Miss Universe 2015
From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Ang Miss Universe 2015 ay ang ika-64 na edisyon ng Miss Universe pageant, na ginanap sa Planet Hollywood Resort & Casino sa Las Vegas, Nevada, Estados Unidos noong 20 Disyembre 2015.[1] Ito ang unang edisyon ng kompetisyon na ginanap sa ilalim ng pagmamay-ari ng WME/IMG, na binili ang Miss Universe Organization mula kay Donald Trump noong 14 Setyembre 2015.[2] Dahil dito, ito ang edisyon ng kompetisyon na ipinalabas sa Fox at Azteca sa halip na sa NBC at UniMás.[3][4]
Pagkatapos ng kompetisyon, kinoronahan ni Paulina Vega ng Kolombiya si Pia Wurtzbach ng Pilipinas bilang Miss Universe 2015.[5] Ito ang pangatlong tagumpay ng Pilipinas sa kasaysayan ng kompetisyon.[6] Nagtapos bilang first runner-up si Ariadna Gutiérrez ng Kolombya samantalang nagtapos bilang second runner-up si Olivia Jordan ng Estados Unidos.[7]
Mga kandidata mula sa walumpung mga bansa at teritoryo ang kumalahok sa kompetisyong ito. Pinangunahan ni Steve Harvey ang kompetisyon, samantalang nagsilbi bilang backstage correspondent si Roselyn Sanchez.[7] Nagtanghal sina Charlie Puth, The Band Perry, at Seal sa edisyong ito.[8]
Remove ads
Kasaysayan

Lokasyon at petsa ng kompetisyon
Ayon sa panayam kay Miss Universe 2014 Paulina Vega noong 8 Pebrero 2015, binanggit ni Vega na gaganapin ang Miss Universe 2015 sa Beijing sa Nobyembre 2015.[9] Gayunpaman, inanunsyo ng bise-presidente ng Miss Universe Organization na si Shawn McClain noong 29 Abril 2015 na gaganapin ang kompetisyon sa Bogotá, Kolombya sa Enero 2016.[10]
Kasunod ng mga pahayag ng may-ari ng Miss Universe Organization na si Donald Trump patungkol sa mga imigranteng Mehikano sa Amerika sa isang talumpati noong 16 Hunyo 2015, binawi ng Kolombya ang kanilang bid upang idaos ang kompetisyon sa kanilang bansa dahil sa pagkondena nila kay Trump.[11] Bukod pa rito, tumanggi ang NBCUniversal at UniMás (tagahimpapawid ng kompetisyon sa wikang Espanyol) na isahimpapawid ang Miss USA 2015 pageant at winakasan ang kanilang mga karapatan sa pageant. Ito ang nagtulak kay Trump na magsampa ng kaso laban sa NBC at UniMás dahil tumanggi sila na ipalabas ang pageant.[12][13]
Noong 11 Setyembre 2015, binili ni Trump ang istaka ng NBCUniversal sa Miss Universe, kaya siya na lang ang nag-iisang may-ari ng Miss Universe Organization.[12] Kalaunan, ibinenta ni Trump ang Miss Universe Organization sa WME/IMG noong 14 Setyembre.[14]
Noong 28 Oktubre 2015, mahigit isang buwan matapos bilhin ng WME/IMG ang Miss Universe Organization kay Trump, inanunsyo ng Fox na nakuha nito ang mga karapatang isahimpapawid ang Miss Universe 2015 pageant, na gaganapin sa 20 Disyembre 2015.[15][16] Gaganapin ang kompetisyon sa AXIS Theatre ng Planet Hollywood sa Las Vegas, Nevada, Estados Unidos.[17]
Pagpili ng mga kalahok
Ang mga kalahok mula sa walumpung mga bansa at teritoryo ay napili upang lumahok sa kompetisyon. Labindalawang kandidata ang nailuklok upang kumatawan sa kanilang bansa/teritoryo matapos maging isang runner-up sa kanilang kompetisyong pambansa o napili sa isang casting process, at tatlong kandidata ang napili matapos ang pag-urong ng orihinal na kalahok.
Iniluklok si Miss Austria 2012 Amina Dagi bilang kandidata ng Austrya sa Miss Universe matapos na pinili ni Miss Austria 2015 Annika Grill na lumahok lamang sa Miss World, dahil sa salungatan ng iskedyul ng dalawang pageant.[18] Iniluklok rin sina Ornella Obone ng Gabon, Cynthia Samuel ng Libano, Vladislava Evtushenko ng Rusya, at Refilwe Mthimunye ng Timog Aprika upang kumatawan sa kanilang bansa dahil hindi maaaring sumali ang mga orihinal na kalahok na sina Miss Gabon 2015 Reine Ngotala, Miss Lebanon 2015 Valerie Abou Chacra, Miss Russia 2015 Sofia Nikitchuk, at Miss South Africa 2015 Liesl Laurie dahil sa kanilang pagsali sa Miss World 2015 na ginanap isang araw bago ganapin ang Miss Universe 2015.[19][20][21][22]
Iniluklok ang second runner-up ng Miss Croatia 2015 na Mirta Kuštan upang palitan ang orihinal na nagwagi na si Barbara Ljiljak bilang kinatawan ng Kroasya matapos nitong magkaroon ng pinsala sa kanyang braso.[23][24] Iniluklok ang first runner-up ng Miss Mauritius 2014 na si Sheetal Khadun dahil sa hindi pagtupad ng mga obligasyon ng orihinal na Miss Mauritius na si Kushboo Ramnawaj.[25][26] Iniluklok si Miss Earth Paraguay 2015 Myriam Arévalos upang maging Miss Universe Paraguay 2015 dahil ang orihinal na nagwagi Laura Garcete ay nabuntis sa kasagsagan ng kanyang panunungkulan.[27] Dahil nagkaroon ng salungatan sa iskedyul ng Miss Universe 2015 at Miss France 2016 kung saan obligadong dumalo si Miss France 2015 Camille Cerf ayon sa kanyang kontrata, iniluklok si Miss France 2014 Flora Coquerel upang lumahok sa edisyong ito.[28]
Bumalik sa edisyong ito ang mga bansang Montenegro at Kapuluang Kayman na huling sumali noong 2012, at Biyetnam at Dinamarka na huling sumali noong 2013. Iniluklok si Aigerim Smagulova upang kumatawan sa Kasakistan upang palitan si Miss Universe Kazakhstan 2015 Regina Valter dahil napagdesisyunan niyang sumali na lamang sa susunod na edisyon. Gayunpaman, umurong sa kompetisyon si Smagulova dahil sa mga personal na dahilan. Dapat sanang lalahok si Miss Universe Slovenia 2015 Ana Haložan, ngunit naaksidente ito noong nakarating na siya sa Las Vegas, dahilan upang maospital at bumitiw sa kompetisyon.[29] Nagkaroon ito ng mga seizure at ang kanyang mukha ay bahagyang paralisado.[30] Bagama't nagbitiw na sa kompetisyon, binigyan pa rin ng pagkakaton si Haložan upang rumampa sa entablo sa live telecast.[31][32] Hindi sumali ang mga bansang Ehipto, Etiyopiya, Guam, Kapuluang Turks at Caicos, Kenya, Litwanya, Santa Lucia, Sri Lanka, Suwisa, at Trinidad at Tobago matapos na mabigo ang kanilang mga organisasyong pambansa na magdaos ng kompetisyong pambansa o magtalaga ng kalahok.[33]
Noong una, hindi dapat lalahok ang mga bansang Kosta Rika, Mehiko, at Panama sa edisyong ito dahil sa mga pahayag ni Donald Trump patungkol sa mga imigrante sa Mehiko.[34][35] Gayunpaman, pagkatapos ng ibenta sa WME/IMG ang Miss Universe Organization, nagpasya ang tatlong bansa na lumahok sa Miss Universe.[36]
Mga insidente sa panahon ng kompetisyon

Nakatanggap ng atensyon ng media sa buong mundo ang final telecast ng edisyong ito dahil sa isang pagkakamaling nagawa tungkol sa nanalo.[37] Noong una, inanunsyo ng host na si Steve Harvey na ang nagwagi sa kompetisyon ay si Ariadna Gutiérrez ng Kolombya. Ilang minuto matapos ang kanyang koronasyon, bumalik si Harvey sa entablado upang humingi ng paumanhin, at sinabing si Gutiérrez ang first runner-up habang si Pia Wurtzbach ng Pilipinas ang nagwagi.[38] Kalaunan ay sinabi niya na siya ay nalito nang basahin ang pangalan ng nagwagi dahil ang parehong pangalan ay nasa card at napansin lamang niya ang "1st" sa pangalan ng Kolombya.[39] Dahil dito, binawi ni Miss Universe 2014 Paulina Vega ang sintas sa baywang at korona mula kay Gutiérrez at koronahan si Wurtzbach bilang ang kanyang kahalili.[40] Pagkatapos ng koronasyon ni Wurtzbach, napaluha si Gutiérrez dahil sa insidente habang napapaligiran ng kanyang mga kasamang kandidata. Sinubukan ni Wurtzbach na sumali at kausapin si Gutiérrez, ngunit sinabihan siya ng ilan sa kanyang mga kasamang kandidato na "umatras", habang ang iba ay buo siyang hindi pinansin.[41][42]
Remove ads
Mga resulta

Mga pagkakalagay
Mga espesyal na parangal
Best National Costume
Remove ads
Kompetisyon
Pormat ng kompetisyon
Tulad noong 2014, labinlimang semi-finalist ang napili sa pamamagitan ng paunang kompetisyon at ang mga closed-door interview. Lumahok sa swimsuit competition ang labinlimang mga semi-finalist, at kalaunan ay pinili ang sampung mga semifinalist. Lumahok sa evening gown competition ang sampung mga semifinalist at kalaunan ay pinili ang limang pinalista. Limang pinalista ang sumabak sa paunang question-and-answer round.[47] Gayunpaman, sa unang pagkakataon simula noong 2000, mula sa lima, tatlong pinalista naman ang aabante sa susunod na round at sasabak sa final question at final walk.[48] Sa unang pagkakataon, nagkaroon ng isang real-time voting system sa kompetisyon kung saan maaaring bigyan ng mga manonood ang mga kandidata ng iskor habang nagaganap ang isang parte ng kompetisyon. Kasama ng mga hurado ang global vote at ang mga kandidatang hindi kabilang sa tatlong pinalista sa pagpili ng susunod na hihiranging Miss Universe.[49]
Komite sa pagpili
Paunang kompetisyon
- Erika Albies – Bise-presidente ng Global Fashion Communications sa IMG[50]
- Erin Brady – Miss USA 2013 mula sa Connecticut[50]
- Julio Caro – Producer para sa pelikula at telebisyon at talent manager[50]
- Keiko Uraguchi – Director of Digital Partnerships para sa WME/IMG[50]
- Nischelle Turner – Korespoden sa Entertainment Tonight[50]
- Rocky Motwani – Negosyante, co-founder ng Jiko Services[50]
- Zak Soreff – Entertainment marketing expert[50]
Final telecast
- Emmitt Smith – Dating manlalaro ng propesyonal at pangkolehiyong putbol[51]
- Niecy Nash – Aktres na nanomina para sa Gawad Emmy
- Olivia Culpo – Miss Universe 2012 mula sa Estados Unidos
- Perez Hilton – Blogger, kolumnista, at personalidad sa telebisyon
Mga kandidata
Walumpung kandidata ang kumalahok para sa titulo.[52]
Remove ads
Mga tala
Mga sanggunian
Panlabas na kawing
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads