Dekada 2010
From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang dekada 2010 (binibigkas na "dalawampu-sampu" o "dalawang libong sampu", pinaikli bilang d. 2010 o dekada '10 na kadalasang binibigkas na dekada Diyes) ay isang dekada ng kalendaryong Gregoryano na nagsimula noong 1 Enero 2010, at nagtapos noong 31 Disyembre 2019.

Nagsimula ang dekada sa gitna ng isang pandaigdigang krisis sa pananalapi at mga sumunod na mga internasyunal na resesyon na nagsimula noong huling bahagi ng dekada 2000. Ang nagresultang krisis ng soberanong-utang sa Europa ay mas naging malakas sa maagang bahagi ng dekada at nagpatuloy na makaapekto sa posibilidad ng isang pandaigdigang pagbawi sa ekonomiya. Nagdulot ang mga isyung ekonomiko, tulad ng pagkamahigpit, implasyon, at pagtaas sa presyo ng bilihin, ng pagkabagabag sa maraming bansa, kabilang ang 15-M at mga kilusang Pag-okupa.[1] Lumago ang mga pagkabagabag sa ilang mga bansa—partikular sa mundong Arabe—sa mga sosyoekonomikong krisis na nagdulot ng mga rebolusyon sa Tunisia,[2] Ehipto, at Bahrain gayon din ang mga digmaang sibil sa Libya, Sirya, at Yemen sa isang laganap na hindi pangkaraniwang bagay na tinutukoy bilang Pag-aalsang Arabe. Nakita ng paglipat ng mga kaugaliang panlipunan ang malaking pag-unlad ng mga karapatang LGBT at representasyon ng kababaihan noong dekada na ito, partikular sa Kanluran at ilang bahagi ng Asya at Aprika.
Nagpatuloy ang Estados Unidos sa katayuan nito na pandaigdigang napakamakapangyarihang bansa o superpower habang ang Tsina, kasama ang malawak na inisyatiba pang-ekonomiya at repormang militar, ay naghangad na palawakin ang impluwensya nito sa Dagat Timog Tsina at sa Aprika, na pinapatibay ang posisyon nito bilang isang umusbong na pandaigdigang napakamakapangyarihang bansa; nagsanib ang pandaigdigang kompetisyon ng Tsina at Estados Unidos sa isang "pagpigil" at isang digmaang kalakalan.
Ang dekada 2010 sa Pilipinas ay isang panahon ng matatag na paglago ng ekonomiya at makabuluhang pagbabago sa politika. Sa panahong ito, namuno ang dalawang administrasyon na may magkakaibang pokus: ang administrasyon ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na nagtaguyod ng kampanyang "Daang Matuwid," na nakatuon sa reporma sa pamahalaan, pagsugpo sa katiwalian, at pagpapatibay ng mga institusyon; at ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakilala sa mahigpit na kampanya kontra kriminalidad at ilegal na droga, pati na rin sa mga programang imprastruktura at pagbabago sa ugnayang panlabas ng bansa. Ang mga polisiyang ito ay nagdulot ng malawakang epekto sa ekonomiya, politika, at lipunang Pilipino sa buong dekada.
Umunlad ang impormasyong teknolohiya, sa paglaganap ng mga smartphone. Nakita ng Internet ng mga bagay (Internet of things) ang malaking paglago noong dekada 2010 dahil sa mga kaunlaran sa mga kagamitang wireless networking, teleponyang mobile, at cloud computing. Napahintulot ng mga kaunlaran sa pagproseso ng datos at ang paggulong ng 4G broadband ang pagkalat ng datos at impormasyon sa mga dominyo at tulin na hindi pa nakikita. Pinalitan ng unti-unti ang paggamit ng mga smartphone ang desktop na kompyuter para sa maraming gumagamit. Lumawak ang saklaw ng internet mula 29% tungo sa 54% ng populasyon sa buong mundo. Ang mga online na plataporma gaya ng social media o hatirang pangmadla ay naging daluyan ng mga panlipunang kaganapan gaya ng kilusang Me Too, ang pag-usbong ng slacktivism, at ang kultura ng pagkakansela (cancel culture). Nakakuha ng pandaigdigang atensyon ang WikiLeaks dahil sa paglalathala nito ng mga sensitibong dokumento hinggil sa Look ng Guantánamo, Sirya, mga digmaan sa Apganistan at Iraq, at diplomasya ng Estados Unidos. Si Edward Snowden naman ang nagbunyag ng malawakang pagmamanman, na nagbukas ng diskurso ukol sa papel ng mga pamahalaan at pribadong sektor sa pagmamanman at pribasiya ng impormasyon.
Pumasok sa sampung pinakabinibisitang websayt ang Baidu (ika-4), Twitter (ika-6), at Instagram (ika-8), habang umangat ang Wikipedia mula ika-9 tungo sa ika-5 puwesto, halos anim na ulit ang itinaas ng buwanang bisita. Malaki naman ang ibinaba ng kasikatan ng Yahoo—mula pagiging ika-1 tungo sa ika-9, kasabay ng pagbagsak ng buwanang bisita ng halos dalawang-katlo. Nanatiling matatag sa loob ng nangungunang sampu sa buong dekada ang Google, Facebook, YouTube, at Yandex.
Lalong naging kapansin-pansin ang pag-init ng mundo dulot ng mga rekord na temperatura at mga matitinding kalamidad sa lahat ng kontinente. Umakyat ang konsentrasyon ng dioksidong karbon (CO₂) mula 390 tungong 410 bahagi bawat milyon (PPM) sa loob ng dekada. Kasabay nito, patuloy ang mga pandaigdigang hakbang sa paglaban sa polusyon at pagbabago ng klima, tulad ng mga kilos-protesta, inisyatibo, at batas na nakakuha ng malawak na atensyon mula sa midya. Noong 2015, pinagtibay ang Kasunduang Paris, at naitatag ang pandaigdigang kilusang kabataan para sa klima. Kabilang sa malalaking kalamidad sa kalikasan sa dekadang ito ang lindol sa Haiti noong 2010, ang lindol at tsunami sa Tōhoku noong 2011, ang lindol sa Nepal noong 2015, ang lindol at tsunami sa Sulawesi noong 2018, at mga mapaminsalang bagyong tropikal tulad ng Pablo (Bopha), na tumama sa Mindanao, Pilipinas noong 2012 bilang isang bihirang super bagyo at pumatay ng mahigit 1,900 katao,[3] Yolanda (Haiyan) noong 2013—ang isa sa pinakamalakas na bagyong naitala sa kasaysayan ng mundo at ang pinakanakamamatay sa Pilipinas—na nagdulot ng higit 6,300 pagkasawi[4] at malawakang pagkasira lalo na sa Silangang Bisaya. Kasama rin sa tala ang bagyong Maria at ang matitinding init o heatwave sa Europa noong 2019.
Sa loob ng dekada, tumaas ang populasyon ng daigdig mula 6.9 bilyon tungo sa 7.7 bilyon. Tinatayang may 1.4 bilyong isinilang (140 milyon kada taon) at may 560 milyong namatay (56 milyon kada taon) sa panahong ito.[5]
Pumatok sa takilya ang mga pelikulang superhero (pinakakilala ang Marvel Cinematic Universe) at animasyon sa dekada ng industriyang sine. Bumama ang bilang ng tagasubaybay ng kaybol habang lumipat ang mga nagkansela ng kanilang subskipsyon sa mas mababang presyong online streaming tulad ng Netflix, Amazon Prime, Hulu and Disney+. Ang globalismo at ang pagdami ng pangangailangan at personalisasyon sa pagharap ng mg serbisyong streaming sa musika tulad Spotify ay naglikha ng maraming sub-tipo. Dumaluyong ang sayaw, hip-hop, at musikang pop sa dekada 2010, kasama ang EDM na natamo ang malawak na tagumpay sa komersyo. Nilagpasan ang benta ng CD ng musikang dihital noong 2012. Patuloy nagdomina ang industriya ng larong bidyo ng Nintendo, Sony, at Microsoft; ang Minecraft ay ang pinakamabentang laro sa lahat ng panahon. Ang pinakamabentang aklat ng dekadang ito ay ang Fifty Shades of Grey.
Remove ads
Pangkalahatang buod ng dekada 2010 ayon sa paksa
Agham at teknolohiya
Agham
Ang mga nasa baba ay ang mga pinakamahalagang kaunlarang siyentipiko sa bawat taon, batay sa taunang gawad na Tagumpay ng Taon o Breakthrough of the Year ng American Association for the Advancement of Science (literal na Samahang Amerikano para sa Pagsulong ng Agham) sa talaarawang Science.
- 2010: Ang unang makinang kuwantum[6]
- 2011: Paggamot sa HIV bilang pag-iwas (HPTN 052)[7]
- 2012: Pagtuklas sa Higgs boson[8]
- 2013: Inmunoterapiya kontra kanser[9]
- 2014: Kometang misyon na Rosetta[10]
- 2015: Kaparaanang pagbabago ng henoma na CRISPR[11]
- 2016: Ginawa ng Laser Interferometer Gravitational-Wave Observatory (literal na Obserbatoryo ng Interperometrong Laser para sa Alon-Grabitasyonal) ang unang pagmasid ng mga alon ng grabidad, na isinasakatuparan ang prediksyon ni Einstein[12]
- 2017: Kosmikong pagtatagpo: Pagsasama ng bituing nyutron (GW170817)[13]
- 2018: Pagbuo ng selula sa pamamagitan ng selula[14]
- 2019: Nakunan sa unang pagkakataon ang isang itim na butas (o black hole)[15][16]
Teknolohiya
Noong huling bahagi ng dekada 2000, lumitaw ang dalawang pangunahing mobile operating system: ang Android na binuo ng Google at ang iOS na binuo naman ng Apple. Sa pagsisimula ng dekada 2010, naging malaganap ang paggamit ng mga smartphone, lalo na matapos ang tagumpay ng iPhone ng Apple at ang pagdami ng mga kagamitang Android mula sa mga kumpanyang gaya ng Samsung at HTC. Dahil dito, mabilis na lumawak ang paggamit ng parehong platporma.[17] Pagsapit ng 2017, nanguna na ang Android bilang pangunahing mobile operating system sa buong mundo, na may tinatayang 85.9% ng bahagi sa merkado.[18]
Sa dekada 2010, lumaganap ang paggamit ng robotika, partikular na ang mga drone gaya ng mga quadcopter. Nakaranas din ng makabuluhang pag-unlad ang teknolohiya at bentahan ng mga awtonomo at de-kuryenteng kotse. Bukod pa rito, pinangunahan ng mga negosyanteng gaya ni Elon Musk ang pagpapaunlad ng mga teknolohiyang nakatuon sa mas sustenableng paglulunsad ng mga sasakyang pangkalawakan.
Noong 2016, sa unang pagkakataon, mas maraming tao sa buong mundo ang gumamit ng kagamitang mobile tulad ng smartphone upang makapasok sa internet kaysa sa kompyuter na desktop na isang pagbabagong nauna nang nangyari sa Estados Unidos noong 2014..[19][20] Sa dekada ring ito, lumitaw ang 3D printer at nabanggit o ginamit sa kulturang popular.
Noong 2018, sa isinagawang pagsubok sa paglipad ng ng Falcon Heavy, inilunsad sa kalawakan ang unang kotseng pamproduksyon. Nakakabit ang sasakyan sa Falcon Heavy rocket, ang pinakamalakas na roketa na gumagana sa panahong iyon,[21] na matagumpay na nakapagpabalik sa Daigdig ng mga side booster o pantulak sa gilid matapos maisakatuparan ang bahagi ng kanilang misyon.
Ekonomiya
Pandaigdigang ekonomiya
Ang pandaigdigang ekonomiya noong dekada 2010 ay karaniwang matatag. Nakita nito ang tuloy-tuloy na paglago, mababang antas ng kawalan ng trabaho, at pagtaas ng kumpiyansa ng mga mamimili bilang pagbangon mula sa malaking resesyon. Nagtapos ang dekada sa isang malakas na pagtatapos, kung saan noong 2019 ay naitala ang mga rekord sa maraming aspeto. Nagsimula ang krisis sa utang soberanya sa Europa noong unang bahagi ng 2010, at inamin ng pamahalaan ng Gresya na nahihirapan ito sa pagbayad ng malaking utang nito. Noong tag-init at tag-lagas ng 2011, tumaas ang mga bond yield (kita mula sa bono) para sa Italya at Espanya nang lampas 6 porsyento.[22] Noong 2015, bumalik sa normal na saklaw ang mga bond rate o antas ng interes ng bono sa buong Europa, maliban sa Gresya na tinanggap ang isa pang mas mahigpit na bailout package o tulong-pinansyal. Pinalaki mula €440 bilyon hanggang €2 trilyon ang laki ng European Financial Stability Facility (literal na Pasilidad ng Europa para sa Katatagan ng Pananalapi).[23] Sa kabila ng krisis sa utang ng Eurosona, naranasan ng Amerikanong Dow Jones Industrial Average o Karaniwang Indeks Pang-industriya ng Dow Jones ang pinakamahabang pag-akyat mula noong huling bahagi ng tech boom o paglago ng teknolohiya ng dekada 1990.[24] Gayunpaman, ang mga suliraning pang-ekonomiya tulad ng implasyon at pagtaas ng presyo ng mga kalakal ay nagdulot ng kaguluhan sa maraming bansang may mababang kita. Sa ilang mga bansa, lalo na sa mundo ng mga Arabe, ang kaguluhang pampulitika ay nauwi sa mga krisis sa sosyo-ekonomiya, na naging dahilan ng Arab Spring (o Pag-aalsang Arabe) na nagdulot ng politikal na kawalang-tatag at mga digmaang sibil.
Bilang epekto ng pandaigdigang resesyon, maraming bangko sentral ang nagpatupad ng patakarang walang interes, o halos ganito. Isa pang uri ng pampananalaping pampasigla ay ang pantuwirang pagpapaluwag ng pananalapi. Ang pagdagsa ng likwidad sa pamilihan ay nagdulot ng pagtaas ng presyo ng mga asset (ari-arian).[25] Dahil dito, halimbawa, ang mga presyo ng stock (sapi) sa Estados Unidos ay umabot sa mga rekord na mataas.[26] Isa pang bunga nito ay ang pagtaas ng presyo ng pabahay sa maraming pangunahing lungsod sa mundo.[27] Kabilang sa mga lungsod na nagkaroon ng dramatikong pagtaas ang Sydney, San Francisco, Vancouver, at Auckland.[28]
Noong 2010, naging ikalawang pinakamalaking pandaigdigang ekonomiya ang Tsina, na nilampasan ang Hapon.[29] Nakaranas din ang Hapon ng pagbagsak ng credit rating o antas ng kredito noong sumunod na taon dahil sa utang.[30] Noong Agosto 2011, ibinaba ng S&P ang antas ng kredito ng Estados Unidos mula triple AAA patungong AA-plus kasunod ng krisis sa debt ceiling o hangganan ng utang.[31] Noong 2011 din, isang surian o poll ng Gallup ang nagpakita na higit sa kalahati ng mga Amerikano ay naniniwala na ang bansa ay nasa resesyon pa rin.[32] Noong Hunyo 2015, nawalan ng isang-katlo ng halaga ang A-shares ng Shanghai Stock Exchange o Palitan ng Sapi ng Shanghai sa loob ng isang buwan, isang pangyayaring kilala bilang Kaguluhan sa pamilihang sapi ng Tsina noong 2015–16. Noong 2015, naging pinakamabilis na lumalagong malaking ekonomiya sa mundo ang Indya, na nilampasan ang Tsina.[33] Noong 2018, habang itinaas ng Reserbang Pederal ng Estados Unidos ang antas ng interes, nagdulot ang takot sa yield curve inversion o pagbaliktad ng kurba ng kita mula sa mga bono na nauuna sa posibleng resesyon ng Estados Unidos ng pagtaas ng implasyon sa ilang umuusbong na pamilihan, kabilang ang Arhentina kung saan umabot sa 40% ang mga antas ng interes at naglabas ng bailout o pagsagip sa utang ang International Monetary Fund o Pondo ng Monetaryong Pandaigdig.[34] Noong 2019, pinalitan ng Singapore ang Estados Unidos bilang pinaka-kompetitibong ekonomiya sa mundo, na bumaba ang Estados Unidos sa ikatlong puwesto, nauna ang Hong Kong.[35]
Gig economy
Umunlad ang tinatawag na gig economy (o ekonomiyang gig), na tumutukoy sa isang anyo ng pamilihan ng paggawa na nakabatay sa panandalian, freelance (malayang manggagawa), o kontraktuwal na trabaho sa halip na tradisyonal na full-time o buong-panahong empleyo.[36][37] Naging mas mabilis noong dekada 2010 ang pag-unlad nito sa tulong ng mga digital na plataporma tulad ng Uber, Grab, Airbnb, Upwork, at Fiverr. Nag-alok ito ng kakayahang umangkop para sa mga manggagawa at mas mababang gastos para sa mga negosyo, lalo na sa mga sektor tulad ng transportasyon, panuluyan, at mga dihital na serbisyo.. Pinalakas ng teknolohiya, mobile apps, at dihital na bayad ang ugnayan sa pagitan ng manggagawa at kliyente saan mang panig ng mundo.
Sa kabila ng pag-unlad nito, nagbunsod ang ng mga usapin tungkol sa karapatan ng mga manggagawa, seguridad sa trabaho, at akses sa mga benepisyo.[38] Karamihan sa mga manggagawa ng gig ay walang health insurance o segurong pangkalusugan, bayad na leave o pagliban sa trabaho, at iba pang proteksiyong tinatamasa ng mga regular na empleyado. Dahil dito, naging paksa ng mga pandaigdigang debate kung dapat bang kilalanin ang mga manggagawa ng gig bilang independiyenteng kontratista o bilang mga regular na empleyado. Bagaman malaki ang naitulong ng ekonomiyang gig sa pagbabago ng paraan ng pagtatrabaho at pagkita, patuloy itong hamon sa mga nakasanayang modelo ng paggawa at mga umiiral na regulasyon sa paggawa sa buong mundo.
Ekonomiya ng Pilipinas
Sa Pilipinas noong kabuuan ng dekada 2010, nagtala ang Pilipinas ng tuluy-tuloy na paglago ng gross domestic product (GDP, o kabuuang domestikong produkto), na karaniwang taunang paglago na 6% sa buong dekada.[39] Kabilang sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng paglago ang padala ng mga Overseas Filipino Workers (OFW, o Manggagawang Pilipino sa Ibayong-dagat), ang lumalawak na industriya ng Business Process Outsourcing (BPO, o literal na Pagpapalabas ng Proseso ng Negosyo),[40] mataas na antas ng konsumo sa loob ng bansa, at mga programang imprastruktura na pinondohan sa pamamagitan ng public-private partnerships (PPP) o ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong negosyo.
Sa ilalim ng administrasyong Aquino, binigyang-diin ang maingat na pamamahala ng pananalapi at transparency o kalinawan sa paggasta, na nagbunga ng kauna-unahang pagkakaloob ng investment-grade credit rating o ang puntos sa kredito na katanggap-tanggap para sa mga mamumuhunan sa bansa mula sa mga pandaigdigang ahensiyang pampinansyal.[41] Samantala, ipinagpatuloy ng administrasyong Duterte ang mga proyektong imprastruktura sa ilalim ng programang "Build, Build, Build" (Gawa, Gawa, Gawa) na naglalayong tugunan ang kakulangan sa transportasyon, kalsada, at iba pang pampublikong serbisyo.
Sa kabila ng positibong datos ukol sa paglago, nanatili ang mga hamon tulad ng malawakang kahirapan, hindi pantay na distribusyon ng kita, at mataas na bilang ng mga walang trabaho o kulang ang kinikita. Nanatiling partikular na mahina ang mga rehiyong rural at mga lugar na apektado ng kaguluhan, gaya ng ilang bahagi ng Mindanao.
Politika
Ugnayang pandaigdigan
Noong unang bahagi ng dekada 2010, mas madalas na tinutukoy ang Tsina bilang isang superpower, gaya ng sa pulong noong 2011 sa pagitan nina Pangulong Hu Jintao ng Tsina at Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos. Pagsapit ng dulo ng dekada, nalampasan ng Tsina ang Estados Unidos bilang pinakamalaking bansang nangangalakal sa mundo at bansang may pinakamaraming naipapasang patente. Malaki rin ang naging pagpapalawak ng kanilang puwersang militar at matagumpay na nakapagpadala ng lunar rover (sasakyang panlibot sa buwan) na Yutu sa buwan, na siyang muling nagbukas ng eksplorasyong pangbuwan matapos ang apat na dekadang paghinto. Noong 2018, naitala ang pinakamataas na global military spending mula noong 1988, na umabot sa antas noong huling bahagi ng Digmaang Malamig. Dulot ito ng pagtaas ng paggasta sa depensa ng Estados Unidos (tumataas ng 4.6% tungong $649 bilyon) at ng Tsina (tumataas ng 5% tungong $250 bilyon). Pinagsama, kinatawan ng dalawang bansa ang kalahati ng kabuuang gastusing militar ng buong mundo.[42] Noong 2019, sa ulat ng Lowy Institute Asia Power Index (literal na Indeks ng Kapangyarihan sa Asya ng Intituto ng Lowy), na sumusukat sa lakas ng mga bansa sa Indo-Pasipiko gamit ang walong panukat, nanguna ang Estados Unidos na may iskor na 84.5 habang pumangalawa ang Tsina na may iskor na 75.9.[43]
Kasama ng Estados Unidos at Tsina, patuloy ding tumaas ang paggasta sa militar ng Rusya sa ilalim ni Pangulong Vladimir Putin at isinagawa ang modernisasyon ng kanilang puwersa sa loob ng dekada. Kabilang dito ang pagbuo ng T-14 Armata na pangunahing tangke ng labanan at ng ikalimang henerasyong panlabang jet na Sukhoi Su-57. Ipinamalas din ng Rusya ang kakayahan nitong magpakilos ng lakas sa labas ng bansa sa pamamagitan ng pagsakop sa Crimea noong 2014 at pakikialam sa Silangang Ukranya at sa Digmaang Sibil sa Siria. Nagsagawa rin ito ng mga kampanya ng impormasyong pamamaraan ng pakikidigmalaban sa mga kalabang bansa, kabilang ang pakikialam sa halalan sa Estados Unidos noong 2016 sa pamamagitan ng pag-hack at paglalabas ng mga email ng mga pinuno ng partidong pampulitika, pati na rin sa pagpapakalat ng maling impormasyon sa pamamagitan ng Internet Research Agency (literal na Ahensya ng Pananaliksik sa Internet). Kabilang sa iba pang umano'y operasyong paniktik ng Rusya ang planong kudeta sa Montenegro noong 2016 at ang insidente ng pagkalason kina Sergei at Yulia Skripal noong 2018, na parehong iniuugnay ng ilan sa Yunit 29155 ng GRU. Kolektibong tinuturing ng ilan ang mga gawaing ito, gayundin ang mga hakbang ng mga bansa sa Kanluran upang kontrahin ito, bilang simula ng tinatawag na Ikalawang Digmaang Malamig.
Samantala, dumaan sa ilang krisis ang Unyong Europeo (EU). Ang krisis sa utang ng Europa ay nagdulot ng matitinding suliraning pang-ekonomiya sa ilang mga kasaping estado ng eurosona, lalo na sa Gresya. Noong 2015, humarap ang EU sa isang krisis sa migrasyon matapos makapasok ang ilang milyong katao sa maikling panahon sa ilegal na paraan. Tumaas din ang boto para sa mga euroseptiko na partido tulad ng Liga sa Italya, Alternatibo para sa Alemanya, at Partidong Pinlandes sa Pinlandya. Bilang resulta ng isang reperendum, naging kauna-unahang bansang umalis sa Unyon ang Reyno Unido.
Polaridad sa Kanluran
Lalong tumindi ang sosyo-politikal na paghahati sa mga bansang Kanluranin habang patuloy na nagbabanggaan ang mga konserbatibo at sosyal liberal ukol sa papel at laki ng pamahalaan, gayundin sa iba’t ibang isyung panlipunan, pang-ekonomiya, at pangkapaligiran. Sa Estados Unidos, ipinakita ng mga sarbey ang pagkakahati ng opinyon ng mga mamamayan hinggil sa reporma sa serbisyong pangkalusugan, imigrasyon, karapatang magmay-ari ng baril, pagbubuwis, paglikha ng trabaho, at pagbawas ng utang. Sa Europa, umusbong ang mga kilusang tumututol sa dumaraming bilang ng mga refugee (repugiyado) at migrante mula sa mga bansang Islamiko, gaya ng English Defence League (Liga ng Pagtatanggol ng Ingles) at Pegida (Mga Europeo Laban sa Islamisasyon ng Kanluran).[44][45] Bahagyang nakaimpluwensya sa polarisasyong ito ang malaganap na paggamit ng politikang identidad, sa kaliwa man o kanan, sa mga aktibistang kilusan.[46] Mula noong bandang 2011, kumalat sa Kanluran at iba pang panig ng mundo ang mga progresibong ideya gaya ng laban sa hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan at ekonomiya, na kalimitang isinusulong gamit ang mga taktika ng progressive stack (priyoritisasyon ng mga boses batay sa pagiging kabilang sa marhinalisadong grupo).[47][48][49]
Pagsapit ng kalagitnaan ng dekada, muling lumaganap sa Kanluran ang mga kaisipang gaya ng nasyonalismong puti, identitarismo (ideolohiya ng pagkakakilanlan), at mas lantad na damdaming natibista (makabansa laban sa banyaga) bunga ng biglang pagdami ng mga migrante at kaugnay na kriminalidad, gayundin ng pagkadismaya sa pagtugon ng mga pamahalaan at midya sa mga mahahalagang usapin. Lumakas din ang panawagan para sa pagkakapantay-pantay, kabilang ang sa pagitan ng mga kasarian.[50] Ayon sa ilang iskolar, nagsimula ang ikaapat na bugso ng peminismo bandang 2012, na nakaangkla sa pananaw ng interseksyonalidad (pagkakaugnay-ugnay ng iba’t ibang anyo ng diskriminasyon).[51][52]
Politikang laban sa establisyemento
Lumitaw ang malawakang pag-usbong ng populismo sa politika sa buong dekada, kung saan maraming politiko at iba't ibang kilusang pampulitika ang nagpahayag ng mga populistang pananaw at gumamit ng retorikang populista.[53][54] Kabilang dito ang konserbatibong alon sa Latin Amerika at masidhing damdaming neo-nasyonalista sa Europa at Hilagang Amerika. Noong 2019, nagtala ang halalan sa Parlamentong Europeo ng pinakamataas na bilang ng mga botante sa loob ng dalawang dekada at nagkaroon ng malaking pagbagsak sa boto ang mga moderadong partidong sentro-kanan at sentro-kaliwa) pabor sa mga hindi gaanong moderadong partido gaya ng far-right o radikal na kanan, environmentalist o pangkalikasan, at parehong pabor sa Unyong Europeo at euroseptiko na mga partido.[55]
Ilan sa mga halimbawa ng mga populistang kilusan noong 2010s ay ang kilusang Tea Party,[56] Occupy Wall Street,[57] Brexit,[58] Black Lives Matter,[59] at ang alt-right o alternatibong kanan.[60][61] Marami ring mga pinuno ng bansa ang itinuring na populista, kabilang sina Donald Trump,[62] Narendra Modi,[63] Andrés Manuel López Obrador,[64] Hugo Chávez,[65] Matteo Salvini,[66] Jair Bolsonaro,[67] Rodrigo Duterte,[68] Boris Johnson, Viktor Orbán, Robert Fico, Antonis Samaras, at Alexis Tsipras mula sa parehong kaliwa at kanan.
Kaugnay ng pag-usbong ng populismo at mga kilusang protesta ay ang pagbagsak ng mga tradisyunal na partidong pampolitika. Sa Europa, tinawag itong pasokipikasyon (pagbagsak ng tradisyunal na sentro-kaliwang mga partido tulad ng PASOK). Sa Pransiya, halimbawa, nanalo ng mayorya sa unang halalan noong 2017 ang partido ni Emmanuel Macron na La République En Marche!.
Madalas mawalan ng boto ang mga partidong sentro-kaliwa, neoliberal, at tradisyunal na sosyal-demokratiko pabor sa mas sosyalista o demokratikong sosyalistang alternatibo, lalo na sa Europa. Lubusang nangyari ito sa Gresya kung saan pinalitan ng Syriza ang PASOK bilang pangunahing partidong kaliwa. Iba pang kilusang radikal na kaliwa na umangat ay ang Podemos sa Espanya at La France Insoumise sa Pransiya. Sa mga bansang may sistemang dalawang partido gaya ng mga bansang nagsasalita ng Ingles, nagmula ang hamon sa loob mismo ng mga partidong itinatag, tulad ng kay Bernie Sanders sa Partido Demokratiko at Jeremy Corbyn sa Labour Party o Partido ng Manggagawa na nagtulak ng mas kaliwang mga patakaran.
Hinamon din ang politikal na establisyemento sa maraming bansa ng mga kilusang protesta na kadalasang naorganisa gamit ang mga bagong plataporma sa social media o hatirang pangmadla. Kabilang dito ang mga protesta ng Arab Spring (Pag-aalsang Arabe), ang Occupy movement (Kilusang Pagsakop), at ang yellow vests movement (kilusang dilaw na pamigkis).
Demokrasya at awtoritaryanismo
Ang mga bansang ganap o bahagyang naging demokratiko sa dekada ay kinabibilangan ng Angola, na nagsagawa ng reporma sa ilalim ni João Lourenço; Armenya, na dumaan sa isang rebolusyon; Ekwador, na nagsagawa ng reporma sa ilalim ni Lenín Moreno; Etiyopiya; at Malaysia, kung saan natalo sa halalan sa unang pagkakataon mula nang makamit ang kalayaan ang naghaharing partido.
Ilan sa mga diktador na matagal nang nasa kapangyarihan at napatalsik ay sina Muammar Gaddafi ng Libya (matapos ang 42 taon), Robert Mugabe ng Zimbabwe (37 taon), Ali Abdullah Saleh ng Yemen (33 taon), Omar al-Bashir ng Sudan (30 taon), Hosni Mubarak ng Ehipto (29 taon), at Ben Ali ng Tunisia (23 taon).
Ang Arab Winter (Taglamig ng Arabya) ay tumutukoy sa muling pagsibol ng awtoritaryanismo, ganap na monarkiya, at ekstremismong Islamiko na umusbong pagkatapos ng mga protesta ng Arab Spring sa mga bansang Arabe. Tumutukoy ang terminong "Arab Winter" sa mga pangyayari sa mga bansang kasapi ng Arab League o Ligang Arabe sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika, kabilang na ang Digmaang Sibil sa Siria, insureksiyon at digmaang sibil sa Iraq, Krisis sa Ehipto, Krisis sa Libya, at Krisis sa Yemen. Kabilang din dito ang mga pangyayari sa Ehipto na humantong sa pagpapatalsik kay Mohamed Morsi at ang pag-agaw ng kapangyarihan ni Heneral Abdel Fattah el-Sisi sa isang kampanya laban sa Muslim Brotherhood o Kapatirang Muslim.
Nagkaroon din ng pag-atras sa demokrasya sa mga bansang gaya ng Hungarya, Benesuwela, at Turkiya.
Noong 2018, inaprubahan ng National People's Congress (o Pambansang Kongreso ng Mamamayan) ng Tsina ang isang pagbabago sa konstitusyon na nag-alis ng limitasyon sa termino ng mga pinuno, kaya binigyan si Xi Jinping ng katayuang "lider habang-buhay". Si Xi ang Kalihim-Heneral ng Partido Komunista ng Tsina na siyang de facto o tunay na pinuno ng bansa.
Pamamahayag
Sa dekada 2010, lumaganap ang isyu ng pekeng balita (fake news) sa buong mundo, na pinalala ng malawakang paggamit ng mga platapormang hatirang pangmadla at pagbagsak ng tradisyonal na pamamahayag bilang tagapagsala ng impormasyon. Ang mga maling o mapanlinlang na impormasyon na karaniwang nililikha upang pukawin ang matitinding damdamin o isulong ang pansariling layunin sa politika ay mabilis na kumalat online, lalo na tuwing may mahahalagang pangyayari gaya ng eleksyon at krisis. Lalong naging lantad ang epekto nito noong halalan sa Estados Unidos noong 2016, kung kailan milyon-milyong tao ang naabot ng mga kathang kwento na nakaimpluwensiya sa opinyon ng publiko. Nagsimulang gumawa ng hakbang ang mga pamahalaan, kompanyang teknolohikal at mga institusyon ng midya upang labanan ang maling impormasyon subalit sa pagtatapos ng dekada ay nananatili pa rin itong banta sa mga demokratikong proseso at sa tiwala ng publiko sa midya.
Politika sa Pilipinas
Ang dekada 2010 sa Pilipinas ay panahon na kinatampukan ng mabilis na pagbabago sa larangan ng politika. Sa pagsisimula ng dekada, pumasok ang bansa sa yugto ng pag-asa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, na nangampanya gamit ang platapormang “Daang Matuwid” na naglalayong itaguyod ang katapatan, mabuting pamamahala, at paglaban sa korapsyon. Itinuon ng kanyang administrasyon ang pansin sa reporma ng mga institusyon at pagpapanagot sa mga tiwaling opisyal upang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan, kabilang dito ang pagsasakdal kay Punong Mahistrado Renato Corona.[69]
Nakaranas din ng mga pagsubok sa politika ang pamahalaan ni Aquino. Noong 2015, naganap ang trahedya sa Mamasapano kung saan nasawi ang 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF, Natatanging Hukbong Pang-aksyon) sa isang operasyon laban sa mga terorista. Nagdulot ito ng pambansang lumbay at galit, at pinuna ang koordinasyon ng pamahalaan sa operasyon at ang pamamalakad ng usapang pangkapayapaan sa Bangsamoro. Sa kabila nito, matagumpay na naipanalo ng Pilipinas ang kasong isinampa laban sa Tsina sa lupon ng hukom sa Mga Bansang Nagkakaisa kaugnay ng Kanlurang Dagat ng Pilipinas, isang mahalagang tagumpay na lumitaw sa huling bahagi ng kanyang termino.
Pagpasok ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, nagkaroon ng pagbabago sa istilo ng pamumuno at mga prayoridad ng pamahalaan. Ang pangunahing polisiya ng kanyang administrasyon ay ang kampanya kontra ilegal na droga, na nagresulta sa libu-libong operasyon ng pulisya. Habang sinusuportahan ito ng ilang sektor bilang hakbang laban sa kriminalidad, umani rin ito ng malawak na kritisismo mula sa lokal at internasyonal na mga organisasyon dahil sa umano'y paglabag sa karapatang pantao.
Bukod dito, isinulong ng administrasyong Duterte ang mga reporma para sa pederalismo, subalit hindi ito nagkatotoo sa kanyang termino. Inilapit ng Pilipinas ang ugnayang panlabas nito sa Tsina, kasabay ng mas malamig na relasyon sa mga tradisyunal na kaalyado gaya ng Estados Unidos at Unyong Europeo. Idineklara niya ang batas militar sa buong Mindanao noong 2017 kasunod ng labanan sa Marawi, at ito ay pinalawig hanggang 2019. Noong 2018, opisyal na iniutos ng Pilipinas ang pag-atras mula sa International Criminal Court (Pandaigdigang Hukuman sa Krimen) sa Ang Haya, na nagdulot ng kontrobersya sa pandaigdigang komunidad. Isa rin sa mga isyung pinagtuunan ang mga kasong isinampa laban sa mga organisasyong midya gaya ng Rappler, na naging sentro ng mga usapin tungkol sa malayang pamamahayag.
Papuntang pagtatapos ng dekada, tumaas ang tensiyon sa politika dahil sa isa pang isyu sa kalayaan ng pamamahayag. Noong Disyembre 3, 2019, hayagang nagbanta si Pangulong Duterte na hindi niya ire-renew o panibaguhin ang prangkisa ng ABS-CBN sa lehislatura, na inakusahan ang istasyon ng hindi patas na pag-uulat at pagkiling. Ang kanyang pahayag na: "Ang iyong franchise mag-end next year. If you expect ma-renew ‘yan, I’m sorry. I will see to it that you’re out." (Matatapos ang iyong prangkisa sa susunod na taon. Kung inaasahan mong mapapanibago ’yan, pasensya na. Sisiguraduhin kong mawawala kayo.)[70] ang nagpasimula ng labang pampolitika na nauwi sa pagsasara ng istasyon noong 2020. Nagbunsod ito ng mga pag-aalala tungkol sa kalayaan ng pamamahayag sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.
Mga prominenteng kaganapang pampolitika
Noong Marso 23, 2010, nilagdaan ni Pangulong Barack Obama ang Patient Protection and Affordable Care Act (Batas sa Pangangalaga ng Pasyente at Abot-Kayang Pangangalagang Pangkalusugan) bilang batas, na nagsilbing malaking reporma sa sistemang pangkalusugan at seguro sa Estados Unidos.[71] Noong Hunyo 26, 2015, naging legal ang kasal ng magkaparehong kasarian sa lahat ng 50 estado ng Estados Unidos bunga ng makasaysayang desisyon (Obergefell v. Hodges) ng Kataas-taasang Hukuman ng Estados Unidos.[72]
Digmaan
Noong 2011, kasunod ng Resolusyon 1973 ng United Nations Security Council (o Konseho ng Seguridad ng Mga Bansang Nagkakaisa), naglunsad ang isang koalisyong pinamunuan ng NATO ng kampanyang panghimpapawid bilang suporta sa mga rebeldeng laban kay Muammar Gaddafi sa Digmaang Sibil sa Libya.
Noong huling bahagi ng 2013, isang grupong terorista na tinawag na Islamic State of Iraq and the Levant (ISIL, o literal na Estado Islamiko ng Iraq at Lebante) ang nagsimulang mabilis na umabante at makuha ang mga teritoryo sa Iraq at Siria. Noong Hunyo, nasakop nila ang lungsod ng Mosul[73] at ginawa nilang kabisera ang Raqqa.[74] Bumuo ang iba’t ibang pandaigdigang koalisyon na pinangunahan ng Estados Unidos, Pransya, Rusya, at mga estadong Muslim, katuwang ang tulong mula sa dose-dosenang bansa, upang labanan ang mga militante.[75][76] Pagsapit ng Disyembre 2017, nawala na sa ISIL ang lahat ng nasasakupan nito sa Iraq at 95% ng teritoryo nito sa Siria,[77] at tuluyang natalo sa larangang militar at teritoryal noong Marso 23, 2019.[78]
Kalusugan
Ang AIDS, isang pandemya na naging sanhi ng pagkamatay ng mahigit 30 milyong tao mula nang matuklasan ito noong unang bahagi ng dekada 1980, lalo na sa mga bahagi ng Aprika sa ibaba ng Sahara, ay naging isang kundisyong maaaring gamutin, bagaman sa pagtatapos ng dekada 2010 ay dalawang kaso lamang ang ganap na gumaling.[79] Sa pamamagitan ng maayos na gamutan, karaniwang inaasahan ng mga pasyente ang normal na pamumuhay at haba ng buhay. Gayunpaman, noong 2011, tinatayang 5 milyon lamang sa 12 milyong apektadong tao ang may pagkakataon sa ganitong paggamot.[80]
Sa dekada 2010, kabilang sa mga pagbabagong panlipunan ang pagtaas ng inaasahang haba ng buhay at pagbaba ng antas ng kapanganakan, na humantong sa mas malaking bahagi ng populasyon na matatanda. Nagpabigat ito ng pasanin sa mga pensyon at iba pang programang panlipunang seguridad sa mga mauunlad na bansa. Sa mga huling buwan ng dekada, lumitaw ang mga unang kaso ng Pandemyang Coronavirus na dulot ng Sars-Cov2 sa Wuhan, Tsina, bago ito kumalat sa buong mundo.[81]
Libangan at popular na kultura
Pelikula
Pandaigdigang pelikula
Ang mga pelikulang superhero ang nanguna sa takilya.[82] Nanatiling pangunahing gamit sa mga animasyong pelikula ng dekada 2010 ang computer-generated imagery (CGI, o imaheng likha ng kompyuter). Nawalan ng popularidad sa pangkalahatang manonood ang mga tradisyunal na istilo ng animasyon, bagaman nanatiling patok ang anime na 2D. Noong 2010, naging kauna-unahang pelikulang kumita ng higit sa US$2 bilyon ang Avatar na mabigat na gumamit ng CGI. Marami ring iba pang matagumpay na pelikulang inilabas sa 3D. Naging malaganap din ang paggamit ng 360-digri na bidyo kasabay ng pagpapakilala ng birtwal na realidad para sa mga karaniwang mamimili.
Nahihirapang mapanatili ng pelikula at telebisyon ang kanilang puwesto habang mabilis na lumalago ang panonood sa internet. Naging malaking alalahanin sa industriya ang pamimirata online. Noong 2012, nagsampa ang Viacom ng demanda na nagkakahalaga ng USD$1 bilyon laban sa YouTube dahil sa paglabag sa karapatang-ari. Sa unang bahagi ng 2012, sinimulan ng Kongreso ng Estados Unidos ang pagtalakay sa mga panukalang batas na SOPA at PIPA na masidhing sinuportahan ng industriya ng libangan, at nagkaroon ng mga pagtutol sa mga kompanyang pangteknolohiya at websayt tulad ng Google, Yahoo!, YouTube, Facebook, Twitter, AOL, LinkedIn, eBay, Mozilla Corporation, Mojang, Riot Games, Epic Games, Reddit, Wikipedia at ang Pundasyong Wikimedia, bukod pa sa ibang organisasyon at mga pangkat para sa karapatang pantao.
Sa kabuuan ng dekada 2010, ang limang pelikulang may pinakamalaking kinita sa buong mundo ay binubuo ng mga sumusunod: Una, ang Avengers: Endgame (2019) ng Walt Disney Studios Motion Pictures sa ilalim ng Marvel Studios, na kumita ng humigit-kumulang US$2.798 bilyon dahilan upang ito ang maging pinakamalaking kinita ng isang pelikulang superhero at ng alinmang pelikula sa kasaysayan, na nalampasan pa ang Avatar ng 2009; sinundan ito ng Star Wars: The Force Awakens (2015), na may kabuuang kita na US$2.068 bilyon at mula rin sa Walt Disney Studios Motion Pictures, sa pakikipagtulungan ng Lucasfilm. Pangatlo ang Avengers: Infinity War (2018), na nakalikom ng US$2.048 bilyon at ipinalabas din ng Disney at Marvel Studios. Kasunod nito ay ang Jurassic World (2015), na kumita ng US$1.671 bilyon at inilabas ng Universal Pictures. Panglima naman ang The Lion King (2019), isang remake o bagong bersyon na live-action (o aktuwal na pagganap) na nakapagtala ng US$1.662 bilyon, at ipinalabas ng Walt Disney Studios Motion Pictures. Karamihan sa mga ito ay bahagi ng malalaking prangkisa na pag-aari ng Disney, na namayani sa pandaigdigang takilya sa pamamagitan ng mga pelikulang Marvel, Star Wars, at mga adaptasyong live-action ng kanilang mga klasikong pelikulang animasyon.
Pelikula sa Pilipinas
Ang industriya ng pelikula noong dekada 2010 sa Pilipinas ay patuloy na lumago, bagaman, naharap ito sa mga hamon tulad ng pag-usbong ng dihital na streaming at pagbabago sa panlasa ng mga manonood. Lumabas ang maraming pelikula na tumalakay sa mga makabuluhang isyung panlipunan, kultura, at personal na kwento, kabilang ang mga obra mula sa mga kilalang direktor tulad nina Lav Diaz, Brillante Mendoza, at Erik Matti.
Ilan sa mga makabuluhang pelikulang Pilipino ng dekadang ito ay ang Heneral Luna (2015), isang makasaysayang talambuhay ni Antonio Luna na naging malaking tagumpay, pati na rin ang Ang Babae sa Septic Tank (2011) na pinagbidahan ni Eugene Domingo, isang komedya na sumalamin sa buhay ng mga artista at industriya. Naging mahalaga rin ang pagdiriwang ng mga pelikulang malaya at paglahok ng mga Pilipinong pelikula sa mga pandaigdigang pista ng pelikula.
Remove ads
Mga sanggunian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads