Tao
espesye ng hominid sa henus na Homo From Wikipedia, the free encyclopedia
Remove ads
Táo (Homo sapiens) o modérnong táo ang pinakakaraniwan at pinakalaganap na espesye ng primado, at ang huling nabubuhay na espesye ng henus na Homo. Bahagi ng pamilyang Hominidae, natatangi ang mga tao sa kanilang kawalan ng buhok kumpara sa kapamilya nila, paglalakad gamit ng dalawang paa, at mataas na antas ng katalinuhan. May mga malalaking utak ang mga tao, na nagbigay sa kanila ng kakayahang kognitibo na naging dahilan upang makatira sila sa iba't-ibang klase ng kapaligiran at makagawa ng mga kagamitan, lipunan, at sibilisasyon.
Isang nakikihalubilong hayop ang mga tao, kung saan ang bawat isang tao ay miyembro ng isang grupo na nagdidikta ng kani-kanilang relasyon sa iba, tulad halimbawa ng pamilya, kaibigan, korporasyon, at politikal na estado. Dahil rito, nakapagtatag ang mga tao ng napakaraming klase ng kaugalian, wika, at tradisyon, mga pangunahing sangkap ng isang lipunan ng tao. May matinding ring kuryosidad ang mga tao; ang pagnanasang maunawaan at maimpluwensyahan ang mga penomena ang nag-udyok sa mga tao upang maidebelop ang agham, teknolohiya, pilosopiya, mitolohiya, relihiyon, at iba pang mga larangan ng kaalaman. Bukod dito, pinag-aaralan din nila ang kani-kanilang sarili sa pamamagitan ng antropolohiya, agham panlipunan, kasaysayan, sikolohiya, at medisina. Sa kasalukuyan, tinatayang nasa walong bilyon ang kabuuang populasyon ng mga tao sa Daigdig.
Sa malaking bahagi ng kanilang kasaysayan, nomadiko ang pamumuhay ng mga tao, umaasa sa mga pagkain sa kapaligiran o manghuli ng ibang mga hayop para kainin. Nagsimula lamang maging moderno ang mga tao noong bandang 160,000 hanggang 60,000 taong ang nakalilipas. Naganap ang Rebolusyong Neolitiko sa iba't-ibang lugar nang halos sabay, una sa rehiyon ng Kanlurang Asya 13,000 taon ang nakaraan. Sa mga lugar na ito, nagsimulang manatili ang mga tao upang magsaka imbes na mangalugad, na siyang nagbigay-daan upang maitatag ang mga pinakaunang sibilisasyon na minarkahan ng paglobo ng populasyon at pagbilis ng pagbabago sa teknolohiya. Simula noon, samu't saring mga sibilisasyon ang umangat at bumagsak, at nagsimula ring magbago ang pamumuhay ng mga tao.
Omniboro ang mga tao; ibig sabihin, kumakain sila ng halaman at karne. Simula noong panahong ng mga Homo erectus, ginagamit rin nila ang apoy upang lutuin ang mga pagkain nila, na nagpataas kalaunan sa kanilang nutrisyon at pagdami ng mga maaaring kainin. Maituturing na diurnal ang mga tao, natutulog nang tinatayang pito hanggang siyam na oras kada araw. May malaking epekto ang mga tao sa kalikasan. Mga superdepredador (superpredator) sila, at kaunti at bihira lamang silang tugisin ng ibang mga hayop. Ang kanilang mabilis na pagdami, industriyalisasyon, polusyon, at pagkonsumo ang dahilan ng kasalukuyang malawakang pagkaubos ng ibang mga nilalang. Sa nakalipas na siglo, narating ng mga tao ang mga pinakamasasamang kapaligiran para sa buhay, tulad ng Antartika, labas ng Daigdig at ang kailaliman ng mga karagatan, bagamat limitado lamang ang pananatili nila sa mga ito. Nakarating ang mga tao sa Buwan at nakapagpadala ng kanilang mga gawa sa iba't-ibang bahagi ng Sistemang Solar.
Bagamat ginagamit din ang salitang "tao" upang tukuyin ang lahat ng mga miyembro ng henus na Homo, madalas itong ginagamit sa Homo sapiens, ang natitirang espesye nito. Ginagamit ang salitang "modernong tao" upang ihiwalay ang mga ito sa mga sinaunang tao. Unang lumitaw ang mga anatomikal na modernong tao sa Aprika 300,000 taon ang nakaraan, mula sa Homo heidelbergensis o kaparehong espesye. Mula Aprika, unti-unti nilang nilahian at pinalitan ang ibang mga espesye ng tao sa mga lugar, tulad halimbawa ng mga Neandertal, na pinaniniwalaang naubos dahil sa kompetisyon, alitan, at paglalahi ng mga Homo sapiens sa kanilang populasyon. Naimpluwensyahan ng kapaligiran at mga hene ang biolohikal na pagkakaiba ng mga tao na makikita tulad halimbawa ng kulay ng balat, tangkad, at pisyolohiya, gayundin ang mga namamanang sakit at katangian. Bagamat ganito, isa ang mga tao sa may pinakamakaunting pagkakaiba sa henetika sa mga primado, kung saan nasa 99% na magkapareho ang alinmang dalawang tao.
May dalawang biolohikal na kasarian ang mga tao; sa pangkalahatan, mas malakas ang mga lalaking tao habang mas maraming taba naman ang mga babaeng tao. Nagsisimulang lumitaw ang mga sekondaryong katangiang pangkasarian pagsapit ng kabaguntauhan. Kayang manganak ng mga babaeng tao, simula sa pagsisimula ng kabaguntauhan hanggang sa maglayog bandang 50 taong gulang. Delikado ang panganganak, kung saan maraming komplikasyon ang maaaring kaharapin ng nanganganak na maaari ding humantong sa kamatayan, bagamat nakadepende ito sa serbisyong medikal. Madalas na magkaparehong tatay at nanay ang nagpapalaki sa sanggol, na walang muwang pagkapanganak sa kanila.
Remove ads
Pagpapangalan
Nagmula ang salitang "tao" sa lumang Tagalog na salitang "tawo", na ginagamit pa rin sa ibang mga wika sa Pilipinas partikular na sa Kabisayaan. Pare-parehong nagmula ito sa Proto-Pilipinong salita na *tau, na nagmula naman sa Proto-Austronesyong salitang na *Cau.[1] Isa sa mga deribatibo nito, "pagkatao", ay ginagamit upang tukuyin ang kondisyon ng pagiging tao.[2] Bagamat malinaw ang pagkakaibang ito sa wikang Tagalog, itinuturing ang dalawang ito bilang magkasingkahulugan sa ibang mga wika. Halimbawa, sa wikang Ingles, itinuturing na magkapareho ang mga salitang human at person sa karaniwang diskurso. Gayunpaman, sa pilosopiya, ginagamit ang person sa kahulugan na "pagkatao".[3]

Samantala, nagmula naman ang pangalang binomial ng tao, Homo sapiens, mula sa Systema Naturae ni Carl Linnaeus noong 1735 na ang ibig sabihin ay "tao na may karunungan".[4] Ang henus nito, Homo, ay isang aral na hiram mula sa wikang Latin na homō, na tumutukoy sa tao mapaanuman ang kasarian.[5] Maaaring gamitin ang salitang "tao" upang tukuyin ang lahat ng mga miyembro ng naturang henus; sa ganitong pananaw, ginagamit ang salitang "modernong tao" upang ihiwalay ito sa ibang mga miyembro ng henus. Sa kasalukuyan, may mga pagtatalo sa akademiya kung dapat bang ituring ang ilang patay na klase ng tao, tulad ng mga Neandertal, bilang isang hiwalay na espesye o bilang isang sub-espesye sa ilalim ng Homo sapiens.[6]
Remove ads
Ebolusyon
Hominoidea | |
Mga bakulaw ang mga tao; bahagi sila ng superpamilyang Homonoidea.[7] Unang humiwalay ang mga ninuno ng modernong tao mula sa mga gibon (pamilyang Hylobatidae), tapos orangutan (henus Pongo), tapos gorilya (henus Gorilla), at panghuli, sa mga chimpanzee at bonobo (henus Pan).[8][9] Ang panghuling hiwalayang ito ay naganap noong bandang 8–4 milyong taon ang nakaraan, sa huling bahagi ng kapanahunang Mioseno. Sa hiwalayang ito, nabuo ang kromosoma 2 mula sa pagsasama ng dalawang kromosoma, na naging dahilan kung bakit may 23 pares lamang ang mga modernong tao kumpara sa 24 sa ibang mga bakulaw.[10] Matapos nito, dumami ang mga hominin sa maraming espesye at di bababa sa dalawang henus. Gayunpaman, tanging mga tao, bahagi ng henus na Homo, lamang ang natira sa kasalukuyan.[11]

Nagmula ang Homo mula sa mga Australopithecus.[12][13] Bagamat kaunti lamang ang mga posil sa hiwalayang ito, makikita sa mga kalansay ng mga pinakamatatandang posil ng Homo ang mga pagkakapareho sa mga Australopithecus.[14][15] Tinatayang naganap ang hiwalayan ng dalawang henus 4.3–2.6 na milyong taon ang nakaraan batay sa orasang molekular, bagamat may mga ilang iskolar na nagtataya sa hiwalayan noong 1.87 milyong taon ang nakaraan kung tatanggalin ang ilan sa mga naunang posil na pinaniniwalaang namali ng lagay sa Homo.[16][17]
Ang pinakamatandang tala ng Homo ay ang LD-350-1 mula sa Etiopiya na tinatayang nasa 2.8 milyong taon ang tanda. Samantala, ang pinakamatatandang mga espesye na napangalanan ay ang Homo habilis at Homo rudolfensis na tinatayang nabuhay noong bandang 2.3 milyong taon ang nakaraan.[18] Unang lumitaw naman sa mga tala ang Homo erectus bandang 2 milyong taon ang nakaraan, ang unang Homo na nakalabas sa kontinente ng Aprika at kumalat sa Eurasya at ang una na may katawang kahawig ng sa modernong tao.[19] Lumitaw naman ang mga Homo sapiens noing 300,000 taon ang nakaraan mula sa Homo heidelbergensis o Homo rhodesiensis, mga espesye ng Homo erectus na nanatili sa Aprika.[20] Kagaya ng Homo erectus, lumabas ang mga Homo sapiens sa Aprika kalaunan, at unti-unting pinalitan ang populasyon ng mga sinaunang tao sa lugar.[21] Nagsimula maging moderno ang pag-uugali ng mga Homo sapiens bandang 160,000–70,000 taon ang nakaraan o mas maaga.[22] Umusbong ang katangian ito sa gitna ng nagaganap na likas na pagbabago ng klima noong kalagitnaan hanggang sa dulo ng kapanahunang Pleistoseno.[23]
Naganap ang migrasyon palabas ng Aprika sa dalawang bahagi: una noong 130,000–100,000 taon ang nakaraan pahilaga sa Eurasya, at pangalawa noong 70,000–50,000 taon ang nakaraan patimog papunta sa katimugang baybayin ng Asya.[24][25] Narating ng mga Homo sapiens ang mga kontinente ng Australia 65,000 taon ang nakaraan at ang Kaamerikahan noong 15,000 taon ang nakaraan, gayundin sa Madagascar noong bandang 300 KP at sa mga pinakamalalayong kapuluan sa Karagatang Pasipiko tulad ng Nueva Selanda noon lamang taong 1280.[26][27]
Hindi simple ang ebolusyon ng tao dahil sa pagtatalik nila sa ibang mga espesye ng tao. Ayon sa mga pananaliksik na isinagawa sa henoma ng tao, karaniwan ang pagtatalik sa pagitan ng mga malalayong kamag-anak ng mga modernong tao. Tinatayang aabot nang 6% ng DNA ng mga tao sa labas ng sub-Sahara sa kasalukuyan ang nagmula sa mga hene ng mga Neandertal at ibang mga espesye tulad ng mga Denisovan.[28][29]
Pinakamakikita sa mga pagbabagong naganap sa ebolusyon ng tao ay ang kawalan nito ng buhok sa katawan kumpara sa ibang mga bakulaw, gayundin ang paglalakad sa dalawang paa, mas malalaking utak, at ang pagkakapareho halos ng katangian ng magkaibang kasarian kumpara sa ibang mga bakulaw. Kasalukuyan may debate ukol sa kung ano ang relasyon ng mga pagbabagong ito sa isa't isa.[30]
Remove ads
Kasaysayan
Prehistorya

Hanggang noon lamang 12,000 taon ang nakaraan, nangangalap at nangangaso ang mga tao.[31] Nagsimula ang Rebolusyong Neolitiko sa iba't-ibang panig ng mundo nang maimbento ang agrikultura. Sa Kanlurang Asya natagpuan ang mga pinakamatatandang ebidensiya ng agrikultura, habang may mga ebidensiya rin ng hiwalay na pagkaimbento nito sa ibang panig ng mundo, partikular na sa Tsina at Mesoamerika.[32][33][34] Agrikultura ang nakikitang dahilan ng mga iskolar sa pananatili kalaunan ng mga tao sa iisang lugar, na nagbigay-daan kalaunan din sa pagsuporta sa mga malalaking populasyon at pag-usbong ng mga pinakaunang sibilisasyon.[35]
Sinaunang panahon

Naganap ang isang rebolusyong urban noong ika-4 na milenyo BKP kasabay ng pagtatag sa mga lungsod-estado sa Sumer sa Mesopotamia.[36] Sa mga lungsod na ito natagpuan ang mga kuneiporme na tinatayang ginamit simula noong 3000 BKP.[37] Bukod sa Mesopotamia, umusbong din ang mga sibilisasyon ng sinaunang Ehipto at sa Lambak ng Indus.[38] Nakipagkalakalan din kalaunan ang mga ito sa isa't-isa at naimbento ang gulong, araro, at layag.[39] Samantala, sa Kaamerikahan, umusbong ang sibilisasyong Caral-Supe sa ngayo'y Peru noong 3000 BKP, ang pinakamatandang sibilisasyon sa kontinente.[40] Nadebelop rin sa panahong ito ang astronomiya at matematika, na ginamit ng mga taga-Ehipto upang magawa ang Dakilang Piramide ng Giza, na nakatayo pa rin hanggang ngayon.[41] May ebidensiya ng isang napakatinding tagtuyot na naganap 4,200 taon ang nakaraan na tumagal nang isang siglo at nagpabagsak sa maraming mga sibilisasyon sa mundo,[42] bagamat pinalitan din sila ng ibang mga sibilisasyon tulad ng Babilonya sa Mesopotamia at Shang sa Tsina.[43][44] Gayunpaman, bumagsak ang marami sa mga ito noong huling bahagi ng Panahong Bronse bandang 1200 BKP dahil sa mga kadahilanang hindi pa lubos na maipaliwanag ng mga siyentipiko.[45] Ang pangyayaring ito ang nagpasimula sa Panahon ng Bakal sa maraming panig ng mundo na nagpalit sa paggamit sa bronse bilang pangunahing sangkap sa mga kagamitan.[46]
Simula noong ika-5 siglo BKP, nagsimulang itala ng mga tao ang mga pangyayari sa paligid nila.[47] Sa panahong ito din nagsimulang yumabong ang ilan sa mga pinakamaimpluwensiyang sibilisasyon ng sinaunang panahon, ang sinaunang Gresya at Roma sa Europa.[48][49] Samantala, umusbong din ang mga malalaking sibilisasyon sa ibang kontinente, tulad halimbawa ng mga Maya na gumawa ng mga komplikadong kalendaryo,[50] at Aksum, na naging daanan ng mga kalakal mula sa Europa papuntang India at pabalik.[51] Naging batayan naman ng mga sumunod na imperyo sa rehiyon ang Imperyong Achaemenid sa Kanlurang Asya dahil sa kanilang sentralisadong pamamahala,[52] at narating naman ng Imperyong Gupta sa India at Han sa Tsina ang kinokonsiderang ginintuang panahon sa kani-kanilang lugar.[53][54]
Gitnang Kapanahunan

Markado ang Gitnang Kapanahunan sa Europa bilang ang panahon mula sa pagbagsak ng Kanlurang Imperyong Romano noong 476 KP hanggang sa pagbagsak ng Silangang Imperyong Romano noong 1453.[55] Sa panahong ito, kontrolado ng Simbahang Katolika ang halos lahat ng aspeto ng pamumuhay at edukasyon sa naturang kontinente. Samantala, lumaganap naman ang Islam sa Gitnang Silangan na humantong kalaunan sa isang ginintuang panahon sa rehiyon.[56] Ang magkaibang paniniwalang ito ang naging dahilan upang magtunggali ang dalawang relihiyon sa isang serye ng mga digmaan upang makontrol ang Banal na Lupain, na itinuturing na sagrado ng parehong relihiyon.[57]
Sa kabilang panig ng mundo naman, umusbong ang mga kulturang Mississippi sa Hilagang Amerika.[58] Sinakop ng Imperyong Mongol ang napakalaking bahagi ng Asya noong 1200s.[59] Sa Aprika, narating ng Imperyong Mali ang kanilang tugatog,[60] habang naging isang prominenteng estado sa Karagatang Pasipiko ang Imperyong Tonga.[61] Naging makapangyarihan naman ang mga Aztec sa Mesoamerika at mga Inca sa Andes.[62]
Modernong panahon
Hinahati ng mga iskolar ang modernong panahon sa dalawang bahagi: maaga at huli. Itinuturing na nagsimula ang maagang modernong panahon sa pagbagsak ng Silangang Imperyong Romano at ang pagsisimula ng Imperyong Ottoman.[63] Samantala, nagsimula naman ang panahong Edo sa Hapon,[64] ang dinastiyang Qing sa Tsina,[65] at ang Imperyong Mughal sa India.[66] Naganap naman sa Europa ang Renasimiyento at ang Panahon ng Pagtuklas.[67][68] Nagsimulang maglakbay ang mga Europeo sa iba't-ibang panig ng mundo, simula sa kolonisasyon ng Kaamerikahan at ang Palitang Kolumbiyano.[69][70] Ang paglawak ng mga nasasakupang teritoryo ng mga Europeo ang naging simula ng palitan ng mga alipin sa magkabilang panig ng Karagatang Atlantiko at ang henosidyo sa mga katutubong Amerikano sa kontinente.[71][72] Sa panahon ding ito nagsimula ang Rebolusyong Makaagham, na nagpaabante sa mga larangan ng agham kabilang na ang matematika, mekanika, astronomiya, at pisyolohiya.[73]
Ang Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong ika-20 siglo.
Samantala, nagsimula naman ang huling modernong panahon noong 1800 sa pagsisimula ng Rebolusyong Industriyal sa Europa. Bilang resulta ng Panahon ng Kaliwanagan, naganap ang maraming rebolusyon sa iba't-ibang panig ng Europa at Kaamerikahan, kagaya ng sa Pransiya at Estados Unidos.[74] Naganap naman sa Europa noong unang bahagi ng siglo ang mga digmaang Napoleoniko.[75] Nawala sa kontrol ng Espanya ang halos lahat ng kanilang teritoryo sa Kaamerikahan sa isang serye ng mga magkakaugnay na rebolusyon sa kontinente.[76] Samantala, nag-agawan naman ng teritoryo ang mga Europeo sa kontinente ng Aprika gayundin sa Oseaniya.[77][78] Bago matapos ang siglo, narating ng Imperyong Britaniko ang kanilang tugatog sa nasasakupang teritoryo, ang pinakamalaki sa kasaysayan.[79]
Sa sumunod na siglo, nasira ang balanse ng kapangyarihan sa Europa na nagresulta sa Unang Digmaang Pandaigdig noong 1914, ang pinakamadugong digmaan noong panahong yon. Dahil sa tindi ng digmaan, sinubukang ayusin ng Kasunduan sa Versailles ang kapangyarihan sa mundo at itinatag ang Liga ng mga Bansa.[80] Gayunpaman, hindi nito napigilan ang unti-unting pag-angat ng awtoritarismo, partikular na sa Italya, Alemanya, at Hapon. Dahil dito at sa pagbagsak ng ekonomiya sa maraming bansa noong dekada 1930s, naganap ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isang napakalawak na digmaan na pinaglabanan ng halos lahat ng mga bansa sa mundo noong panahong yon at nagresulta sa pinakamadugong digmaan sa tala ng kasaysayan. Matapos ng digmaan, binuo ang Mga Nagkakaisang Bansa bilang pamalit sa Liga ng mga Bansa. Samantala, bumagsak ang maraming imperyo dahil sa digmaan, na nagbigay-daan naman sa dekolonisasyon at ang pag-angat ng Estados Unidos at Unyong Sobyetiko bilang mga pinakamakapangyarihang bansa.[81]
Ang sigalot ng dalawang makapangyarihang bansa ang nagpasimula sa Digmaang Malamig, ang panahon kung saan ginamit ng dalawang bansa ang mga digmaan sa iba't-ibang panig ng mundo bilang digmaan ng impluwensiya, kagaya sa tangway ng Korea at Biyetnam. Nagparamihan ang dalawa ng mga sandatang nukleyar bilang paghahanda sa inaasahang Ikatlong Digmaang Pandaigdig;[82] bagamat may mga muntikang pangyayari, hindi ito nauwi sa naturang digmaan. Samantala, nagkarera din sila sa kalawakan: naipadala ng Unyong Sobyetiko ang pinakaunang satelayt, Vostok 1, at ang pinakaunang tao, Yuri Gagarin, sa kalawakan. Gayunpaman, humupa ito kalaunan nang naipadala ng Estados Unidos ang mga pinakaunang tao sa Buwan sa misyong Apollo 11 na kinabilangan nina Neil Armstrong, Buzz Aldrin, at Michael Collins. Nagtapos ang naturang digmaan sa pagbagsak ng Unyong Sobyetiko noong 1991 sa maraming mga republika.[83] Ang pagkaimbento sa kompyuter, internet, at smartphone ang nagpasimula sa kasalukuyang Panahon ng Impormasyon.[84]
Remove ads
Tirahan at populasyon
Nakadepende sa layo mula sa isang anyong-tubig ang mga sinaunang tirahan ng mga tao, gayundin sa ibang mga likas na yaman kagaya halimbawa ng mga hayop para sa pangangaso at matabang lupa para sa pagsasaka.[88] Gayunpaman, kayang baguhin ng mga modernong tao ang kanilang kapaligiran sa pamamagitan ng teknolohiya, patubig, pagpaplano ng mga lungsod, paggawa sa mga gusali, deporestasyon, at desertipikasyon.[89] Palaging nasa peligro ang mga tirahan ng tao dahil sa mga likas na sakuna kagaya ng bagyo, lindol, o pagguho ng lupa.[90] Madalas na ginagawa ng mga tao ang mga tirahan para sa mga kadahilanan ng depensa, pagpapahinga, pagpapakita ng yaman, pagpapalawak ng makakain, estetika, at pagpapalago ng kaalaman.[91]
Isa ang mga tao sa mga espesyeng kayang mamuhay sa iba't-ibang anyo ng kapaligiran, kahit na isa rin sila sa mga pinakapalaging nasa peligro dahil sa kanilang mahinang kakayahan upang mamuhay sa ilan sa mga pinakadelikadong kapaligiran para sa buhay.[92] Sa kasalukuyan, may taong naninirahan sa walong bioheograpikal na rehiyon ng Daigdig, bagamat limitado lamang ang pananatili nila sa Antartika at kumokonti tuwing taglamig doon. Nakapagtatag ang mga tao sa natitirang pitong rehiyon ng mga bansa, kagaya ng Pilipinas sa rehiyong Indomalaya, Hapon sa rehiyong Paleartiko, Timog Aprika sa rehiyong Aprotropikal, Estados Unidos sa rehiyong Neartiko, Australya sa rehiyong Austrolasya, at Brasil sa rehiyong Neotropikal.
Nakarating ang mga tao simula noong nakaraang siglo sa kailaliman ng dagat gayundin sa labas ng Daigdig. Gayunpaman, nananatiling limitado ang paninirahan at pananatili ng mga tao sa mga ganitong klase ng lugar.[93] Narating din ng mga tao ang Buwan at nakapagpadala na rin sila ng mga sasakyang pangkalawakan patungo sa iba't-ibang bahagi ng Sistemang Solar. Simula noong 2000, tuloy-tuloy na may tao sa Pandaigdigang Estasyong Pangkalawakan (ISS) sa labas ng Daigdig.[94]
Sa pamamagitan ng mga kagamitan at pananamit, nagawa ng mga tao na mamuhay sa iba't-ibang klase ng kapaligiran.[92] Dahil dito, itinuturing ang mga tao bilang mga espesyeng kosmopolitano dahil nakikita sila sa saanmang bahagi ng mundo.[95] Gayunpaman, hindi pantay-pantay ang densidad ng mga tao sa bawat lugar;[92] karamihan sa kanila ay nakatira sa kontinente ng Asya.[96]

Tinatayang nasa 1–15 milyong katao ang naninirahan sa mundo nang matuklasan ang agrikultura noong bandang 10000 BKP.[98] Nasa 50–60 milyong katao ang naninirahan sa pinagsamang Silangan at Kanlurang Imperyong Romano noong ikaapat na siglo KP.[99] Nangalahati ang populasyon ng mga tao dahil sa salot na bubonik na unang naitala noong ikaanim na siglo, at pumatay sa tinatayang 75–200 milyong katao sa Eurasya at Hilagang Aprika pa lamang.[100] Tinatayang umabot nang isang bilyon ang populasyon ng mga tao pagsapit ng 1800, at mabilis na umangat sa mga sumunod siglo: dalawang bilyon noong 1930, tatlong bilyon noong 1960, apat noong 1975, lima noong 1987, anim noong 1999,[101] pito noong 2011, at walo noong 2022.[102] Inabot ng dalawang milyong taon bago umabot ang dami ng tao sa isang bilyon, at tanging 207 taon para umabot sa pito.[103] Tinatayang nasa 60 milyong tonelada ang kabuuang biomasa ng lahat ng mga tao noong 2018, o sampung beses na mas marami kesa sa lahat ng mga hindi domestikadong mamalya.[97]
Noong 2018, tinatayang nasa 4.2 bilyong katao ang nakatira sa mga urbanisadong lugar, o 55% ng kabuuang populasyon, mula sa 751 milyon noong 1950. Nasa 82% ng populasyon ng Hilagang Amerika ang nakatira sa mga urbanisadong lugar, ang pinakamataas sa mga kontinente, na malapit na sinundan ng 81% ng Timog Amerika. Samantala, 90% ng rural na populasyon ng tao ay nakatira sa Asya at Aprika.[104]
Remove ads
Biolohiya
Anatomiya at pisyolohiya

Maituturing na magkapareho halos ang mga pangunahing bahagi ng katawan ng tao kumpara sa ibang mga hayop. Ang ayos ng ngipin nila ay kapareho ng ibang mga miyembro ng orden na Catarrhini na kanilang kinabibilangan. Gayunpaman, mas maliit ang kanilang mga ngipin at mas maiksi ang kanilang ngala-ngala kumpara sa ibang mga primado. Sila lamang ang tanging primado na may kaliitan ang pangil. Siksik ang kanilang ngipin, kung saan agad na napupunan ang mga espasyo sa pagitan ng ngipin lalo na sa mga bata. Unti-unting nawawala sa mga tao ang kanilang bagang-bait, at may ilang tao na wala na'ng ganito pagkapanganak.[105]
Tulad ng mga chimpanzee, may buntot ang mga tao, bagamat hindi na ito malinaw na nakikita sa labas at wala na ring gamit.[106] Meron din silang apendiks, nababanat na balikat, daliring nakakahawak, at hinlalaking naigagalaw sa ibang daliri (opposable thumb).[107] Dahil sa paglalakad nang nakatayo, mala-balires ang kanilang dibdib kumpara sa ibang mga bakulaw na hugis imbudo.[108] Bukod sa laki ng utak at ang paglalakad gamit dalawang paa, nag-iiba ang mga tao mula sa chimpanzee sa kanilang pang-amoy, pandinig, at mga protina sa pangtunaw ng pagkain.[109] Bagamat maikukumpara ang kapal ng buhok ng mga tao sa ibang mga bakulaw, napakaliit lamang ang mga ito at halos di makita.[110] Tinatayang may dalawang milyong glandula ng pawis ang mga tao, na nakakalat sa malaking bahagi ng katawan di tulad ng ibang mga primado na kaunti lamang ang glandula at makikita sa paa at kamay.[111]
Tinatayang nasa 1.71 m (5.6 ft) ang karaniwang tangkad ng taong lalaki na nasa hustong edad, at 1.59 m (5.2 ft) naman sa mga taong babae.[112] Maaari magsimula sa kalagitnaan ng buhay ng tao ang pagpandak, bagamat nagiging normal ito pagsapit ng katandaan.[113] Tumatangkad ang mga tao sa paglipas ng panahon bilang resulta ng maayos na nutrisyon, kalusugan, at pamumuhay.[114] Tinatayang nasa 77 kg (170 lb) ang karaniwang bigat ng taong lalaki at 59 kg (130 lb) naman sa mga taong babae.[115] Nakadepende ang bigat at tangkad sa henetika at kapaligiran kung saan lumaki ang isang tao.[116]
Mas mabilis at mas tumpak maghagis ang mga tao kesa sa ibang mga hayop.[117] Isa rin sila sa mga pinakamagagaling na tumakbo nang malayuan kumpara sa ibang mga hayop, bagamat mabagal sila sa mga maiikling distansiya.[118] Dahil sa matinding pagpapawis at manipis na buhok sa katawan kaya nagagawang maiwasan ng mga tao na mapagod agad dahil sa init.[119] Kumpara sa ibang mga bakulaw, mas malalakas ang puso ng mga tao at mas malaki ang kanilang aorta.[120][121]
Henetika

Tulad ng maraming buhay na nilalang, kabilang ang mga tao sa Eukaryota. Taglay ng bawat somatikong selula nila ang dalawang grupo ng tigda-23 kromosoma mula sa tatay at nanay. Samantala, taglay lang ng gameta ang isang grupo ng mga kromosoma na resulta ng pinagsamang pares ng magulang. Sa 23 kromosomang ito, 22 sa mga ito ang autosoma at isang pares ng kromosomang pangkasarian. Tulad ng maraming mamalya, ginagamit ng mga tao ang isang sistema ng pantukoy sa kalalabasang kasarian ng anak, kung saan babae kung XX ang pares ng kromosomang pangkasarian, o lalaki kung XY naman.[122] Nakakaapekto ang namanang hene at kapaligiran ng tao sa magiging hitsurang pisikal nito, gayundin ang pisyolohiya, pag-iisip, at tiyansa na makakuha ng ilang partikular na sakit. Gayunpaman, hindi pa rin lubos na nauunawaan ng mga siyentipiko ang relasyon nito sa katangian ng indibiduwal na tao.[123][124]
Bagamat walang dalawang tao ang siyento porsiyentong magkatulad ng henetika, kahit maging mga kambal na nagmula sa iisang sigoto,[125] aabot pa rin nang 99.5% hanggang 99.9% na magkatulad sa henetika ang bawat dalawang tao.[126] Ibig sabihin, isa sila sa mga hayop na may pinakamagkatulad na henetika sa isa't-isa, lalo na sa mga kapwa bakulaw.[127] Dahil dito, ipinagpapalagay ng mga siyentipiko na may naganap na sobra-sobrang pagkonti ng mga tao noong huling bahagi ng Panahong Pleistoseno bandang 100,000 taon ang nakalipas.[128][129] Patuloy pa rin nakakaapekto ang likas na pagpili sa mga tao, partikular na ang pagpiling direksiyonal, na makikita sa kanilang henoma sa nakalipas na 15,000 taon.[130]
Unang nasekuwensiya ang henoma ng tao noong 2001,[131] at pagsapit ng 2020, daan-daang libong henoma ng tao na ang nasekuwensiya.[132] Noong 2012, kinumpara ng International HapMap Project ang henoma ng 1,184 na indibiduwal mula sa 11 populasyon at nakapagtukoy ng 1.6 milyong single-nucleotide polymorphism.[133] Pinakamaraming pribadong baryasyon sa henetika ang mga populasyon sa Aprika. Bagamat nakikita rin sa Aprika ang mga karaniwang baryasyon sa henetika na makikita rin sa ibang mga kontinente, meron ding mga pribadong baryasyon ang ibang mga kontinente lalo na sa Oseaniya at Kaamerikahan.[134] Ayon sa mga pagtatayang ginawa noong 2010, nasa 22,000 hene ang meron sa mga tao.[135] Sa pamamagitan ng pagkumpara sa mitokondriang DNA na tanging ipinapasa lang ng nanay, ipinagpapalagay ng mga henetista na tinatayang namuhay noong 90,000 hanggang 200,000 taon ang nakalipas ang pinakahuling karaniwang ninunong babae ng lahat ng mga buhay na tao ngayon, ang tinatawag na Mitochondrial Eve.[136]
Buhay

Nagaganap ang reproduksiyon ng tao sa loob ng katawan sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik, bagamat posible rin itong matulungan sa pamamagitan ng teknolohiya.[137] Karaniwang umaabot nang 38 linggo ang pagbubuntis, bagamat maaaring umabot pa nang hanggang 37 araw bago ito iluwal.[138] Madedebelop ang bilig ng tao sa unang walong linggo sa sinapupunan, at pagsapit ng ikasiyam, tinatawag na itong fetus.[139] Maaaring magsimula nang mas maaga ang panganganak o di kaya'y manganak nang sesaryan kung kailanganin.[140] Sa mga mauunlad na bansa, tipikal na tumitimbang ang mga bagong panganak na sanggol nang 3–4 kg (6.6–8.8 lb) at may laki na 47–53 cm (19–21 in).[141] Gayunpaman, maaaring mas mababa kesa sa mga sukat na ito ang timbang ng mga sanggol na ipinanganak sa mga papaunlad na bansa, na nagpapataas sa mortalidad ng mga sanggol sa mga bansang ito.[142]
Kumpara sa ibang mga espesye, delikado ang panganganak sa mga tao kung saan mas mataas ang tiyansa ng komplikasyon at kamatayan.[143] Mas sakto ang ulo ng sanggol sa bewang kumpara sa ibang mga primado, na nagpapasakit sa panganganak na maaaring umabot nang 24 oras. Ang sitwasyong ito, na tinatawag na problema sa panganganak, ay madalas na iniuugnay sa presyur ng ebolusyon dahil sa paglalakad nang nakatayo at paglaki ng utak, ngunit hindi pa ito lubos na naiintindihan ng mga siyentipiko magpahanggang ngayon.[144] Gumanda ang tiyansa ng maayos na panganganak pagsapit ng ika-20 siglo sa mga mauunlad na bansa sa tulong ng teknolohiya. Gayunpaman, nananatili pa ring delikado sa nanay ang panganganak, kung saan tinatayang 100 beses na mas mataas ang tiyansang mamatay ang babae sa mga papaunlad na bansa dahil dito.[145]
Parehong inaalagaan ng tatay at nanay ang sanggol pagkapanganak, kumpara sa ibang mga primado na nanay madalas ang nag-aalaga.[146] Walang muwang pagkapanganak, lumalaki ang mga tao sa mga susunod na taon hanggang sa ika-15 hanggang ika-17 taon kung saan mararating nila ang pagkahinog ng kanilang seksuwalidad.[147] Madalas na hinahati sa mga yugtong aabot nang tatlo hanggang labindalawa ang buhay ng isang tao. Tipikal na yugto ang mga sumusunod: sanggol, pagkabata, kabaguntauhan, hustong edad, at katandaan.[148] Nakadepende sa kultura ang haba ng bawat yugtong ito ngunit pinakakaraniwan ang yugto kung saan nagaganap ang mabilis na paglaki sa kasagsagan ng kabaguntauhan.[149] Natatapos ang regla sa mga babaeng tao pagsapit nila ng 50 taon banda.[150] Ayon sa hinuhang lola, pinagpapalagay ng mga siyentipiko na mas nagtatagumpay ang reproduksiyon ng mga babaeng tao dahil mas nakakatuon sila sa pangangalaga sa kanilang mga anak, at gayundin sa magiging mga apo nila, kesa manganak pa rin sila sa katandaan.[151]
Nakadepende sa dalawang salik ang haba ng buhay ng isang tao: henetika at pamumuhay.[152] Dahil sa samu't saring dahilan, mas mahaba ang buhay ng mga babae kesa sa mga lalaking tao.[153] Noong 2018, tinatayang nasa 74.9 na taon ang inaasahang buhay ng isang babaeng tao kumpara sa 70.4 na taon sa mga lalaki sa buong mundo.[154][155] Gayunpaman, nagkakaiba ang haba na ito depende sa lugar, madalas dahil sa gaano kaunlad ito. Halimbawa, sa Hong Kong, nasa 87.6 na taon ang inaasahang buhay ng mga babae doon at 81.8 taon naman sa mga lalaki. Sa kabilang banda, sa Republika ng Gitnang Aprika, 55.0 taon lamang ang inaasahang buhay ng mga babae at 50.6 naman sa mga lalaki.[156][157] Sa pangkalahatan, tumatanda nang tumatanda ang edad ng populasyon ng mga mauunlad na bansa, kung saan nasa 40 ang karaniwang edad ng mga tao roon. Sa mga papaunlad na bansa naman, nasa 15 hanggang 20 taon lamang ito. Sa bawat limang Europeo, isa sa kanila ay nasa lagpas 60 taon ang edad. Ikumpara ito sa mga Aprikano, kung saan tanging isa sa dalawampung tao roon ang nasa lagpas 60 taon ang edad.[158] Noong 2012, tinatayang nasa 316,600 tao ang may edad na lagpas 100 taon (mga sentenaryo) sa buong mundo.[159]
Pagkain

Mga omniboro ang mga tao, kayang kumain ng parehong karne at halaman.[160] Iba-iba ang diyeta ng mga tao, mula sa pagiging vegan hanggang sa pagiging karniboro. Sa ilang mga kaso, humahantong sa kakulangan sa nutrisyon ang mga restriksiyon sa mga kinakain; gayunpaman, sa pangkalahatan, balanse ang pagkain ng mga tao mula sa iba't-ibang mga kultura.[161] Nakakabit sa kultura ang pagkain ng mga tao at humantong kalaunan sa pag-usbong ng agham pampagkain.[162]
Bago ang pag-usbong ng agrikultura, pawang mga nangangalap at nangangaso ang mga tao para sa kanilang kakainin.[162] Madalas na kumokolekta sila ng mga nakapirmeng makakain tulad ng mga halaman, prutas, at mga lamang-dagat sa dalampasigan, at nangangaso ng mga hayop na dapat hulihin muna bago makain.[163] Ipinagpapalagay ng mga siyentipiko na natuklasan at nagamit na ng mga tao ang apoy sa pagluto sa kanilang kakainin simula pa noong panahon ng mga Homo erectus.[164] Nagsimula naman ang domestikasyon ng mga tao sa mga halaman bandang 11,700 taon ang nakalipas,[165] na kalauna'y humantong sa agrikultura at nagpasimula sa Rebolusyong Neolitiko.[166] Ang pagbabagong ito ay ipinagpapalagay na nagpabago din sa biolohiya ng tao; halimbawa, dahil sa gatas at keso kaya nagawang matunaw sa tiyan ng mga tao ang laktasa, bagamat hindi lahat ng populasyon ng tao ay kayang gawin ito magpahanggang ngayon.[167] Nakadepende sa lugar, panahon, at kultura ang mga pagkaing madalas kainin ng mga tao, gayundin sa kung paano ito hinahanda.[168]
Sa pangkalahatan, maaaring magtagal nang walong linggo ang tao nang walang kinakain, depende sa taba ng katawan.[169] Gayunpaman, aabot lamang ng tatlo hanggang apat na araw ang tao nang walang iniinom na tubig, pinakamahaba na ang isang linggo.[170] Noong 2020, tinatayang nasa siyam na milyong katao ang namamatay araw-araw sa gutom mismo o dahil dito.[171] Isa ang malnutrisyon sa mga pinakakaraniwang dahilan ng pagkasakit ng mga bata sa mundo.[172] Hindi pantay-pantay ang pagkakaroon ng pagkain sa bawat lugar, at problema sa ilang mga lugar ang labis na katabaan, na maaaring humantong sa mga komplikasyon sa katawan at pagtaas ng mortalidad sa mga mauunlad at ilang papaunlad na bansa. Tinatayang nasa lagpas isang bilyong tao ang labis na mataba sa buong mundo.[173] Sa Estados Unidos, 35% ng populasyon ang kinokonsiderang labis na mataba, kaya inilalarawan ito bilang isang epidemya.[174] Resulta ang katabaan ng pagkain ng sobra-sobrang kalori kesa sa nasusunog ng katawan, na tipikal sa mga diyeta na mas nangangailangan ng enerhiya.[173]
Pagkakaibang biolohikal
Nagkakaiba ang mga tao sa kanilang katangian kagaya ng tangkad, uri ng dugo, hugis ng mukha at korte ng bungo, kulay ng balat at buhok, at maging mga namamanang sakit.[175] Karaniwan na umaabot nang 1.4–1.9 m (4.6–6.2 ft) ang kanilang tangkad, na nakadepende sa kasarian, pinanggalingan, at henetika. Nakadepende rin ang timbang sa henetika gayundin sa pamumuhay at pagkain.[176]
May ebidensiya na nagpapatunay na nagbabago ang henetika ng mga tao depende sa kapaligiran nito. Halimbawa, dahil kasama sa karaniwang pagkain ng ilang grupo ng mga tao ang mga pagkaing gawa sa gatas ng baka, nagawang umayon ang kanilang katawan upang matunaw ang laktasa, na hindi kaya ng maraming tao.[177] Madalas ring may sickle cell anemia ang mga taong nakatira sa lugar kung saan talamak ang malaria.[178] Nadebelop ng mga populasyon ang mga pagbabagong kinakailangan sa paglipas ng panahon bunsod ng kanilang paninirahan sa isang partikular na lugar, kagaya halimbawa ng mas malalakas na baga para sa mga taong nakatira sa mga matataas na lugar at sa pagsisid sa ilalim ng dagat nang mas matagal tulad ng mga Badjao sa katimugang Pilipinas.[179][180]


Itim ang pinakakaraniwang kulay ng buhok ng mga tao, bagamat meron ding mga buhok na kulay kayumanggi, olandes, o pula.[181] Nakadepende sa dami ng melanin ang kulay ng buhok, na kalaunan ay kumokonti na nagiging dahilan ng pagputi nito. Samantala, maaaring maging maitim hanggang maputi ang kutis ng balat ng tao, at sa ilang mga kaso tulad ng mga taong anak-araw, sobrang puti. Tipikal na nakadepende sa dami ng nakukuhang UV sa balat ang magiging kulay nito, kaya sa mga rehiyon sa o malapit sa ekwador makikita ang karamihan sa mga taong maitim ang balat.[182] Pinaniniwalaang panangga laban sa sinag ng Araw ang pagkaitim ng balat ng mga tao sa mga rehiyong ito.[183] Samantala, sa mga rehiyong hindi masyadong naaarawan, puti ang balat ng mga tao rito upang mapanatili ang bitamina D na nagmumula sa sinag ng Araw.[184] Kayang umitim ang balat ng mga tao bilang tugon sa radyasyong UV kung kailanganin.[185]
Napakaliit lang ang pagkakaiba ng mga tao sa isa't-isa; karamihan sa mga pagkakaiba ay hanggang sa indibiduwal lamang.[186] Walang hangganan halos ang mga pagkakaibang ito,[187] at ayon sa mga datos sa henetika, mapaanuman ang gamiting basehan sa paggugrupo, ang tindi ng pagkakaiba ng dalawang tao mula sa parehong grupo ay walang pinagkaiba halos sa pagkakaiba ng dalawang tao mula sa magkaibang grupo.[188] Hindi magkakaugnay sa isa't-isa ang mga maiitim na tao mula sa Aprika, Australia, at Timog Asya.[182]
Ayon din sa mga pananaliksik sa henetika, pinakamayabong ang henetika ng mga tao mula sa Aprika, na mabilis na kumokonti habang palayo sa naturang kontinente,[189] marahil dahil sa resulta ng pagkonti ng mga populasyon sa mga lugar na pinuntahan nila.[190] Nahaluan ang mga taong lumabas sa kontinente ng mga hene ng ibang mga espesye ng tao, kagaya ng mga Neandertal at Denisovan, bagamat maaari ring nahaluan ang mga tao sa Aprika ng mga ito.[134][191] Ayon din sa mga kamakailang pag-aaral, taglay ng mga tao sa Aprika, lalo na sa Kanlurang Aprika, ang mga hene na wala sa mga taong nasa labas ng kontinente. Pinaniniwalaan na nagmula ito sa isang hindi pa tukoy na laos na espesye ng mga tao sa Aprika na unang humiwalay sa mga Homo sapiens bago pa ang mga Neandertal.[134]
Gonokorista ang mga tao; ibig sabihin, may dalawang kasarian sila.[192] Pinakamatindi ang pagkakaiba ng mga tao base sa kanilang kasarian; bagamat nasa 0.5% lamang na magkaiba ang dalawang tao ng parehong kasarian, aabot nang 2% ang pagkakaiba ng dalawang tao ng magkaibang kasarian.[193] Tipikal na mas mabigat ang mga lalaking tao nang 15% at 15 cm (5.9 in) na mas matangkad kesa sa mga babaeng tao. 40–50% na mas malakas ang itaas na bahagi ng katawan at 20–30% na mas malakas ang mababang bahagi ng mga lalaki kesa mga babae dahil sa dami ng mga hibla ng masel nila.[194] Samantala, karaniwang mas marami ang nakaimbak na taba sa katawan ang mga babae kesa sa mga lalaki, mas makikinis ang balat dahil sa pangangailangan ng bitamina D tuwing nagdadalang-tao at nagpapasuso.[195] Dahil sa pagkakaiba sa kromosoma, may ilang kondisyon na tanging nakakaapekto sa lalaki o sa babae.[196] Mas malalim nang isang oktaba ang boses ng mga lalaki kesa sa mga babae.[197] Mas mahaba ang buhay ng mga babae sa halos lahat ng panig ng mundo.[198] May mga intersex din na tao, na nagtataglay ng parehong panlalaki at pambabaeng ari, ngunit bihira lamang ito.[199]
Remove ads
Sikolohiya
Isa ang utak ng tao sa mga pinakamahahalagang bahagi ng katawan nito. Ito ang pangunahing organo ng gitnang sistemang nerbiyos, at kumokontrol sa periperong sistemang nerbiyos. Bukod sa pagkontrol sa mga "mabababang" gawaing kusang (otomatiko) ginagawa kagaya ng paghinga at pagtunaw ng pagkain, ito rin ang may kontrol sa mga "matataas" na gawain tulad ng pag-iisip, pagdadahilan, at pagbabasal.[200] Ang mga ito ang kumakatawan sa isip, na siyang pinag-aaralan sa larangan ng sikolohiya.
May mga ilang katangian na bagamat hindi partikular na natatangi sa mga tao, ay nagtatangi sa mga tao mula sa ibang mga hayop.[201] Maaaring sila lamang ang mga hayop na kayang magsagawa ng alaalang episodiko at makapag-isip labas sa kasalukuyan (mental time travel).[202] Kahit ikumpara sa ibang mga nakikihalubilong hayop, napakarami ng mga ekspresyon sa mukha na kayang gawin ng mga tao.[203] Sila lamang ang natatanging hayop sa kasalukuyan na kayang umiyak dahil sa emosyon.[204] Isa sila sa mga hayop na kayang makilala ang kanilang sarili sa harap ng salamin.[205] Mas malalaki ang kanilang kortesang prepontal, ang rehiyon ng utak na may kontrol sa kognisyon, kumpara sa ibang mga primado, kaya naman itinuturing sila bilang isa sa, kundi ang pinakamatatalinong hayop.[206][207] Gayunpaman, kasalukuyang pinagdedebatehan kung sila nga lang ba talaga ang mga hayop na pasok sa kahulugan ng teorya ng isip.[208][209]
Tulog at panaginip
Kadalasan, diurnal ang mga tao; ibig sabihin, aktibo sila tuwing araw at natutulog tuwing gabi. Natutulog ang mga batang tao nang siyam hanggang sampung oras, at pito hanggang siyam na oras naman sa mga matatanda. Gayunpaman, hindi ito madalas nasusunod, na nagiging dahilan ng pagkapuyat na nakakaapekto sa katawan tulad ng pagkaantok, pagod, at agresyon.[210]
Nananaginip ang mga tao tuwing natutulog, kung saan nakakaranas sila ng mga imaheng nakikita at mga tunog na naririnig dahil sa pagiging aktibo ng mga pons sa yugtong REM ng pagtulog. Iba-iba ng mga panagbawatp, mula sa ilang segundo lamang hanggang tatlumpung minuto.[211] Nagkakaroon ng tatlo hanggang limang panaginip ang mga tao kada gabi, pinakamarami na ang pito. Bagamat malilimutan agad ang mga panaginip pagkagising, mas mataas ang tiyansang maaalala ito ng indibiduwal kung nagising siya sa kalagitnaan ng yugtong REM (naalimpungatan). Hindi nakokontrol ng mga nananaginip ang kanilang mga panaginip, maliban sa kaso ng mga namamalayang panaginip, kung saan alam ng indibiduwal na nananaginip siya at nakokontrol ang mga pangyayari nito.[212]
Kamalayan at pag-iisip
Sa pinakasimpleng paliwanag, kamalayan ang pagkamulat o kaalaman sa pag-iral ng sarili sa loob at labas.[213] Bagamat sentro sa napakaraming debate at pag-aaral sa pilosopiya at agham, nananatili pa rin itong enigmatiko at hindi lubos na maintindihan.[214] Tanging nagkakasundo lamang ang mga eksperto sa ideya ng kamalayan bilang tunay na umiiral.[215] Tipikal itong hinahanay kasama ng isip bilang bahagi nito o ang mismong esensiya nito. Binigyang kahulugan ito sa kasaysayan bilang isang anyo ng introspeksiyon, pansariling kaisipan, imahinasyon, at pagkukusa.[216] Ngayon, sinasama rin ang karanasan, pakiramdam, at pananaw sa mga ito. Maaari may mga antas ang kamalayan, o di kaya'y ibang anyo nito na nagkakaiba sa isa't isa.[217] Kognisyon naman ang tawag sa pagkalap at pag-unawa sa kaalaman sa pamamagitan ng sentido ng katawan.[218] Ang bawat tao ay may pansariling pananaw sa buhay bunsod ng kani-kanilang magkakaibang karanasan na resulta ng pagproseso ng utak ng tao sa mga impormasyong nagmula sa mga ito.[219]
Motibasyon at damdamin

Hindi pa lubos na naiintindihan ang motibasyon sa mga tao. Ayon sa modelo ng hirarkiya ng pangangailangan, ang pangangailangan ng isang tao ay pakomplikado nang pakomplikado habang natutugunan ang mga pangunahing pangangailangan nito tulad ng pagkain at pamamahay.[220] Ayon sa pilosopiya, motibasyon ang pagpokus o pag-alis sa mga layunin na nangangailangan ng direktang aksyon mula sa indibiduwal. Ilan sa mga salik nito ang insentibo at kagustuhan, gayundin sa pagpilit na magawa ang mga gustong gawin o mangyari.[221]
Mga estadong biolohikal ang mga damdamin na nagmumula sa sistemang nerbiyos dahil sa mga neuropisyolohiyang pagbabago bunsod ng mga iniisip, pakiramdam, ugali, at antas ng pagkasaya o pagkalugmok.[222][223] Madalas silang nauugnay sa sumpong, timpi, pagkatao, katayuan, pagkamalikhain, at motibasyon.[224] Malaki ang gampanin ng damdamin sa ugali ng tao at sa abilidad nitong matuto.[225] Maaaring humantong sa pagtaliwas sa lipunan o krimen ang pagsunod nang lubos sa mga nadadama;[226] ayon sa mga pag-aaral, mas mababa ang katalinuhang pandamdamin (EQ) ng mga kriminal kesa sa normal.[227]
Nagkakaiba ang mga damdamin kung kaaya-aya ba ito, tulad ng ligaya, interes, o pagkakuntento, at kung hindi, tulad ng lungkot, pagkabalisa, galit, at dalamhati.[228] Sentro sa mga debate ang saklaw ng saya, na isang kondisyon kung saan nararanasan ng tao ang mga bagay na positibo para sa kanya,[229] bagamat may mga kamakailang pag-aaral na nagsasabing nakakamit din ito kahit na may mga malulungkot na pangyayari sa buhay kung titingnan ito ng indibiduwal bilang kailangan.[230]
Seksuwalidad at pag-ibig
Sa mga tao, seksuwalidad ang pinagsamang pakiramdam na biolohikal, erotiko, pisikal, emosyonal, panlipunan, at espirituwal. Wala itong tiyak na kahulugan. Sa biolohikal at pisikal na pananaw, tumutukoy ang seksuwalidad sa reproduksiyon ng tao, kabilang na ang siklo ng pagtugon nito. Bukod dito, nakakaapekto at naaapektuhan din ng seksuwalidad ang iba't-ibang aspeto ng buhay tulad ng etika, moralidad, at relihiyon.[231] Libog, kilala rin sa tawag na libido, ang mental na estado sa simula ng pagnanasang seksuwal. Ayon sa mga pag-aaral, mas gustong makipagtalik at magsalsal ng mga lalaking tao kesa sa mga babae.[232]
Walang tiyak na oryentasyong seksuwal ang lahat ng tao,[233] bagamat malaking bahagi ng populasyon nila ay maituturing na heteroseksuwal (nagkakagusto sa kabilang kasarian). Hindi natatangi sa mga tao ang homoseksuwalidad (nagkakagusto sa parehong kasarian) dahil nagaganap din ito sa ibang mga hayop. Gayunpaman, tanging tao at tupa lamang ang nagpapakita ng eksklusibong homoseksuwalidad (nagkakagusto lamang sa parehong kasarian). Suportado ng malaking ebidensiya sa pananaliksik ang biolohikal na dahilan ng oryentasyong seksuwal; ayon sa mga pag-aaral, walang pinagkaiba sa dami ng mga homoseksuwal ang mga lipunang walang problema sa homoseksuwalidad sa mga lipunang may problema rito.[234] Iminumungkahi ng mga pananaliksik sa neurosiyensiya at henetika na biolohikal din ang ugat ng iba pang salik ng seksuwalidad.[235]
Madalas na binibigyan ng kahulugan ang pag-ibig o pagmamahal bilang isang pakiramdam ng matinding atraksyon o emosyonal na kaugnayan. Maaari itong impersonal (pagmamahal sa isang bagay o konsepto) o interpersonal (pagmamahal sa kapwa tao).[236] Naglalabas ng dopamina, noradrenalina, serotonin, at iba pang kemikal na nauugnay sa kasiyahan ang utak kung inlab ang isang tao, na nagreresulta sa kilig, pagbilis ng tibok ng puso, at kawalan ng ganang kumain o matulog.[237]
Remove ads
Kultura
Isa sa mga itinuturong dahilan ng dominasyon ng mga tao sa biospera ay ang natatanging nilang kakayahang intelektuwal.[238] Maliban sa mga kamag-anak nitong hominid na wala na, sila lamang ang mga hayop na kayang magturo ng mga pangkalahatang impormasyon,[239] gumawa at ilarawan ang mga komplikadong konsepto,[240] magsagawa ng pisikang katutubo upang makagawa ng mga kagamitan,[241] o magluto ng pagkain.[242] Mahalaga sa mga lipunan ng tao ang pagpasa ng impormasyon sa pamamagitan ng pagturo at pagtuto.[243] Bukod sa mga ito, natatangi ang mga tao sa kanilang abilidad na makapagsimula ng apoy,[244] pagbigkas ng mga ponema,[245] at matuto sa pamamagitan ng pakikinig.[246]
Wika
Bagamat maraming espesye ang kayang magsagawa ng komunikasyon, natatangi sa mga tao ang wika, na itinuturing bilang isa sa mga pangunahing katangian ng tao.[247] Di tulad ng mga limitadong sistema ng komunikasyon ng ibang mga hayop, malaya ang mga wika ng tao, kung saan maaaring magkaroon ng sandamakmak na kahulugan mula sa limitadong simbolong magagawa.[248] Isa ang mga tao sa apat na espesye ng hayop na tukoy na kayang umalis sa kasalukuyan upang maglarawan ng isang bagay na wala sa paligid ng usapan.[105]
Natatangi ang mga wika sa ibang mga anyo ng komunikasyon dahil ito ay malaya sa modalidad; magreresulta pa rin sa parehong kahulugan mapaanuman ang midyum ng pagsasagawa nito, tulad ng tunog para sa pagsasalita, paningin para sa mga sistema ng pagsulat at wikang nakasenyas, o nararamdaman tulad ng braille.[249] Mahalaga ang mga wika sa mga lipunan ng tao dahil nagbibigay ito ng pagkakakilanlan.[250] Tinatayang nasa anim na libong wika ang kasalukuyang meron sa mundo, kabilang na ang mga wikang nakasenyas, at libo-libong wika na hindi na ginagamit.[251]
Sining
Maraming anyo ang sining ng mga tao, kabilang na ang nakikita, panitikan, at tinatanghal. Kabilang sa mga nakikitang sining ang pagpinta, paglilok, pelikula, fashion design, at arkitektura. Samantala, saklaw ng panitikan ang pagsulat ng sanaysay, tula, at drama. Tinatanghal na sining naman ang mga sining na ginaganapan, tulad ng teatro, musika, at sayaw. Madalas na pinagsasama ng mga tao ang mga ito upang makagawa ng bagong sining, kagaya ng bidyong pangmusika, larong bidyo, paghahain ng pagkain, at medisina.[252] Bukod sa pagbibigay ng libangan at kaalaman, ginagamit rin ang mga sining sa mga kadahilanang pampolitika.[253]
Isa sa mga pangunahing katangian ng mga tao ang sining, at may mga ebidensiyang nakalap na nag-uugnay sa pagkamalikhain at wika.[254] Tinatayang nagsasagawa na ang mga Homo erectus ng sining 300,000 taon bago umusbong ang mga anatomikal na modernong tao, ayon sa mga nakalap na ebidensiya mula sa mga guhit sa mga kabibe sa Java.[255] Samantala, tinatayang ginawa 75,000 taon ang nakalipas ang mga pinakamatatandang ebidensiya ng sining na iniuugnay sa mga Homo sapiens, mga alahas at pagguhit sa mga dingding sa mga kuweba sa Timog Aprika.[256] Maraming mga hinuha ukol sa bakit natutong magsagawa ng mga tao ng sining, mula sa pagtulong sa paglutas ng mga problema, maimpluwensiyahan ang ibang mga tao, kooperasyon at kontribusyon ng bawat kasapi ng grupo, at maging paraan upang makahanap ng pares.[257] Maaaring naging isang kalamangan ang paggamit ng imahinasyon dahil sining gayundin ng lohika sa ebolusyon ng mga sinaunang tao.[254]
Ayon sa kasalukuyang ebidensiya, mas naunang magsagawa ang mga tao ng musika kesa sa mga guhit sa dingding ng kuweba, at isinasagawa ito ng lahat ng mga kultura ng mundo sa kasalukuyan. Maraming dyanra ng musika at etnikong musika ang nabuo sa paglipas ng panahon, kung saan nauugnay ang kakayahang ito ng mga tao sa mga mas komplikadong pag-uugali nila.[258] Nakita sa mga pag-aaral na tumutugon ang utak ng mga tao sa musika sa pamamagitan ng pagsabay sa ritmo at kumpas, kagaya ng paggalaw ng paa kasabay ng musika.[259] Nakikita rin sa lahat ng mga kultura ang sayaw, na maaaring nagmula bilang isang anyo ng komunikasyon ng mga sinaunang tao.[260]

Di tulad ng pagsasalita, hindi natural sa mga tao ang pagbabasa at pagsusulat, at kailangan muna nila itong matutunan bago magamit nang maayos.[261] Gayunpaman, nagsimula pa rin ang panitikan bago pa man umusbong ang mga pinakaunang wika; may mga ebidensiya ng 30,000 taon na mga guhit sa kuweba na nagpapakita ng mga eksena ng isang kuwento.[262] Isa sa mga pinakamatatandang nakasulat na panitikan ang Epiko ni Gilgamesh, na isinulat 4,000 taon ang nakalipas sa Babilonya.[263] Bukod sa pagpasa ng kaalaman, maaaring nagamit ang kathang-isip sa pamamagitan ng mga kuwento bilang anyo ng komunikasyon at paraan upang makakuha rin ng pares.[264] Maaari ring ginamit ang pagkukuwento bilang anyo ng kooperasyon at pagturo ng mga mahahalagang aralin.[262]
Teknolohiya

Ginamit ng mga sinaunang tao ang mga kagamitang yari sa bato simula noong bandang 2.5 milyong taon ang nakaraan.[265] Isa ang abilidad ng mga tao na gumawa at gumamit ng mga kagamitan sa mga itinuturing na pangunahing katangian nila, at isang napakalaking kalamangan sa ebolusyon kumpara sa ibang mga hayop. Nagsimula maging komplikado at sopistikado ang mga kagamitan ng mga tao bandang 1.8 milyong taon ang nakaraan, at pagsapit ng bandang isang milyong taon ang nakaraan, nagawa nilang makontrol ang apoy.[266][267] Nagsimula namang magkahiwalay na naimbento ang gulong at mga sasakyang may gulong sa iba't-ibang panig ng mundo pagsapit ng ikaapat na milenyo BKP.[268] Naging posible dahil sa mga komplikadong kagamitang ito na makapag-ani ng mga pagkain ang mga tao at makapagpaamo ng mga hayop, na kalauna'y naging hudyat ng pagsisimula ng Rebolusyong Neolitiko.[269]
Sa rehiyon ng Tsina unang nagawa ang mga papel, palimbagan, pulbura, aguhon, at iba pa.[270] Dahil sa mga pag-abante ng teknolohiya sa pagluti kaya naging posible ang pagpapanday sa tanso, bronse, bakal, at kalaunan asero, isang mahalagang sangkap sa mga modernong kagamitan tulad ng riles, skyscraper, at iba pa.[271] Isa ito sa mga nagpasimula sa Rebolusyong Industriyal, na nagpabago sa buhay ng mga tao dahil sa pagbilis ng produksiyon dahil sa mga makina.[272] Mabilis na umaabante ang teknolohiya sa modernong panahon,[273] kung saan nagawa sa loob ng ika-20 siglo ang mga imbensiyon ng mga mahahalagang kagamitan tulad ng kompyuter, internet, kuryente, penisilin, semikonduktor, kotse, radyo, telebisyon, at iba pa.[274]
Relihiyon at espirituwalidad

Walang tiyak na kahulugan ang relihiyon;[275] ayon sa isang kahulugan, isa itong sistema ng paniniwala kung saan nakaugnay ang mga paniniwalang supernatural, banal, o sagrado, ritwal, institusyon, gawi, at kaugalian. May mga relihiyon din na may sinusunod na kodigo ng moralidad. Kasalukuyang pinag-aaralan sa agham ang pinagmulan at ebolusyon ng mga pinakaunang relihiyon.[276] Tinatayang umusbong ito noong kalagitnaan ng panahong Paleolitiko ayon sa mga mapagkakatiwalaang ebidensiya.[277] Maaari itong umusbong bilang paraan ng kooperasyon at pagsasama ng mga sinaunang tao.[278]
Iba-iba ang mga anyo ng relihiyon.[275] Maaaring magkaroon ng paniniwala sa kabilang-buhay ang mga relihiyon, ang pinagmulan ng buhay, ang kalikasan ng sansinukob gayundin ang magiging kahihinatnan nito, at mga aral sa moralidad at etika.[279] Malaki rin ang pagkakaiba ng mga relihiyon sa pananaw ukol sa transendensiya at imanensiya, gayundin sa anyo nito tulad ng monismo, deismo, panteismo, at teismo, na nahahati sa dalawa: monoteismo at politeismo.[280]
Bagamat mahirap isukat ang antas ng pagkarelihiyoso,[281] naniniwala ang malaking bahagdan ng populasyon ng mga tao sa isang relihiyon na may magkakaibang antas ng pananalig.[282] Ayon sa mga datos noong 2015, pinakamarami sa kanila ay mga Kristiyano, na sinusundan ng mga Muslim, Hindu, at Budista.[283] Tinatayang nasa 1.2 bilyong katao, na kumakatawan sa halos 16% ng populasyon ng mga tao noong taóng yon, ang walang relihiyon o di naniniwala sa konsepto ng relihiyon.[284]
Agham at pilosopiya
Natatangi sa mga tao ang pagpapasa ng kaalaman mula sa isang henerasyon patungo sa susunod.[285] Unti-unti itong napupunan kalaunan hanggang sa magkaroon ng komprehensibong impormasyon ang mga tao ukol sa isang bagay.[286] Tinatawag na mga siyentipiko ang mga taong nasa larangan ng mga agham. Itinuturing si Aristoteles bilang ang unang siyentipiko, na namuhay sa sinaunang Gresya.[287] Umusad din ang agham sa dinastiyang Han sa Tsina at sa Ginintuang Panahon ng Islam. Ang Rebolusyong Makaagham, na resulta ng Renasimiyento, ang nagpasimula sa modernong agham.[288] Nakodigo sa panahong ito ang pamamaraang makaagham, isang proseso ng obserbasyon at eksperimento na naghihiwalay sa agham mula sa seudosiyensiya.[289] Natatangi din sa mga tao ang matematika, bagamat may mga ilang hayop na nagpapakita ng antas ng kognisyon sa pagbibilang.[290] Mahahati sa tatlong pangunahing sangay ang agham: pormal, nalalapat, at empirikal, na nahahati naman sa likas at panlipunan.[291]
Samantala, pilosopiya ang pag-aaral na isinasagawa ng mga tao upang malaman at maintindihan ang mga pangunahing katotohanan sa mundo.[292] Isa sa mga sentrong katangian ng kasaysayan ng tao ang mga pilosopikal na katanungan ukol sa mga bagay-bagay.[293] Nahahati ito sa apat na pangunahing sangay: metapisika, epistemolohiya, lohika, at aksolohiya, na kinabibilangan ng etika at estetika.[294]
Remove ads
Lipunan
Lipunan ang tawag sa mga organisasyon at institusyon na umusbong mula sa mga interaksyon ng mga tao. Nagkakaiba ang mga anyo nito depende sa lugar at panahon.[295] Nagbabago rin ang laki ng mga grupo ng tao, mula sa mga pamilya hanggang sa mga bansa. Ipinagpapalagay na unang umusbong ang mga lipunang nangangaso at nangangalap.[296]
Kasarian
Tipikal na nagpapakita ang mga tao ng mga pagkakakilanlang seksuwal at gampaning pangkasarian na nagtatangi sa mga katangiang panlalaki at pambabae at naglalatag sa inaasahang ugali ng mga miyembro base sa kanilang biolohikal na kasarian.[297] Pinakakaraniwan sa mga lipunan ang dalawang kasarian, lalaki at babae,[298] bagamat meron ding mga lipunan na may ikatlong kasarian kagaya ng mga bakla sa Pilipinas,[299] at sa iba pang mga bihirang kaso, hanggang lima.[300] Sa ilang mga lipunan, ginagamit ang salitang Ingles na non-binary (lit. na 'wala sa dalawa') o katumbas sa kanilang wika upang tukuyin ang mga pagkakakilanlang hindi ekslusibong lalaki o babae.[301]
Nakaugnay sa mga gampaning pangkasarian ang pagkakaiba sa inaasahang ugali, pananamit, karapatan, tungkulin, pribilehiyo, katayuan, at kapangyarihan, kung saan tipikal na mga lalaking tao ang may mas maraming karapatan at pribilehiyong natatamasa magpahanggang ngayon.[302] Sa wikang Ingles, may dalawang salitang ginagamit bilang katumbas ng kasarian: gender, na tumutukoy sa panlipunang pananaw sa kasarian, at sex, na tumutukoy naman sa biolohikal na kasarian ng tao.[303] Bilang isang panlipunang gawa, nagbabago at nakadepende sa lipunan ang magiging gampanin ng bawat kasarian, at maraming beses na kinukuwestiyon ang mga gampaning ito sa kasaysayan. Gayunpaman, napakakonti ang alam sa ngayon ukol sa mga gampaning pangkasarian sa mga pinakaunang lipunan ng tao, bagamat ipinagpapalagay na pawang pareho lamang ito sa kasalukuyan simula pa noong Paleolitiko, kumpara sa mga kamag-anak ng modernong tao na mga Neandertal, na halos walang pinagkaiba sa pag-uugali ang dalawang kasarian.[304]
Kamag-anakan
Ginugrupo ng lahat ng mga lipunan ng tao ang mga uri ng relasyong panlipunan depende sa kanilang kaugnayan sa magulang, anak, at iba pang mga kadugo, gayundin sa relasyon bunsod ng kasal (manugang). Meron ding ikatlong uri ng relasyon para sa mga ninong at ninang gayundin sa mga ampon (piktibo). Sa pangkalahatan, itinuturing ang mga ito bilang mga kamag-anak, na mahalaga sa mga lipunan dahil ito ang nagdidikta ng katayuan at pagmamana.[305] Lahat ng mga lipunan ay nagbabawal sa insesto sa pagitan ng mga kamag-anak hanggang sa isang partikular na antas; gayunpaman, meron ding mga lipunan na may preperensiya sa pag-aasawa sa isang kamag-anak.[306]
Madalas na nagpapares ang mga tao sa isa't-isa, mula sa monogamya (isang lalaki para sa isang babae), polihinya (isang lalaki para sa maraming babae), poliandriya (isang babae para sa maraming lalaki), at poligamya (maraming lalaki para sa maraming babae).[307] Sa malaking bahagi ng kasaysayan, polihinya ang madalas na anyo ng pares ng mga tao hanggang sa sumapit ang Neolitiko, nang umusbong at unti-unting naging karaniwan ang monogamya bunsod ng pagpalit ng pamumuhay mula nomadiko tungo sa sedentaryo.[308] Ayon sa mga pananaliksik sa henetika, polihinya ang pinakakaraniwang anyo ng pares hanggang sa Pleistoseno.[309]
Etnisidad
Isang panlipunang kategorya ang mga pangkat etniko ng mga tao, na siyang nagbibigay ng pagkakakilanlan sa mga taong may magkakaparehong katangian na nagtatangi sa kanila sa ibang mga grupo ng tao. Kabilang sa mga katangiang ito ang mga tradisyon, ninuno, wika, kasaysayan, lipunan, kultura, bansa, at relihiyon sa isang partikular na lugar.[310] Hiwalay na konsepto ang pangkat etniko sa lahi, na nakabase sa pisikal na katangian, bagamat pareho silang mga panlipunang gawa.[311] Mahirap igrupo ang mga tao base sa etnisidad dahil sa dibersidad na maaaring magkaroon sa mga ito, gayundin sa kawalang katiyakan sa kahulugan ng pangkat etniko mismo.[312] Gayunpaman, nananatili pa rin itong isang makapangyarihang kategorya na nagpausbong sa konsepto ng mga bansa pagsapit ng ika-19 na siglo.[313]
Pamahalaan at politika

Habang lumalaki at kumakapal ang dami ng mga tao sa mga pamayanang nagsasaka, nagiging komplikado ang mga interaksyon ng mga tao sa isa't-isa. Humantong ito kalaunan sa pag-usbong ng pamamahala sa pamayanan at sa pagitan ng mga pamayanan.[314] Nagbabago ang kaugnayan ng mga tao sa politika lalo na kung mas makakalamang sila sa paglipat.[315] Gumagawa ng mga batas at patakaran ang mga pamahalaan para sa mga nasasakupan nito. Maraming anyo ng pamamahala sa kasaysayan, na nakasalalay sa antas ng kanilang kontrol sa mga nasasakupan at sa kapangyarihan.[316] Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 47% ng mga tao ang naninirahan sa demokrasya, 37% sa awtoritarismo, at 17% naman sa magkahalong pamamahala.[317] Marami sa mga bansa sa mundo sa kasalukuyan ang ksapi ng isang alyansa o organisasyon, ang pinakamalaki ay ang Mga Nagkakaisang Bansa na may 193 miyembrong estado.[318]
Kalakalan at ekonomiya
Isa sa mga pangunahing katangian ng mga Homo sapiens ang kalakalan, ang boluntaryong palitan ng yaman sa isa't-isa. Ayon sa mga pananaliksik, nagsasagawa ang mga sinaunang tao ng pangmalayuang kalakalan na nagbigay-daan naman sa palitan ng mga yaman, pagkain, at ideya, na wala sa mga Neandertal.[319] Ipinagpapalagay na nagpapalitan ang mga sinaunang tao ng mga materyales para makagawa ng mga bagay, tulad halimbawa ng obsidiyano.[320] Gayunpaman, ang unang pandaigdigang kalakalan sa mundo ay ang palitan ng mga Romano at Tsino sa Daang Sutla.[321]
Ipinagpapalagay din na pawang mga bigayan ng regalo ang anyo ng ekonomiya ng mga sinaunang tao imbes na palitan.[322] Mga hayop at kabibe ang ilan sa mga pinakaunang anyo ng pera. Kalaunan, iniisyu na ito ng mga pamahalaan sa pamamagitan ng barya, perang papel, at sa modernong panahon, elektronikong pera.[323] Ekonomika ang tawag sa pag-aaral sa interaksyon ng mga tao ukol sa pamamahala sa kakulangan ng yaman.[324] Napakalaki ng agwat ng mga pinakamayayamang tao sa mga pinakamahihirap; katumbas ng kabuuang yaman ng walong pinakamayayamang tao sa kasalukuyan ang kabuuang yaman ng kalahati sa pinakamahihirap na tao sa mundo.[325]
Karahasan
Ang antas ng karahasan ng mga tao ay halos pareho lang sa ibang mga bakulaw, maliban lang sa preperensiya nila sa mga nasa hustong gulang kesa sa mga bata, na mas karaniwan sa ibang mga espesye ng bakulaw.[326] Ayon sa mga pananaliksik, nasa 2% ng mga Homo sapiens ang pinatay sa sinaunang panahon, na tumaas sa 12% noong Gitnang Kapanahunan, at bumaba pagsapit ng modernong panahon pabalik sa 2%.[327] Iba-iba ang antas ng karahasan sa mga lipunan ng tao, kung saan nasa 0.01% ang nagaganap na karahasan sa mga lipunang may mga batas na nagbabawal sa naturang gawain.[328]
Isang napakalaking paksa sa mga debate ang kagustuhan ng mga tao na magsagawa ng maramihang pagpatay kagaya ng mga digmaan. Ayon sa isang teorya, likas sa mga tao ang digmaan na ginagamit bilang pangbawas sa mga kakompetensiya. Ayon naman sa isang teorya, bago lamang umusbong ang digmaan na resulta ng pagpalit ng kondisyong panlipunan. Bagamat hindi pa tunay na napagkakasunduan, kasalukuyang itinuturo ng mga ebidensiya ang digmaan bilang naging karaniwan bandang 10,000 taon ang nakaraan, at sa ibang mga lugar, mas kamakailan pa.[329] Noong ika-20 siglo, naganap ang dalawang pandaigdigang digmaan na kumitil sa buhay ng tinatayang 167 hanggang 188 milyong katao.[330] Bagamat mahirap makakuha ng mga mapagkakatiwalaang impormasyon ukol sa dami ng mga namatay dahil sa mga digmaan bago ang modernong panahon, ipinagpapalagay na kumonti ang mga namatay dahil sa digmaan sa nakalipas na 80 taon kumpara sa nakaraang 600 taon.[331]
Remove ads
Tingnan din
Talababa
Sanggunian
Wikiwand - on
Seamless Wikipedia browsing. On steroids.
Remove ads