panahon para sa OPM" ang dekada '90 dahil sa paglaganap ng maraming banda.[3] Binabansagan din ang dekadang nobenta bilang "Ikalawang Ginintuang Panahon ng Pinoy Rock",[29] yayamang, noong dekada setenta ang unang ginuntuang panahon ng Pinoy rock.[30] Tinutukoy din na "Ginintuang Panahon ng mga Bandang Pinoy" ang dekada '90.[31] Kinilala ang ginuntuang panahon na ito ng musika sa aklat na '90s Pinoy Rock.[32]
May iba't ibang istilo ng rock ang umusbong tulad ng grunge sa bandang Teeth, metal sa bandang Wolfgang, ska sa bandang Pu3ska, reggae sa bandang Tropical Depression, punk sa Ex-Presidents Combo, rap-rock sa bandang Erectus, at riot grrl sa Keltscross.[33][34] Bagaman, karamihan sa mga musikero ng Pinoy rock ay mula sa mga banda, may iilang solong mang-aawit na lumitaw sa genre na ito na kinabibilangan nina DJ Alvaro, Bayang Barrios at Maegan Aguilar. May ilan din na mga bokalista ng banda na namumukod-tangi tulad nina Ely Buendia ng Eraserheads, Bamboo Mañalac at Rico Blanco ng Rivermaya, Chito Miranda ng Parokya ni Edgar, Dong Abay ng Yano, Wency Cornejo ng After Image, Cookie Chua ng Color It Red, Medwin Marfil ng True Faith, Basti Artadi ng Wolfgang, Barbie Almalbis ng Hungry Young Poets at Barbie's Cradle, Melody del Mundo ng Sugar Hiccup, at ang magkapatid na Karl Roy ng P.O.T. at Kevin Roy ng Razorback.[35]
Mga pangunahing bida sa aksyong pelikula ng dekada '90
Pelikula
Sa larangan naman ng paggawa ng pelikula sa Pilipinas noong dekada 1990, nanguna ang mga pangunahing istudiyo tulad ng Viva Films, Regal Films, GMA Films at Star Cinema sa paggawa ng mga pelikulang madaling tangkilikin ng masa,[36] lalo na sa mga genre ng aksyon, at romantikong drama. Nangibabaw sa takilya ang mga action star na sina Fernando Poe Jr. at Robin Padilla, habang sumikat din ang mga "ST" (sex trip) at "TF" (titillating films) na pelikula—mga mura at madalas erotikong pelikula—na nilabas ng Seiko Films[37][38] at tampok ang mga aktres tulad nina Rosanna Roces[39] at Klaudia Koronel.[40] Bagama’t tinutuligsa ang mga ito bilang eksploitasyon,[41] matagumpay ang ilan.[42] Unti-unting nawala ang liwanag ng mga auteur tulad nina Lino Brocka at Ishmael Bernal, subalit patuloy pa rin ang mga kilalang direktor tulad nina Marilou Diaz-Abaya (Jose Rizal) at Joel Lamangan (The Flor Contemplacion Story) sa paggawa ng mga makabuluhang pelikula. Bagamat limitado ang pagkilala sa internasyonal, may mga direktor gaya ni Raymond Red na nagsimulang makilala patungo sa katapusan ng dekada. Sa kabila ng bagong bugso ng malalayang pelikula at direktor, gumawa ng madaliang pelikula na may mababang kalidad ang mga tagagawa ng pelikula sa maraming kadahilanan kabilang ang mataas na buwis at pamimirata. Kahit sa ganitong suliranin, nakagawa sila ng higit sa 200 pelikula kada taon noong dekada 1990.[43]
Sa pagpasok ng huling bahagi ng dekada 1990, malaking impluwensya ang naging kultura ng kabataan sa takbo ng paggawa ng pelikula sa Pilipinas. Sumikat ang mga pelikulang nakatuon sa mga kabataan, sa tulong ng mga love team (o tambalang pag-ibig) tulad nina Rico Yan at Claudine Barretto, Marvin Agustin at Jolina Magdangal, at Bobby Andrews at Angelu de Leon.[44] Pinangunahan ng Star Cinema ang trend o uso na ito sa pamamagitan ng mga hit na pelikula gaya ng Labs Kita, Okey Ka Lang? at Dahil Mahal na Mahal Kita, na tumatalakay sa pag-ibig, pagkakaibigan, at mga karanasan ng paglaki. Kasabay nito, naging bahagi rin ng pandaigdigang kultura ng kabataan ang mga pelikulang pang-tinedyer ng Hollywood tulad ng Clueless, 10 Things I Hate About You, She’s All That, at American Pie.[45] Tinatawag ang taong 1999 bilang Ginuntuang Taon ng mga pelikulang pang-tinedyer.[46]

Ilan lamang sa halimbawa ng mga pelikulang Pilipino na kapansin-pansin noong dekada 1990 ang Isusumbong Kita sa Tatay Ko (1999) nina Fernando Poe Jr. at Judy Ann Santos, na kumita ng higit sa ₱100 milyon,[47] at Jose Rizal (1998) na pinangunahan ni Cesar Montano bilang si Rizal, na may badyet ng humigit-kumulang ₱80 milyon at kita na ₱96 milyon, at itinuturing na isa sa pinakamahalagang pelikulang pangkasaysayan sa bansa.[48] Kasama rin sa mga iba pang kapansin-pansin na pelikulang Pilipino ang Muling Umawit ang Puso (1995) na pinagbidahan ni Nora Aunor; Ang Tanging Ina (1999), isang komedyang-drama na pinagbidahan ni Ai-ai delas Alas; at Dahil Mahal na Mahal Kita (1998) nina Claudine Barretto at Rico Yan.
Sa pandaigdigang takilya naman, limang pelikulang Hollywood ang namayagpag noong dekada 1990. Nanguna ang Titanic (1997) ni James Cameron, na tumabo ng mahigit $1.8 bilyon at naging pinakamalaking pelikula ng dekada. Sinundan ito ng Star Wars Episode I: The Phantom Menace (1999), na kumita ng halos $924 milyon. Pumangatlo ang Jurassic Park (1993) ni Steven Spielberg, na kumita ng mahigit $914 milyon at nagbago sa mundo ng visual effects. Sumunod ang Independence Day (1996) na may kita na $817 milyon, at The Lion King (1994), ang klasikong animasyon ng ng Disney, na kumita ng $763 milyon.
Mga piling gumanap sa T.G.I.S. at Gimik
Si Angelu de Leon na gumanap bilang Peachy Real sa T.G.I.S.
Si Judy Ann Santos na gumanap na Dianne Villaruel sa Gimik
Si Rica Peralejo na parehong lumabas sa Gimik at T.G.I.S.
Telebisyon
Sa mundo ng telebisyon, ang tinaguriang network war sa Pilipinas o ang tunggalian sa pagitan ng ABS-CBN at GMA Network ay madalas itinuturing na nagsimula noong dekada 1990, subalit may mga ugat ito sa mas naunang panahon kung kailan nag-aagawan na ang mga himpilan para sa manonood at bahagi ng merkado.[49] Lalong tumindi ang tunggalian noong dekada 1990, lalo na sa tanghali sa pagitan ng mga palabas tulad ng Eat Bulaga!, Lunch Date at 'Sang Linggo nAPO Sila.[50] Lumawak ang kompetisyon sa larangan ng balita, ugnayang publiko, at programang primetime, kung saan parehong naglunsad ang mga network ng mga palabas na naging popular at kinilala ng kritiko. Naglabas din ang parehong istasyon ng mga programang nakatuon sa kabataan gaya ng Gimik (ABS-CBN) at T.G.I.S. (GMA) na naging bahagi ng kulturang kabataan noong panahong iyon.[51] Sa pandaigdigan, ang Beverly Hills, 90210, Dawson’s Creek, at Sabrina the Teenage Witch ay naging paborito ng mga tinedyer.
Sa mga soap opera noong unang bahagi ng dekada nobenta sa Pilipinas, ang mga programang tulad ng Anna Luna (1989–1995) at Valiente (1992–1997) ang umani ng tagumpay sa pamamagitan ng mga kuwentong puno ng emosyon na tumatalakay sa tunggalian ng pamilya, hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan, at paghahanap ng katarungan. Pinagpatuloy ng mga dramang ito ang tradisyong pamilyar sa mga manonood habang isinasaayos ito sa biswal na anyo ng telebisyon. Pagsapit ng kalagitnaan ng dekada, lumitaw ang mga seryeng tulad ng Mara Clara (1992–1997) at Esperanza (1997–1999) na tampok ang mas batang mga artista, mas masalimuot na banghay, at mas makabagong urbanong tagpuan—salamin ng pagbabagong demograpiko ng manonood at ng pag-unlad sa produksiyon.

Namayagpag naman sa ibang panig ng mundo noong dekada nobenta ang mga drama at sitcom na Amerikano sa maraming bansa tulad ng Friends, Seinfeld, Felicity at Party of Five. Samantala, kinagiliwan ng marami ang The X-Files dahil sa halong siyensiyang kathang-isip, kababalaghan, at misteryo. Ang Baywatch, na sumikat sa mga eksenang lifeguard (tagabantay sa palanguyan) at mabagal na takbo sa tabing-dagat, ay naging isa sa pinakapanonood na serye sa buong mundo. Tumatak din ang Mr. Bean mula sa Britanya, na may tahimik subalit epektibong komedya na madaling maunawaan kahit walang salin. Sumikat din ang mga naka-dub na telenobelang Mehikano sa Pilipinas na sinimulan ng Marimar noong 1994 na pinagbidahan ni Thalia.[52]

Naging popular ang animeng Hapon noong dekada 1980 at lumawak ang mga tagapanood sa buong mundo. Ilan sa mga pumatok na palabas na anime noong dekada 1990 ang Sailor Moon, Digimon, Pokémon, Cowboy Bebop, Gundam Wing, Neon Genesis Evangelion, Ranma ½, at Yu Yu Hakusho na kilala sa Pilipinas bilang Ghost Fighter. Sa Pilipinas, ang mga anime ay naka-dub o binosesan sa wikang Ingles bago ang dekada 1990. Noon lamang kalagitnaan ng dekada 1990 nang nai-dub sa wikang Filipino ang mga anime ng mga himpilang ng telebisyon kabilang ang muling nailabas na anime tulad ng Voltes V at Dragon Ball.[53] Tinangkilik din sa ilang panig ng mundo noong dekada 1990 ang mga seryeng animasyon na hindi anime tulad ng The Simpsons, Batman: The Animated Series, X-Men: The Animated Series at Rugrats.
Radyo
Sa buong mundo
Noong dekada 1990, nanatiling makapangyarihang midyum ang radyo sa buong mundo sa kabila ng paglago ng telebisyon, home video (o bidyong pantahanan), at mga unang anyo ng dihital na teknolohiya. Sa pandaigdigang antas, nangibabaw ang radyong FM dahil sa mas malinaw nitong tunog at pagtutok sa mga espesipikong musikang paborito ng mga tagapakinig ng iba't ibang uri ng musika. Samantala, ang radyong AM ay nakatuon sa mga programa ng balita, relihiyon, at talakayan. Sa Estados Unidos, sumikat ang mga personalidad tulad nina Howard Stern, Rush Limbaugh, at Dr. Laura Schlessinger na nagpasimula ng malawakang sindikasyon at pambansang pag-brodkast.[54] Kasabay nito, naging sentralisado ang industriya dahil sa pagsasanib ng mga kumpanyang nagmamay-ari ng maraming istasyon, kaya nabawasan ang lokal na programa at naging mas uniporme ang mga playlist (o listahan ng patutugtugin). Sa pagtatapos ng dekada, lumitaw ang radyong internet bilang paunang hakbang tungo sa pag-usbong ng mga serbisyong pag-stream.
Sa Pilipinas
Ayon sa Pambansang Komisyon sa Telekomunikasyon ng Pilpinas noong 1997, may kabuuang 629 himpilan ng radyo na 330 dito ang estasyong AM at 399 ang estasyong FM.[55] Nasa 530 lamang ang nasa ilalim ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP). Lumago din ang pampamayang himpilan ng radyo nang itinayo sa 12 malalayong pamayanan sa buong bansa simula noong 1991 sa pamamagitan ng proyektong Tambuli na pinondohan n UNESCO at DANIDA (Danish International Development Agency o literal na Ahensiya ng Pandaigdigang Pagpapaunlad ng Dinamarka).
Himpilang FM
Umunlad nang husto ang radyong FM sa Pilipinas at nagsilbing mahalagang plataporma sa paghubog ng musika at kultura noong panahon. Ang mga istasyon tulad ng Magic 89.9, RX 93.1, 97.1 WLS-FM, at 93.9 KCFM sa Kalakhang Maynila at karatig lalawigan ay naging paborito ng mga kabataang urbano sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba't ibang anyo ng internasyonal na musika at Original Pilipino Music (OPM). Sa mga istasyong ito, naging daan para sumikat ang mga lokal na banda tulad ng Eraserheads, Rivermaya, Yano, at Parokya ni Edgar na nagmarka sa tunog ng dekada. Ang NU 107 naman ay naging pangunahing istasyon para sa alternative rock, na nagsilbing tanglaw ng mga bagong banda at independiyenteng mga grupo sa bansa.
Isa pa rin sa nagtaguyod ng rebolusyon sa musikang Pilipino ang DWLA 105. Malaki ang impluwensiya ng payola sa radyo sa Pilipinas na suliranin na noong pang dekada 1970[56] kaya’t nawalan ng puwang ang mga independiyenteng artista. Hinamon ito ng LA 105.9 (DWLA 105.9 FM)[57] sa pamamagitan ng pagtatampok ng Pinoy rock at pagbibigay ng airtime (oras sa himpapawid) sa mga banda[58] kahit wala silang bayad o suporta mula sa malalaking tatak pangrekord.
Malaki ang ginampanan ng mga DJ sa pagpapasikat ng radyo noong dekada 1990. Ang Love Notes ni Joe D’Mango ay naging isang programa ng gabi na puno ng emosyon, kung saan binabasa ang mga liham ng tagapakinig at nagbibigay ng payo tungkol sa pag-ibig. Sa kabilang banda, si John Hendrix ay DJ sa umaga sa Campus Rado 97.1 WLS-FM,[59] na nagsimula ng araw ng maraming Pilipino. Isa rin sa mga kilalang personalidad sa istasyong ito ay si The Triggerman, na naging tanyag dahil sa kanyang programang countdown (o pagbibilang) na Top 20 at 12. Samantala, si Francis Brew ng NU 107 ay isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng lokal na musikang rock at DJ ng mga programa na nagtampok ng mga Filipino at banyagang alternatibong banda, na malaking ambag sa muling pagsibol ng rock noong dekada. Ang palatuntunan sa radyo na In The Raw ni Francis Brew ay ang naging daan para makilala ng madla ang mga bagong banda na hindi pa nakapirma sa isang tatak pangrekord.[60]
Himpilang AM
Mga prominenteng mamamahayag ng radyong AM noong dekada 90
Patuloy na naglingkod ang radyong AM sa larangan ng pampublikong serbisyo at pagbabalita. Ang mga istasyon tulad ng DZMM, DZRH, at DZBB sa Kalakhang Maynila at karatig probinsya ay nagkaroon ng malawak na tagapakinig, lalo na sa mga probinsya at sa mas nakatatandang populasyon. Ang mga komentarista, tagapagbalita at brodkaster ng radyong AM noong dekada nobenta ay nagkaroon ng atensyon sa madla.[61] Kabilang sa kanilang mga programa ang balita, talakayan sa mga isyu ng bayan, legal na payo, at mga radyo drama, na nanatiling mahalaga kahit pa mas pinaboran ng kabataan ang radyong FM. Sa mga kilalang tagapagpahayag ng AM radio noong dekada 1990 ay sina Joe Taruc ng DZRH, na bantog sa kanyang matibay at malalim na pag-uulat ng balita at mga programang pampubliko; Mike Enriquez ng DZBB, na nakilala dahil sa kanyang matapang na imbestigatibong pamamahayag at mahigpit na panayam; at si Noli de Castro ng DZMM, na bago pumasok sa politika ay isa nang respetadong tapagbalita at taga-ulat na kilala sa kanyang mapagkakatiwalaan at kalmadong estilo ng pag-uulat. Sina Enriquez at de Castro ay parehong nagmula sa radyo at dinala sa balitang pangtelebisyon dahil sa pangmasang atraksyon.[62]
Palakasan
Sa mundo ng palakasan noong dekada nobenta, nangingibabaw si Michael Jordan sa basketbol na pinangunahan ang Chicago Bulls sa anim na kampeonato sa NBA.[63] Umangat din ang kasikatan ng basketbol sa buong mundo dahil sa “Dream Team” (Pangarap na Koponan) na koponan ng Estados Unidos para sa Palarong Olimpiko ng 1992 na binubuo ng mga bituin gaya nina Jordan, Magic Johnson, at Larry Bird. Sa putbol (soccer), tampok ang mga Pandaigdigang Kopang FIFA noong 1990, 1994, at 1998 na kinabilangan ng mga tanyag na manlalaro tulad nina Diego Maradona, Roberto Baggio, at Zinedine Zidane. Sa tenis, namayagpag sina Pete Sampras at Andre Agassi sa dibisyong panlalaki, habang sina Steffi Graf at Monica Seles ang nanguna sa dibisyong pambabae.[64] Sa Formula 1, naging kapana-panabik ang labanan nina Ayrton Senna at Michael Schumacher. Sa boksing naman, naging tampok sina Mike Tyson, Evander Holyfield, at Lennox Lewis sa bigateng dibisyon.
Mga piling manlalarong Pilipino
na tanyag noong dekada 90
na tanyag noong dekada 90
Si Benjie Paras na isa mga basketbolista na namayagpag noong dekada 90
Si Bata Reyes ang tinaguriang magician ng bilyar
Si Onyok Velasco, ang tanging Pilipino noong dekada 90 na may medalyang pilak sa Palarong Olimpiko
Sa Pilipinas, nanatiling pinakapopular ang basketbol. Umangat ang PBA sa pamumuno ng mga bituin tulad nina Allan Caidic, Benjie Paras, at Johnny Abarrientos, habang sumisikat na rin ang UAAP at NCAA na mga liga sa kolehiyo. Nakilala rin ang Pilipinas sa larangan ng bilyar dahil kay Efren “Bata” Reyes na naging tanyag sa buong mundo. Nagpatuloy si Paeng Nepomuceno sa pagbibigay ng karangalan sa bansa sa bowling,. Noong 1996, nagbigay ng karangalan si Mansueto “Onyok” Velasco nang masungkit niya ang medalyang pilak sa boksing (light flyweight) sa Palarong Olimpiko sa Atlanta—ang nag-iisang medalyang pilak ng Pilipinas sa buong dekada. Nanalo naman ang kapatid ni Onyok na si Roel Velasco[65] ng medalyang bronse sa boksing (light flyweight) noong Palarong Olimpiko ng 1992 sa Barcelona.[66]
Panitikan
Noong dekada 1990, nagkaroon ng makabuluhang pag-unlad ang panitikan sa pandaigdigang saklaw pati na rin sa Pilipinas, kung saan namayagpag ang mga impluwensya ng multikulturalismo, postmodernismo, at popular na babasahin. Sa internasyonal na larangan, sumikat ang mga manunulat tulad nina Toni Morrison, Haruki Murakami, Salman Rushdie, at J.K. Rowling, na nagpasimula ng pandaigdigang popularidad ng panitikang pambata sa pamamagitan ng akdang Harry Potter and the Philosopher’s Stone (1997).

Sa Pilipinas, patuloy na umusbong ang panitikan sa Ingles at Filipino sa pamamagitan ng mga akda nina Jun Cruz Reyes, na inilathala ang nobelang Etsa-Puwera (1998) na tumalakay sa karanasan ng kabataan at mga isyung panlipunan, at ginawaran ng Pambansang Gantimpalang Pampanitikan para sa Sentenaryo. Naitapos ni Cirilo Bautista ang kanyang epikong trilohiya sa Sunlight on Broken Stones (1998), habang si Edith Tiempo ay naglathala ng koleksyon ng mga tula na pinamagatang Marginal Annotations and Other Poems (1993). Ang mga naunang gawa ni Lualhati Bautista bago ang dekada '90 tulad ng Bata, Bata... Pa’no Ka Ginawa? ay nagkaroon ng bagong interes sa pamamagitan ng adaptasyong pelikula na nailabas noong 1998, habang nanatiling mahalaga ang mga naunang akda niyang Dekada ’70 at GAPÔ sa diskursong pampanitikan at pulitikal.[67] Bukod dito, lumitaw bilang prominenteng tinig ng kabataang intelektwal at urbano si Jessica Zafra sa pamamagitan ng kanyang seryeng sanaysay na Twisted, na nagbigay-diin sa politika, kultura, at personal na pananaw ng henerasyong X. Popular noong dekada nobenta sa Pilipinas ang mga pocketbook (aklat na naibubulsa) na may genre na romansa na pinalitan ang komiks sa mga nagdaang mga taon.[68]
Komiks
Noong dekada 1990, sumiklab ang malawakang pagbabago sa pandaigdigang industriya ng komiks. Sa Estados Unidos, pitong kilalang dibuhista ng Marvel—kabilang sina Todd McFarlane, Jim Lee, at Rob Liefeld—ang nagtayo ng Image Comics noong 1992 at naglabas ng mga pamagat na Spawn, Youngblood, at WildC.A.T.s, na nagbigay-diin sa malikhaing kalayaan at karapatang-ari ng mga lumikha.[69] Sa DC Comics, namayagpag ang malalaking story arc tulad ng The Death of Superman (1992) at Knightfall (1993), kung saan ang The Death of Superman ay nagdulot ng malakas na muling pagkahumaling sa karakter at sa komiks sa pangkalahatan, dala ng malaking benta, malawakang pag-uulat sa midya, at mga bagong kuwento sa mga sumunod na yugto.[70] Samantala, ang mangang Hapon ay naging pandaigdigang paborito, sa tulong ng mga seryeng Dragon Ball, Sailor Moon, at Rurouni Kenshin na tumawid mula komiks patungong anime.[71]

Noong unang bahagi ng dekada 1990 sa Pilipinas, patuloy pa ring inilalathala ang maraming pamagat ng komiks, subalit nagsimula na ang unti-unting paghina ng industriya bunga ng pagbabago sa teknolohiya, midya, at panlasa ng mambabasa.[72] Bagama’t aktibo pa ang mga higanteng tagapaglimbag tulad ng Atlas Publishing at GASI, bumaba na ang kalidad at kita ng industriya. Maraming beteranong manunulat at dibuhista ang lumipat sa ibang larangan o ibang bansa, habang ang mga mambabasa ay nahumaling sa telebisyon, pelikula, at mga bagong anyo ng libangan gaya ng video games.
Bilang tugon, umusbong ang alternatibong kilusan sa komiks, na binubuo ng mga kabataang dibuhista at manunulat na lumikha ng mga naka-xerox mini-komiks o zines. Itinatag ang Alamat Comics noong 1994, tampok ang mga makabagong likha tulad ng Wasted ni Gerry Alanguilan. Sa gitna ng pagbagsak ng komiks sa merkadong pangmasa, naging puwang ito ng malikhaing eksperimento at independiyenteng pagbabahagi ng kuwento—na siyang nagtanim ng binhi ng muling pagbuhay ng indie at paglilimbag sa dihital ng mga sumunod na dekada.
Patimpalak ng kagandahan

Sa larangan ng patimpalak ng kagandahan noong dekada nobenta, nanatiling tanyag ang Miss Universe, Miss World, at Miss International, at milyon-milyong manonood ang sumusubaybay sa mga ito sa telebisyon. Namayagpag ang mga bansa tulad ng Indya, Venezuela, Estados Unidos, at Puerto Rico, lalo na noong 1994 nang magwagi si Sushmita Sen bilang Miss Universe at si Aishwarya Rai bilang Miss World—mga tagumpay nagbigay ng inspirasyon sa kababaihang Asyano. Partikular na minahal ng mga Pilipino si Sushmita Sen dahil sa kanyang karisma at paggalang sa kulturang Pinoy, lalo pa’t ginanap ang Miss Universe 1994 sa Maynila.[73][74] Sa Pilipinas, tampok ang mga lokal na patimpalak tulad ng Binibining Pilipinas at Mutya ng Pilipinas, na naging daan para makilala sina Charlene Gonzales, na pumasok sa Top 6 (Nangungunang anim) noong Miss Universe 1994, at Miriam Quiambao, na naging first runner-up (unang pumangalawa) noong Miss Universe 1999. Partikular na di-malilimutang sandali ang paglahok ni Quiambao sa Miss Universe matapos madapa sa paunang patimpalak ng kasuotang panggabi (preliminary evening gown competition), at ang pagkapanalo niya bilang unang pumapangalaw ay ang pinakamataas na naabot ng Pilipinas sa Miss Universe sa loob ng mahigit dalawang dekada.
Larong bidyo
Ang dekada 1990 ay isang mahalagang yugto sa kasaysayan ng larong bidyo, na minarkahan ng malalaking pagsulong sa teknolohiya, pag-usbong ng mga bagong genre, at ang pagiging bahagi ng pangunahing agos ng kulturang popular. Sa panahong ito naganap ang transisyon mula grapikong 2D patungong 3D, ang pagpapalit ng floppy disk ng CD-ROM, at ang paglago ng multiplayer gaming (o maramihang paglalaro) sa pamamagitan ng local network at internet. Sabay na umunlad ang paglalaro sa console at paglalaro sa PC, kung saan maraming makasaysayang pamagat at inobasyon sa hardware ang humubog sa hinaharap ng industriya.
Paglalaro sa console
Naging tampok noong dekada ang matinding kompetisyon sa pagitan ng Nintendo at Sega,[75] gayundin ang matagumpay na pagpasok ng Sony sa merkado. Inilabas ng Nintendo ang Nintendo 64 noong 1996, kung saan lumabas ang Super Mario 64—isa sa mga unang malalaking tagapagplataporma ng 3D—at The Legend of Zelda: Ocarina of Time (1998), na kinilala sa buong mundo at nagpakilala ng mga inobasyon gaya ng target-lock sa labanan. Kasabay nito, sumikat din nang husto ang prangkisang Pokémon simula nang ilabas ang mga larong Pokémon Red at Green noong 1996 sa Hapon para sa Nintendo Game Boy, na naging pandaigdigang phenomenon na nagpalakas sa paglalarong handheld (hawak sa kamay) sa pamamagitan ng player-to-player trading (pagpapalitan sa pagitan ng mga manlalaro) at battling (paglalaban) gamit ang kableng pang-link (cable link).[76] Samantala, inilabas ng Sega ang Sega Saturn noong 1994 at ang Dreamcast noong 1998, subalit kapwa nahirapan sa merkado.
Inilunsad ng Sony ang PlayStation noong 1994 sa Hapon at 1995 sa buong mundo, na naging dahilan ng malaking pagbabago sa industriya sa pamamagitan ng paggamit ng CD-ROM at sa pag-akit ng mas malawak na merkado. Naging tahanan ito ng maraming makabuluhang laro gaya ng Final Fantasy VII (1997), na nagpakilala ng Japanese role-playing games (JRPGs) sa pandaigdigang manlalaro; Resident Evil (1996), na nagpasikat sa survival horror genre; at Tomb Raider (1996), na nagpakilala kay Lara Croft bilang isa sa mga pinakakilalang karakter ng dekada.
Mahilig din ang kabataang Pilipino sa mga larong bidyo at may ilan ang nahumaling sa virtual pet gadget (gadyet para sa birtwal na alaga) na Tamagotchi.[77]
Paglalaro sa PC
Ang paglalaro sa PC (personal computer) noong dekada 1990 ay mabilis na umunlad sa aspeto ng grapiko, tunog, at konektibidad. Sa genre ng first-person shooter (FPS), naging makasaysayan ang Doom (1993) mula sa id Software dahil sa mabilis na aksyon, multiplayer na naka-network, at kultura ng modding. Pinalawak ito ng Quake (1996) sa pamamagitan ng grapikong 3D at online multiplayer. Noong 1998, inilabas ng Valve ang Half-Life, na nagtala ng bagong pamantayan sa nakatuon sa kuwento na FPS sa pamamagitan ng masinsing pagsasalaysay at disenyo ng kapaligiran.
Umuusbong din ang real-time strategy (RTS), kung saan namayagpag ang Command & Conquer (1995) at StarCraft (1998)—ang huli ay naging napakapopular sa Timog Korea[78] at naging batayan ng kompetitibong e-sports. Sa kabilang banda, ang Myst (1993) ay naging isa sa pinakamabentang larong pang-PC sa dekada, tampok ang atmosperikong nakabatay sa palaisipan na gameplay (o takbo ng laro). Nagpatuloy din ang LucasArts sa pagpapayabong ng point-and-click adventure (pakikipagsapalarang turo-at-pindot) na genre sa mga larong gaya ng Monkey Island 2: LeChuck’s Revenge (1991).
Isang mahalagang bahagi rin ng paglalaro sa PC noong dekada '90 ay ang seryeng SimCity. Bagama’t ang orihinal na SimCity ay lumabas noong 1989, nanatili itong popular noong dekada 1990, lalo na sa paglabas ng SimCity 2000 noong 1993.[79] Ang larong ito ay nagpakilala ng grapikong isometriko, mga utilidad sa ilalam ng lupa (gaya ng subway at tubig), at mas malalim na aspeto ng pamamahala sa lungsod. Nasundan ito ng SimCity 3000 noong 1999, na nagdagdag ng mas detalyadong ekonomiya, pamamahala sa basura, at mga bantog na gusali. Ang SimCity ay naging batayan ng simulasyong pagtatayo ng lungsod at nag-ambag sa pag-usbong ng mga larong pang-edukasyon at larong hindi nakatuon sa labanan. Kabilang ito sa mas malawak na prangkisang “Sim” ng Maxis na kinabibilangan rin ng SimEarth (1990) at SimAnt (1991).
Bilang tugon sa mga alalahanin hinggil sa karahasan sa mga laro—lalo na matapos lumabas ang Mortal Kombat (1992) at Night Trap (1992)—itatag ang Entertainment Software Rating Board (ESRB)[80] noong 1994 upang magbigay ng pamantayang rating (o marka) sa nilalaman ng mga larong bidyo sa Hilagang Amerika.
Lipunan
Ang mga kabataan sa Pilipinas ay kadalasang tinatawag na ngayon bilang Batang 90s (bigkas: nineties).[81] Ilan lamang sa mga pinausong salitang balbal ng mga Batang 90s an gamol, hataw, guwapings, jologs (na sinasabing tumutukoy sa mga tagahanga ni Jolina Madangal), gimik, at praning.[82] Nakahihiligan din nilang gumimik (o tumambay) o lumabas upang pumunta sa mga sayawang klab, eksenang rave, at dumalo sa mga eksenang musikang underground (lihim) tulad ng Club Dreed, Mayrics, Verve Room, Insomnia, Kemistry, at ABG na matatagpuan sa iba't ibang lugar sa Kalakhang Maynila.[83][84] Ang moda at istilong Batang 90s ay mga punit-punit na maong, guhit-guhit na sweater, jumpsuit, at mga bukas na kamisadentrong planela.[77] Uso din sa mga kabataang lalaki ang magpahaba ng buhok at hinahati sa gitna.[77]
Sa ibang panig ng mundo, tumugon ang kulturang kabataan noong dekada 1990 sa mga pagbabagong panlipunan sa pamamagitan ng pagtangkilik sa kapaligiran at pagsuporta sa pagiging negosyante (entrepreneurship). Ipinakita ito sa moda ng mundong Kanluranin sa pamamagitan ng pagyakap sa indibiduwalismo at mga istilong kontra-kultura, na naimpluwensiyahan ng Gen X at mga naunang milenyal: naging tanyag ang mga tatu at pagbubutas ng katawan (body piercing), at laganap din ang mga “retro” na estilo na hango sa moda noong dekada 1960 at 1970. Naging malapit ang henerasyong Gen X sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagkakapareho ng panlasa sa musika. Ilan sa mga kabataan ay mas naging aktibo sa mga extreme sports o matitiding palakasan at mga gawaing panlabas na pinagsasama ang pampalakasan at pagpapahalaga sa kalikasan. Nakita ng dekada 1990 ang pag-unlad ng kamalayan sa multikulturalismo na nagsimula noong dekada 1980,[85] gayon din ang pag-unlad ng alternatibong midya.

Noong 1990, inalis ng World Health Organization (WHO, o Pandaigdigang Organisasyon ng Kalusugan) ang homoseksuwalidad sa listahan nito ng mga sakit.[86] Unti-unting lumaganap ang pagtanggap sa mga hayagang homoseksuwal na indibiduwal sa mundong Kanluraning simula noong mga unang taon ng dekada nobenta.[87] Nagsimula naman ang ikatlong yugto ng peminismo (third-wave feminism) noong unang bahagi ng dekada 1990.[88] Ang mga peministang kabilang sa henerasyong X na ipinanganak noong dekada 1960 at 1970 ay yumakap sa pagkakaiba-iba at indibiduwalismo ng kababaihan, at nagsikap na muling bigyang-kahulugan kung ano ang ibig sabihin ng pagiging isang peminista..[88][89][90] Sa popular na kultura, nakilahok din ang grupo ng pop mula sa Britanya na Spice Girls sa kilusang peminista sa pamamagitan ng pagpapasikat ng kanilang islogang "Girl Power!", habang ipinahayag naman ng tanyag na mang-aawit ng musikang country na si Shania Twain ang pagiging higit ng kababaihan sa kanyang patok na awitin noong 1995 na "Any Man of Mine." Noong Setyembre 5, 1995, nagtalumpati tungkol sa karapatan ng kababaihan ang Unang Ginang ng Estados Unidos na si talumpati ni Hillary Clinton sa Ika-apat na Pandaigdigang Konperensya ng mga Kababaihan ng Mga Nagkakaisang Bansa sa Beijing, Tsina, at pinamagatan ang talumpati bilang "Women's rights are human rights" (Ang karapatan ng kababaihan ay karapatang pantao).[91]

Karagdagang mahahalagang kaganapan
Ang pangwakas na Misa ng X World Youth Day 1995 o Ikasampung Pandaigdigang Araw ng Kabataan ng 1995 ay naganap sa Liwasang Rizal, Maynila, Pilipinas, na dinaluhan ng higit sa 5 milyong katao. Nagtala ang pagtitipon na ito ng rekord sa Simbahang Romano Katoliko. Pinamunuan ang misa ni Papa Juan Pablo II. Ang paglilitis kay O. J. Simpson, na tinawag ng midyang Amerikano bilang "trial of the century" o "paglilitis ng siglo," ay tumagal ng halos isang taon sa gitna ng matinding atensyon ng midya. Karamihan ng paglilitis ay ipinapalabas gabi-gabi sa prime time (o oras ng maraming nanonood) sa telebisyon. Noong Oktubre 3, 1995, napatunayang walang sala si Simpson sa kasong pagpatay sa dating asawa niyang si Nicole Brown Simpson at kaibigan nito na si Ronald Goldman.[92]
Sa Paris, noong Agosto 1997, nasawi sa isang aksidente sa sasakyan sina Diana, Prinsesa ng Wales, at ang kanyang kasintahan na si Dodi Al-Fayed, nang bumangga ang minamanehong Mercedes-Benz S-Class na kanilang sinasakyan sa lagusan ng Pont de l'Alma. Namatay agad sa lugar ng insidente ang tsuper na si Henri Paul, gayundin si Al-Fayed. Sina Diana at ang bodyguard (o kawal-pananggol) ni Al-Fayed na si Trevor Rees-Jones ay parehong nakaligtas sa aksidente, subalit binawian ng buhay si Prinsesa Diana makalipas ang ilang oras sa isang ospital sa Paris. Si Rees-Jones ang nag-iisang nakaligtas.[93]
Ang Pakistan at Bangladesh ay kapwa nakaranas ng paglipat patungo sa demokrasya matapos ang pagtatapos ng pamumunong militar nina Zia-ul-Haq at Hussain Muhammad Ershad. Sa unang bahagi ng dekada, pinamunuan ng mga kababaihan ang dalawang bansa. Ang pagkakaluklok kay Benazir Bhutto sa Pakistan ang kauna-unahang pagkakataon na pinamunuan ng isang babae ang pamahalaan sa isang bansang mayorya ay Muslim, na sinundan naman ni Khaleda Zia sa Bangladesh. Sa Pakistan, ang kalaban ni Bhutto ay si Nawaz Sharif, habang si Zia naman ay hinarap ang hamon mula sa isa pang babae, si Sheikh Hasina.
Remove ads
Mga sanggunian
Bibliyograpiya
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads